KABANATA 11
Nagmamadali akong bumaba ng hagdan at nilapitan ang anak ko. Iniangat ko ang kanyang ulo at inihiga sa ibabaw ng hita ko. “Julliane! Anak! Gising! Huwag mong iwan si Mama! Gising na Julliane!” sigaw ko kasabay ng pag-iyak. Nabahiran na ng dugo ang mga kamay at damit ko. Napakarami nang dugo ang nawala sa anak ko.
“Ano’ng nangyari?!” Humahangos na bumaba si Lito palapit sa ’min. “Julliane!”
“Lito, ang anak natin! May tumulak sa kanya. Sigurado ako may tumulak sa kanya,” iyak ko. Nasa isipan ko pa rin ang matandang babaeng nakita ko kanina. Bagong gising ako pero sigurado ako sa nakita ko at hindi ‘yon guni-guni lang.
“Dalhin na natin siya sa ospital!” Binuhat agad ni Lito si Julliane. “Si Let-let?” tanong niya. Puno ng pag-aalala at kaba ang mga mata niya dahil mula sa ibaba ng hagdan, dinig na dinig ang iyak ng bunso namin.
“Nasa kwarto, maayos siya. Huwag ka mag-alala. Pero si Julliane, Lito! Si Julliane!”
“Kunin mo si Let-let at sumunod kayo agad sa ’kin! Huwag na tayong mag-aksaya ng oras!” Pinuntahan ko agad si Let-let sa kwarto. Kinuha ko rin ang bag ko at tumakbo pababa ng hagdan at sumunod kay Lito.
“Tulong! Tulungan n’yo kami!” sigaw ni Lito habang palabas ng bahay. “Tulong!!” sigaw naming mag-asawa habang nasa tabing kalsada. Nakita kong lumabas ng bahay ang mag-inang Rodrigo at Aleng Puring.
“Pare anong nangyari?!” tanong ni Rodrigo.
“Nahulog sa hagdan ang anak ko,” sagot ni Lito. “Kailangang madala na agad sa ospital ang anak ko!”
Iyak ako nang iyak na sinasabayan pa ng bunso ko. Pati siya ay nabahiran na ng dugo mula sa mga kamay ko. Walang dumadaang tricycle kaya hindi namin malaman ni Lito kung paano kami pupunta sa ospital.
Ilang sandali pa, isa-isa na ring naglabasan ng bahay ang mga kapitbahay namin. Marahil ay narinig nila ang iyak at paghingi namin ng tulong. Mabuti na lang at nagmagandang loob ang kapitbahay naming si Kuya Rogelio. May pampasaherong jeep siya kaya inialok niya ‘yon sa ’min at nagprisinta pa na siya ang magmamaneho. Sumakay agad ng jeep si Lito. Sasakay na sana ako nang sabihin ni Aleng Puring na siya na raw muna ang mag-aalaga kay Let-let. Wala pa rin kasing tigil sa pag-iyak ang anak ko at natuyo na rin ang bahid ng dugo sa kanyang damit at balat. “Ako nang bahala sa kanya Magda, asikasuhin n’yo na lang mag-asawa si Julliane.” Kinuha ni Aleng Puring si Let-let mula sa pagkakabuhat ko at tumahan naman agad ang bunso ko.
“Salamat Aleng Puring, kayo na po munang bahala sa bunso ko,” sabi ko habang umiiyak pa rin. Pagkasakay ko, pinaandar na agad ni Kuya Rogelio ang jeep.
Nasa kandungan ni Lito si Julliane habang hawak ko naman ang kamay ng anak ko. “Julliane, huwag mong iiwan si Mama at Papa ha?” Wala pa rin siyang malay at namumutla na siya pero ramdam ko pa rin ang mahinang pintig ng pulso niya. Ang bimpong inilagay ni Lito sa ulo niya ay puno na ng dugo. Nanginginig na ang mga kamay ko sa takot na mawala sa ’min ang anak ko.
Pagdating namin sa ospital, dineretso sa emergency room si Julliane. Inasikaso agad siya ng isa sa mga doktor at nurse. Itinanong sa ’min ng doktor kung ano’ng nangyari na sinagot ko naman agad. “Dok, iligtas n’yo po ang anak namin. Parang-awa n’yo na po.”
“Gagawin po namin lahat ng makakaya namin misis,” sagot nito sa ’kin.
Nilapitan kami ng isa sa mga nurse. “Sir, Ma’am, doon na po muna kayo. Si Dr. Sevilla na po ang bahala sa anak n’yo. Paki-fill-up na rin po ito.” May inabot siyang folder na may papel sa ibabaw at isang ballpen. Habang sinasagutan ko ‘yon, nanginginig pa rin ang kamay ko at halos hindi na ako makapagsulat kaya kinuha na ‘yon ni Lito mula sa ’kin at siya na ang nagsagot.
“Lito...” Iyak pa rin ako nang iyak habang yakap naman ako ni Lito. Hindi pa masyadong nagtatagal mula nang iwan namin si Julliane sa kamay ng doktor nang mapansin ko ang kaguluhan sa lugar kung saan naroon ang anak ko. “Lito ano’ng nangyayari?!” Napatayo agad ako at napatakbo palapit sa pinangyayarihan ng kaguluhan. “Ano pong nangyayari? Ano’ng nangyayari sa anak ko?!”
“Misis, bawal po kayo rito, doon na po muna kayo,” pigil ng isa sa mga nurse.
“Hindi! Sabihin n’yo sa ’kin kung anong nangyayari!” sigaw ko. Nakahawak si Lito sa magkabila kong braso habang nasa likuran ko siya. Pilit akong lumapit sa kinalalagyan ng anak ko. Nakita kong nakalapat sa ibabaw ng dibdib ng anak ko ang magkapatong na palad ng doktor. Alam ko ang mga gano’ng eksena. Ilang beses ko nang napanuod ‘yon sa mga pelikula at drama. Napako na ako sa aking kinatatayuan at hindi na makagalaw nang huminto ang doktor sa ginagawa niya at narinig ko ang nakakabinging tunog ng aparatong nagpapahiwatig na tumigil na talaga ang pagtibok ng puso ng anak ko.
“Time of death 11:53 P.M.”
“Hindi! Hindi pa patay ang anak ko!” Tumakbo ako palapit sa kamang kinahihigaan ni Julliane. “Lito si Julliane! Lito ang anak natin, hindi pa siya patay ‘di ba?! Hindi pa siya patay!” Humagulgol na ako sa pag-iyak habang nasa bisig ko ang wala nang buhay na katawan ng anak ko.
Iyak ako nang iyak habang naalala ko ang mga masasayang araw na kasama ko si Julliane. Nanghihinayang ako dahil hindi ko pa naibibigay sa kanya ang isang marangyang buhay, pero kinuha na siya agad sa ‘min. Napakabait ng anak ko para bawian agad ng buhay. Napakarami pa naman niyang pangarap. Naalala ko pa, kapag tinatanong ko siya kung anong gusto niyang maging paglaki niya at ang lagi niyang isinasagot sa ‘kin ay gusto raw niyang maging doktor.
“Magda…” Umiiyak na rin si Lito. “Hindi pa siya patay ‘di ba Lito?!”
“Magda, tama na. Baka may dahilan ang Diyos kaya nangyari ‘to.” “Diyos?! Walang Diyos Lito! Kung may Diyos, hindi ‘to mangyayari sa ’tin! Hindi ‘to mangyayari sa anak ko! Ano bang naibigay ng Diyos sa atin? Wala!” sigaw ko dahilan para pagtinginan ako ng mga taong nasa emergency room. “Mabuti pa ‘yung diary, may nagawa para sa ’tin!”
“Ano bang sinasabi mo Magda?” naguguluhang tanong ni Lito. Nagkataon naman na napatingin ako sa nakabukas na TV ng ospital. May makikita sa screen nito pero walang volume. Pang-gabing balita ang palabas at ipanapakita ang mga numerong tumama sa Lotto.
Grand 6/55 Lotto Result: 6 – 51 – 33 – 42 – 15 – 24
Iyon ang mga numerong itinaya ko. Tumama ako sa Lotto! Natupad ang hiling ko. Pangalawang hiling ko pa lang ‘yon at mayroon pa akong pangatlo.
“Lito, anong oras na?!”
“Bakit?”
“Basta! Anong oras na?!”
Tumingin siya sa relo niya saka sumagot “11:58.”
May dalawang minuto pa ako. Dahan-dahan kong inihiga muli sa kama si Julliane at kinuha ko ang diary sa bag ko.Hindi na ako nag-isip at isinulat ko kaagad sa diary ang huling kahilingan ko.
Diary,
Buhayin mo ang anak ko.
Magda
“Ano ‘yan Magda? Ano ‘yang sinusulat mo? Hindi ito oras para d’yan. Ano ba ‘yang ginagawa mo?”
“Huwag kang magulo Lito! Hayaan mo ako sa ginagawa ko!” Isinilid ko muli sa bag ko ang diary. Kinuha ko ang braso ni Lito kung saan nakasuot ang kanyang relo. Saktong pagpatak ng alas-dose ng madaling araw, namatay ang ilaw sa buong ospital at sa muling pagbubukas nito, narinig namin ang tunog ng aparatong nagsasabing buhay na muli ang anak ko.