KABANATA 17
“Panaginip lang ‘yon Mahal. Masyado ka lang sigurong na-i-stress sa mga nangyayari sa pamilya natin kaya ka nananaginip nang ‘di maganda. Teka, gusto mo bang ikuha kita ng tubig?”
“Huwag!” Pigil ko sa kanya. Ayokong umalis siya at maiwan akong mag-isa tulad sa panaginip ko. Baka magkatotoo na naman ang laman ng panaginip ko tulad nang nangyari sa ospital kanina.
“Sigurado ka? Sandali lang naman akong mawawala.”
“Oo. Dito ka na lang,” sabi ko habang nakayakap sa may tagiliran
niya
“Sige, pero humiga ka na uli. Bumalik ka na sa pagtulog. Babantayan kita.”
“Hindi na ata ako makakatulog.”
“Pilitin mo. Masama ‘yan para sa ’yo at sa bata.” Dahan-dahan akong pinahiga ni Lito. Nakaupo siya sa kama habang hawak ang kaliwang kamay ko.
Sinubukan kong pumikit at matulog pero sa bawat pagpikit ko’y naaalala ko lang ang maputlang mukha ng babae sa panaginip ko at ang sanggol na bitbit niya at maging iyong nagkalat na dugo na kahit nakita ko lang, pakiramdam ko’y naamoy ko rin. Malansa. Amoy kalawang.
“Hindi talaga ako makatulog. Nakikita ko ’yung babae sa panaginip ko. Natatakot ako.” Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Lito.
“Sinong babae? Ano ba ‘yung napaginipan mo?”
Bumangon ako sa pagkakahiga at umupo paharap kay Lito. “D’yan sa may paanan ng kama natin, nakita ko siya nakaupo. Luma na ‘yong suot niya. Magulo ang ayos ng buhok. Madungis at duguan siya. Tapos may hawak siyang sanggol. Ang liit nung sanggol, halatang kulang pa sa buwan. Hindi ko alam kung nakunan ba siya o nagpalagla,” kwento ko kay Lito habang nakaturo pa kung saang parte ng kama ko nakitang nakaupo ang babae sa panaginip ko.
“Sino ‘yung babae?”
“Hindi ko kilala. Pero may kutob ako. Pero ‘di ako sigurado.” Huminto ako saglit at inisip ko kung sasabihin ko ba kay Lito ang bagay na ‘yon. “Kutob ko’y si Josefa ‘yon.”
“Josefa?”
“’Yung babae sa diary.”
“Diary? Teka lang Mahal, ‘di na kita maintindihan.” Bakit ba sinabi ko pa sa kanya? Hindi niya talaga ako maiintindihan.
“Wala. Wala lang ‘yon. Sige, matutulog na lang ako. Kalimutan mo na ‘yung mga sinabi ko,” sabi ko saka ako humiga sa kama patalikod sa kanya.
“Mahal…” Hinawakan niya ako sa balikat ko.
“Ok na ako Lito. Susubukan ko nang matulog.”
Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. “O, sige matulog ka na at babantayan kita hanggang sa makatulog ka.”
“Salamat.”
Hindi ko alam kung ilang oras na akong gising. Basta ang alam ko, nauna pang makatulog si Lito sa ‘kin. At dahil nga tulog na si Lito, nakaramdam na naman ako ng takot. Ang tahimik pa naman ng buong paligid. Bago lang kasi itong subdivision kung saan kami kumuha ng bahay at lupa. At dahil nga bago pa, kakaunti pa lang ang mga bahay. Madalang din na may dumaan na tricycle dahil karamihan ng mga may bahay dito ay may sariling mga sasakyan. Pero kahit mga private vehicles sobrang dalang din na may dumaan dahil sa lugar namin iilan pa lang ang bahay. Ang pinaka-malapit ngang kapitbahay namin ay mga sampung bahay siguro ang pagitan sa amin.
Sa sobrang tahimik, kahit ang mahinang paghinga ni Lito ay dinig ko at sa bawat mahinang tunog rin na naririnig ko, napapalingon talaga ako. Tulad na lang ng paglangitngit ng pintong naiwan palang bukas ni Lito at ng windchime na nakasabit rin sa may pintuan.
Gusto kong gisingin si Lito pero napakahimbing na ng tulog niya, kaya ako na ang napilitang tumayo para isarado ang pintuan. Malapit na ako nang makarinig ako ng para bang may nagpupukpok ng pako at parang nanggagaling malapit sa kwarto na inilaan namin para kay Julliane sa oras na gumaling na siya at makauwi na rito sa bago naming bahay.
Nagtataka ako dahil wala namang itinatayong bagong bahay na malapit dito sa amin para panggalingan ng tunog na ‘yon. Kaya isa lang ang naisip ko, maaaring si Carmela ‘yon, pero ano naman kaya ang ginagawa niya sa kwarto ni Julliane at ano naman kaya ang pinupukpok niya roon?
Dahan-dahan akong lumabas ng kwarto at naglakad sa may pasilyo.
“Carmela?” Tinawag ko ang pangalan niya pero hindi naman siya sumagot.
Bago makarating sa kwarto ni Julliane ay madadaanan muna ang kwarto ni Let-let. Dahil dito, binuksan ko muna ang pinto ng kwarto ni Let-let para i-check siya at siguraduhin na rin na wala roon ni Carmela at masigurado ring tama ang hinala ko na siya ang nasa kwarto ni Julliane. Pagsilip ko sa loob ng kwarto, nakita kong mahimbing na natutulog si Let-let sa loob ng kuna niya. Pumasok ako sa loob at nasigurado kong wala nga si Carmela. Lumapit muna ako sa kuna at hinimas ang ulo ng bunso ko, saka ako lumabas uli.
Naglakad na ako patuloy sa kwarto ni Julliane. Dahan-dahan kong pinihit ang doorknob at binuksan ang pintuan. “Carmela?”
Wala akong nakitang Carmela sa loob ng kwarto ni Julliane, sa halip ay isang lalaking nakapula ang nakita ko na sa tingin ko ay nasa singkwenta anyos na. Nakatalikod siya sa ‘kin. Nakaluhod siya sa sahig sa may kanang bahagi ng kama ni Julliane. May hawak siyang martilyo at napasigaw ako nang makita ko kung ano ang pinupukpok niya.
Isang binatilyong nakahandusay sa sahig, duguan, may kadena ang mga paa at ilang pirasong pako na rin ang nakabaon sa katawan niya. Nakadilat siya subalit wala nang buhay.
Dahil sa pagsigaw ko, napalingon sa ’kin ang lalaking nakapula. Napako ako sa kinatatayuan ‘ko. Nakatayo na siya pero ako’y nanatili pa rin sa pwesto ko. Hindi ko maigalaw ang mga paa ko.
Ang bilis ng mga pangyayari. Nakita ko na lang siyang nasa harapan ko na pala. Puno ng talsik ng dugo ang buong katawan niya. Naamoy ko ang dugong natuyo na sa balat niya. Malansa.
Isang ngiting nakakaloko ang binigay niya sa ‘kin kasabay ng pagtapat ng isang pako sa gitna ng noo ko. Itinaas niya ang martilyo at akma nang ihahampas sa pako nang magising ako.
Isa na namang masamang panaginip. Isang bangungot na ayokong magkatotoo. Pero akala ko sa panaginip lang ang mga masasamang nangyayari sa ‘kin. Pati sa totoong buhay pala’y maaari ring mangyari dahil isang tawag sa telepono ang natanggap ko at isang masamang balita ang hatid nito.