Prologue
~o0o~
May ilang daang libong taon na ang nakalipas nang magsimula ang kwentong ito.
Maraming diyos ang nabubuhay ng payapa sa kalangitan at mayroon ding iba na mas piniling mamuhay sa iba't-ibang parte ng lugar sa mundo ng Iriantal. May namuhay sa ilalim ng karagatan, ibabaw ng mga ulap at sa pinakamadilim na parte ng mundo. Hindi naman tinututulan ng diyos ng langit na si Amizade ang desisyon ng mga kapwa niya diyos. Para sa kanya mas mabuting komportable ang bawat diyos nang sa gano'n ay maayos nilang magampanan ang bawat tungkulin na ibinigay sa kanila.
Dahil doon payapa at walang magkakaaway sa mga diyos. Kahit ang diyos ng mga patay at kadiliman ay malayang nakakapunta sa langit kung kailan nila gustuhin at dahil sila ay mga diyos, wala ni isa sa kanila ang gumagawa ng kasalanan. Mas gugustuhin nila ang payapang pamumuhay sa piling ng kanilang nasasakupan kaysa gumawa nang mga bagay na sila rin ang maaaring masaktan.
Hindi na rin bago sa mga diyos na ito kung mayroon mang diyos na mahulog ang loob sa isa't-isa.
Kaya nang umibig ang diyos ng kadiliman sa diyosa ng buwan ay wala ni isa sa mga diyos ang tumutol sa pag-iibigan ng dalawa. Sa katunayan masaya sila para sa dalawang ito na malayo man ang agwat nang ginagalawan ay masaya pa ring nag-iibigan. Kahit ang ama ng diyosa ng buwan na si Amizade ay masaya rin sa nakikitang kaligayahan ng kanyang nag-iisang anak.
Subalit, dahil magkaiba ang mundong ginagalawan ng dalawang diyos ay bihira lang sila kung magkita. Kaya naman, naisipan ng diyos ng kadiliman na gumawa ng kaharian sa lupa para sa diyosa kung saan maari niya itong dalawin kahit kailan niya gustuhin.
Hiniling ng diyos ng kadiliman kay Amizade na hayaang mamalagi ang diyosa ng buwan sa lupa at mamuhay ng normal. Pumayag ang diyos ng langit sa kondisyong hindi maaaring kalimutan ng diyosa ang kanyang tungkulin.
At hindi nga nagtagal, bumuo ng kaharian sa lupa ang diyos ng kadiliman na nababagay para sa kanyang asawa. Bumaba ang diyosa sa lupa kasama ang iba pang mga tagasunod na naninirahan rin sa kaharian ng Buwan at tuluyan ng nanirahan sa bagong kaharian bilang mga normal na nilalang.
Tinawag ang kaharian na ito na Rohanoro.
Isang napakaganda at payapang kaharian na may kastilyong gawa sa kumikinang na diyamante. Sa tuwing nasisinigan ito ng liwanag ay umiilaw ang kaharian at nagliliwanag din ang buong paligid nito.
Bago pa man maitayo ang kaharian ng Rohanoro, mayroon nang anim na angkan ang naninirahan sa magkakaibang lugar sa mundo ng Iriantal. Mga sinaunang Nindertal na mababa at kulang sa kaalaman. Kaya magmula nang maitayo ang kaharian ng Rohanoro, tiningala na ito ng mga naunang Nindertal.
Dahil sa pagkamangha ng mga Nindertal sa Rohanoro, nagpasya silang magtayo rin ng sarili nilang kaharian at gayahin ang ginagawa ng mga nakatira sa Rohanoro. Dito na nagsimulang umusbong ang iba't-ibang imprastraktura; ang dating maliliit na bayan ay naging malawak na siyudad hanggang sa maging ganap na rehiyon.
Lingid sa kaalaman ng mga sinaunang Nindertal na ito, ang mga nilalang sa Rohanoro ay galing sa angkan ng malalakas na diyos at diyosa. Ang angkan na tinawag sa lupa na Lunarian.
Walang kinatatakutan ang mga Lunarian at kumpara sa ibang mga lahi na naninirahan sa lupa, di hamak na mas marami silang alam. Ngunit may isang kahinaan ang mga Lunarian. Kusang nagpapahinga ang kanilang katawan sa tuwing kabilugan ng buwan at hindi sila magigising hanggat hindi lumilipas ito. Para sa lahat ng mga Lunarian, ito na ang matatawag nilang pinakamalaking kahinaan sa lahi nila.
Dahil dito araw-araw nag-aalala si Amizade para sa kaligtasan ng kanyang anak at bilang ama hindi niya hahayaang may mangyaring masama rito, kaya naman ipinag-utos niya sa mga mandirigma ng langit na bantayan ang lahat ng mga Lunarian.
Bumaba sa lupa ang maraming mandirigma at bawat isang Lunarian ay binigyan ng isang tagabantay. Dito na nabuo ang mga nilalang na kung tawagin ay Kaivan. May taglay silang lakas na kalahati ng sa mga Lunarian at gaya ng mga ito kaya rin nilang gumamit ng malakas na kapangyarihan.
Magkasamang nanirahan sa Rohanoro ang mga Lunarian at Kaivan hanggang sa magpasya ang pinuno ng mga Kaivan na magtayo na rin ng sarili nilang lupain na maituturing nilang kanila. Hindi ito dahil sa pagiging sakim. Hindi lang maatim ng pinuno na kailangan nilang manirahan sa lugar ng kanilang mga pinagsisilbihan. Mataas ang pagtingin ng mga Kaivan sa mga diyos at hindi sila papayag na tumira kasama ang mga ito dahilan para mabuo ng pinuno ang kanyang desisyon.
Wala nang nagawa ang diyos at diyosa sa desisyon ng mga mandirigma. Kaya hindi na sila nagulat nang isa na namang bagong kaharian ang nadagdag sa mundo ng Iriantal.
Ang lugar ng Ishguria.
Malaki ang suportang nakukuha ng mga Lunarian sa mga Kaivan. Magmula sa mga pagkain, damit at mga armas na kailangan ay ibinibigay ng mga Kaivan, sa kabilang banda, hindi hinahayaan ng mga Lunarian na ang mga Kaivan lang ang nagsisilbi sa kanila kaya naman binasbasan nila ang lupain ng Ishguria. Lahat ng halaman ay namumunga, lahat ng hayop ay payapang namumuhay at ni minsan ay hindi dinaanan ng epidemya ang lugar na ito.
Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat at yon ay nang magsilang ng supling ang reyna ng Rohanoro. Isang batang babae at dahil nananalaytay sa dugo nito ang dugo ng diyos ng kadiliman at diyosa ng buwan, ang naging bunga nito ay nagkaroon ng napakalakas na kapangyarihan ang bata.
Isang nilalang na may basbas ng lahat na diyos. Bukod dito, namana niya ang kumpletong kapangyarihan ng kanyang mga magulang. Sa kabila no'n hindi ito naging hadlang para mamuhay ng normal ang bata subalit lingid sa kaalaman ng batang ito, siya ang itinuturing na superyor ng lahat.
Ang reyna ng lahat at ang nilalang na tagapagmana ng tatlong kaharian. Mula sa lolo nitong pinakamalakas na diyos, inang diyosa ng buwan at amang diyos ng kadiliman... Ang nilalang na ito na ang sinasabing pinakamalakas.
Kaya naman ibinigay sa kanya ang titulong QUINRA. Isang titulo na ang ibig sabihin ay diyos ng mga diyos.
Maayos ang lahat at simple ang pamumuhay noon sa mundo ng Iriantal. Hanggang isang araw ... ... noong gabing kalahati ang buwan.
Naglahong parang bula ang malakas at magandang kaharian.
Walang nakakaalam kung pa'no nangyari o kung saan ito napunta. Umani ito ng matinding galit mula sa diyos ng kadiliman at diyos ng langit. Muntik ng wasakin ng mga ito ang mundo ng Iriantal, at para mapigilan ang galit ng dalawang diyos, nangako ang mga Kaivan na hahanapin ang nawawalang diyosa at ang Quinra. Huminahon si Amizade subalit hindi ang diyos ng kadiliman. Nabalot ng dilim ang mundo ng Iriantal sa loob ng ilang taon. Nag niyebe ang buong mundo, namatay ang mga halaman at hayop dahil sa matinding lamig.
Para maiwasan ang tuluyang pagkasira ng mundo, kinausap ni Amizade ang diyos ng kadiliman. Napahinudhod niya ito subalit naging matindi ang galit ng naturang diyos sa mga nilalang na naninirahan sa Iriantal at nangako ito na hindi nito mapapatawad ang nilalang na may gawa sa pagkawala ng kanyang mag-ina.
Bumalik sa dati ang pamumuhay ng mga nilalang sa Iriantal, subalit hindi pa rin naaalis sa isip nila ang mga katanungan sa pagkawala ng magandang kaharian.
May nakaligtas ba?
Magpapakita kaya itong muli?
Nasaan na ang Quinra?
Babalik pa kaya siya?
Mga tanong na natabunan na sa paglipas ng maraming panahon, naging isa na lamang itong kwento hanggang sa tuluyan nang naging isang alamat.
Isinara ni Draul ang paborito niyang libro at tahimik na tinanaw ang labas ng bintana. Unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi habang nakatingin sa madilim na kalangitan.
"Oras na," mahinang sambit niya.