Chapter 34 Gaya nang sinabi ni Calix ay nagpakasal nga kami kinabukasan. Hindi iyon church wedding gaya ng una naming plinano. Isa iyong garden wedding. Nang makita ko ang lugar ay 'ayun na ang mga luha ko na nagpapaunahan pa sa pagtulo, pag-agos sa aking mukha. Hindi ko lubos maisip na nakaya niyang gawin ang lahat ng ito kahit sa sandaling oras at panahon lang. Nakakahangang naitago niya ito sa akin. Ni minsan, hindi sumagi sa isip ko na ito ang pinagkakaabalahan niya. Akala ko'y puro trabaho lang ang inaatupag niya, pero ngayon na nakita ko na ang lahat ng pinagpaguran niya ay walang pasidlan ang aking nararamdamang kasiyahan. Wala na nga yata akong mahihiling pa, parang nasa akin na ang lahat. Mapagmahal na asawa at cute na mga anak. Iginala ko ang paningin sa kabuuan ng lugar.

