"Kov..." tawag sa akin ni Krys. Alam kong kanina pa ako lutang at hindi napapansin ang paligid ko ngunit hindi ko maiwasang hindi mawala sa wisyo kapag naalaala ko ang mga nangyayari sa akin. Ang dami kong problemang nakakaharap nitong mga araw at hindi pa ako sigurado kung mareresolba ko nga ba.
"Pasensya na." sabi ko sa kanya. Sinubukan ko nang kumain para masabayan siya ngunit wala talaga akong gana. Pinilit kong sumubo ng kahit kaunti lalo na't alam kong mapupudpod na naman ang utak ko mamaya kakaisip sa kung anong pwedeng mangyari,
"Para ganahan ka, recap muna tayo sa mga nakuha nating data," sabi niya habang kumakagat sa karne. Ngumiwi ako nang may sauce na tumalsik ngunit hinayaan ko na lang siyang magsalita habang umiinom ako ng iced tea.
"Yung audio clip na nakuha ko. Yung video ni Aiden na biglang lumitaw. Yung morse code sa likod ng mga 'yon at mga meaning nila. Elana at E-51. Yung Expedition 51. Ano pa ba?" sabi niya at humalumbaba. Wala naman na akong madagdag kaya't inalis ko na ang tingin ko sa kanya dhil pakiramdam ko'y mas lumulutang pa ang isip niya kaysa sa akin.
Nilibot ko ang tingin ko sa paligid at pinansin ang maingay na mga tao. Muling nagsalita si Krys ngunit hindi ko na lang siya nilingon.
"Nagtataka pa rin ako, yung sa Expedition 51. Bakit kaya confidential siya sa files ng department ko? I mean, kalat na kalat naman yung istorya ng E-51. Konting uto mo nga lang sa cashier ng cafeteria makukwento niya na sa'yo lahat ng sikreto kuno ng gobyerno dito eh," bubulong-bulong niya sa gilid. Nakapagtataka nga naman ngunit para na lang din siguro sa pride ng gobyerno.
Nilingon ko siya ng may naalala. "Yung Abaheda sa video ni Kuya Aide--." Natigil ako sa pagsasalita nang nakita ko ang dalawang nasa tabi ni Krys. Kaya pala siya nanahimik bigla. Tinikom ko agad ang bibig ko at nag-isip kung aalis na ba ako o magpapanggap na wala lang ang sinabi ko.
Bahagya akong napatalon sa gulat nang hinampas ni Accel ang mesa. Nakita kong nasagi ng kaunti ni Krys ang inumin niya sa gulat samantalang awtomatiko naman ang pagbatok ni Adi kay Accel sa kalokohang ginawa. Nahulog si Accel sa malakas na batok ng isa.
Nagdalawang isip pa ako kung tutulungan ko ba siya o magpapanggap na hindi kilala. Napatingin ako sa paligid ko at nakita ang mga nanonood sa gulong nangyayari sa lamesa namin. Sa huli, pinili kong umalis na lang sana ngunit pagkatayo ko ay may pumigil sa kamay ko.
Nilingon ko ang mapangahas na mahigpit ang hawak sa palapulsuhan ko. Nanlaki ang mata ko nang nakitang nasa tabi ko na pala si Adi. Nilingon ko si Krys na parang may gustong ipahiwatig sa tingin niya at si Accel na tumatawa habang tumatayo sa pagkabagsak. Kinakamot pa nito ang parteng nabatukan ni Adi.
"Sabi mo mahina lang!" asar na sabi nito kay Adi na kibit-balikat lang ang sinagot. Teka, sinadya nila 'yon? Sinadya ni Accel na magpahulog at magpabatok para maagaw ang atensyon ko. Para makalipat si Adi at ma-ambush kami ni Krys sa usapan namin? Umawang ang labi ko sa halong pagkamangha at pagkainis.
"Krys?" iritang baling ko sa kanya. Tumaas ang dalawang kilay niya na para bang alam niya na ang naiisip ko. Ngumiti lang siya at umiwas ng tingin habang umiinom samantalang si Accel naman ay kumukuha ng karne sa plato ni Krys.
Nilingon ko ang may hawak ng pulso ko. Hindi iyon ganun kahigpit ngunit hindi rin maluwang na makakatakas agad ako. Nagpupumiglas ang kamay ko at nang hindi talaga matanggal ay mas nilakasan ko pa ang pagwagayway no'n para mawala ang nakasabit na kamay.
Natigil ako nang napansin ang mga nakatingin sa aming nang-uusyoso. Naalala ko bigla na nakatayo pa pala ako at kitang kita ng lahat ang ginagawa kong pagwagayway ng kamay. Naupo ako at ramdam kong nag-iinit ang pisngi ko sa kahihiyan.
Pagkaupo ay nagpatuloy ako sa pagpiglas sa parang tukong pagkakakapit ni Adi. Tinignan ko siya ng may nanlilisik na mata ngunit wala siyang reaksyon do'n. Napalakas ang pagpalag ko kaya't tumama ang kamay naming pareho sa ilalim ng bakal na mesa ngunit parang walang nangyari sa kanya sa itsura niya.
Sa pagod ay kumalma na muna ako. Uminom ako ng iced tea habang nakatingin ng masama sa dalawa sa harap ko. Paminsan-minsa'y kinukurot ko ang kamay ni Adi para bumitaw. Nang napagod muli ay nanahimik na lang ako at hindi na nagpapalag pa.
"Krys..." tawag ko rito. Ang mga mata nito'y parang naaawa sa akin ngunit bakas sa labi ang pagpipigil ng ngiti. Kung si Krys ay nagpipigil, si Accel naman ay kanina pa ibinabalandra ang nakakairitang ngiti. Gusto ko na siyang batuhin ng plato at baso sa harap ko.
Mabilis kong hinila ang kamay nang naramdamang lumuwang iyon nang binato ko si Accel ng tissue. Agad akong tumayo at umalis doon. Napabuga ako ng hininga nang sa wakas ay nakalayo na sa kanila. Dumiretso na lang ako sa lab ni Krys.
Kahit na ayaw ko na muna sanang magpunta sa mahahanap ako ng iba ay may usapan kami ni Krys na magpapatuloy sa research namin sa mga impormasyon kahapon. Naglibot ako sa kwarto at puro papeles o 'di kaya'y mga gadget ni Krys na nakakalat lang ang laman.
Bilang tumatayong leader si Krys ng science department ay inaasikaso niya ang halos lahat ng field ng science. Kahit pa gano'n, mas nakapokus pa rin siya sa paggawa ng mga gadgets at mga usaping teknikal. Pareho sila ni kuya na mas gustong maggawa ng gadget kaysa maghalo ng mga kung anu-anong likido sa medicine science.
Dalawa lang naman ang science dito sa compound. Dalawa lang ang kailangan namin at inaaral namin para sa ikauunlad ng lahat. Technical Science para sa mga armas, gadget o kung ano pang teknolohiya samantalang sa Medical Science ay mga gamot at kung anu-anong mga chemical na nagagamit din sa agrikultura.
Tinignan ko ang mga estudyante sa baba. May hirarkiyang sinusunod dito sa loob ng compound. May gobyerno kami rito na laging pinapaalala na pantay-pantay pa rin kami kahit na may nasa gobyerno. Pinapakita nila na pantay ang lahat sa pamamagitan nitong training ground.
Libre ito at ito lang ang natatanging paaralan dito sa buong compound. Ito lang ang choice ng lahat. Halo ang mga tao rito. May mga mayaman at mahirap. Mga anak ng may ranggo o wala. Walang ibang pagpipilian kundi rito.
Pero kailan nga ba naalis ang pribilehiyo sa nasa taas?
Kahit pa sabihin nilang pantay-pantay ang lahat sa karapatang mag-aral, hindi naman pantay ang mga mag-aaral. Kailanma'y hindi masasabing pantay ang mag-aaral. Kahit anong pagtuturo nila na pantay ang lahat, may nabu-bully pa rin dito dahil sa antas nila sa buhay. May nabu-bully dahil sa damit, sa gamit o sa itsura.
Nabu-bully dahil sira ang bag. Kupas ang damit. Bulok na ang sapatos. May mga nagyayabang sa magagandang gamit, may mga nagtatago sa hiya sa halos sirang mga damit. Walang makapag-aalis ng hirarkiya, ng diskriminasyon.
Kahit anong tago nila sa pribilehiyo, lumalabas pa rin ang amoy ng kataasan at karangyaan ng buhay nila. Ng buhay ng may kaya, ng may kapangyarihan, ng nasa taas. Hindi tulad ng karamihan na halos halikan na ang putik, sila'y may mga private tutor pa sa bawat subject.
Hindi tulad ng iba na nagsisikap habang nagte-training, may mga nababayarang instructor para makapasa ang estudyante ng walang alam, pangit ang ugali o hindi man lang gumagawa ng kahit ano. Umaalingasaw ang 'di pagkakapantay ng mundo.
Dati ay tumutulong ako sa mga binu-bully. Nilalabanan ko ang mga pakiramdam nila'y angat sila. Hindi rin naman nila ako malabanan kahit na wala akong magulang na nasa taas. Hindi ko gusto na nakakakita ako ng mga taong sinasaktan dahil lang sa tingin ng iba'y hindi sila magkapantay.
Hindi gusto ni kuya ang ginagawa kong gano'n. Maski si Krys, ayaw niyang tumutulong ako sa mga nakikita ko. Hindi ko maintindihan no'n kung bakit pero ngayong naiisip ko na siya ay napagtatanto ko na ang dahilan.
Hindi lahat ay dapat tulungan ng iba. Dapat din nilang matutunang tulungan ang sarili nila. Hindi ako laging nasa tabi nila para iligtas sila. Isa pa, mas napag-iinitan sila kapag may tumutulong sa kanila.
Hindi sila matututong ipaglaban ang sarili nila kung puro sila hingi ng tulong sa iba. Walang saysay ang tulong kung hindi ka naman natututo rito. Hindi porket may handang tumulong ay dapat na dumepende ka na sa kanila. Dapat ay marunong kang ipaglaban ang karapatan mo at tumayo para sa sarili mo sa t'wing napupunta ka sa masamang sitwasyon.
Hindi titigil ang mga nangangain sa'yo kung hindi mo sila susuwayin.
Parang si Abadeha. Hindi ko siya gusto dahil hindi niya pinaglalaban ang sarili niya. Hindi siya marunong mag-isip ng tama, ng makabubuti sa kanya. Masyado niyang inalala ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang nasa masamang sitwasyon. Kailangan niya pa ng tutulong sa kanya. Hindi niya naligtas ang sarili niya ng mag-isa.
Kailanma'y hindi ko pipiliing tanggapin ako ng mga tao sa paligid ko kung ang kapalit ay pagpapaaapi ko. Hindi matutumbasan ng pagpapahalaga sa sarili ang anumang kasiyahang maidudulot na matuwa ang tao sa paligid ko.
At the end of the day, it's me that's living my life and it's me who feels the suffering.
May naalala ako sa video ni kuya ngunit saktong paglingon ko sa pinto ay pumasok ang tatlo. Tatlo na naman. Si Krys at ang dalawang lieutenant. Hindi ko na lang sila pinansin at dumiretso kay Krys. Hinawakan ko siya sa dalawang braso niya.
"Hindi ako si Abadeha, Krys," sabi ko sa kanya. Bakas ang kalituhan sa mukha niya at kahit tumatango siya ay alam kong hindi niya nakuha ang gusto kong iparating. Huminga muna ako bago sinubukang ipaliwanag ng mas maayos.
"Hindi ako si Abadeha. Hindi tulad sa kwento ni kuya, hindi ko paborito o gusto si Abadeha. Hindi ko gusto ang mahinang character niya na nagpapatulong pa sa espirito ng gubat para lang makaalis sa kahirapan niya. Hindi ko gusto si Abadeha kaya bakit siya ang napili ni kuya? Marami pa akong alam na istorya na may mahinang bida na kinaaayawan ko pero bakit Abadeha ang kinwento niya?" paliwanag ko pa. Nagliwanag ang mukha ni Krys at napatango sa tanong ko. Buti naman at naintindihan niya na.
Dumiretso si Krys tungo sa mesa niya at pabagsak na naupo bago nagtipa ng napakarami. Kung anu-ano ang mga lumalabas sa screen ngunit karamihan ay mga kino-close niya lang din agad. Ilang minuto pa siyang gano'n ng gano'n habang si Accel sa gilid ko ay napakalikot.
Hinawi ko ang kamay niyang pinaglalaruan ang buhok ko at naupo na lang ako sa sofa sa likod. Sumunod siya ngunit lumayo na ako ng bahagya nang umamba na naman siyang hahawak sa buhok ko. Nang nairita ako ay iniwan ko na lang siya ro'n at pumunta kay Krys. Saktong nilingon niya ako.
"May nakita ka?" bungad ko sa kanya. Nakangiti siya ngunit nakatingin sa kawalan. Ibig sabihin ay may nakuha siya pero hindi siya satisfied sa dami ng impormasyon.
"Patingin." Nilapit ko ang sarili ko sa monitor at hindi ko na sana babasahin ang mahabang teksto sa baba ngunit sa unang pangungusap pa lang ay natutok na agad ako.
"A-51 is where the E-51 gathered together," basa ko rito. Umawang ang labi ko sa gulat at pagkamangha. Gulat sa bagong impormasyon, na konekstado pala ang A-51 at E-51. Pagkamangha kay kuya. Sa rami ng naaral namin ni Krys, lahat ng iyon ay siya ang may gawa. Siya ang nagpadala ng mensahe at siya rin ang nagbibigay ng signal sa amin.
At ngayon, nakuha na namin ang punto niya.
"Bingo!" sabi ni Krys sa matinis na boses. Narinig ko naman si Accel na nagrereklamo sa likod.
"Pwede bang pakikwento na rin sa amin para maka-relate naman kami?" reklamo nito kay Krys. Tinignan ako ni Krys at tumango na lang ako bilang sagot bago muling nagpunta sa bintana.
Naisip ko na rin kanina na isama na sila sa ginagawa naming pagre-research ni Krys. Bukod sa kailangan talaga namin ng dagdag na tao sa dami ng kailangang hanapin at gawin ay malaking tulong ang dalawa mismo. Pareho silang lieutenant sa training ground at pareho rin silang may makapangyarihang magulang.
Si Accel ay anak ng mga sikat sa field ng science na nasa gobyerno rin. Mataas ang ranggo nila at kilala rin sila dahil sa mga naiambag na mga discoveries.
Ang magulang naman ni Adi ay isa sa labindalawang prefect na nasa gobyerno. Sila ang madalas na hindi nakikita sa labas at puro closed doors na meeting ang ginagawa ngunit masasabi kong mas mataas sila kaysa sa iba dahil sila ang namamahala sa mga pribado at tagong gawain sa gobyerno.
Malawak ang koneksyon nila sa mga nakatataas at marami rin silang resources para sa pag-research kaya't masasabi kong magandang galaw na isama na ang dalawa sa nangyayari.
Bumalik ako sa pwesto kanina sa tabi ni Krys nang narinig ang malakas na 'okay' ni Accel. Parang naging signal ko 'yon na naikwento na ang lahat sa kanila. Buti naman at matyaga si Krys dahil hindi ko yata kayang makipag-usap ng matagal kay Accel na puro tanong ang narinig ko kanina.
"Krys, may problema talaga eh," pang-istorbo ko sa pagdaldal ni Accel sa gilid. Natahimik siya bigla at sa wakas ay nagkaroon na ng kapayapaan sa tenga ko. Tinignan ko si Krys sa mata at masasabi kong alam niya na rin ang problema ko.
"Si Elana..." dagdag ko pa. Tumango naman siya at sumandal sa upuan. Pati ako ay nag-isip pa rin. Binalikan ko lahat ng impormasyon namin.
Audio clip. Video ni kuya. E-51, Elana. A-51, Abadeha.
Abadeha.
Parang si Abadeha. Hindi ko siya gusto dahil hindi niya pinaglalaban ang sarili niya. Hindi siya marunong mag-isip ng tama, ng makabubuti sa kanya. Masyado niyang inalala ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang nasa masamang sitwasyon. Kailangan niya pa ng tutulong sa kanya. Hindi niya naligtas ang sarili niya ng mag-isa.
Kailangan niya ng tutulong sa kanya...
Tulong...
"Krys, alam ko na!" sigaw ko at bumalik sa kanya. Tinawag naman niya ang dalawa na naglilibot sa lab. Hinintay ko munang makarating sila rito bago ko sinabi ang napansin.
"Sa kwento ni Abadeha, hindi ko gusto ang bida. Pero may gusto akong character. Yung espirito ng gubat kasi tumutulong siya. Iniisip kong magkatulad kami. Pero ngayon, hindi na. Hindi ako si Abadeha o ang espirito ng gubat pero si Elana, oo. Si Elana ang magsisilbing espirito ng gubat natin na tutulong sa atin na makaalis sa paghihirap ngayon."
"Hindi ako si Abadeha pero meron tayong dapat hanapin na espirito ng gubat."