KROSS
Kagaya ng inaasahan ko ay hindi nakuha sa pampahid na cream ang mga sugat ni Lola Helen sa kamay. Hindi na ako nagdalawang isip na dalhin siya sa pinakamalapit na clinic bago pa tuluyang lumala ang mga sugat sa kamay niya.
“Kross, apo, hindi naman siguro ito lalala at magiging katulad sa nangyari dati. Hindi mo na ako kailangan pang dalhin sa doktor–”
“La, makinig po kayo sa akin,” agad na pigil ko sa ginagawa niyang pagtanggi. “Nakikita n’yo po ba yang mga yan?” tanong ko at tinuro ang mga maliliit na butlig na halatang may laman na tubig sa loob. Sobrang namumula ang paligid ng mga daliri niya at halatang tinitiis niya lang na kamutin dahil nakaharap ako at ayaw niyang makita ko.
“Kung hindi po kayo makakainom ng gamot na irereseta ng doktor, hindi po yan gagaling.” Patuloy na paliwanag ko at saka mabilis ang ginawang paglabas sa bahay para humiram ng tricycle kina Annalise.
Naabutan ko si Annalise na nagwawalis sa harapan ng tindahan nila kaya agad akong naglakad palapit sa kanya. Nakita niya rin ako agad kaya tumigil sa pagwawalis at bumati sa akin.
“Bakit nakabihis ka, Kross? May lakad ka?” Usisa agad ni Annalise. Tumango ako.
“Dadalhin ko kasi si Lola Helen sa clinic. Nandyan ba yung tatay mo?” tanong ko.
“Nasa loob, bakit? Anong nangyari sa lola mo?” Usisa niya at saka binaba ang hawak na walis at saka pinasunod ako sa kanya papasok sa bahay nila.
“Umatake na naman yung allergy niya sa kamay kaya papatingnan ko na sa doktor,” sagot ko.
“Ganun ba? Kawawa naman pala si Lola Helen,” komento niya at saka tinawag ang tatay niya.
“‘Tay! Nandito si Kross! Hinahanap ka!”
Lumabas naman ang tatay niya mula sa kusina at mukhang kasalukuyan pa lang na nagkakape dahil may hawak pang tasa.
“Ano yon, Kross?” tanong agad nito. Lumapit ako at sinabi ang pakay ko.
“Makikihiram po sana ulit ako ng tricycle. Dadalhin ko po si Lola sa clinic,” sagot ko.
“Sige, sige! Ito yung susi,” agad na pagpayag nito kaya nagpasalamat ako agad.
“Salamat po. Kakargahan ko na lang po ng gas kapag sinauli ko,” sambit ko.
“Walang problema, Kross. Sige na. Baka mahaba na yung pila ngayon,” sambit niya. Nagpasalamat lang ulit ako bago pumunta sa garahe nila at kinuha ang tricycle.
Wala ng nagawa si Lola Helen nang dumating ako sa bahay na sakay ng tricycle nila Annalise. Dinala ko agad siya sa clinic at agad na pinatingnan sa doktor.
Sinadya kong ‘wag ipakita kay Lola ang ginawa kong pagbabayad dahil siguradong hindi na naman niya magugustuhan kapag nalaman niya na mahigit sa dalawang libo ang nagastos ko sa check up pati na rin ang paunang gamot na kailangang bilhin. Hindi ko pa kayang bilhin ng kumpleto ang mga gamot na nireseta ng doktor kaya babalik pa ako kapag may pera na ulit.
Tahimik na tahimik si Lola habang pauwi kami sa bahay. Alam kong iniisip niya ang mga nagastos ko pero ayaw ko talagang balewalain ang kalagayan niya dahil nakita ko na noon kung paano siyang naghirap dahil sa sugat sa mga kamay niya.
Nagulat pa ako nang nadatnan namin si Tatay sa bahay. Sobrang bihira talaga niya kung umuwi dito kaya kapag umuuwi ay sobrang nakakapanibago.
“Saan kayo nanggaling?” Usisa ni Tatay nang makita kami ni Lola. Hindi nagsalita si Lola at tuloy-tuloy lang sa pagpasok sa loob. Sumunod ako kay Lola pero pinigilan ako ni Tatay sa pagpasok. Huminga ako ng malalim at hindi na nakatiis.
Lumabas ako sa bahay para sa labas kami mag usap. Ayaw kong marinig ni Lola na nagtatalo kaming dalawa dahil tungkol sa kanya ang mga sasabihin ko.
“Saan kayo pumunta ni Nanay?” tanong ni Tatay nang sumunod siya sa akin dito sa labas. Humarap ako sa kanya at hindi na nagpaligoy-ligoy at sinabi ang mga gusto kong sabihin.
Naiintindihan ko ang naging reaksyon ni Lola kanina nang makita siya. Si Tatay ang dahilan ng galit ng mga kamag anak niya sa kanya at dahil sa pagpunta niya sa birthday ng pinsan niya ay nangyari ang mga nangyayari sa kanya ngayon.
“Sa clinic, ‘Tay. Pinatingnan ko sa doktor si Lola,” sagot ko. Kumunot ang noo niya at saka hinawakan ang braso ko.
“Anong nangyari kay Nanay? Hindi ba sinabi ko sayo na ‘wag mong papabayaan–”
Agad na hinawi ko ang kamay niya na nakahawak sa braso ko. Nagsalubong ang mga kilay niya at mukhang hindi nagustuhan ang ginawa ko.
“‘Tay, alam n’yo po na kahit kailan ay hindi ko kayo inobliga na alagaan ako,” simula ko habang nakatingin ng diretso sa kanya. “Hindi ko po kayo inobliga na pag-aralin ako kaya nagsisikap akong paaralin ang sarili ko dahil alam kong walang gagawa non para sa akin,” diretsong sambit ko. Naglapat ang mga labi niya.
“Anong sinasabi mo–”
“Ayos lang po sa akin kahit na hindi ninyo ako intindihin. Kahit si Lola na lang po sana, ‘Tay. Kahit ang nanay n’yo na lang. Kasi masyado pa po akong bata para akuin ang responsibilidad ninyo para sa kanya–”
“Tang ina kang bata ka! Kailan ka pa natutong sumagot, ha?!” Gigil na kinwelyuhan niya ako pero dahil mas matangkad ako sa kanya ay mabilis ko lang na nahawi ang mga kamay niya na nakahawak sa akin.
“Kung kaya ko lang po na pagsabay sabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral, wala po kayong maririnig galing sa akin. Ngayon lang naman, ‘Tay. Ngayon lang. Kahit ngayon lang ay iparamdam n’yo naman po kay Lola na may anak pa siya.” Tuloy-tuloy na sambit ko at saka tinalikuran siya.
Hangga’t maaari ay ayaw na ayaw ko talaga sanang kausapin si Tatay tungkol kay Lola pero alam kong masyado ng apektado si Lola dahil sa kanya. Alam kong hiyang-hiya na si Lola sa akin dahil ako na lang palagi ang gumagawa ng paraan para mabuhay kaming dalawa. Alam kong gusto niyang tumulong sa paghahanap buhay pero masyado na siyang matanda para magawa yon. Limitado na lang ang mga kaya niyang gawin lalo na at may edad na at marami ng dinaramdam sa katawan. Kung ako lang ay ayaw ko na siyang pagtrabahuhin dahil hindi ko kayang makita na nahihirapan siya.
Tumunog ang phone ko kaya bumuntonghininga ako at kinuha ang phone ko sa bulsa. Nang makita kong si Sir Levin ang tumatawag ay hindi na ako nagdalawang isip na sagutin ang tawag niya.
Nakilala ko si Sir Levin nang isang beses na nanood sila ni Chairman Salvatierra ng laro namin ng baseball. Pinakilala ako ni coach sa kanila at sinabi na isa ako sa mga magagaling na player sa team. Doon nag-alok si Chairman Salvatierra ng scholarship galing sa isang foundation na isa siya sa mga investor. Pero meron ng scholarship na binigay sa akin kaya sinabi ni Chairman na siya na lang ang sasagot sa allowance ko.
Syempre ay malaking tulong yon para sa akin lalo na at hindi ko pa alam kung paano kong pagsasabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Kung hindi nag alok si Chairman Salvatierra na sasagutin ang allowance ko ay baka mapilitan akong kumuha ng part-time job sa gabi para lang maitawid ang pambaon sa school at panggastos naming dalawa ni Lola.
Simula noon ay naging malapit na kami ng stepson ni Chairman na si Sir Levin. Palagi niya akong tinatawagan kapag may mga kailangan siyang ipagawa. At binabayaran niya ako ng sobra sa bawat trabaho na pinapagawa niya sa akin kaya sobrang nagpapasalamat ako sa kanila dahil malaking tulong talaga sila sa akin.
“Kross! Good morning! Naabala ba kita?”
Tumigil ako sa paglalakad at tumabi sa daan para makausap ng maayos si Sir Levin.
“Hindi naman, Sir Levin. Bakit po? May ipapagawa po ba kayo sa akin?” tanong ko. May mga pagkakataon na tumatawag siya sa akin para lang papuntahin ako sa bahay nila at yayain na uminom. Pero madalas ay tumatanggi ako dahil nakakahiya.
“Oo sana, Kross. Kailangan ko kasing bumalik sa Japan. Actually, on the way na ako sa airport ngayon,” sambit niya.
“Ano po bang ipapagawa ninyo?” tanong ko.
“Yung aso ko kasing si Shadow, walang mag aalaga. Dalawang linggo kasi ako sa Japan. Hindi rin maaasikaso ni Daddy. Si Orla naman hindi ko pwedeng utusan dahil hindi naman yon mahilig sa aso. Kung pwede sana, Kross, ikaw muna ang mag alaga kay Shadow. Puntahan mo lang sa bahay para pakainin at paliguan. Kapag may extra oras ka pa, pwede mo rin siyang ilabas.”
Tumango ako sa lahat ng bilin ni Sir Levin. Malayo ang subdivision nila kaya sinabihan niya ako na ‘wag na munang mag part-time sa coffee shop para lang alagaan ang aso niya. Halos dalawang oras din kasi ang biyahe ko papunta sa kanila kaya mauubos ang oras ko sa pagbiyahe pa lang kung babalik balik pa ako doon para lang pakainin ang aso niya.
Pinadala na kaagad si Sir Levin ang bayad niya sa gagawin kong pag aalaga sa aso niya sa loob ng dalawang linggo kaya nakahinga ako ng maluwag. Hindi na ako mamomroblema kung saan ko kukunin ang pambili ng gamot ni Lola.
Nang bumalik ako sa bahay ay hindi sinasadyang narinig ko ang usapan nina Lola at Tatay. Hindi tuloy ako nakapag patuloy sa pagpasok sa loob dahil doon.
“Kung ganon ay ibalik mo na lang si Kross sa mga Cordova, Krisanto! Hirap na hirap na yung bata dito! Hindi ka ba inuusig ng konsensya mo? Ipinagkakait mo kay Kross ang buhay na dapat ay meron siya!”
Napalunok ako at napaatras nang marinig ang sinabi ni Lola Helen.
Totoo nga yatang ampon lang ako. Cordova? Isa akong Cordova? Pero wala namang Cordova na mahirap ang buhay. Ibig sabihin ay mayaman ang mga totoong magulang ko? Anak mayaman ako?