KABANATA 12

1539 Words
KABANATA 12 “Buhay ang anak ko! Buhay ang anak ko!” sigaw ko kaya agad namang lumapit sa ’min si Dr. Sevilla, ang doktor na tumingin kay Julliane kanina. “Dok, pangalawang buhay na po ito ng anak ko, huwag n’yo akong biguin,” pagmamaka-awa ko sa kanya. Ipinasok sa Operating Room si Julliane. Habang inooperahan siya, hindi kami mapakali ni Lito. Panay ang lakad niya sa harapan ko. “Magda, sana makaligtas ang anak natin.” Ilang sandali pa’y naupo na siya sa tabi ko at hinawakan ang kanang kamay ko. “Makakaligtas siya, sigurado ako, makakaligtas siya.” “Naisip ko lang Magda, magkano kaya ang babayaran natin dito sa ospital? Saan tayo kukuha ng pera?” “Iyan na ang pinakahuli nating dapat problemahin. Hindi natin proproblemahin ang pera Lito.” “Anong ibig mong sabihin?” Halata sa mukha niya ang malaking tanong kung bakit ganun na lamang ang isinagot ko sa kanya. “Kahit kailan, hindi na natin poproblemahin ang pera. Nanalo ako sa Lotto.” Nanlaki ang mga mata ni Lito at napahigpit ang hawak sa kamay ko. ”Kaya ngayon, si Julliane na lang ang isipin mo. Ang ibabayad natin dito sa ospital, balewala na ‘yon.” Mangiyak-ngiyak si Lito dahil sa sinabi ko. “Napakabait talaga ng Diyos sa atin.” “Hindi galing sa Diyos ang biyayang ito Lito. Ang Diyos ay walang naitulong sa ’tin.” “Magda! Ano ba ‘yang sinasabi mo?! Kilabutan ka nga sa mga binibitawan mong salita. Alam kong masakit sa kalooban ang mga nangyayari sa atin ngayon at wala pang kasiguraduhan ang kahihinatnan ng operasyon ni Julliane, pero huwag na huwag kang magsasalita ng ganyan sa Diyos,” mahinahon pero may diing sabi ni Lito. “Wala kang alam Lito, wala kang alam,” ‘yon na lang ang isinagot ko sa kanya. “Anong hindi ko alam?” “Basta, hindi mo na dapat malaman.” “Magda, ano bang nangyayari sa ’yo? May mga itinatago ka ba sa akin? Paliwanagan mo ako para maintindihan ko. Mag-asawa tayo kaya kung anuman ang pinagdaraanan mo, pwede mo naman akong kausapin.” “Hindi mo na kailangang malaman Lito. Basta, lahat ng ginagawa ko ay para sa pamilyang ‘to.” “Pero Magda--” “Utang na loob Lito, huwag na tayong magtalo. Hindi ‘to oras para sa mga ganitong bagay!” Medyo napataas na ang boses ko. Sasagot pa sana si Lito nang biglang lumabas si Dr. Sevilla kasama ang ibang doktor na katulong sa operasyon ni Julliane. “Dok, kamusta po ang anak namin?” Sabay kaming tumayo at nagtanong ni Lito. “Successful ang operation, pero nasa kritikal stage pa rin ang anak n’yo dahil sa naging pamamaga sa kanyang ulo. Napakaraming dugo rin ang nawala sa kanya at mga nabaling buto. Malaki rin ang chance na magkaroon ng impeksyon at ‘yon ang iiwasan nating mangyari. Kaya ilalagay namin siya sa ICU upang maobserbahang mabuti ang kalagayan niya. Huwag po kayong mag-alala, ginagawa naman namin ang lahat,” sabi ni Dr. Sevilla. Mangiyak-ngiyak naman kaming nagpasalamat ni Lito sa mga doktor. *** Isang linggo na rin sa ospital si Julliane pero hindi pa rin siya nagkakaroon ng malay. Paubos na rin ang perang hawak ko kaya napagpasyahan ko nang kunin ang premyong napanalunan ko sa Lotto. “Lito, uuwi muna ako. May mga kukunin lang ako sa bahay at titingnan ko na rin si Let-let.” Mula kasi nang ma-ospital si Julliane, sa bahay na namin tumuloy si Tiya Susan para may tumingin sa bunso ko. Hindi naman kasi pwede na palagi namin siyang iiwan kay Aleng Puring dahil may pwesto ito sa palengke na kailangan din niyang asikasuhin. “Magda, may gamot na naman na kailangang bilhin at paubos na ‘yung perang ibinigay mo sa akin.” “Isa na rin ‘yon sa aasikasuhin ko,” matamlay kong sagot. Pagod kasi ako at wala pang tulog dahil sa pagbabantay kay Julliane. Natulog ako ng ala-una ng madaling araw at pagpatak ng ala-singko ay gumising na agad ako kaya naman ilang oras lang ang naitulog ko. “Pasensya ka na ha? Pagbabantay lang sa anak natin ang nagagawa ko,” nahihiyang sabi ni Lito. “Huwag mo nang isipin ‘yan. At least, nandito ka at nasa tabi ng anak mo at wala sa bisyo,” sagot ko naman sa kanya. Pag-uwi ko sa bahay, nadatnan ko si Tiya Susan na bitbit si Let-let sa may bakuran namin. Masaya ang salubong sa akin ng bunso ko at naka-angat agad ang magkabila niyang braso, tanda na gusto niyang magpabuhat sa ‘kin. “Kamusta ang bunso ko?” nakangiti kong sabi. Parang biglang nawala ang pagod ko nang makita ko si Let-let. Kinuha ko siya mula sa pagkakabuhat ni Tiya Susan at nagulat ako nang magsalita siya ng ‘Mama’. Iyon ang unang salitang narinig ko mula sa kanya. “Tiya Susan, narinig n’yo po ‘yon? Nagsasalita na si Let-let!” tuwang-tuwa kong sabi. Akala ko kasi may problema sa kanya dahil mahigit isang taon na siya pero hindi pa rin siya nagsasalita. Si Julliane kasi noon, wala pang isang taon ay nakapagsalita na ng Mama at Papa. “Isa pa nga Let-let. Sabihin mo, Mama!” “Mama,” sabi niya sabay hagikgik. Kitang-kita ko ang maliliit niyang ngipin sa harapan. Naalala ko tuloy ang ate niya. Sana magising na siya. Sana makita ko siyang tumawa uli nang tulad nito. “Tiya, kamusta naman kayo rito?” “Ayos naman, ‘tsaka mabait naman ‘tong anak mo, hindi mahirap alagaan.” “Eh dito sa bahay Tiya, ayos lang ba kayo? Wala naman ba kayong nararamdamang kakaiba?” “Wala naman. Palagi ngang mahimbing ang tulog ko. Bakit mo naman naitanong?” “Wala lang po. Sinisigurado ko lang na maayos kayo ni Let-let dito.” Sandali lang ako sa bahay at umalis din ako agad. Kinuha ko lang iyong ticket ng Lotto na inilagay ko sa maliit na kahon na lagayan ko ng alahas na siyang nasa loob ng cabinet sa kwarto ng mga anak ko. Ngayon ay wala na iyong lamang alahas dahil naisangla ko na lahat at naremata na rin dahil hindi ko naman nahuhulugan ‘yung tubo. Pinirmahan ko ang likod ng ticket at saka ko inilagay sa isang sobre kasama ng dalawang I.D. ko na kailangan sa pag-claim ng premyo. Dahil jackpot prize ang ike-claim ko, kinailangan ko pang lumuwas ng Maynila. Tatlong oras din ang itinagal ng byahe at buti na lang at medyo kabisado ko ang Maynila dahil sa Maynila ako nagtrabaho noong dalaga pa ako. Buti na lang nakarating na agad ako sa building bago pa mananghalian ang mga empleyado. Nagtanong ako sa gwardiya kung saan ko kailangang pumunta para sa pagke-claim ng prize ko. Mabait naman iyong gwardiya at itinuro iyon sa ‘kin. Bitbit ko na ang cheke ko nang lumabas ako ng building kaya naman hindi maalis ang ngiti sa mukha ko. Dumiretso agad ako sa bangko para mai-deposit ang cheke sa account ko. Mabuti na ‘yung maging maingat. At bago ako umuwi, naisip ko munang kumain dahil matagal-tagal din ang magiging byahe ko pauwi. Habang kumakain ako mag-isa, narinig ko ang usapan ng dalawang babae na nasa may gilid ko. “Uy, alam mo ba?” “Hindi ko pa alam.” “Tsk! Ang pilosopo naman nito eh, seryoso ‘tong sasabihin ko sa ’yo.” “Ok, ano ba ‘yon?” “’Di ba napalanunan na ‘yung jackpot prize sa Lotto?” “Oh, ano naman ngayon? Eh hindi naman ako tumataya sa Lotto.” “Pwede ba makinig ka muna sa ’kin?” “Okay, okay...” “’Yung isang roommate ko kasi, mahilig sa mga kung ano-anong kababalaghan at lahat ng mga bagay binibigyan niya ng meaning.” “O, tapos?” “Alam mo ba kung ano’ng mga numero ‘yung tumama sa Lotto?” “Hindi, ano ba?” “Six, fifty one, thirty three, forty two, fifteen, twenty four.” Dahil sa narinig ko ay napatingin ako sa pwesto nila. Iyon ang mga numerong itinaya ko at tumama. Isinulat pa ata nung babae sa tissue ‘yung mga numerong binanggit niya. “Anong meron?” “Wala ka bang napansin sa mga numbers na ‘yan?” Inilapit pa niya sa kausap ‘yung tissue. “Wala, sirit na. Ano bang meron?” “Puro number six.” “Ha?” Halatang nagtaka siya sa sinabi ng kausap. “Ano ‘yung unang number?” “Six! Obvious.” “Five plus one?” “Six.” “Three plus three?” “Six.” “Subukan mo pang i-add lahat ng natirang numbers. Four plus two, one plus five at two plus four, kapag-in-add mo, lahat number six.” “So?” “’Di ba ang number na 666 ay number ng—“ Tumayo agad ako sa aking kinauupuan at hindi ko na tinapos pang pakinggan ang pinag-uusapan nila. Puro kalokohan! Pati mga numero sa Lotto, binibigyang kahulugan!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD