KABANATA 20

1156 Words
KABANATA 20 Wala sa tamang katinuan si Maritess kaya nag-offer ako ng tulong. Mula sa presinto ay ipinasok siya sa isang mental hospital at tulad ng ipinangako ko sa ama niyang si Mang Kardo, ako na ang bahala sa lahat ng kakailanganin ni Maritess at sa lahat ng gastusin sa ospital. Wala sa tamang katinuan si Maritess kaya wala akong makuhang matinong sagot mula sa kanya kaya baka sakaling kapag natulungan ko siya, kahit papaano ay may makuha akong sagot lalo na’t hanggang ngayon ay binabagabag pa rin ako ng mga palaisipang iniwan niya sa ‘kin. “Dito po Mrs. Gabriel,” turo sa akin ng lalaking head nurse ng ospital. Nasa tapat kami ng isang kwarto, ang kwarto kung saan naroon si Maritess. Pangalawang araw na niya rito sa ospital at sabi ng doktor na tumingin sa kanya, hanggang ngayon daw ay hindi pa rin siya nagsasalita. Inilabas ng nurse mula sa kanyang bulsa ang isang kumpol ng mga susi at isa rito ay ginamit niya upang buksan ang pinto ng kwarto. Nang bumukas ang pinto ay naunang pumasok ang nurse at sumunod naman ako. “Maritess, nandito si Mrs. Gabriel. Gusto ka raw niyang makausap,” malumanay na sabi ng nurse. Tumingin sa ‘min si Maritess pero mabilis din niyang ibinalik ang tingin sa pader. “Pwede n’yo na po kaming iwan,” sabi ko sa nurse.  “Sige po. Kung may mangyari man, nasa labas lang ako.” “Salamat.” Pinagmasdan ko ang buong kwarto ni Maritess. Puting-puti ang buong kwarto. Walang bintana pero maliwanag dahil sa puting ilaw. Kulay puti rin ang kulay ng kobrekama niya at nakasuot siya ng ternong blouse at pantaloon na kulay grey. Nakaupo siya sa kama at yakap ang magkabila niyang binti habang diretso lang ang tingin sa pader. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kanya. Tinatantsa ko kung anong magiging reaksyon niya. Nang tahimik lang siya at walang kahit anong ikinilos sa ginawa ko ay lalo pa akong lumapit sa kanya. “Maritess…” Hindi pa rin siya tumitingin sa ‘kin. “Maritess mauupo ako sa kama mo ha? Okay lang ba?” Wala pa rin akong nakuhang reaksyon o tugon mula sa kanya. May isang hakbang rin siguro ang layo ng kinauupuan ko mula sa kanya. Hindi ako masyadong lumapit para kung sakaling maging bayolente siya ay makakalayo ako agad. “Maritess, ako si Magda. Ako ang nanay ni Julliane.” Pagkasabi ko ng pangalan ng anak ko ay bigla siyang tumingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit siya nag-react sa pangalan ng anak ko. Nagulat ako sa naging reaksyon niya pero itinuloy ko pa rin ang pagkausap sa kanya habang nakatitig siya at ang atensyon niya ay nakatuon na akin. “Kilala mo ba si Julliane? Natatandaan mo ba siya?” Tumango si Maritess saka ngumiti. “Gandang bata,” ‘yan ang unang mga salitang narinig ko mula sa kanya. Napangiti rin ako at medyo naluluha. Naalala ko ang anak ko. “Oo, maganda siya at mabait rin. Pero may sakit siya ngayon.” Nawala ang ngiti sa mukha ni Maritess. Itinaas niya ang isang kamay niya at biglang itinuro niya ‘yon sa akin. Biglang nag-iba ang mga mata niya. Naging matalim ito. “Ikaw kasi!” Napaatras ako sa ginawa niya. Ibinaba niya rin agad ang braso niya at saka inalis ang tingin sa akin. Muli niyang niyakap ang mga binti niya at inugoy ang katawan. Nag-iba na uli ang aura ng mukha niya, hindi na ito mukhang galit. “Bakit ako nandito?” tanong niya. “Nandito ka, kasi gusto kitang tulungan,” sagot ko sa kanya. Natawa siya sa sagot ko. “Dapat nandito ka rin.” Tumawa siya uli. “Bakit?” “Kailangan mo tulong eh.” “Alam mo ba kung ano’ng problema ko? Matutulungan mo ba ‘ko?” Tumingin siya bigla sa ‘kin. Hindi. Sa likuran ko. Parang may tinitingnan siya sa likuran ko. Napalingon tuloy ako. Ibinalik ko ang tingin ko sa kanya. “Maritess?” Unti-unti siyang umuurong palayo sa ‘kin. “Maritess, ano’ng problema?” Hindi ko alam kung may nagawa ba ako o nasabing hindi niya gusto dahil palayo siya nang palayo sa ‘kin hanggang sa nakasiksik na siya sa sulok. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya, pero sumigaw siya. “Huwag! Huwag! Hindi na! Hindi na! Ayaw na! Ayaw na!” Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang nurse kanina na may kasama pang dalawa. “Mrs. Gabriel?” nag-aalala niyang tanong. “Wala akong ginawa sa kanya. Basta bigla na lang siyang sumigaw,” paliwanag ko habang tumatayo mula sa pagkakaupo sa kama. “Alis na! Alis na!” patuloy na sigaw ni Maritess. Hindi ko maintindihan ang mga ikinilos at sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit biglang nagbago ang timpla niya. Kanina lang ay nakikipag-usap pa siya sa ‘kin tapos bigla-bigla na lang niya akong gustong paalisin. “Na-stress po siguro ang pasyente. Sa labas na po muna tayo.” Inalalayan ako palabas ng kwarto ng head nurse habang naiwan naman sa loob ang dalawang nurse para pakalmahin si Maritess. “Kailan ko kaya siya makakausap nang maayos?” “Ma’am ganon po talaga ang mga pasyente, hindi n’yo alam kung kailan sila susumpungin. Siguro dala na rin ng stress dahil bago itong lugar para sa kanya. Mabuti po siguro na bigyan n’yo muna siya ng oras para makapag-adjust at makainom ng mga tamang medication para sa kanya.” Tumango na lang ako. “Siguro nga. Sige, salamat.” *** Mula sa ospital ay bumyahe ako papunta sa lugar kung saan nakatira ang ama ni Maritess na si Mang Kardo. Magbabakasakali akong sa kanya ay may makuha akong sagot o baka may malaman ako tungkol kay Maritess. Dalawang bayan din ang layo ng tinitirhan ni Mang Kardo mula sa lugar namin. Dala ko ang kotse ko at ipinarada ko ito sa may kalsada. Dahil sa ulan ay naging maputik ang daan papasok kung saan nakatirik ang bahay nila kaya minabuti ko na lang na maglakad. Pagdating ko sa bahay nina Mang Kardo ay kumatok ako pero mukhang walang tao. Tahimik ang buong kabahayan. “Hija, walang tao d’yan ngayon,” sabi ng isang matandang babae na lumapit sa ‘kin. “Nasaan po?” “Umalis si Kardo kanina. Pumunta sa palengke para ibenta ang mga saging na naani niya.” “Gano’n po ba? Ah, Manang matagal na po ba kayong nakatira rito?” “Ay oo. Matagal na. Bakit mo naman naitanong?” “May gusto po kasi akong malaman. Baka sakaling matulungan n’yo po ako.” “Sige, ano ba ‘yon?” “Tungkol po kay Maritess.” Nang banggitin ko ang pangalan ni Maritess ay biglang nawala ang ngiti sa mukha ng matanda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD