KABANATA 18
Isang tawag mula sa ospital ang natanggap ko. May nangyari daw kay Tiya Susan. May mga nag-aabang rin daw na mga pulis sa akin na gusto akong makausap tungkol sa nangyari kay Tiya.
“Saan ka pupunta?” mabilis na tanong ni Lito nang makita niya akong pababa ng hagdan habang nasa kusina siya at nagluluto ng hapunan. Iniwan niya ang kanyang niluluto saka lumapit sa ‘kin.
“May nangyari raw kay Tiya. Pinapapunta nila ako doon.”
“Ano raw?” nag-aalalang tanong niya.
“Nakita daw na nakahiga sa sahig sa labas ng kwarto ni Julliane, walang malay at may sugat sa may noo. Hindi pa raw nila alam kung anong dahilan dahil hindi pa raw nagigising si Tiya.”
“Sasamahan na kita. Ako nang magmamaneho.” Mabilis na umalis si Lito sa tabi ko, binalikan ang niluluto saka pinatay ang kalan.
“Huwag na. Dito ka na lang, bantayan mo na lang si Let-let. Si Carmela nga pala nasaan?” tanong ko dahil naalala ko iyong panaginip ko.
“Lumabas, inutusan kong bumili ng tomato sauce sa malapit na grocery sa labas ng subdivision. Para sana dito sa niluluto ko.”
“O, sige. Alis na ‘ko. Lito bantayan mong mabuti ang anak natin ha? Pagbalik ni Carmela, sabihan mo na huwag basta-basta magpapapasok ng kung sino-sino. I-check n’yo ‘yung mga pinto. Siguraduhing nakasarado.” Napakarami kong bilin dahil natakot talaga ako sa napanaginipan ko. Nadagdagan pa ng nangyari kay Tiya na hindi ko pa alam ang kabuuan ng kwento.
Pagdating ko sa ospital, may nadatnan akong pulis na nasa labas ng kwarto ni Tiya. Alam kong pulis siya dahil sa suot niyang uniporme.
“Ma’am, kamag-anak po ba kayo ng pasyente?” tanong niya sabay tayo mula sa pagkakaupo sa isang monoblock na upuan na nakapwesto sa tabi ng pintuan ng kwarto.
“Pamangkin niya ‘ko. Okay lang bang silipin ko muna si Tiya, bago tayo mag-usap?” umoo naman siya.
Pumasok ako sa kwarto. Mag-isa lang si Tiya. Private room ‘yung kwarto, tulad ng kay Julliane pero mas maliit. Nakahiga si Tiya sa kama, may bandage sa noo at may pulang mantsa sa gitna nito. Dugo ito mula sa kanyang sugat.
Saglit lang ako sa loob dahil wala pa rin namang malay si Tiya. Lumabas na ako para kausapin ‘yung pulis at tinanong ko kung anong nangyari.
“Ma’am dahil wala pa rin po kaming nakukuhang impormasyon galing sa Tiya n’yo at wala rin pong nakasaksi sa pangyayari, tiningnan na lang po namin ‘yung CCTV footage dito sa ospital. May nakita po kaming kahina-hinalang babae na lumabas mula sa kwarto ng anak n’yo. Kaya ipapakita namin sa inyo ang CCTV footage at baka sakaling kilala n’yo siya.”
“Sige,” mabilis kong sagot. Habang naglalakad ako at nakasunod sa pulis, iniisip ko kung sino kayang babae ‘yon. Wala akong maisip na maaaring manakit kay Tiya. Hindi kaya ang anak ko ang pakay niya dahil galing siya sa loob ng kwarto ni Julliane? Pero bakit naman? Anong kailangan niya sa anak ko?
“Sir, kamusta pala ang anak ko? Sabi n’yo galing ‘yung babae sa loob ng kwarto niya.”
“Wala naman pong masamang nangyari sa anak n’yo. Tiningnan na po siya ng mga doktor niya kanina. Huwag po kayong mag-alala.”
“Salamat.”
Pumasok kami sa isang kwarto kung saan may dalawang malaking TV. Iba’t-ibang kuha ‘yon mula sa mga CCTV na naka-pwesto sa iba’t- ibang parte nitong ospital. May kuha sa labas ng ospital, sa loob, sa mga pasilyo at sa nurse station. Kita ko ang mga taong naglalakad sa pasilyo, may mga kasamang pasyente, naka-upo sa wheelchair, nag- kwekwentuhang nurse, mga doktor. Iba’t-ibang uri ng tao. Hindi mo sila naririnig, pero kita ang bawat kilos nila.
May dalawang lalaking naka-upo sa harapan ng TV, isang matangkad na medyo may kalakihan ang katawan at ‘yung isa naman ay medyo may katabaan na naka-uniporme na pang-pulis. Marahil kasamahan siya ng kasama ko. Sabay silang tumayo pagkapasok namin sa kwarto. Pagkakita nila sa ’min, itinuro nila agad kami sa isa pang kwarto. Doon ko raw mapapanuod ‘yung CCTV footage ng nangyari kanina kay Tiya Susan.
Sa loob ng kwarto ay may isang maliit na TV na nakapatong sa isang office table. Sa harap nito may DVD player. Nakalagay na raw iyong CD sa loob ng player at i-play na lang daw namin sabi nung matangkad na lalaki. Pagkasabi niya noon, lumabas na rin siya agad. Kasama kong naiwan ang dalawang pulis.
“Ma’am, pwede na po ba tayong magsimula?” tanong ng isa sa ‘kin.
“Sige.”
Pinindot niya ang play button sa player. Sa umpisa ng video, kita ang pasilyo kung nasaan ang kwarto ni Julliane. Walang tao, walang dumadaan kahit isang tao. Maya-maya may mabilis na tumakbo papunta sa pintuan ng kwarto ng anak ko. Isang babae. Madungis siya, may suot siyang puting bestida, magulo at mukhang malagkit ang buhok niya na mukhang dahil sa ilang araw na ‘di pagligo. Marumi rin ang damit niya at naka-apak siya.
Pagkatapat niya sa kwarto ng anak ko, agad niyang binuksan ang pintuan saka siya pumasok. Tatlong minuto rin siya sa loob. Hindi ko alam kung anong ginawa niya sa loob dahil hindi na ito nakukuhanan ng camera ng CCTV. Pagkatapos ng tatlong minuto, nakita kong parating si Tiya Susan. Pagkabukas niya ng pinto, kita sa mukha niya ang gulat. Sumigaw siya saka hinimatay at bumagsak sa sahig. Tumama ang kanyang noo sa sahig na sa tingin ko naging sanhi para pumutok ang parteng ‘yon at magkasugat.
Pigil hininga ako habang nanunuod. Pinagpapawisan ang mga palad ko at napaigtad ako nang makita ko ang nangyari kay Tiya. Pagkabagsak ni Tiya sa sahig, dali-daling tumakbo palabas ng kwarto ang babae at bago pa siya mawala ay itinigil na ng kasama kong pulis ‘yung video sakto sa kuha na kita ang mukha ng babae.
“Ma’am, kilala n’yo po ba siya?”
Kilala ko ‘yung babae. Hindi ko siya kilala sa pangalan pero nakita ko na siya. Siya ‘yung babaeng nakita ko sa labas ng ospital. ‘Yung babaeng lumapit sa kotse ko nang paalis ako kanina papunta sa botika para bilhan ng gamot ni Julliane. Siya ‘yung babae na sumigaw nang ‘Nandito na sila!’
Sasagot pa lang ako sa tanong niya nang mag-ring ang cellphone ng matabang pulis. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila ng kausap niya pero pagkatapos niyang makipag-usap ay tumingin na muli siya sa ‘kin.
“Ma’am may nakita daw pong babae na kaparehas sa deskripsyon ng babae na nadyan sa CCTV footage. Pwede po ba kayong sumama sa amin sa presinto?”
Tumango ako habang hindi ko maipaliwanag ang kaba na nararamdaman ko sa aking dibdib.