'You get in life what you have the courage to ask for.’
-Scarlett’s POV- [2 years after]
“Scarlett, pakiayos naman ng mga items sa kabilang shelf. Thank you!” rinig kong sigaw ni Manager Bella.
“Sure, Ma’am,” sagot ko at saka mabilis na nagtungo sa kabilang shelf para ayusin ‘yong pagkakalagay ng mga items.
Wala kaming klase ngayon kaya naman nakiusap ako kay Manager Bella kung pwede akong pumasok para may extra income ako. Mabuti na lang din at nag-off ‘yong dapat na kasama niya kaya naman mapalad na nakapasok ako ngayon.
Halos dalawang taon na ang nakalilipas simula nang umalis ako sa puder ni auntie. Naging mahirap no’ng una dahil hindi ako sanay na mag-isa na lang talaga. Doble kayod din dahil kailangan mapagsabay ‘yong pag-aaral at pagta-trabaho.
Kaya naman pagkatapos ng klase ko ay diretso sa trabaho kaagad ako. Dalawa rin ang part-time ko ngayon kaya naman halos dalawa hanggang tatlong oras lang ang tulog ko kada araw. Hindi na rin ako nagd-day-off dahil sayang ‘yong araw.
Kaysa magpahinga ay ipagta-trabaho ko na lang para may pandagdag ako sa gastusin ko sa pang-araw-araw. Hindi naman ako sobrang gipit na gipit at nakakapagtabi naman ako. Gusto ko lang sulitin ‘yong lakas ko habang bata pa ako at kaya ko pa.
“Scarlett, mamaya na lang linisin ‘yong nasa top layer, okay? May mga customer pa tayo, baka mapunta sa kinakain nila,” Manager Bella said.
“Yes, Ma’am,” sagot ko saka pinagpatuloy ang pag-aayos. Hindi naman kasi maiiwasan na magulo ‘yong mga items na nakahilera lalo na kapag undecided sa bibilhin ‘yong customer. Natural lang naman sa mga convenient store ang ganitong problema.
Mabuti na lang at hindi ako nag-apply sa malapit na grocery store rito dahil mas mahirap naman ‘don. Sa tuwing mamimili kasi ako ng stock ng pagkain ko ay nakikita ko na ‘yong ibang items ay napupunta sa ibang shelf.
Dati ay hindi ko lang ‘yon pinapansin pero ngayon ay alam ko na ang pakiramdam ng mga nag-aayos ng items. Matapos mag-ayos ay dumiretso na ako sa cashier area kung sakali man na may bumili. Abala naman sa pagi-inventory si Manager Bella dahil katapusan na rin ng buwan.
Nga pala, katapusan na, ibig sabihin ay sweldo day na rin. Sa lahat ng araw ay ito kasi ang pinaka-gusto ko. Ang araw kung kailan makakakuha ng sweldo. ‘Yon nga lang ay pagkakuha ko ng sweldo ay magbabayad din ako ng renta kay Aling Pasing.
Wala naman akong utang sa kanya at lagi naman akong on-time magbayad. Ngayong nagta-trabaho na ako para sa sarili ko ay alam ko na rin ang pakiramdam na mawala ‘yong pera na isang buwan mong pinaghirapan.
Hindi naman gano’n kalakihan ang sweldo ko rito dahil part-time lang naman ako. Kaya naman sapat lang din ‘yong kinikita ko para sa pambayad ng renta, at ‘yong kaunting matitira ay itinatabi ko. Habang ‘yong kinikita ko naman sa isa ko pang trabaho ang panggastos ko sa araw-araw.
Mapalad na lang din ako dahil wala na akong binabayaran sa university. Isa pa, ay nakatanggap ulit ako ng scholarship kaya ‘yong allowance na nakukuha ko ay itinatabi ko rin for my savings.
Ilang oras na lang at matatapos na rin ang shift ko, hindi ako makapaghintay. Ngayong araw kasi ay may bisita akong hinihintay. Sobrang na-miss ko rin sila dahil ilang linggo ko silang hindi nakita.
-----
“Manang!” kaagad na sigaw ko ng makilala ko ang likuran ng babae na nakatayo ngayon sa labas ng pintuan ko.
“Scarlett! Kumusta kang bata ka?” bati naman ni Manang. Mabilis naman akong lumapit sa kanya at binigyan siya ng mahigpit na yakap.
“Aika!” baling ko naman sa nasa likuran ni Manang.
Grabe, sobrang na-miss ko sila. Ilang linggo ko rin silang nakita dahil naging abala ako sa trabaho at sa school. Busy din naman sila kaya itong araw na lang din na ‘to kami nagkita-kita.
“Halika po, pasok kayo,” yaya ko sa kanila at kaagad na binuksan ang pinto.
Apartment kasi itong nalipatan ko kaya naman may sarili akong kwarto, kusina, at banyo. Mabuti na lang din at mura lang ang renta kaya naman nagustuhan ko talaga ‘tong lugar na ‘to no’ng unang lipat ko.
“Maupo po muna kayo, ipaghahanda ko lang kayo ng inumin,” hindi ko na sila hinintay pa na sumagot at dali-dali na aong dumiretso sa kusina para maghanda ng inumin.
Habang nagti-timpla ng juice ay hindi ko maiwasan na mapangiti. Abot tainga tuloy ang ngiti ko habang naghahalo nitong inumin. Ramdam ko ang pagkasabik na makita silang ulit. Kaya naman sobrang excited ako.
“Nangayayat ka, kumakain ka ba sa tamang oras?” rinig kong tanong ni Aika. Makikita lang din kasi ang kusina sa maliit na sala kaya naman paniguradong napansin ni Aika ang katawan ko.
“Oo naman, ganito naman na talaga ang katawan ko dati pa lang. sexy,” pagbibiro ko kaya naman natawa sila.
Matapos maghanda ng inumin ay kaagad ko itong dinala sa kanila. Ngayon ko lang naalala na wala na pala akong stock ng pagkain dahil hindi pa ako nakakapamili kaya naman inumin pa lang ang maia-alok ko sa kanila.
“Kumusta naman ang pag-aaral mo?” panimula ni Manang.
“Ayos naman po, wala namang problema. Naisasabay ko naman po sa pagta-trabaho kaya ayos lang naman.”
“Maayos kung gano’n. Pero ‘wag mong kakalimutan magpahinga dahil ‘yon ang pinaka-importante,” dagdag pa niya.
Hanggang ngayon kasi ay nagta-trabaho pa rin sila kay auntie kaya naman nakakasagap pa rin ako ng balita sa kanila. Minsan naman ay kapag may oras si auntie ay pumupunta siya para maghatid ng grocery. Laking pasasalamat ko na lang talaga na tinutulungan pa rin nila ako kahit na nakabukod na ako.
Ilang oras pa akong nakipag-kwentuhan kanila Manang bago nila napag-pasyahan na umuwi na. Gustuhin ko man na mag-stay pa sila rito ay kailangan na rin nilang umalis. Mahihirapan din kasi silang sumakay kapag inabot pa sila ng sobrang gabi dahil punuan na ang mga jeep.
“Mag-iingat po kayo Manang, Aika,” paalam ko.
“Mag-iingat ka rin na bata ka. ‘Wag mong kalimutan tumawag kung may kailangan ka, ‘wag ka lang mahihiyang magsabi,” bilin pa ni Manang bago tuluyang sumakay.
Gustuhin ko man na sumagot ay hindi na ako nagsalita. Kahit na minsan ay nagigipit ako pilit ko pa rin nire-resolba ng sa sarili ko lang dahil napakalaki na rin ng naitulong sila sa akin. Minsan ay nahihiya na rin akong humingi pa ng pabor.
Matapos silang ihatid sa sakayan ng jeep ay bumalik na kaagad ako pauwi. Anong oras na rin kasi at kailangan ko pang maghanda papasok sa university bukas at sa trabaho.
-----
“Nagpapahinga ka pa ba, Scarlett?”
Kaagad naman akong napatingin kay Karla. Dalawa kasi kami ngayong naka-shift dito sa convenient store. Tapos na naming ayusin ‘yong mga items sa shelves at wala rin naman masyadong customer kaya naghihintay lang kami ngayon.
“Huh? Oo naman, ano ka ba,” natatawang sagot ko sa kanya. sa tuwing nagkakasabay kasi kami sa shift, hindi lilipas ang isang linggo ng hindi niya ako tinatanong ng ganyan. Kaya minsan ay natatawa na lang din ako sa kanya.
“Kaloka ka kasi, girl. Parang hindi ka nagpapahinga. Nag-aaral ka sa umaga, tapos nagta-trabaho ka kapag gabi. Kapag day-off naman nagta-trabaho ka pa rin,” she said.
“Kailangan ko kasing kumite,” ‘yon na lamang ang naisagot ko sa kanya.
Alam naman na niya kasi ang sitwasyon ko kaya hindi ko na rin kailangan mag-kwento. No’ng bago pa lang ako ay naging close kaagad kaming dalawa dahil ang approachable niya. Kaya naman makalipas lang din ang ilang buwan ay hindi na ako nahiyang mag-open-up sa kanya.
Paano ba naman kasi, dati ay halos araw-araw niya akong tinatanong kung nagpapahinga pa raw ba ako at kung anong sikreto ko. Kaya nasanay na rin ako sa kanya.
Bigla naman akong napahilot sa ulo ko dahil kanina ko pa nararamdaman ang pagkahilo. Nakakain naman na ako kanina kaya nawala-wala siya pero paminsan-minsan ay parang sumasakit ang ulo ko at biglang umiikot ang paligid.
Nagpahinga na nga ako kahapon dahil pakiramdam ko ay masama ang pakiramdam ko kahit na wala naman akong lagnat, pero ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang sakit ng ulo. Kailangan ko na atang uminom ng gamot para tuluyang mawala ‘to.
“Ayos ka lang ba, girl?” naga-alalang tanong ni Karla ng mapansin niya ang paghilot ko sa ulo.
“Ayos lang naman ako, bigla lang sumakit ang ulo ko. Mamaya mawawala rin ‘to, kailangan lang iinom ng gamot," sagot ko sa kanya.
Minsan ay OA pa naman mag-react ‘tong si Karla kaya habang maaga pa ay masabihan ko na kaagad siya.
“Okay sige sabi mo ‘yan. Basta ba uminom ka ng gamot pagkauwi mo tapos magpahinga ka, bakla ka. Baka mamaya kung ano na mangyari sayo dahil masyado mong binibinat ang katawan mo,” sermon pa niya.
“Yes, Madam,” pabirong sagot ko sa kanya.
Paano ba naman kasi, kapag nagsimula na siyang mag-sermon ay wala na akong laban sa kanya kaya surrender na kaagad.
“Ano nga palang---“
Tatanungin ko pa lang sana siya kung anong sinasabi niya pero napansin ko na kaagad ang paglabo ng paligid. Nakikita ko ang pagbukas at pagsara ng bibig ni Karla pero hindi ko na maintindihan kung ano ang sinasabi niya. Wala akong marinig.
Hindi ko na alam kung anong nangyayari hanggang sa tuluyan na akong napapikit.