KABANATA 14

1125 Words
KABANATA 14 Pagpasok ko sa loob ng ospital, napansin ko na parang madilim. Patay ang mga ilaw maliban sa isang aandap-andap na bumbilya sa may nurse station. Nandoon pa rin ang tatlong babaeng nurse na kinumpronta ko kanina. Tuloy lang sila sa kanilang ginagawa na para bang hindi nila alintana ang dilim sa loob ng ospital. Katiting na liwanag lamang kasi ang nagsisilbing ilaw mula sa labas na tumatagos sa salaming bintana. Pasado alas-tres pa lang ng hapon pero madilim na dahil sa hindi magandang panahon. Patuloy ang pagbuhos ng ulan at parang mas lumakas pa ito kaysa kanina. Gumuguhit ang kidlat sa kalangitan kasabay ng isang nakabibinging kulog. Lumapit ako sa nurse station. “Miss, bakit walang ilaw?” tanong ko sa matangkad ngunit payat na nurse, pero hindi niya ako pinansin. “Miss, hindi ba ‘to delikado para sa mga pasyenteng may nakakabit na aparato? May generator ba kayo para doon?!” Nilakasan ko na ang boses ko. Iniangat niya ang ulo niya para tingnan ako. “Huwag po kayong mag-alala. May dahilan ang lahat ng ito,” ‘yon ang isinagot niya sa ’kin at hindi ko naintindihan kung ano’ng ibig niyang sabihin. “Miss, may generator ba o wala?! Oo o hindi lang ang kailangan kong sagot!” Naiinis na ‘ko. Mukhang mag-iinit na naman ang ulo ko sa kanila. Kaligtasan ng anak ko ang pinag-uusapan dito. “Hiniling mo ‘to,” Isang ‘di maintindihan na sagot na naman ang ibinigay niya sa ‘kin. Isang nakakalokong ngiti rin ang nakaguhit sa kanyang mukha. “Ginagago mo ba ‘ko? Akala ko nagkaintindihan na tayo kanina? Gusto n’yo ba talagang makarating ‘to sa direktor n’yo?” pagbabanta ko sa kanya. “Alam niya ang lahat. Ikaw ba, alam mo na?” Humilig pa ang ulo niya pakanan. Ang mukha niya’y tila nangungutya pa. “Ano?!” Wala pa rin akong nakuhang matinong sagot mula sa kanya pero tinalikuran na niya ‘ko. “Miss! Ikaw, sagutin mo ‘ko!” sigaw ko sa matabang nurse na nakaupo habang nakaturo ang kanang kamay ko sa kanya. Subalit hindi niya ako pinansin. Tuloy lang siya sa ginagawa niyang pagkain ng chichirya. Punong-puno pa ng mumu ang mga kamay niya. “Mga bwisit kayo! Makikita niyo! Ire-report ko ‘to!” reklamo ko bago ako naglakad paalis. Mabilis akong tumakbo papanhik ng hagdan. Nasa ika-apat na palapag pa nitong ospital ang kwarto ni Julliane. Bawat palapag na madaanan ko, walang ilaw. Samantala, tuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at kita ko ang pag-agos nito sa mga bintana na tila pagguhit ng mga luha. Naalala ko tuloy si Julliane dahil gustong-gusto niya ang ulan. Kung ang ibang bata ay ayaw sa ulan dahil hindi sila makapaglaro sa labas, ang anak ko, iba. Paborito niya ang ulan dahil gusto niyang naririnig ang pagpatak nito at isa pa, malamig daw kaya may dahilan siyang matulog sa tabi ko. Nasabi niya ‘yon sa ’kin noong mga panahon na mahirap pero maayos pa ang pamilya namin. Noong hindi pa nawawalan ng trabaho si Lito. Noong isa pa siyang masigla at malakas na bata, hindi tulad ngayon. May mangilan-ngilang tao akong nakakasalubong habang papanhik ako. Mga pasyente, bantay ng pasyente at mga nurse. Pero hindi na ako nag-abala pang tanungin sila dahil baka tulad sa mga nurse sa ibaba ay wala rin akong makuhang matinong sagot. Pagdating ko sa pasilyo kung saan naroon ang kwarto ni Julliane, nakita kong bukas ang pinto. May lumabas na lalaking nurse mula roon at nakayuko ito. “Nurse, kumusta ang anak ko?” tanong ko sa kanya nang magkasalubong kami. “Oras na...” “Ha? Tulad ba ng mga nurse sa ibaba, hindi rin ba kita makakausap ng matino?” Hindi niya sinagot ang tanong ko, sa halip ay nilagpasan niya lang ako. Napailing na lang ako. “Ano bang problema ng mga tao rito?!” Nang makalapit na ako sa pintuan ng kwarto, narinig ko ang pag- iyak ni Tiya Susan mula sa loob. Dahil dito’y biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Ito ang ikinatatakot ko kaya kanina ko pa tinatanong ang mga nurse tungkol sa pagkawala ng kuryente dito sa ospital. Mga pasyente nila ang apektado. Alam kong may mali. Hindi iiyak si Tiya kung walang nangyaring ‘di maganda, pero umaasa pa rin akong mali ang iniisip ko. “Julliane!” tawag ko agad sa pangalan ng anak ko pagkapasok ko sa kwarto. Napatingin si Tiya Susan sa akin. Mugto na ang mga mata niya dahil sa pag-iyak. “Magda… Si Julliane…” Napatingin ako sa kama na kinahihigaan ng anak ko. Nakahiga pa rin siya sa kama ngunit may puting tela nang nakataklob sa kanya. Nakataklob iyon mula sa kanyang ulo hanggang paa. “Hindi...” Pumatak na ang mga luha ko. “Hindi pa patay ang anak ko! Hindi pa!” Tumakbo ako palapit sa kama at tinanggal ang telang nakataklob sa mukha niya, ngunit nagimbal ako sa aking nakita. Isang babaeng hindi ko kilala ang nakahiga roon. Hinawakan niya ang kaliwang braso ko. Sa takot ko’y hindi ko na nagawang kumilos. Inilapit niya ang mukha niya sa tenga ko at bumulong, “Nandito na sila.” *** “Magda! Magda, binabangungot ka!” sigaw ni Tiya Susan habang niyuyugyog ako sa braso. Nakatulog pala ako habang nakaupo sa sofa sa loob ng kwarto ni Julliane dito sa ospital. Pinunasan ko ang mga pisngi at mga mata ko dahil luhaan akong nagising. Parang totoo ang panaginip ko. “Bigla ka na lang sumigaw d’yan,” dugtong pa niya. “Ano’ng sinabi ko Tiya?” “Sabi mo... ‘Hindi, hindi pa patay ang anak ko!’ Buti na lang nakabalik ako agad dito, kundi baka walang gumising sa ‘yo.” Nagpapapalitan kasi kami ni Tiya Susan sa pagbabantay kay Julliane habang si Lito naman ang nag-aasikaso ng negosyo namin. Napatingin ako sa kama ni Julliane. Nandoon pa rin siya, nakahiga at gumagana pa rin ang mga aparatong nakakabit sa kanya. Tumayo ako at lumapit sa kama niya. Hinaplos ko ang pisngi niya at saka ko siya hinalikan. “Hindi mo ako pwedeng iwan anak. Lahat gagawin ko para sa ’yo, kaya lumaban ka ha? Mahal na mahal ka ni Mama.” Tahimik akong nakatitig sa mukha ng anak ko nang magsalita si Tiya Susan. “Magda, alam mo ba kung ano ‘yung yutanesya (euthanasia)?” Dahil sa sinabi niya’y nanlaki ang mga mata ko at kumabog ang dibdib ko. Ang tanong na ‘yon ni Tiya ang simula ng panaginip ko kanina, ng bangungot ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD