KABANATA 13
Makalipas ng tatlong araw, naging pera na ang cheke ko. Sa isang iglap, naging ganap na milyonarya na agad ako.
Lumipas pa ang mga araw, mga linggo, at apat na buwan na mula nang mapulot ko ang diary. Lahat ng wala ang pamilya ko noon, ngayon ay mayroon na at nabili ko na. Malaking bahay, sariling sasakyan, malaking lupain at sariling negosyo. Sino’ng mag-aakala na dati akong mahirap? Sino’ng mag-iisip na dati ay libot ang aming utang?
Lahat na talaga ng gusto ko, nakuha ko na, maliban lang sa isa. Hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin ang panganay kong si Julliane. Hanggang ngayon, nakaratay pa rin siya sa ospital at walang malay. Sabi nila, aparato na lang ang bumubuhay sa kanya. Hindi ako naniniwala. Alam ko, ramdam ko, buhay pa ang anak ko at handa akong maghintay ng ilang buwan o kahit ilang taon pa, hanggang sa magising siya. Ngayon pang may pera na kami, saka ko pa ba siya isusuko?
“Magda, alam mo ba kung ano ‘yung yutanesya (euthanasia)?” tanong sa ’kin ni Tiya Susan. Nasa loob kami ng kwarto ni Julliane dito sa ospital. Buti na lang at sa pribadong ospital namin nadala si Julliane noong gabi ng aksidente. Kung sa pang-publiko kasi, malamang wala siyang sariling kwarto at kung hindi man, malamang ay nasa ward kami kasama ng iba pang pasyente.
“Bakit mo natanong Tiya? Saan mo narinig ‘yan?” medyo iritableng tanong ko. Kung kailan nasa harapan ko ang anak ko, saka pa ako makakarinig ng tungkol sa mga bagay na malapit sa kamatayan, sino’ng hindi maiinis?
“Narinig ko lang na pinag-uusapan nila kanina sa nurse station sa labas. Ang sabi nila, iyan daw kaso ni Julliane, dapat ginagamitan na ng yutanesya. Eh ano ba ‘yon? Gamot ba ‘yon?”
Dahil sa sinabi ni Tiya, naibagsak ko nang pahampas sa lamesa ‘yung kutsilyong hawak ko. Kasalukuyan kasi akong nagbabalat ng hilaw na mangga habang nagkukwento siya. Dahil sa ginawa ko, napaigtad sa kinauupuan niya si Tiya Susan. “Magda, magdahan-dahan ka naman. Nagulat naman ako sa iyo,” sabi ni Tiya habang nakahawak sa dibdib niya.
Huminga muna ako nang malalim bago nagsalita “Pasensya na Tiya. Aalis muna po ako at magpapahangin sa labas,” paalam ko sa kanya pero ang totoo, iba talaga ang pakay ko.
Mabilis akong naglakad papunta sa nurse station. Nakayukom ang mga kamay ko. Galit ako. Galit na galit. Nadatnan ko pang nagkukwentuhan ang mga nurse na nandoon at nang makita nila ako ay bigla na lamang silang natahimik.
“O, bakit kayo tumigil?” mahina pero matigas na sabi ko. Magkasalubong ang mga kilay ko at matalim ang tingin ko sa kanila. “Anak ko pa rin ba ang pinag-uusapan n’yo?” Walang imik ang tatlong babaeng nurse na nasa harapan ko. Ang ilang tao na malapit sa ‘min, napatingin rin. “Pera ng mga pasyente ang ibinabayad sa inyo rito, tapos chismisan lang ang inaatupag n’yo? ‘Tsaka mga nurse kayo ‘di ba? Parte ba ng pinag-aralan n’yo at ng trabaho n’yo ang magbigay ng opinyon kung dapat na bang kitlan ng buhay ang mga pasyente n’yo rito?” Napayuko silang tatlo sa mga sinabi ko at sabay-sabay na humingi ng paumanhin sa ’kin. “Sa susunod na pag-usapan n’yo uli ang anak ko, makakarating sa direktor ng ospital na ‘to ang mga ginagawa n’yo.” Hindi ko na sila hinintay na makapagsalita pang muli at tinalikuran ko na sila. Kahit humingi na sila ng paumanhin sa ‘kin, galit pa rin ako sa ginawa nila. Wala ni isa sa kanila ang may karapatan na pagsalitaan ng ganoon ang anak ko. Buhay pa ang anak ko, pero gusto na nilang patayin.
Naglakad ako pero hindi pabalik sa kwarto ni Julliane. Naglakad ako papunta sa maliit na parke sa labas ng ospital kung saan may mauupan. Naupo ako sa isang bakanteng upuan. Gawa sa kahoy at bakal ang upuan at medyo mahaba rin ito. Sa tingin ko kasya ang tatlong tao rito.
Alas-tres na ng hapon pero hindi mainit dahil makulimlim. Medyo madilim ang langit at mukhang nagbabadya pang umulan.
Tahimik lang akong nakaupo, nakayuko at panay ang hinga nang malalim habang nakayukom ang aking mga kamay na nakapatong sa magkabila kong hita. Napansin kong nanginginig ako dahil sa nangyaring pagkumpronta ko sa mga nurse kanina.
Ilang sandali rin akong gano’n nang may lumapit sa aking pulubi. Hindi ko na siya kailangan pang tingnan dahil kahit mga paa at binti lang niya ang nakikita ko, alam ko na isa siyang pulubi. Walang sapin ang kanyang mga paa at ang laylayan ng suot niyang maduming puting palda ay sira-sira na. Madumi rin ang binti at mga paa niya at parang may sugat pa ang balat niya na tila dahil sa pagkasunog. Hindi ko alam kung paano siya nakapunta sa bahaging ito ng ospital nang hindi nakikita ng mga guwardiya. Sa ayos pa naman niya, imposibleng hindi siya mapansin ninuman.
“Pasensya na pero wala akong maibibigay sa ’yo,” sabi ko habang nakayuko pa rin.
Hindi siya umalis sa pagkakatayo sa harapan ko. Nanatili siya sa pwesto niya, tahimik na nakatayo at hindi gumagalaw. Kita ko pa rin ang maduming mga paa niya. Hindi ko alam kung ano’ng gusto niya o kailangan niya, kung pera ba o pagkain. Pero gustuhin ko mang bigyan siya, wala naman akong maibibigay dahil parehong wala ako noon. Wala akong dalang pagkain at wala rin naman akong dalang pera dahil iniwan ko sa kwarto ni Julliane ang bag ko kung saan naroon ang wallet ko.
“Pasensya ka na talaga, wala talaga akong maibibigay sa ’yo. Pero kung ok lang sa ’yong maghintay, kukuha ako ng pag--“ Natigilan ako sa pagsasalita dahil pag-angat ko ng mukha ko para tingnan ang pulubi, laking gulat ko nang bigla na lang itong naglaho.
Napakurap ako ng ilang beses at napaisip kung paano nangyari ‘yon. Sa isang kisapmata lang, nawala na iyong babaeng nasa harapan ko. Hinanap ko siya sa paligid pero wala akong nakita. Ang tanging nakita ko lang ay mga batang naglalaro at ‘yung dalagang naka-wheelchair na ipinapasyal ng binatang kasama niya. Imposible namang makalayo siya agad mula sa kinauupuan ko.
Napailing na lang ako. Tulad lang siguro ito ng mga nangyari noon. Marahil ay namamalikmata lang ako. Hindi totoo. Dala lang siguro ng masyadong pag-iisip ko.
Sumandal ako sa upuan at ipinikit ang aking mga mata. Ilang segundo pa lang ‘yon nang may bumulong na boses babae sa may kaliwang tenga ko at ang sabi… Nandito na sila, unti-unti papalapit.
Napadilat agad ako at naalis ang pagkakasandal sa upuan nang dahil doon. Humarap ako sa kaliwa ko, pero wala akong nakitang tao sa tabi ko.
Bigla namang bumagsak ang malalaking patak ng ulan kaya dali-dali na akong tumakbo papasok ng ospital nang may malaking palaisipan sa isip ko kung ano ang narinig ko. Dala rin kaya ng labis na pag-iisip ‘yon?
Nandito na sila, unti-unti papalapit.
Tila narinig ko uli sa isip ko iyong narinig ko kanina. Sino’ng nandito na? Sino’ng papalapit?