CHAPTER 5
“Gago ka! Ang gago mo! Bakit mo ako hinalikan?” sinangga niya ang bawat hampas ko sa kanya.
“Aw! Isa pang hampas, I’ll kiss you ‘till you drop.” Hawak niya ang aking dalawang kamay at hindi ko na iyon maigalaw pa.
“Bakit ka nanghahalik na lang bigla? Tang ina ka! ‘Yong ex- boyfriend ko nga hanggang sa pisngi lang ang halik niya! Tapos ikaw na bagong kakilala ko sa labi na agad ang halik?!” napapikit siya dahil sa lakas ng aking boses.
“Ang hina naman pala ng ex- boyfriend mo, hanggang pisngi lang? What a stupid coward.” Dahil kumalma na ako ay binitawan na niya ang aking kamay.
Ang haba ng nguso ko habang pinapaandar niya ang sasakyan. Ano pa ang magagawa ko? Nangyari na at nawala na ang aking first kiss sa isang iglap lang.
“Still thinking about the kiss?” binaba ko agad ang aking kamay nang bigla siyang magsalita. Hindi ko namamalayan na nasa labi ko na pala ang kamay ko.
“You want more?” sinamaan ko siya ng tingin. Pinakita ko sa kanya ang aking gitnang daliri. Tumawa ito ng malakas na may kasama pang hampas sa manibela na hawak niya.
“’Wag mo ng ipaalala sa akin kung paano mo kinuha ang first kiss ko! Magpapanggap na lang ako ng hindi ‘yon nangyari.” Pinikit ko ang aking mga mata at tsaka sumandal bago nagsalita ulit.
“Gisingin mo na lang ako kapag nakarating na tayo.” Nakarinig ako ng sagot mula sa kanya.
“How should I wake you up? Kiss you again?” napamulat ako ng wala sa oras.
Tinaas ko ang aking kamay at tinuro siya.
“Ikaw abusado kana, ah? ‘Wag mo akong mahalik- halikan ulit at paduduguin ko talaga ‘yang labi mo sinasabi ko sa ‘yo.” Hindi na nga lang ako matutulog. Baka totohanin niya ang sinabi niya. Hindi porke’t gwapo siya may karapatan na siyang halik- halikan ako.
“Don’t sleep then, keep me entertain.” Anong tingin sa akin ng lalaking ‘to clown? May kamatis ba ako sa ilong?
“Ginawa pa akong entertainer. Ano gusto mong gawin ko? Gusto mo magmagic ako rito sa loob ng kotse mo?” narinig ko na naman ang malutong niyang tawa.
Buong byahe ay wala siyang ginawa kung hindi asarin ako. Nagbabangayan lang kaming dalawa hanggang sa makarating na ulit kami sa bahay nila.
Bitbit ang aking mga bag ay pumasok kami sa loob ng bahay nila.
“Where is Jacques? Is he here?” tanong nito sa isang kasambahay na nagpupunas ng vase. Siya ‘yong isa sa mga babaeng nasa loob ng kwarto kanina.
“Nasa taas po, sir. Kadadating lang po nila,” sagot nito.
“Kunin mo ang bag niya,” sumulyap ito saglit sa akin bago maglakad. “Follow me, you have to meet my brother.” Kahit nahihiya pa akong ibigay ang bag ko doon sa babae ay binigay ko pa rin dahil ang layo na niya. Ang bilis maglakad.
“Salamat po!”
Double ang naging lakad ko para mahabol ko siya.
“Hintayin mo naman ako!” umakyat kami sa kanilang hagdan.
Nakakalula naman ‘tong bahay nila. Hindi nababagay ang isang tulad ko rito. Sinasampal ako ng kahirapan. Pakiramdam ko ang halaga ng mga gamit nila dito ay pwede ng ipaayos sa bahay namin. Ano kayang pakiramdam na maging isang mayamang tao? ‘Yong tipong paggising mo hindi mo na iisipin kung saan kana naman kukuha ng pera para sa mga pangangailangan mo sa isang araw. Ang sarap yatang maging buhay mayaman. Kailan kaya ako yayaman?
Binuksan niya ang pinto ng isang kwarto. Pagpasok pa lang naman ay isang sigaw na ang aking narinig.
“Get out!” nakadapa ito sa kama at nasa cellphone na hawak ang kanyang mga mata.
“It’s me, Jacques.” Tsaka pa lang ito nag- angat ng tingin. Ngumiti ito pero nawala rin agad nang makita ako sa likod ng kapatid niya. Siya ang younger version ng kapatid niya. Mula sa tangos ng ilong, sa mga mata, at kung paano sila tumingin sa mga tao. Nandoon ang talim ng mga titig nila.
Kumaway ako at ngumiti sa kanya.
“Hello! Ako nga pa-”
Hindi ko na natapos ang pagpapakilala ko dahil pinutol niya ako. Magkapatid nga sila, parehas na hindi ako pinapatapos sa sasabihin ko.
“I don’t care.” Binalik niya ang tingin sa cellphone na parang walang nangyari.
“Jacques, this is Cecilia. And she’s gonna be your new yaya.” walang naging sagot ang kapatid niya. Kahit ilang segundo na sulyap ay hindi rin nito ginawa.
“Jacques, you have to be good to her. I can’t count on my fingers how many yaya I hired for you. But no one last.” Nasaan kaya ang mga magulang nila? Wala kasi akong mga nakikitang picture sa loob ng bahay nila. Ang mga mayayaman, kadalasan, ang mga anak nila ay inaalagaan lang ng mga yaya at sa mga yaya na lumaki dahil busy sila sa trabaho.
“I don’t want to have a yaya. I want mommy to take care of me.” Narinig ko ang malalim na buntong- hininga ng kuya niya.
“You know that mommy has work, right?” tahimik lang ako sa likuran dahil wala naman akong karapatang sumingit sa kanila.
“Why does she need to work? We have a lot of money already! Our dad is working and you are also working na, kuya! I have a lot of money in my piggy bank mommy can use that! She doesn’t need to work!” tumaas ang boses nito. Ilang taon na ba ang batang ‘to? Mas matanda yata sa kanya ang bunsong kapatid ko.
“Jacques, when you grow up you will understand the situation.” Wala ng naging sagot ang kapatid niya. Pero ang noo ay nakakunot at kita ko sa kapit niya sa kanyang cellphone na galit siya.
Naiintindihan ko ang batang ‘to. Gusto niya lang ng atensyon ng mga magulang niya, lalo na ng mommy niya. Nalulungkot ako habang iniisip na siya lang ang mag- isang naiiwan sa bahay sa tuwing may trabaho ang mga magulang niya at ang kanyang kuya. Kaya siguro walang tumatagal na yaya sa kanya dahil ayaw niya sa mga ito.
Hindi na namin nakausap pa ang kapatid niya. Tahimik kaming lumabas ng kwarto nito at para akong isang asong sunod nang sunod sa manok.
“Go to your room. Ikaw na ang bahala sa kapatid ko. Si Manang Felmay na ang bahalang magpaliwanag sa ‘yo sa mga dapat at hindi mo dapat gawin.” Lumingon ito sa akin at tinuro ako. “And you have to behave, Cecilia.”
“Ano’ng tingin mo sa akin as-” tinalikuran na ako ng walanghiya!
Nagdadabog akong pumunta sa aming kwarto.
Nang pumasok ako sa loob ay tatlo na silang nandoon. May isang matanda sa amin, nakatali ang buhok niya at may iilang puting buhok akong nakita doon. Mataba ito pero maliit.
“Hello po,” ang isang babae na matangkad na may nunal sa gilid ng kanyang ilong ay lumapit sa akin.
“Ako nga pala si Junice, Cecilia ang pangalan mo, ‘di ba?” tumango ako sa tanong niya. “Siya si manang Felmay, siya ang pinakamatagal na kasambahay sa bahay na ‘to.” Turo niya doon sa matandang babae. Sunod niyang tinuro ang isang babae na kaedad niya lang din.
“Siya naman si Ritchel,”
Mabilis ko lang na nakaclose ang mga kasama ko, kasi ang daldal din nung dalawa kong kasama. Nasa taas ang aking pwesto sa double deck, kaming dalawa ni ate Junice. Nasa baba naman si ate Ritchel at si Manang Felmay.
Kinabukasan ay maaga akong gumising dahil may pasok pa si Jacques at kailangan kong sumama sa kanya sa paghatid.
Kulay gray ang uniporme namin at slacks ang pang- ibaba.
“Ito ang baon ni Jacques, Cecilia.” Nilahad nito sa akin ang dalawang lunchbox. “Tuwing break nila ay puntahan mo siya sa loob ng classroom niya at pakainin mo nitong snacks niya. Sa tanghali naman ay subuan mo siya para maubos niya ‘yong kanin na hinanda ko.” tinanggap ko iyon at kinuha kay manang Felmay. “Tsaka ‘wag mo siyang painumin ng mga juice, ha? Bawal siya doon at itong tubig lang ang ibigay mo sa kanya.”
Marami pang binilin sa akin si Manang Felmay at ang iba ay hindi ko pa matandaan.
Umagang- umaga, busangot ang mukha ni Jacques na bumaba galing sa taas ng kwarto niya.
“Good morning, Jacques! Start your day with a smile!” ngumiti ako sa kanya na halos makita na ang galagid ko. Pero nilagpasan niya lang ako at nauna ng lumabas sa akin. Ang sungit!
Nasa backseat kami nakaupo. Siya ay halos dumikit na sa bintana para lang hindi madikit sa akin. Ang arte naman ng batang ‘to.
“Wala naman akong nakakahawang sakit, kung makailag naman ‘to.” Bulong ko sa sarili ko.
Umuwi ang kotse nila pagkatapos nila kaming hinatid. Tang ina, hindi ko alam anong gagawin ko sa labas habang naghihintay ng uwian ni Jacques. Kulang na lang bilangin ko ang mga maliliit na batong nakikita ko sa lupa para maaliw ko ang sarili ko.
Nang uwian na ay nakangiti kong sinalubong si Jacques.
“Hi, Jacques! Kumusta ang test n’yo? Ilan ang score mo?” may natanggap ba akong sagot? Syempre wala! Hayop na buhay ‘to!
Nagulat ako nang ibang sasakyan ang sumundo sa amin. Ang kuya niya pala!
“Kuya, I don’t want her! She’s so annoying!” sumbong nito sa kuya niya. Hindi pa ako tuluyang nakapasok sa loob ng sasakyan pero nirereklamo na niya ako sa kuya niya.
“Jacques, my decision is final, whether you like it or not.” Publong- bulong na si Jacques nang umupo ako sa tabi niya.
Tahimik ang naging byahe naming tatlo pauwi ng bahay nila. Sa labas lang huminto ang sasakyan nito at hindi na pumasok sa kanilang gate.
Sa pamamagitan ng rearview mirror ay sumulyap siya sa kapatid niya.
“Jacques, go inside,” lumipat sa akin ang tingin niya.
“You stay here,” tumawid ako ng upo at tumango sa kanya.
“Saan tayo, sir?” tanong ko sa kanya nang bumaba na ang kapatid niya. Tsaka niya lang pinaandar ang sasakyan niya nang makapasok na sa loob ng gate ang kapatid niya.
“Saan mo na naman ako dadalhi, sir? Parte pa ba ‘to ng trabaho ko? Wala na ‘to sa pinag- usapan natin, sir. May dagdag na ‘to.” masama siyang tumingin sa akin.
“I’ll add ten thousand for this. Just shut the fvck up and don’t ask anything.” Dahil pera na ang pinag- usapan ay tumahimik ako.
Nasa dalawampong minuto ang naging byahe namin at huminto kami sa isang mall.
“You see this girl?” tinaas niya ang kanyang cellphone. Lumapit ako ng kaunti para makita iyon ng maayos. Maganda ang babae, matangos ang ilong, mahaba at kumikinang ang hanggang bewang na buhok, pantay ang mga ngipin, mataas ang pilik- mata, at maganda ang katawan.
“Sino ‘yan, sir? Ang ganda naman. Girlfriend n’yo?” pinatay niya muna ang kanyang cellphone bago sumagot.
“She’s my ex. She’s inside the mall right now. And I want you to watch her moves.”
“Bukod sa babysitter ako, gagawin mo pa akong spy, sir?”