MALAMIG ang hanging humahaplos sa balat ni Rachel. Ngunit sa halip na ginaw ang madama niya ay mas nakahihigit pa ang init na nagmumula sa loob ng kanyang katawan. Bukod pa roon ay mayroon pang isang klase ng init na lumulukob naman sa kanya. Naramdaman niyang tila may kumukulong sa kanya. Pinilit niyang imulat ang kanyang mga mata kahit tila kay bibigat ng mga iyon. Napakunot ang kanyang noo. Ano ba ang nangyayari sa kanya at parang wala siyang kapangyarihan kahit sa mismong sarili niya? Nang unti-unting luminaw ang kanyang paningin ay tumambad sa harapan niya si James na nakayakap sa kanya. “A-anong...” Noon niya natuklasang kahit na ang dila niya ay waring nahihirapang makabuo ng salita. Tinangka niya itong itulak ngunit mas mahigpit na yakap ang ginawa nito sa kany

