"Anong meron sa Expedition 51?" Sabay naming nilingon ni Krys ang nagsalita sa likod ko. Nagulat ako nang nakita si Accel at isa pang lieutenant ngunit umiwas din ako ng tingin agad. Dumiretso si Accel sa gilid ni Krys at inakbayan ito.
"Amoy pawis ka!" singhal ni Krys kay Accel at tinanggal ang pagkakaakbay nito sa kanya. Natatawang lumayo si Accel at sa akin na lang humarap, akmang aakbay ngunit ngumiti siya ng alanganin at binawi ang kamay. Nilingon ni Krys si Adi at nginitian.
"Wala 'yon," nakangiting sabi niya. Dumiretso ako sa bandang likod ni Krys at pasimpleng kinuha ang mga papel na nakakalat sa mesa. Tinago ko 'yon sa bulsa ko at nagtingin-tingin ng kung ano sa paligid, umiiwas sa mapanuring mata ni Adi sa likod.
"Pinapatawag tayo Krys," rinig kong sabi ni Adi. Nilingon ko si Krys at tumango siya sa akin. Tinanguan ko rin siya bago naunang lumabas. Narinig ko pang nagtanong muli si Accel tungkol sa Expedition 51 pero hindi ko na narinig ang sagot ni Krys nang nagsara na ang pinto.
Napabuntong hininga ako at dumiretso na sa dorm. Habang naglalakad ay pinagmasdan ko ang paligid. Ang matataas na pader ng compound ay kitang kita kahit pa malayo ito sa training ground.
Hindi ko maalala kung anong itsura sa labas. Hindi ako rito sa loob ipinanganak. Naabutan ko ang buhay sa labas ngunit ilang taon pa lang ako ay lumipat na kami at nakulong dito sa loob. Namatay ang mga magulang ko bata pa lang ako at naiwang kasama si Kuya Aiden. He's been my guardian since I joined the training ground.
Pagkapasok ng dorm ay didiretso sana ako sa kwarto ngunit may kung anong nag-udyok sa akin na tignan ang kwarto ni kuya. Mula nang umalis siya ay hindi na ako pumasok muli riyan. Pagkakuha ko ng sulat sa kama ay umalis na ako at hindi na sinubok pang sumilip sa dating nagiging tambayan ko no'ng nandyan pa siya.
Dahan-dahan akong humakbang papunta sa harap ng pinto. Naglalaban ang isip ko kung papasok ba ako o hindi. Sa huli, pinihit ko pa rin ito at binuksan. Sumalubong sa akin ang malamig na simoy ng hangin mula sa bintana.
Nanlaki ang mata ko at tinakbo iyon. Sa pagkakaalala ko, hindi ko iniwang bukas ang bintana. Hindi rin iniiwan ni kuya na bukas 'yon lalo na't ayaw niyang hinahangin ang mga papeles niya. Nung huling punta ko'y hindi ko naman namalayang bukas ito. Hindi kaya...
Nilingon ko ang paligid at naghanap ng maaaring nawawalang gamit. Dumiretso ako sa mesa niya at tinignan ang mga drawers. Naka-lock pa rin ito at wala namang sira kaya't masasabi kong ligtas ang mga nasa loob. Luminga ako at naghanap ng maaaring nagalaw. Thankfully, wala namang nagulo o ano pa man.
But it's weird how the window is open. Nilapitan ko 'yon at hinawi ang malikot na kurtinang sumasayaw sa malamig na hangin. Ang langit ay madilim na at kitang kita na ang buwan. Madilim na rin sa paligid kaya't hindi ko makita kung may kakaibang nangyayari ba ngunit sinubukan ko pa ring tignan ang baba at wala naman akong nakita roon.
Umalis na ako sa kwarto ni kuya kahit na may kaunting pag-aalangan pa sa loob ko. Napabuga ako ng hininga at humiga na lang. Pagkahiga ko sa malambot na kama ay awtomatiko akong napapikit sa ginhawa.
"Sa wakas," bulong ko sa sarili ko. Pumikit na ako at 'di ko namalayang nakatulog na ako ng tuluyan.
Pagkagising ko ay dire-diretso ako sa kusina at nagpakulo ng tubig. Pagkatapos magsalang ay sinimulan ko nang maglampaso ng sahig at naglinis hanggang sa halos makapagsalamin na ako sa kintab ng paligid.
Nagluto ako ng almusal para sa lahat at inayos iyon sa hapag. Habang ginagawa 'yon ay narinig ko na ang yabag ng dalawa ko pang kapatid, sina Aurelia at Rhian. Nilingon ko sila at binati.
"Good morning!" sabi ko ng nakangiti ngunit inirapan lang ako ni Aurelia. Si Rhian naman ay halatang lutang pa at dire-diretsong uminom sa basong wala pang tubig. Naubo siya sa nainom na lamang kape no'n. Tawa ng tawa sa gilid si Aurelia na nagpagalit pa lalo kay Rhian.
Binato niya sa akin ang baso at iilag sana ako ngunit para akong natulos sa kinatatayuan. Hindi ko magalaw ang katawan ko hanggang sa tumama ang babasaging baso sa ulo ko. Ramdam ko ang pagtulo ng dugo at kitang kita ko ang pulang likido na sumira sa malinis na sahig.
Ngumisi si Rhian at si Aurelia ay tumatawa pa rin. Nakatayo lang ako roon at hindi makagalaw. Humalumbaba si Rhian at tinaasan ako ng kilay.
"Ano pang tinatayo-tayo mo d'yan? Kape ko! Bilis!" sigaw nito. Gusto ko sanang bulyawan siya na hindi niya ako utusan o katulong para tratuhin ng gano'n ngunit hindi ko talaga maigalaw ang katawan ko kahit ano pang pagpipiglas ang gawin. Ang labi ko ay parang nakadikit sa isa't isa.
Hindi pa man tapos ang problema ko kay Rhian ay may biglang sumampal sa gilid ko. Gustong-gusto ko nang bumawi sa mga ginagawa nila ngunit wala akong magawa. Hanggang tingin lang .kay Eliza, ang stepmother ko, ang kaya kong gawin ngayon.
"Bakit hindi ka kumikilos?! Tanghali na, wala ka pang nagagawa!" sigaw nito sa akin. Naupo ito sa gitnang upuan at nilingon ako. Tinignan niya ako mula sa ulo hanggang sa paa, hanggang sa sahig na tinignan niya ng may pandidiri. Muling bumalik ang tingin niyang nanlilisik sa akin.
"Hindi ka na nga naglinis, nagkalat ka pa! Kadiri!" sigaw nito at galit na hinampas ang lamesa. Natamaan niya ang isang kutsilyo roon. Nilingon niya 'yon at kinuha. Nagpupumiglas ako sa pagkaestatwa ko ngunit wala pa rin talagang nangyayari.
"Sige mama, isaksak mo sa kanya 'yan!" sulsol ni Rhian sa gilid. Si Aurelia ay tumatawa at nagchi-cheer pa kay Eliza. Nanlaki ang mata ko nang kinuha nga niya ang kutsilyo at dahan-dahang pinadaan 'yon sa mesa. Umalingawngaw ang nakakairitang tunog ng bakal sa salamin at gustong-gusto ko nang takpan ang tenga ko.
Tumayo siya at lumapit sa akin. Pinadaan niya ang kutsilyo sa gilid ko. Nanlaki ang mata ko at mas nagpumiglas pa sa imaginary rope na nagpipigil sa aking gumalaw ngunit nagulat ako nang bigla niya akong sinaksak diretso sa mukha.
Napadilat ako at naghabol ng hininga. Ilang minuto akong walang ginagawa at pinapakalma lang ang sarili. Nang sa wakas ay nawala na ang kaba ko ay bumangon ako at lumabas tungo sa kusina at kumuha ng tubig.
Habang umiinom ay nagawi ang tingin ko sa gilid kung saan nakalagay ang mga kutsilyo namin. Naalala ko ang nangyari sa panaginip ko at wala sa sarili akong humawak sa pisngi ko. Nagulat ako sa likodong nahawakan ko roon at mas nagulat pa nang nakita kong dugo 'yon.
Nabitawan ko ang baso sa gulat. Umalingawngaw ang pagkabasag ng baso sa tenga ko at nang tinignan kong muli ang kamay ay nawala ang mga dugo. Napakurap-kurap ako at umiling para magising sa kakaibang nangyayari. Nagha-hallucinate na yata ako sa sobrang daming nangyayari.
Huminga ako ng malalim bago isa-isang pinulot ang malalaking parte ng nabasag na baso. Inangat ko 'yon at tumama ang malaking dulo sa pisngi ko. Naramdaman ko agad ang hapdi no'n at ang pagdaloy ng dugo.
Binitawan ko ang lahat ng bubog at dali-daling nagpunta sa lababo. Marahas akong naghilamos at kinuskos ang pisngi, walang pake kung nasasaktan pa ako lalo sa t'wing natatamaan ang sugat. Para akong namanhid.
Lutang akong bumalik sa kwarto at muling nahiga. Tinitigan ko ang kisame ko at hinayaan ang sariling muling malunod sa mundo ng panaginip.
Bumangon ako sa pagkakahiga at tumingin sa paligid. Puro itim. Hindi madilim pero puro itim. Nakakakita ako pero puro itim. Naglakad-lakad ako habang alertong nag-aabang sa paligid ko. Nasaan ako?
Nananaginip ba ako? Sinubukan kong kurutin ang sarili ko at wala akong naramdaman. Napakurap ako at sinampal naman ang sarili pero wala pa rin talaga. Nananaginip ako.
Biglang may mga nagtalsikang tubig sa likod ko. Nilingon ko 'yon nanlaki nag mata sa nakita kong napakalaking aquarium. Ang tubig ay halos 3/4 nito ngunit mas napokus ako sa nasa tubig.
Dahan-dahan akong lumapit at inilapat ko ang kamay ko sa salamin. Kahit pa malabo dahil sa paggalaw ng tubig ay sigurado ako sa nakikita ko.
Ako, nasa loob ng aquarium. Nalulunod. Walang magawa. Pero kahit pa ganun, para bang narinig ko pa rin ang sinabi niya.
Help, Kovie.