"Sigurado ka na ba rito?" tanong ni Trenz. Kitang kita ko ang namumuong pawis sa noo niya.
Ako man ay kinakabahan ngunit kung magpapaapekto ako ay paano nalang matutuloy itong nasimulan na namin.
"Dahan, bagalan mo" suway ko sa kanya nang makitang ipapasok na niya ang bagay na iyon.
Napakagat ako sa aking labi. Mahaba iyon at matigas. Sana ay hindi kami makagawa ng ingay.
"Huwag nalang kaya natin ituloy?" ani Trenz kaya't pinanlakihan ko siya ng mata. Nandito na kami e, bakit kailangan pang tumigil?
"Ipasok mo na!"
"Paano kung masaktan ka?"
Kanina pa ako naiinip.
Ipapasok lang naman.
Hinawakan ko siya sa braso at umiling, pahiwatig na hindi niya dapat ako alalahanin. Kung ano man ang mangyari ay handa na ako.
Nagkatitigan kaming dalawa. Matapos tumango sa isa't isa ay maingat niyang ipinasok ang mahaba ngunit manipis at matigas na metal sa lock ng pinto ng kwarto ni Bryant.
This is it, mapapasok ko na ang kwarto ng lalaking pinakamamahal ko. Hindi ko maiwasang mag-isip.
Ano kaya ang makikita ko sa loob?
Kanina pa sinasabi ni Trenz na baka masaktan lang ako kapag may hindi ako nagustuhang makita sa kwarto ng kuya niya ngunit once in a lifetime lang 'to. Ngayon lang ako nagkachance na makapasok sa kwarto ni Bryant!
"Anong sasabihin nating palusot kila Mommy kapag nahuli na tayo?"
Ikinibit ko ang aking balikat. Siya dapat itong nag-iisip! Bakit ako?
"Ikaw ang may gusto nito" ani Trenz nang mabasa ang iniisip ko kaya't agad ko siyang sinimangutan.
"Hindi 'to mangyayari kung sapat ang impormasyong binibigay mo sa akin"
Sa sinabi kong iyon ay napabuga nalang siya sa hangin.
Palaging maraming ginagawa si Bryant at ang gunggong kong intel ay walang kaide-ideya kung ano ang pinagkakaabalahan ni Bryant ngayon maliban sa kanyang pag-aaral kaya't kami na mismo ang gumagawa ng paraan para alamin kung ano man iyon. Ipinagdadasal ko nalang na sana ay hindi iyon babae.
Nitong mga nagdaang araw kasi ay palagi ng late umuuwi si Bryant. Madalas din siyang wala sa kanilang bahay.
Nang mabuksan ang pinto ay agad kaming pumasok. Inilibot ko ang tingin sa buong silid. May mga nakakalat na damit sa sahig. May ilan ding notebook na magulo ang pagkakaayos sa kanyang study table.
So this is his room.
Ang inaasahan ko'y isang malinis na kwarto ang aking mabubungaran ngunit imbis na madismaya ay mas lalo akong natuwa. Everyone has flaws at tanggap ko lahat ng kapintasan niya.
Umupo ako sa kanyang kama. He is not perfect and that is what makes him more lovable.
"Happy na?" ani Trenz ng madaanan ko siya ng tingin. Nakapwesto siya sa ngayon ay nakasara ng pinto at pinagmamasdan lang ako.
Lumapit ako sa study table ni Bryant. Binuklat ko ang mga libro na nagkalat doon. Sinubukan kong intindihin ang mga nakasulat ngunit kahit anong pilit ay hindi ko talaga maunawaan. Sigurado akong mathematics book iyon. May ilang expression na masasabi kong algebra pero hanggang doon lang.
Well, he's now in college, it must be tough.
Patuloy lang ako sa pagbubuklat ng mga nanduon hanggang sa mapukaw ang mga mata ko ng isang wallet size picture. Siguro ay nalaglag ito sa isa sa mga librong ginalaw ko. Pinagmasdan ko ito kasabay ng pagbuo ng hindi magandang pakiramdam sa aking dibdib.
Litrato ito ni Bryant kasama iyong babae na minsan ko ng makita nang ayain ako ni Trenz manuod ng liga. Ibinaba ko ito at bumalik sa pagkakaupo sa kama.
They look good together.
Idagdag pang mukhang masaya talaga si Bryant sa litratong iyon. Nakakapanghina.
"Iuwi na kita sa inyo"
Tiningnan ko ang aking kaibigan.
"Sila na ba?"
"Hindi ko pa sigurado"
Edi posible?
Tumayo ako at dire-diretsong umalis.
Si Trenz naman ay nakasunod lang sa akin. Dahil nga magkalapit-bahay lang kami ay mabilis kong narating ang tapat ng aming bahay.
"Sige Trenz, kita nalang tayo bukas"
"Sigurado kang okay ka lang?" nag-aalalang tanong ng kapatid ng lalaking mahal ko. Tumango ako sa kanya bago tumalikod.
Ako susuko?
E ano ngayon kung may posibilidad na nobya ni Bryant ang babaeng iyon? Hindi pa naman sigurado. At least ngayon ay alam ko na kung sino ang kalaban ko sa kanyang puso.
Palagi kong kinaiinisan noon si Miles dahil iniisip kong may gusto siya kay Bryant, dahil nga magkaibigan sila ay madalas ko silang nakikitang magkasama. Kinaiinggitan ko ang maling tao noon at ngayon na alam ko na kung sino ang dapat kong pinagtutuonan noon ay mas lalong lumakas ang aking loob. Wala akong oras para panghinaan dahil kung ang lakas ng loob na tanging pinanghahawakan ko ngayon ay mawawala, sigurado akong walang mangyayari dito sa aking nararamdaman.
........
"Uy ikaw ha, bakit mo sinusundan si kuya?"
Napatigil ako sa paglalakad ng marinig iyon.
Anong ginagawa niya rito?
"May pasok ka diba? Bakit ka nandito?" maldita kong tanong.
Napakamot ako sa aking ulo. Bakit kailangang nandito si Trenz?
"Magkaklase tayo baka nakakalimutan mo? May klase ka rin, gusto mo isumbong kita kay Ma'am? Bad magcutting classes" nang marinig ang pangaral ay inirapan ko siya.
Para namang may pake ako sa opinyon niya.
"Umalis ka na, bumalik ka na dun" ani ko, tinutukoy ang aming classroom.
Dali-dali akong nagtago nang may teacher na dumaan. May isang malaking pader ang naghihiwalay sa Elementary at High School, dahil nga high school na si ninong Bryant ay kinailangan ko pang akyatin iyon kanina upang makita siya habang nag-aaral.
Hindi pa naman malabo ang mata ko kaya't sapat na ang distansya namin para makita ko siya na seryosong nakikinig sa itinuturo ng kanyang guro.
"Alam mo bang delikado iyong ginawa mong pag-akyat kanina?" ani ng bubuyog sa tabi ko, nakakainis ngunit hanggang ngayon ay hindi parin siya umaalis.
"Iyong kahoy na tinungtungan mo, saan mo iyon kinuha?" dugsong niya na hindi ko pinag-abalahang sagutin.
Nakita ko na si ninong Bryant, buo na ang araw ko.
Tumalikod ako at naglakad pabalik kung saan ako nanggaling, isa na akong grade 2 student ngayon, imposible man sa paningin ng iba ngunit nagawa kong akyatin ang hindi kataasang pader na namamagitan sa paaralan ko at ng aking ninong. Mabuti na lamang at palagi kong pinagpapraktisan iyong mga puno sa likuran ng aming bahay kapag hindi nakatingin sila Mama kaya't madali nalang para sa akin ang umakyat.
Matapos umakyat ay didiretso na sana ako sa aming silid-aralan nang pigilan ako ni Trenz.
"Bakit mo ito ginagawa?"
Napatingin ako sa braso kong hawak niya. Mukhang hindi niya ako hahayaang umalis hangga't hindi ko sinasagot ang tanong niya. Agad akong napanguso, ang paalam ko kay Ma'am ay magsiCR lang ako, kapag masyado akong natagalan ay magduda na siya.
Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin.
"Alam mo yung crush? Tingin ko crush ko si ninong"