KABANATA 19
Sakay ng police car, pumunta kami sa presinto. Hindi ko alam kung ano’ng madaratnanan ko. Kung magugustuhan ko ba ang mga sagot na makukuha ko sa babaeng dahilan kung bakit ako nandito. Pagpasok namin sa presinto, may babae na nagmamadaling lumabas kaya nabunggo niya ako dahilan para malaglag ang bag na nakasakbit sa balikat ko. Hindi ko pala naisarado ang zipper ng bag ko kaya lumabas mula roon ang diary. Bago kasi ako umalis ng bahay kanina, kinuha ko ‘yon mula sa cabinet kung saan ko ‘yon itinatago. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may naudyok sa’kin na kunin ‘yon para basahin uli.
“Pare, nasaan ‘yung babae?” tanong ng matabang pulis sa isa pang pulis na nakaupo sa likod ng lamesa.
“Doon pre,” sabay turo niya sa isang kwarto. “‘Di ko isinama sa selda, baka mapag-trip-an. Ito ‘yung susi.” Ipinatong niya ang susi sa lamesa na kinuha naman ng matabang pulis.
“Tara na po Ma’am.” Tumango naman ako. Naglakad na sila na kasunod ako.
Pagbukas ng pinto, nadatnan namin ‘yung babae na nakaupo sa isa sa mga monoblock na upuang nakatabi sa isang lamesa. Nakaangat ang mga paa niya at nakapatong sa monoblock na inuupuan niya. Nakayuko ng kaunti ang kanyang ulo at yakap-yakap niya ang magkabila niyang binti. May ibinubulong siya na ‘di ko masyadong marinig.
Huminto siya sa ginagawa niya nang maramdaman ang presensya namin sa loob ng kwarto. Umangat ang ulo niya at sa akin talaga agad siya tumingin. Sa akin lang. Hindi niya tinapunan ng tingin ang dalawang pulis na kasama ko. Parang ako lang ang nakikita niya at wala siyang pakialam sa iba pa. Inalis niya rin agad ang tingin niya sa ‘kin at nagsalita na naman siya. Nagsimula akong maglakad palapit sa kanya.
“Ma’am baka po delikado.” Naglakad sila palapit sa ’kin.
“Hindi ayos lang.” Itinaas ko pa ang palad ko para patigilin sila. Naupo ako sa monoblock na nasa harapan ng babae. Huminto siya sa pagsasalita nang makaupo ako. Isang minuto rin siguro siyang natahimik.
“May kasama ka,” sabi niya nang hindi tumitingin sa ‘kin.
“Gusto mo bang paalisin ko sila, para makapag-usap tayo?” Gusto ko siyang kausapin ng maayos. Sa itsura niya, mukhang ‘di uubra ang marahas na pakikipag-usap sa kanya.
Hindi niya sinagot ang tanong ko subalit sinabihan ko pa rin ang mga pulis na iwan muna kaming dalawa. May salamin naman ang pader ng kwarto kaya makikita nila ang bawat kilos namin sa loob mula sa labas.
“Wala na sila,” sabi ko nang makaalis na ang dalawang pulis.
“May kasama ka.” Inulit lang niya ang sinabi niya kanina at nagsimula siyang iugoy ang kanyang katawan habang yakap pa rin ang kanyang mga binti.
Nandito na sila, unti-unti, papalapit.
Iyong nais, iyo nang nakamit.
Nandito na sila upang hingin ang kapalit. Iyong kaluluwa, hindi mapupunta sa langit.
Nandito na sila, unti-unti, papalapit.
Iyong nais, iyo nang nakamit.
Nandito na sila upang hingin ang kapalit. Iyong kaluluwa, hindi mapupunta sa langit.
Paulit-ulit niya iyong sinabi. Pakanta. Maganda ang boses niya. Umiindayog. Pero ang mensahe ng kanta niya, hindi maganda. Nakakapanghilakbot. Kinilabutan ako at nanindig ang mga balahibo ko.
Nandito na sila, unti-unti papalapit.
Iyong nais, iyo nang nakamit.
Nandito na sila upang hingin ang kapalit. Iyong kaluluwa, hindi mapupunta sa langit.
Inulit niya uli ang kanyang kanta. Tinakpan ko ang tenga ko. Ayokong marinig, pero lalo pa niyang inilakas ang pagkanta. Ngayon ay parang sumisigaw na siya. “Tama na!” sigaw ko.
Nandito na sila, unti-unti, papalapit.
Iyong nais, iyo nang nakamit.
Nandito na sila upang hingin ang kapalit. Iyong kaluluwa, hindi mapupunta sa langit.
Paulit-ulit pa rin niya iyong kinakanta, pero pasigaw na. Pumasok na ‘yung dalawang pulis at nag-aalalang tinanong kung anong nangyayari.
“Wala akong makuhang sagot sa kanya. Kayo na ang kumausap,” sabi ko sabay labas ng kwarto. Nang nasa labas na ako, doon ko lang napansin na nanginginig na pala ako. Naupo ako sa unang upuan na nahagip ng mga mata ko.
“Nasaan ang anak ko?” narinig kong sabi ng isang matandang lalaki.
“Itay, kalma lang po. Sino po ba ang anak ninyo?”
“May nakapagsabi sa akin na dinala raw dito ang anak ko. Ilang buwan ko na siyang hinahanap.”
“Itay, ano pong pangalan ng anak ninyo?”
“Maritess. Nakaputi siyang bestida. Mahaba ang buhok niya. Wala siya sa tamang katinuan. Nagsasalita siya ng mga bagay na hindi naiintindihan ng iba.” Napalingon ako sa mga sinabi ng matanda.
“Anak n’yo po siya?” tanong ko at nakatayo na ako.
“Kilala mo ang anak ko? Nasaan siya?” Alalang-alala ang matanda.
Halata sa mukha niya ang pagod at puyat sa pag-iisip.
“Kausap ko po siya kanina.”
“Ma’am…” singit ng pulis na kausap ng matanda kanina.
“Ako na po Sir. Kilala ko po ‘yung tinutukoy niya. Siya po ‘yung babae sa kwarto.”
“Sige po, Ma’am.”
Isinama ko ‘yung matanda at lumapit kami sa salamin ng kwarto. “Siya po ba ang anak n’yo? Siya ba si Maritess?”
“Siya nga! Siya ang anak ko!” Sa puntong ‘yon ay humagulgol na ang matanda.
“Pero ‘tay, hindi n’yo pa siya makakausap dahil kailangan pa siyang kausapin ng mga pulis.”
“Bakit?” nabalot uli ng pag-aalala ang mukha niya. Ikinuwento ko sa kanya ang mga nangyari mula sa ospital hanggang sa naging pag- uusap namin dito sa presinto.
“Hija, kahit ako, minsan hindi ko rin maintindihan ang anak ko. Sa mga sinasabi niya, hindi ko alam kung alin ang totoo. Pero maniwala ka sa akin, mabait ang anak ko. Kaya parang awa mo na, huwag mo siyang ipakulong. Patawarin mo siya.” Umiyak na ang matanda sa harapan ko.
Pinapakalma ko siya nang bigla na lang lumapit sa may salamin si Maritess. Nagsisisigaw siya sa loob ng kwarto pero hindi namin siya naririnig. Inihahampas pa niya ang dalawa niyang kamay sa salamin habang nakatingin sa amin. Pinigilan na siya ng dalawang pulis.
“Anak ko…” pagtangis ng matanda.
Hindi ko alam kung ano’ng nasa isip ko nang sabihin ko na, “Ako na po ang bahala.”