KABANATA 16
Nang magising ako’y nakahiga na ako sa isang hospital bed. May maliit na drawer sa tabi nito at may tabing na kulay asul na tela sa magkabilang gilid at sa paanan ko. Sa may uluhan ko lang walang tabing dahil pader na ito. Tatayo na sana ako nang may maghawi ng tabing at pumasok ang isang babaeng nurse. Magiliw niya akong binati at kinumusta ang aking pakiramdam. Bilang tugon, sinabi ko naman na maayos na ang pakiramdama ko.
Ibababa ko na sana ang magkabilang kong paa mula sa kama nang hawakan niya ako sa kaliwang braso para pigilan. Huwag daw muna akong tumayo dahil baka raw kasi mahilo uli ako at isa pa, may kailangan pa raw akong malaman.
“Ano ba ‘yon? Pakisabi na agad dahil kailangan kong makabalik agad sa anak ko.”
“Si doktora na lang po ang magsasabi sa inyo. Sandali lang po at tatawagin ko po siya.” sagot niya sa ‘kin saka siya umalis.
Nanatili akong nakaupo sa kama. Gustong-gusto ko na talagang umalis at huwag nang hintayin ang pagdating ng doktora na sinasabi ng nurse. Ihahakbang ko na pababa ang isang paa ko nang humahangos na dumating si Lito at walang sabi-sabi ay bigla na lang yumakap sa ‘kin at humalik sa noo ko.
“Lito, ayos lang ako.” Wala pa rin siyang sinabi, sa halip ay isang halik sa labi ang ibinigay niya sa ’kin. Hawak niya ang magkabilang pisngi ko habang nakatitig sa ’kin.
“Salamat Mahal. May biyaya na namang ibinigay sa atin.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Nagising na ba si Julliane? Gising na ba ang anak natin?”
Umiling siya. “Hindi mahal. Hindi ‘yun ang tinutukoy ko, pero magandang balita pa rin naman itong sasabihin ko sa ’yo.” Hinawakan niya ang mga kamay ko. “Mahal, magkaka-anak na uli tayo. Nakausap ko si doktora at ang sabi niya, buntis ka raw.”
“Buntis ako?”
“Oo, mahal!” Niyakap niya uli ako nang mahigpit. “Sana nga maka- lalaki naman tayo ‘no? Para may junior na ako.”
Masaya naman ako sa balitang magkaka-anak na uli kami ni Lito, pero si Julliane pa rin talaga ang laman ng isip ko. “Si Julliane Lito? Kumusta?” tanong ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa kwarto ni Julliane. Ihahatid muna ako ni Lito roon bago siya pumunta sa botika para bilhin ang mga vitamins na nireseta sa ’kin ni doktora.
“Maayos naman si Julliane. Walang pagbabago, tulad pa rin ng dati. Pero huwag kang masyadong mag-isip, baka makasama sa anak natin,” sabi niya sabay himas sa tiyan ko na maliit pa lang naman. Nainis ako sa sinabi niya. Anak din naman namin si Julliane ah. Kulang na lang sabihin niya na huwag ko nang alalahanin ang panganay ko, porke may darating nang bago.
“Kung makapagsalita ka, parang ‘di mo anak si Julliane!” nakasinghal kong sagot sa kanya.
“Ano?”
“Ano’ng gusto mong gawin ko? Pabayaan na siya? Huwag na siyang isipin?!”
“Mahal, hindi naman ganon ang ibig kong sabihin. Syempre, nag- aalala ako sa kalagayan niya, pero nag-aalala rin ako sa ’yo.”
“Ayos lang naman kasi ako! Wala namang problema sa ’kin!” naiinis ko pa ring sagot.
“O, tama na. Huwag nang mainit ang ulo,” malambing niyang sabi sabay halik sa may sintido ko habang nakaakbay sa akin.
“Magda!” salubong ni Tiya sa ’min. “Kumusta? Ano’ng sabi ng doktor? Bakit parang ‘di maganda ang tabas niyang mukha mo? May masama bang balita?”
“Sinusumpong lang ‘yan Tiya. Buntis kasi,” ngiting-ngiting sagot ni Lito.
“Buntis? Talaga Magda? Nagdadalang-tao ka? Naku! Magandang balita ‘yan!” Niyakap ako ni Tiya. “Hala, umuwi ka na para makapagpahinga.”
“Kadarating ko lang, pinapaalis n’yo na agad ako?” Umalis ako sa pagkakayakap ni Tiya at naglakad palapit sa kama ni Julliane. “Dito na muna ako. Ayoko munang iwan ang anak ko, pagkatapos ng mga nangyari. Buti na lang walang nangyaring masama sa anak ko dahil sa nangyaring brownout kanina.”
“Brownout?” tanong ni Tiya.
“Opo, kanina. Nag-brownout, hindi ba? Kaya nga tinakbo ko mula ground floor hanggang dito dahil sa takot kong may nangyaring masama sa anak ko.”
“Pero hindi naman nawalan ng kuryente kanina Magda.”
Nilingon ko si Tiya. “Ano pong hindi? Ang dilim kaya kanina. Sa may nurse station nga lang may ilaw, tapos aandap-andap pa.”
“Magda, bukas lahat ng ilaw sa buong ospital. Walang nangyaring brownout. Naku… kailangan mo na talaga ng pahinga.”
“Oo nga mahal, iuuwi na kita. Baka sa sobrang pagod na ‘yan.”
“Ano bang pinagsasabi n’yong dalawa?! Maayos lang ako! Totoong nag-brownout kanina!”
May kumatok sa may pinto at isang babaeng nurse ang pumasok. “Itanong n’yo pa sa kanya!” Itinuro ko ‘yung nurse. “Miss, nag- brownout kanina ‘di ba?”
Subalit pag-iling lang ang itinugon niya sa ’kin kasabay nang pagsabing, “Hindi po.”
“Pero, nag-brown—“
“Mahal, pagod ka na.” Hinawakan ako ni Lito sa braso, saka tumingin kay Tiya. “Uuwi na po muna kami. Tiya Susan, kayo na po muna ang bahala kay Julliane.”
***
Nasa bahay na kami ni Lito, pero ‘di pa rin mawala sa isip ko ang nangyari sa ospital. Sigurado ako sa mga nakita ko. Sigurado akong nag-brownout kanina.
“Mahal, ano pa bang iniisip mo? Matulog ka na,” sabi ni Lito nang makita niyang nakamulat pa rin ang mga mata ko.
Bumangon ako at umupo sa kama. “Lito, wala talagang kuryente sa ospital kanina nang dumating ako.”
“Oo na, naniniwala na ako sa ’yo. Pero pwede ba mahal, magpahinga ka na? Kahit para man lang sa baby natin? Sige na..” Hinawakan niya ako sa pisngi. Tumango na lang ako, saka humiga na uli. Ipinikit ko ang mga mata ko habang hinihimas ni Lito ang ulo ko hanggang sa tuluyan na akong nilamon ng antok. Pero nagising ako dahil may narinig akong mahinang iyak at paghikbi. Pagmulat ng mga mata ko, wala na si Lito sa tabi ko pero may isang babaeng nakaupo sa ibaba ng kamang hinihigaan ko, kaya napabangon ako.
“Sino ka? Ano’ng ginagawa mo rito? Sino’ng nagpapasok sa ’yo?” Hindi siya sumagot, tuloy lang siya sa pag-iyak niya. Napansin ko ang kasuotan niya, lumang baro’t saya. Magulo ang nakapunggos niyang buhok.
Tumayo ako pero hindi ko malaman kung maglalakad ba ako palapit o palayo sa kanya. Kinikilabutan ako dahil sa takot at sa sobrang lamig. Napatingin ako sa aircon sa loob ng kwarto namin, nakapatay naman ito pero ang temperatura sa loob ng kwarto ay tila nagyeyelo.
“Sino ka ba? Ano’ng kailangan mo? Nasaan ang asawa ko?!” Nanginginig kong dinampot ang lampshade na nakapatong sa lamesita sa tabi ng kama. Hindi pa rin niya sinagot ang mga tanong ko. “Lito! Lito, nasaan ka?!” sigaw ko.
Dahan-dahan akong naglakad palapit sa babaeng umiiyak na nakaupo pa rin sa kama habang bitbit ko pa rin ang lampshade. “Sino ka ba talaga? Hindi mo ba sasagutin ang mga tanong ko?”
Malapit na ako sa kanya nang mapatingin ako sa laylayan ng palda niyang nakasayad sa sahig. May umaagos na dugo mula roon. Nandiri at nangilabot ako kaya tinawag ko uli ang pangalan ni Lito, pero wala pa ring Lito na dumating.
“A-anong nangyari sa ’yo? Bakit may dugo d’yan?!” Hahakbang pa sana ako palapit sa kanya nang bigla siyang gumalaw at dahan-dahang tumayo. Umiiyak pa rin siya nang unti-unti siyang humarap sa ’kin. Putlang-putla ang mukha niya at maitim ang ilalim ng mga mata. Madumi ang damit niya, may dugo hanggang sa harapan ng palda at sa kanang kamay ay may hawak siyang isang bagay na ‘di ko malaman kung ano dahil nababalot ito ng dugo. Tatanungin ko palang siya kung ano ang hawak niya nang malaman ko agad ang sagot sa tanong nang dahil sa mahinang pag-iyak ng bagay na bitbit niya.
Isa itong sanggol!
Bitbit niya ang bata sa magkabilang paa nito kaya nakatiwarik ang bata. May umaagos pang dugo mula sa paanan nito diretso hanggang sa ulo. Kita ko pa ang bawat pagpatak ng dugo nito sa sahig.
Dahil sa narinig at nakita ko’y napaatras ako. Sa liit ng sanggol, parang imposibleng buhay pa ito. Parang isang dangkal lang ang haba nito at napakaliit pa ng kanyang ulo. Hindi ko na malaman ang gagawin ko, umiiyak na ako at panay ang tawag ko sa pangalan ni Lito.
“Lito! Lito!”
Nagising akong umiiyak sa bisig ng asawa ko. “Magda, binangungot ka! Tinakot mo ako. Akala ko hindi ka na magigising!”
“Lito, nakakatakot ‘yung panaginip ko.”
“Panaginip lang ‘yun. Hindi totoo.” Hinimas ni Lito ang likuran ko para pakalmahin ako.
“Bakit ngayon pa na nagdadalang-tao ako? Masamang pangitain kaya ‘yon?”