PABILING-BILING sa higaan si Maggy. Hindi maalis sa isipan niya ang narinig na pag-uusap ng mga magulang. Sinadya daw sunugin ang kanilang bahay. Hindi nga lang niya napakinggan ang kabuuan ng pag-uusap ng mga ito dahil hinila na siya kanina palayo nina Yalena at Clarice nang mahuli siya ng dalawa na nanunubok sa hardin ng tahanan ng mga Alvero kung saan sila tumutuloy pansamantala matapos ang nangyaring sunog. Maingat na bumangon si Maggy para hindi tuluyang magising si Yalena na katabi niya sa kama. Kahit sa pagtulog ng kakambal ay nakakunot pa rin ang noo nito palatandaang nag-aalala rin ito sa mga nangyayari sa kanilang pamilya. Pipihitin niya na sana ang doorknob nang kusang bumukas iyon. Bumungad ang kanyang ama. Sandali pa silang nagkagulatan bago ito ngumiti sa kany

