KABANATA 15

1428 Words
KABANATA 15 Hindi agad ako nakakilos. “Magda, narinig mo ba ako? Ano ba ‘yung yutanesya na ‘yon na sinasabi ng mga nurse? Narinig ko kasing pinag-uusapan nila. Ang sabi nila, iyan daw kaso ni Julliane, dapat ginagamitan na ng yutanesya. Eh ano ba ‘yon? Gamot ba ‘yon?” Naitikom ko ang mga palad ko. Halo ang nararamdaman ko—galit at takot. Hindi ko maintindihan. May parte sa isip ko na nagsasabing lumabas ako ng kwarto para kumprontahin ang mga nurse, pero may parte rin naman na pumipigil na gawin ‘yon. Malinaw pa sa akin ang laman ng panaginip ko, at kung magkakatotoo ang lahat ng ‘yon, hindi ko magugustuhan ang magiging katapusan nito. Hindi ako lalabas. Hindi ko iiwan ang anak ko. Hindi siya pwedeng mawala sa paningin ko. Kahit ilang minuto. Kahit isang segundo. “Magda…” tawag muli ni Tiya sa ‘kin. “Huwag n’yo na lang pansinin ang mga narinig mo Tiya. Hindi ko rin alam kung ano’ng sinasabi ng mga nurse na ‘yon. Kung gamot man ‘yon, ang mga doktor lang ang maaring magsabi kung dapat na ba iyong gamitin kay Julliane,” pagsisinungaling ko kay Tiya kahit na ang totoo’y alam na alam ko kung ano’ng ibig sabihin ng euthanasia. Naisip nilang kitlin ang buhay ng anak ko. Mga walanghiya sila. “Si Let-let pala, Tiya, kumusta?” tanong ko. Nakaharap pa rin ako kay Julliane. Kahit ang lingunin si Tiya habang tinatanong siya ay hindi ko ginawa. “Ayos naman ang bunso mo. Iniwan kong natutulog. Binilinan ko naman si Carmela kung anong mga dapat niyang gawin, ‘tsaka sanay naman ‘yon sa bata dahil apat na ang anak noon.” Si Carmela ang bago naming kasambahay. “Hindi ka pa ba uuwi? Ako na muna ang magbabantay kay Julliane nang makapagpahinga ka na.” “Hindi ako uuwi. Hindi pwede. Dito lang ako.” Naglakad si Tiya papunta sa kabilang side ng kama ni Julliane. Nakaharap siya sa ’kin. “Magda, kailangan mo ring magpahinga. Sige na at ako na ang bahala dito,” pamimilit niya sa ‘kin. “Kaya ko pa Tiya. Dito lang ako. Dito lang ako sa tabi ng anak ko.” Napatingin ako sa bilog na orasan na nakasabit sa pader. Alas-tres na. Mabilis kong ibinalik ang tingin ko kay Julliane. Mananatili ako sa tabi niya hanggang sa matapos ang oras na kinatatakutan ko. Kailangang makita kong tumuro sa alas-kwatro ang mga kamay ng orasan na ‘yan, bago ko masabing ligtas na talaga ang anak ko. “Sigurado ka ba Magda?” “Opo Tiya.” “O, sige. Basta ‘pag nakaramdam ka ng pagod ay magpahinga ka agad ha? Ituloy mo ang naudlot mong tulog,” nag-aalalang sabi ni Tiya. 3:05 P.M. Limang minuto pa lang ang lumipas pero tila isang oras na ‘yon para sa ‘kin. Parang napakabagal ng takbo ng oras. Parang nanadya. Parang pinahahaba ang paghihirap ng kalooban ko. May kumatok sa pinto dahilan para mapalingon ako. Isang nurse ang pumasok. “Mrs. Gabriel, mamayang 3:30 P.M. po tuturukan uli ng gamot si Julliane, kaya lang naubusan po ng stock sa pharmacy kaya kailangan n’yo pong bilhin sa labas ‘yung gamot.” Hindi ako makapaniwala sa sinabi ng nurse. Tila may nananadya ata talaga sa ‘kin. Kung kailan ayokong iwan ang anak ko, saka ko pa kailangang umalis. Kung hindi ko naman bibilhin ang gamot, anak ko pa rin ang apektado. Importanteng tuloy-tuloy ang gamot niya. “Ako na lang ang bibili ng gamot Magda,” sabi ni Tiya. “Alam mo ba Tiya kung saan?” “Hindi, pero hahanapin ko na lang.” “Misis, ipapaalala ko lang po uli ang oras, 3:30 po siya kailangang maturukan.” “Eh kung sinasabi niyo ba naman agad sa ’min na wala na pala kayong gamot, eh ‘di sana kanina pa nakabili. Hindi kung kailan malapit na ang oras, saka n’yo pa kami gagahulin ng ganyan!” pasigaw na pagkakasabi ko sa nurse. “Misis, pasensya na po,” napahiyang sagot ng nurse. Napakairesponsable ng mga nurse dito. Gusto ko pa sana siyang sermunan pero tumatakbo ang oras. Bawat segundo ay importante para sa buhay ng anak ko. Gustuhin ko man na si Tiya na ang pabilhin para manatili ako sa tabi ng anak ko, mas pinili ko nang ako na lang ang bumili ng gamot. Baka maligaw pa si Tiya at hindi makabalik agad. Bibilisan ko na lang ang pagmamaneho. Buti na lang at may dala akong kotse at alam ko kung saan ang pinakamalapit sa botika dito sa ospital. Kinuha ko ang reseta mula sa nurse at mabilis na naglakad pero bago ako tuluyang makalabas ng kwarto ay sumulyap muna ako kay Julliane. “Hintayin mo ako anak. Babalik agad si Mama,” bulong ko sa aking sarili. Nag-elevator na ako pababa. Pagdating ko sa first floor, mabilis akong lumabas ng elevator. Nadaanan ko pa ang nurse station at tulad sa panaginip ko, nandoon ang tatlong nurse na nagkwekwentuhan at nang matapat ako sa kanila ay mabilis silang nanahimik. Hindi ko na sila pinansin at lumabas na agad ako ng ospital at pumunta kung saan nakaparada ang kotse ko. Mula sa pwesto kung saan naroon ang kotse ko, tanaw ko ang parke ng ospital. Sa isip ko, nagbabakasakali ako na sana ay walang tao roon. Kung mayroon man, sana ay hindi mga batang naglalaro at dalagang naka-wheelchair na ipinapasyal ng isang binata, ngunit bigo ako. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko sila. Naroon sila mismo kung nasaan sila sa panaginip ko. Ang tanging wala lang ay ang gusgusin at sugatang babaeng pulubi na lumapit sa ‘kin na hindi ko man lang nakita ang mukha. Nakasakay na ako sa kotse at bubuksan ko na sana ang makina ng sasakyan nang magulat ako nang bigla na lamang may kumatok sa bintana ng kotse ko. Isang babaeng nakaputing bistida, madungis siya at may sugat sa balat. Nakalapit ang mukha niya sa bintana. Nakatitig siya sa ‘kin at may malapad na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi ko maipaliwanag ang kilabot na naramdaman ko sa mga titig niya. Buti na lang at lumapit ang guard ng ospital. Sinita niya ang babaeng pulubi at pinalayo niya mula sa kotse ko. “Ma’am, pasensya na po kayo,” sabi ng guard sa ‘kin habang hawak niya ang pulubi at hinihila palayo. Sumunod naman ‘yung babaeng pulubi sa guard pero habang palayo sila, nanatili ang pagkakatitig niya sa ‘kin. Pinatakbo ko na ang sasakyan pero ang mga mata niya ay tila nakapako pa rin sa akin at bago pa siya tuluyang maalis sa paningin ko ay may isinigaw siya, “Nandito na sila!” Nang dahil sa sinabi niya’y halos paliparin ko na ang kotse papunta sa botika at pabalik ng ospital, lalo na nang mag-umpisa nang bumuhos ang ulan. Saktong pagbaba ko ng kotse, kumulog at kumidlat, kaya mabilis akong tumakbo papasok ng ospital habang hawak ang supot na may lamang gamot. Nilalamig na ang buong katawan ko at ramdam na ramdam ko ang bawat pintig ng puso ko. Pabilis ito nang pabilis. Mabilis pa sa ginawa kong pagtakbo. Nasa b****a pa lang ako ng ospital nang mapansin kong madilim sa loob at nang makapasok na ako, doon ko nasigurado na wala ngang ilaw maliban sa isa. Sa nurse station ay naroon pa rin ang tatlong nurse at ang ilaw sa itaas nila na aandap-andap. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Tumakbo ako papanhik ng hagdan. Tumutulo na ang luha ko at nanlalabo na ang paningin ko. Lahat nang nasa panaginip ko nangyayari. Nanginginig na ang buong katawan ko sa takot pero kailangan kong makarating sa kwarto ng anak ko at nang makarating ako, isang lalaking nurse ang lumabas mula sa kwarto niya. Napahinto ako. Tila naistatwa ako sa aking pagkakatayo sa gitna ng pasilyo. Tulala ako nang lagpasan ako ng lalaking nurse. “Hindi…Julliane... Jullliane...” mahinang pagtawag ko sa pangalan ng anak ko at halos kaladkarin ko na ang mga paa ko papasok ng kwarto ni Jullliane. Pagtapat ko sa pintuan, nakita kong naroon pa rin si Julliane sa kama niya. Nakahiga habang nakakabit ang mga aparato sa kanya. Humihinga pa ang anak ko. Buhay pa siya. Sa puntong ‘yon ay bigla na lang nandilim ang paningin ko hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD