KABANATA 10
Humahangos ako nang makarating sa kwarto ng mga anak ko sa itaas ng bahay namin. Napahawak pa ako sa dibdib ko dahil sa tindi ng kabog nito at pagkahapo na rin dahil sa mabilis na pagtakbo ko. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makita kong nasa kama sina Julliane at Let-let. Pareho silang mahimbing na natutulog. Yakap-yakap pa ni Julliane ang laruan niyang rabbit na regalo ko sa kanya noong ika-limang taong kaarawan niya, habang si Let-let naman ay subo-subo ang hinlalaki niya habang tulog at napapalibutan pa siya ng maraming unan. Hinimas ko ang ulo ng mga anak ko at naramdaman kong pinagpapawisan silang pareho kaya kumuha ako ng abaniko para paypayan sila. Wala pa rin kasing kuryente at ang tanging ilaw sa loob ng kwarto ay galing sa mga nakasinding kandila. Mainit sa loob ng kwarto. Gusto ko sanang buksan ang mga bintana, pero naisip ko na baka may pumasok na lamok o iba pang insekto.
Ilang minuto rin siguro ang nakalipas nang pumanhik na rin sa itaas si Lito.
“Tiningnan ko kung ano’ng nangyari sa labas,” sabi niya agad pagpasok ng kwarto.
“Sinong bata ‘yung nabundol?” tanong ko habang nakaupo sa gilid ng kama. Nasa tabi ko si Julliane at tuloy pa rin ako sa pagpaypay para hindi mainitan ang mga anak ko.
“‘Yung apo pala ni Manang Siling ang nabundol. Nakatambay kasi sila sa labas ng tindahan dahil walang kuryente at mainit sa loob ng bahay. Hindi nila napansin nang biglang nagtatakbo ‘yung bata at sakto namang may parating na trycicle. Hindi napansin nung driver dahil madilim kasi walang ilaw ‘yung mga poste, kaya hayun, nabundol ‘yung bata.”
“Kumusta ‘yung lagay?”
“Naisugod na sa ospital.” Umupo si Lito sa tabi ko. “Bakit pala bigla ka na lang kumaripas ng takbo papanhik kanina?”
“Kinabahan kasi ako nang marinig ko ‘yung sigaw kanina na may batang nabundol. Inakala kong si Julliane ‘yon dahil nakabukas ‘yung pinto sa harapan.”
“Ah ‘yon ba? Galing kasi ako sa labas kanina dahil parang may narinig akong mga kaluskos. Kaso wala naman akong nakita, kaya pumasok na uli ako ng bahay. Sakto namang nakita kitang gising na, kaya nawala sa isip kong isarado ‘yung pinto.”
“Gano’n ba? Teka, anong oras na nga pala?” Naalala ko kasi na hindi ko pa nga pala alam ang resulta ng Lotto.
“Alas-diyes na.”
“Tsk, tapos na pala.”
“Ang alin?” kunot noong tanong ni Lito.
“Tumaya kasi ako kanina sa Lotto, nagbabakasakaling manalo. Kaso tapos na pala ‘yung anunsiyo sa TV kaya bukas ko na lang titingnan sa dyaryo.”
Dahan-dahan na akong humiga sa kama, sa tabi ni Julliane. “Mahal… Dito ka pa rin ba sa kwarto ng mga bata matutulog?”
May paglalambing sa boses ni Lito. Ilang buwan na rin kasi akong dito sa kwarto ng mga bata natutulog. Ilan buwan na kaming hindi nagsisiping. Inis kasi ako sa kanya dahil sa araw-araw niyang pag-inom noon. Hindi ko masikmurang palagi na lang may katabing amoy alak at kung minsan ay amoy suka pa. At naiinis din ako sa kanya kapag pinipilit niyang makipagtalik kahit na ayoko dahil nga sa lasing siya.
Alam ko namang asawa ko siya at lalaki siya na may mga pangangailangan, pero wala pa rin talaga akong balak na tumabi muli sa kanya sa pagtulog. Saka na, kapag lubos na ang pagbabago niya.
“Lito, pagod ako.” Wala na siyang isinagot pa at pagkasabi ko noon ay lumabas na rin siya ng kwarto. Unti-unti ko namang ipinikit ang mga mata ko para matulog na dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ang buong katawan ko.
Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakatulog, pero medyo naalimpungatan ako nang maramdaman kong kumikilos si Julliane sa tabi. Siguro ay umiiba lamang siya ng pwesto. Maya-maya ay naramdaman ko uli ang paggalaw ng kama. Unti-unti akong nagmulat ng mga mata at medyo nasilaw pa ako dahil bukas na ang ilaw sa loob ng kwarto. May kuryente na pala.
Tumingin ako sa kanan ko at nakita kong wala si Julliane sa tabi ko. Napatingin ako sa paanan ko at nakita ko siyang naglalakad palabas ng kwarto.
“Julliane, anak, saan ka pupunta? Magbabanyo ka ba?” tanong ko habang bumabangon mula sa pagkakahiga ko sa kama. Tuloy lamang sa paglakad si Julliane at hindi man lang sinagot ang mga tanong ko. Tatayo na sana ako para sundan siya pero bigla na lang umiyak si Let- let. Nagising siguro dahil sa pag-uga ng kama dahil sa pagbangon namin ng ate niya.
Tiningnan ko muna si Let-let at marahan kong tinapik sa hita niya para makatulog siyang muli.
“Julliane, huwag ka na munang bumaba. Hintayin mo si Mama, sasamahan kita,” sabi ko nang hindi nakatingin sa kanya. Hindi pa rin siya sumasagot kaya nilingon ko na siya habang tuloy pa rin ang marahan na pagtapik ko kay Let-let.
Ganon na lang ang kilabot ko nang makitang nakalabas na ng kwarto si Julliane at may matandang babaeng nasa likuran niya habang nakahawak ang kaliwang kamay nito sa kaliwang balikat ng anak ko. Nakasuot ng mahabang bestidang itim na sayad hanggang sa sahig ang matandang babae at may belong itim rin ito sa ulo. Hindi ko kita ang mukha nito pero alam kong matanda na ito dahil sa kulubot na balat nito at nangangapal na matigas at mahabang mga kuko.
“Julliane!” sigaw ko at dali-dali akong bumaba ng kama.
Palabas na ako ng kwarto nang marinig ko ang malakas na kalabog sa hagdanan at nanlumo na lang ako nang makitang nakahandusay sa ibaba ng hagdan ang anak ko. Duguan ang kanyang ulo at hindi ko maipaliwanag ang ayos ng kanyang mga binti at braso.