"Ang problema Kov, saan natin hahanapin si Elana?" tanong ni Krys. Napatango ako pero hindi tulad niyang problemado na agad ay hindi ako nagpatalo sa pagkadismaya ko.
Kung nagawa ni kuya na magbigay ng mga clues para sa ibang bagay, alam kong may koneksyon din si Elana sa amin, sa akin kahit papaano. Mahahanap namin siya. Alam ni kuya ang kakayahan namin at alam niya rin kung gaano kalawak ang kaya naming hanapan. Ibig sabihin, nandito si Elana sa compound.
"Wala ka bang masi-search?" tanong ko sa kanya. Umiling siya pero nagtungo pa rin sa monitor at pumindot ng kung anu-ano. Napangiti naman ako. Hindi rin talaga susuko si Krys.
Nilingon ko si Accel at Adi na kanina pa nanonood lang sa aming dalawa maliban sa mga panahong nanggugulo si Accel. Tinignan ko sila at nagdalawang-isip pa bago magtanong pero sa huli'y alam kong kailangan ko ring sabihin sa kanila.
"Anong pinag-uusapan niyo sa field?" mahinang tanong ko. Diretso ang tingin ko sa kanila at palipat-lipat iyon sa dalawa habang nag-aabang ako ng sagot. Tinignan ako ni Accel na hindi pa rin nakukuha ang tanong ko pero pakiramdam ko ay nakukuha na ni Adi dahil nakatingin lang din ito ng diretso.
"Siya 'yon," biglang sabi nito. Hindi ko sigurado kung sino ba ang kausap niya, buti na lang at nilingon niya si Accel bago pa ako sumagot. Tinikom ko ang bibig ko para maiwas sa pagkapahiya.
"Yung sinasabi ko sa'yong third party," dagdag nito. Napataas naman ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Alam kong hindi ang iniisip ko ang ibig niyang sabihin pero sa nakakarinig at 'di alam ang buong istorya ay baka mapunta na lang ako bigla sa tabloid at sugurin ng mga asawa ng kung sino.
"Anong third party?" tanong namin ni Accel ng magkasabay. Tinignan ko siya at nakatingin din siya sa akin pero may kakaiba sa tingin niya. Parang nakita ko na 'yon dati pa kaya't nakaiwas na ako bago pa man niya ako mayakap.
"Destiny talaga kita!" sigaw niya at tumakbo papunta sa pwesto ko na iniwan ko bago pa kami magkalapit ng isang metro. Ang ending ay nasanggi niya si Krys sa likod na katatayo lang din. Napayakap siya kay Krys sa pagkabigla at dahil nagulat si Krys ay nahampas nito ang hawak na keyboard kay Accel.
Umirap ako bago nagtungo palapit kay Adi habang naririnig ang dalawa sa likod na nagpapatayan. Mali, si Accel lang pala ang namamatay dahil puro mura ni Krys ang naririnig ko at walang humpay na pag-iyak at reklamo ni Accel.
"Anong third party?" tanong ko at humalukipkip sa harap ng isang lieutenant dito. Bahagya siyang tumingala dahil nakatayo ako at nakaupo siya. Tumikhim siya bago sumagot.
"Sa mind voice namin, may static akong naririnig. That means may third party na nakikisali sa usapan namin." Tinignan niya ako ng may mapang-akusang mga mata pero hindi ako umiwas at nagpahalatang tama siya. Nagtaas ako ng kilay.
"At paano mo naman nasabing ako 'yon?" nakangisi kong tanong. Bahagyang kumunot ang noo niya at ang tingin niya ay para bang hindi siya makapaniwala na nasasabi ko pa ang ganoong bagay.
"Seryoso ka ba?" natatawang tanong niya. Natawa ako ng bahagya sa mga naiisip at naupo na sa tabi niya. Dumekwatro ako at tumingin muli sa kanya at tinaasan siya ng kilay bilang udyok na ituloy niya ang dapat na sasabihin.
"Dahil sa tanong mo?" 'di-sigurado niyang sagot. Mas natawa ako nang nagtagumpay akong malito siya. Dahil nakangiti at natatawa ako ay parang nawalan siya ng confidence sa sagot niya.
"Bakit? Hindi ba kayo nag-usap sa field no'n ng harapan?" natatawang sabi ko. Natigilan siya at bahagyang umawang ang bibig habang nakatingin sa akin. Iniwan ko na siya ng may bahid pa ng ngiti sa labi at dumiretso kay Krys na kinakalbo pa rin si Accel.
"Krys," tawag ko sa kanya ngunit hindi siya lumingon. Hinila ko na lang siya mula sa pagkakadagan niya kay Accel na parang ginulpi ng ilang tao sa sobrang pagkasabog tignan.
"Anong nahanap mo kay Elana?" tanong ko sa kanya nang nakaupo na kami. Halatang stressed pa rin siya at naiinis kay Accel dahil marahas niyang sinusuklay ang buhok niya. Natatawa ako pero kung hindi ako magpipigil ay baka madamay ako.
"Wala akong mahanap na eksakto dahil ang daming Elana," sabi niya sa iritang boses. Mukhang nakadagdag si Accel sa pagkairita niya sa computer, ah.
"Try mo kayang Elana Madriaga?" sabi ko sa kanya. Bigla na lang iyong pumasok sa isip ko. Kung malapit kay kuya at sa akin, hindi ba kapamilya ko?
"Oo nga 'no," sabi ni Krys at tumayo na. Bumalik siya sa mesa niya at nag-search sa computer ng Elana Madriaga. Sinubukan ko ring alalahanin ang mga kamag-anak ko nung bata pa ako ngunit wala akong maalalang partikular na Elana.
"Wala Kov," malungkot na sabi niya. Nadismaya ako ngunit hindi muna ako nagpatalo sa lungkot. Hindi pa oras para mawalan ako ng pag-asa. Hindi kung para sa kuya ko ang ginagawa ko.
Natahimik kaming lahat pagtapos no'n. Paminsan-minsan ay nag-uusap si Adi at Krys at may sini-search sila o tinitignang profile ng Elana na nandito sa compound. Wala pa rin silang mahanap mula pa kanina.
Kung titignan, hindi ko pa rin talaga alam ang punto ng pag-alis ni kuya. Maayos at tahimik ang buhay namin noong panahong umalis siya. Hindi ko alam ang punto kung bakit kailangan niya pa akong iwan. Mas lalo pa ngayon sa sitwasyon namin.
"Wala pa rin, Kov." Nilingon ko si Krys nang muli niya akong tinawag. Tumango ako ngunit nagbigay ako ng maliit na ngiti sa kanya. Alam kong pagod na siya kakahanap at hindi naman niya ito obligasyon pero malaking tulong si Krys sa ginagawa kong paghahanap.
"Wala talagang Elana rito sa compound na may koneksyon sa inyong dalawa," dagdag pa niya. Tumango ako ngunit natigilan din agad. Walang Elana sa compound? Nilingon ko sila at agad na nilapitan.
"Kung walang Elanang konektado sa amin dito sa compound..."
"Baka merong nasa labas? Sa A-51?" tanong ko kay Krys. Nanlaki ang mata niya at mabilis na nagtipa. Puro siya "Oh my goodness" at tili kada naiisip niyang maaaring totoo nga. Si Adi sa tabi ay tumatango lang.
No Access...
'Yan ang lumalabas sa screen ni Krys. Patuloy siyang nagpipipindot ng kung anu-ano pero puro error at pula lang ang lumalabas. Hindi pa rin sumusuko si Krys kahit pa puro gano'n hanggang sa nakisali na rin si Adi.
"Accel," tawag nila rito. Nilingon ko si Accel na naglalagay pala ng yelo sa pisngi. Mukhang napuruhan siya ni Krys kanina. Tinignan niya lang ako ngunit nagkibit balikat ako dahil hindi ko rin alam ang punto nitong dalawa.
"Alam mo ba ang password ng database?" tanong agad ni Adi nang nakalapit na si Accel. Mabilis na sumeryoso ang mukha ni Accel nang narinig ang tanong ni Adi. Hindi ako sanay do'n pero dahil lieutenant si Accel ay hindi na nakapagtatakang seryoso siya pagdating sa tungkulin at trabaho niya.
"Alam mong confidential 'yon." Nagulat ako sa kaseryosohan sa boses ni Accel. Hindi ko akalaing ganito siya ka-seryoso na hindi niya masuway ng kaunti ang trabaho. Makikiusap na sana ako para kay kuya nang nagsalita pa siya.
"Pero syempre, walang confidential kung para sa kaibigan!" Mula sa seryosong ekspresyon ay namutawi ang malaking ngisi niyang nakakaasar at sumingit sa tabi ni Krys para mailagay ang password. Nagsalubong ang kilay ko nang nakita ang nilagay niyang password.
"Bakit pangalan ko 'yang password?" nalilito kong sabi. Nilingon nila akong tatlo at halata ang pagtataka sa kanilang lahat.
"Anong pangalan mo? Ikaw ba si EIVOKELYOR?" natatawang sabi ni Accel ngunit mas nagsalubong ang kilay ko at saka tumango sa kanya. Natigil siya sa pagtawa at nanlaki ang mata.
"Kovie Royle ang pangalan ko," sabi ko. Nalaglag ang panga ni Krys at Accel. Si Adi naman ay halatang nagulat din at napaawang pa ang mga labi. Inirapan ko sila.
Bakit password ako ng database ng gobyerno? Anong meron sa akin?
"Ikaw si Royle?!" sigaw ni Krys. Nagulat ako roon. Napatango na lang ako sa gulat at napalayo ako nang biglang tumayo si Krys at parang baliw na sigaw ng sigaw.
"Krys! Ano meron?" tawag ko sa kanya nang puro lang siya sigaw ng kung anu-ano sa gilid. Nilingon niya ako at hindi ko alam kung natatawa ba siya o naiiyak.
"Ikaw lang pala ang hinahanap namin!" sigaw ni Krys sa akin sa matinis na boses. Napatakip pa ako ng tenga sa ingay nang dumagdag si Accel kay Krys.
Anong ako ang hinahanap nila? Bakit naman nila ako hahanapin?
"Bakit--" naputol ang pagsasalita ko nang biglang nagsalita sa kawalan si Adi.
"Yes sir," sabi nito sa hangin. Natigil ang dalawa at tumingin kay Adi na parang kilala na nila ang kausap nito. Nanliit ang tingin ko nang nakitang may kaunting sound waves akong nakikita tungo sa kung saan.
Saktong pagtigil ni Adi sa pagsasalita ay may sumipa sa pinto ng lab. Napatingin kaming lahat kay Lieutenant Covet na preskong pumasok. Dire-diretso siya sa pwesto kung saan kami nagkukumpulan at kakaiba ang tingin niya sa akin. Nagtagal iyon ngunit naagaw din agad ni Accel ang atensyon niya.
"Bakit ka nandito?" maangas na sabi ni Accel. Tinignan lang siya ni Covet at inilipat ang tingin kay Adi. Dumaan saglit ang tingin niya sa akin at tinaasan ako ng kilay bago kinausap ang katabi ko.
"Lieutenant, tawag na tayo," sabi niya kay Adi. Tumango lang ang isa at sinenyasan si Accel at Krys na tumango rin at nagsimula nang mag-ayos. Kahit pa hindi ako lieutenant ay nakukuha ko ang gusto nilang iparating. May meeting sila.
Sa dami ng beses na napapatawag si Krys ay halos pamilyar na ako sa mga gawain ng mga lieutenant. Madalas silang may meeting kada papalubog na ang araw. Nang itanong ko kung ano ang pinag-uusapan nila ay overview lang daw ng activities sa buong araw.
"Una na ko, Krys," paalam ko at nauna nang lumabas. Nilagpasan ko silang lahat at kahit pa naiilang at nakukuryoso ako sa kakaibang tingin ni Covet sa akin. Pagkalabas ay para bang nawala na ang makapal na atmosphere sa paligid. Dumiretso na ako sa dorm at binagsak ang sarili ko sa kama.
Pagkadilat ko, babangon na sana ako ngunit para akong naestatwa sa posisyon ko. Literal na hindi ako makagalaw. Tulad ng panaginip ko nung nakaraan.
Nananaginip na naman ba ako?
Tinignan ko ang paligid at nasa kwarto ko pa rin naman ako. Hindi ko maibaling ang ulo ko kaya't nahihirapan akong makita ang kabuuan ng kwarto sa paggilid lang ng mga mata. Naghanap ako ng unusual sa paligid.
Parati kong pinapatay ang ilaw kapag natutulog dahil nahihirapan ako t'wing maliwanag. Sarado rin ang bintana base sa wala akong napapansing gumagalaw na kurtina. Tinignan ko ang study table ko at nakitang hindi naman nagalaw ang mga gamit do'n base sa huli kong alaala.
Pero...
Kapag natutulog ako ay madalas na humaharap ako sa bandang kanan ko ng wala sa sarili. Madalas ay dahil pakiramdam ko'y mababantayan ko ang bintana sa banda rito at ang pinto papasok. Dahil do'n, mas kaunti ang sakop ng tingin ko sa kaliwa.
Mabilis ang pagkurap ko nang naramdamang bahagyang lumubog ang kaliwang bahagi ng kama. Ang halatang paggalaw ng kung sino, kung ano roon ay para bang sinasadyang ipaalam ang presensya niya. Kung kanina'y hindi talaga ako makagalaw, ngayon ay natulos ako sa pwesto ko nang may kamay na pumatong sa ulo ko.
Dahan-dahan nitong hinaplos ang buhok ko, paulit-ulit hanggang sa bigla na lang itong tumigil at inalis ang kamay. Sa puntong ito hindi ko na kaya ang takot, pangamba at pagkagitla sa akin na nararamdaman ko na ang pagtulo ng luha ko.
Gusto kong humikbi at magwala ngunit hindi ako makagalaw. Parang may taling nakapulupot sa akin, pahigpit ng pahigpit kada segundong lumilipas. Dagdag pa ang bara sa lalamunan ko na nakadadagdag sa kakaibang pakiramdam ko.
Hindi ko mailabas ang damdamin ko. Hindi ako makasigaw man lang o makahikbi ng maayos para maibsan ang kalungkutan at takot sa akin dahil hindi ako makagalaw.
Nagtindigan ang mga balahibo ko nang muling lumapat ang daliri niya sa akin, pinadadausdos mula sa kamay ko tungo sa braso, tungo sa balikat hanggang sa umabot sa pisngi ko. Marahan niya itong hinahaplos na para bang sobrang halaga no'n.
Nanginginig ako sa loob ko pero ang panlabas na katawan ko ay parang bato na nanlalamig at naninigas. Kahit anong subok kong pumiglas sa nakakatakot at nakakatindig balahibong haplos ng kung sino man ang nandito.
Napunta sa nanginignig kong labi ang daliri niya at kahit anong gilid ko ng tingin ko ay hindi ko pa rin siya makilala. Madilim ang paligid at dagdag pa ang pwesto ko ay walang tsansang makita ko kung sinong mapangahas ang nandito sa kwarto ko ngayon.
Nilagay niya ang daliri sa labi ko na para bang pinapatahimik ako. "Sshh," bigla niyang suway. Natigil ako bigla sa paghinga sa narinig bulong na narinig ko. Sobrang lapit niya sa tenga ko at halos nararamdaman ko ang hininga niya roon.
"S-Sino ka?" Sa kung anong dahilan, bigla akong nakapagsalita sa kanina ko pang pagsusubok. Sinubukan ko pang magsalita muli pagtapos no'n pero wala na akong madagdag sa kaninang sinasabi ko. Para na ulit nakadikit ang labi ko sa isa't isa.
Narinig ko ang mahinang tawa niya. Dahil yumuko siya ng bahagya ay tumama sa akin ang mahaba niyang buhok. Naging impormasyon ito para malaman na babae ang nandito. Imbis na sumubok pang tignan siya patagilid ay diniretso ko ang tingin at naghanap ng maaaring salamin na matitignan ko.
Naalala ko ang tukador sa bandang paa ko at tinignan ko iyon pero dahil sa dilim at pwesto ko ay nahihirapan akong makita ang repleksyon no'n. Nang sa wakas ay umayos na ang tingin ko ay nakita ko ang sarili kong naninigas sa kama at isa pang ako... na nasa gilid ko.