Dahil sa sobrang pagkasabik ko ay halos hindi na ako nakatulog kagabi. Sobrang aga ko kasi nagising kahit na hatinggabi na rin ako nakatulog. Agad akong tumayo sa kama ko at inayos ang higaan. Halos walang mapaglagyan ang mga ngiti ko ngayon habang nakatingin sa kama saka mabilis na tumakbo papasok sa loob ng banyo. Ilang minuto lamang ako nagtagal rito para maghilamos saka agad na tumakbo papunta naman sa kusina sa ibaba.
Pagkababa na pagkababa ko ay agad kong nakita sina Mommy na nag-aayos ng mga gamit.
“Mommy, good morning!” masiglang bati ko rito saka mabilis na umupo sa katapat na upuan ng mesa.
Malayo pa lang kasi ako ay naaamoy ko na agad ang pagkain sa ibabaw ng mesa. Ang sarap! Kahit na palaging si Mommy ang nagluluto ng agahan namin ay talagang walang papalit sa luto niya.
Ito lang ata ang isang bagay na hinding hindi ko pagsasawaan sa kanya.
“Good morning baby,” bati nito sa akin saka dumaan sa inupuan ko at mabilis na hinalikan ang uluhan ko. Napangiti naman ako saka muling ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.
“Si Daddy?” tanong ko rito sabay kagat ng fried chicken na hawak ng kanang kamay ko. Napalingon pa ako sa kanya habang hinihintay ito sa pagsagot. Ngayon ko lang napansin na nag-iimpake pala si Mommy ng mga pagkain sa isang malaking picnic bag.
“ Ang dami naman niyan Mommy,” komento ko sabay nguya sa kinakain.
“Syempre, marami rin tayo dun mamaya sa reunion noh,” sambit nito habang abala sa ginagawa.
Ehh… sobrang dami ba talaga namin mamaya? Halos mapuno puno na kasi ang dalawang picnic bags sa dami ng pagkain.
Pakiramdam ko tuloy ay mai-impatso lahat ng kamag-anak namin mamaya kapag pinilit nilang kainin lahat ng dala namin.
“Alexia,” tawag sa akin ni Mommy dahilan para muli kong ibaling ang paningin sa kaniya.
“Po?”
“Mamaya sa reunion ay huwag na huwag kang magkukulit ah, mamaya ay kung anong mangyari sa inyo. At saka alam ko na sabik ka na makita ang mga pinsan mo, pero huwag ka naman masyadong hyper mamaya. Maliwanag ba?” sermon nito sa akin habang seryosong nakatingin sa akin.
Napayuko na lamang ako saka dahan dahang napatango. Kahit kailan talaga ay laging ako na lang ang nakikita ni Mommy, psh! Hindi naman ako makulit na bata eh.
“Oh siya, gisingin mo na si Daddy mo at aasikasuhin ko naman si Marcus,” utos nito sa akin kaya agad kong binitawan ang chicken na hawak ko at umakyat pabalik sa second floor.
“Okay po Mommy,” nakangiting sagot ko saka sinunod ang utos nito.
Si Daddy naman, palagi na lang siyang nahuhuling gumising. Kung minsan pa nga ay kailangan ko pa siyang daganan para magising. At may mga pagkakataon na tanging sigaw lang ni Mommy ang nakakapag pa gising sa kanya. Pagka-akyat ko ay napahinto muna ako sa tapat ng kanilang pinto saka ito dahan-dahan na binuksan.Maingat ko rin itong isinara at mala-ninja na naglakad palapit sa kanya.
Hihihi, bahala si Daddy dyan. Ayaw niya magising ah. Nang malapit na ako dito ay mahina akong nagbilang sa isipan saka agad na tumalon at dinaganan ang katawan nito.
“GOOD MORNING DADDY!!” malakas na sigaw ko rito.
“ARRRGHHH!!” malakas na sigaw naman ni Daddy at agad na napamulat ng mata.
“Ahihihi,”
Nakangiting nakatingin ako sa itsura ni Daddy. Mahahalata sa mukha nito ang pagkapilit nito sa sakit habang pilit ako na inaalis sa ibabaw niya.
“Alexiaa!!” tawag nito sa akin na animo’y pinapaalis ako sa ibabaw ng kama.
“Good morning Daddy,” nakangiting pagbati ko saka siya napahinto at tumingin sa akin. Maya-maya ay napangiti na lang rin siya saka marahan na umupo sa kama.
“Masakit ‘yun baby ah,” reklamo nito sa akin habang nakanguso.
“Daddy, tanghali na po kasi. Pupunta pa tayo sa bahay nina Lola eh,” sagot ko.
“Hays, bakit parang patagal ng patagal ay nagagaya ka na sa Mommy mo, kawawa tuloy si Daddy, laging nabu-bugbog,” paawa effect na saad nito sa akin habang nakahawak sa kanyang tiyan. Napangiti naman ako habang tumatayo sa kama nito.
“Kayong dalawa d’yan, bilisan niyo na! Aalis na tayo mamaya. Tumawag si Mama, maaga raw tayo pumunta dun,” sambit ni Mommy habang bitbit sa kanang braso si Marcus na mahimbing na natutulog.
“Mom, si Daddy ayaw pa tumayo eh,” sambit ko saka ako lumayo kay Dad pero huli na ang lahat ng maabot nito ang paa ko.
“Ikaw…” sambit nito saka ako kiniliti sa paa habang hinihila palapit sa kaniya.
“Reynante!” malakas na sigaw ni Mommy
Napalakas naman ang tili ko kaya napailing na lamang si Mommy saka naglakad palayo kasama si Marcus.
“DA-DADDY!!! HAHAHAHA” halos hindi ako magkamayaw sa kakatawa habang patuloy pa rin si Daddy sa pangingiliti sa akin.
“Ano, lalaban ka pa?” nang-aasar na tanong ni Daddy habang hawak-hawak ang mga paa ko.
Hindi ko alam pero naramdaman ko kaagad ang kiliti sa talampakan ko kaya malakas kong naisipa ang paa ko. Hindi ko naman sinasadya at agad na napayuko si Daddy bago pa man tumama sa kanya ang paa ko. At dahil dito, ay kinuha ko itong pagkakataon para makatakas sa kaniya.
“BLEEEH!!” pang-aasar ko sa kaniya saka ako tumakbo palabas. Halos ramdam ko pa rin ang kiliti nito sa talampakan ko kaya naman halos matatawa-tawa pa rin ako hanggang sa makarating sa kusina. Narinig ko pang sumigaw si Daddy habang nasa kwarto nito.
“ALEXIAA!!” sigaw nito na para bang balak rin akong sundan ngunit hindi pa man siya nakakababa ng second floor si Dad ay sumegunda sa kanya ang iyak ni Marcus.
“REYNANTE!!!” malakas na sigaw ni Mommy dahil sa ingay ni Dad.
Patay! Mukhang nagising ni Dad si Marcus dahil sa sigaw niya. Bahala si Dad d’yan, hihihi.
Natatawa na lamang akong tumingin kay Dad habang nakayukong itong bumababa sa hagdan. Laglag balikat itong naglakad palapit sa ref namin at kumuha ng gatas saka umupo sa kaharap kong upuan. Hindi ko na lamang ito pinansin at umakyat na lang rin ulit sa itaas. Tapos na naman na ako kumain eh.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos na rin ako sa pag-aayos ng sarili. Naabutan ko si Mommy sa kama habang inaayos ang mga gamit ko. Pinasuot na niya sa akin ang red dress na binili namin noong nakaraang araw saka pinababa para pumunta na kina daddy. Habang nasa hagdan ay natanaw ko kaagad si Dad at katulad ko ay nakabihis na rin ito.
Ngumiti lamang ito sa akin saka ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa telepono. Ngumiti na lang rin ako pabalik saka lumapit kay Marcus na natutulog sa kanyang higaan. Nakasuot na rin ito at mukhang nakahanda na rin pati ang kanyang gatas sa bote. Hinintay ko na lamang sina Mommy na makababa saka kami nagtungo sa garage namin.
Ilang oras lamang ang itinagal ng byahe namin ay nakarating na rin agad kami sa bahay nina Lola kung saan magaganap ang family reunion namin. Pagdating namin sa venue ay agad akong napatingala sa dami ng disenyo. Katulad ng nakasanayan ay bongga talaga palagi ang mga family reunion namin. Si Lola ba naman ang gumagastos ng lahat eh daig pa ang milyonaryo sa pagpapa bongga.
Napangiti na lamang ako nang salubungin ako ng mga pinsan ko.
"Alexia!" tawag sa akin ni ate Patricia. Sabi ni papa ay kapatid niya ang papa ni ate Patricia kaya naman magpinsan kami. Isang taon lang ang tanda niya sa akin at di hamak na mas matangkad siya sa akin.
Mabilis akong tumakbo palapit dito at niyakap si ate Pat.
"Uyy, kamusta ka na! Na-miss kita Alexia!" masayang sambit nito habang yakap yakap ako.
"Ako rin po ate!" masayang sagot ko rito.
Hindi ko na hinintay pa sina Mommy at naglakad na agad ako papasok. Inaya agad ako ni ate Pat palapit sa iba pa naming kamag-anak at pinsan. Napansin ko kaagad ang ngiti ng mga ito nang makita nila ako.
"Ayun! Alexia, Halika rito!" tawag agad sa akin ni Kuya Ken. Kapatid niya si ate Pat at mas matanda sa kanya ng apat na taon.
"Kamusta na! Pa-dalaga ka na ah!" bati sa akin nito saka ako inakbayan sa braso.
Napangiti naman ako.
"Ayos lang po kuya," nahihiyang sagot ko rito.
Sa katunayan ay kahit binata na si kuya Ken ay hindi pa rin kami awkward kapag nag-uusap. Baby pa lang kasi ako ay siya na ang nag-aalaga sa akin. Mas matanda siya sa akin ng limang taon kaya naman magkapatid talaga ang turingan namin sa isa't isa.
Napalingon ako sa katabi nito at napansin si Kael. Kapatid naman ito ni kuya Ken. Hindi kagaya ni kuya ay hindi kami magkasundo ni Kael. Palagi niya akong inaaway at kung minsan pa nga ay asar talo ako sa kanya.
Napairap na lamang ako rito nang makitang nakatingin siya sa akin. Katulad ko ay umirap lang rin ito sa ere saka napa-cross arm. Hindi ko na lamang ito pinansin at inikot ang paningin. Dahil sa tangkad ko ay hindi ko kaagad makita kung nasaan sina Mommy. Iniwan na lang rin kasi ako basta-basta ni Ate Pat dahil may aasikasuhin na naman daw siya. Pero bahala na. Mamaya ko na lang hahanapin sina Mommy.
Puro pagbati lang rin ang ginawa ko sa ibang pinsan at kamag-anak ko dahil hindi naman ako ganun ka-close sa kanila. Pilit na hinanap ng mga mata ko ang isang partikular na tao.
Nasaan na kasi siya?
Sumiksik ako sa iba tao para lang mahanap siya ngunit nagulat na lamang ako nang biglang may humawak ng balikat ko. Agad akong napalingon rito at nakita ang nakangiting imahe ni Lola.
"Sabi ko na nga ba at si Alexia ang batang ito eh," nakangiting sambit ni Lola saka ako lumapit sa kanya at yumakap.
"Lola!" masayang bati ko rito saka sinuklian siya ng yakap.
Maya-maya ay humiwalay na rin ito saka umupo upang maka-level siya sa aking tangkad.
"Ang laki laki mo na apo ah...hmm, nagdadalaga ka na rin," nakangiting sambit nito.
"Pero makulit pa rin," biglang rinig na sambit mula sa likuran namin.
Sabay kaming napalingon rito ni Lola at nakita si Mommy. Napanguso naman ako. Si Mommy naman, nilalaglag ang sariling anak.
"Nica!! Anak!" masayang bati rito ni Lola saka niyakap naman si Mommy. Hinalikan niya rin sa pisngi si Daddy bilang pagbati rito.
"Ah siya nga pala Alexia,naaalala mo ba yung batang lalaki na kinukwento mo sa akin dati? Si Kei?" paalala sa akin ni Lola.
Agad na nanlaki ang mga mata ko. Paanong naalala niya pa ang tungkol dun?!
"O-opo..." kinakabahan na sagot ko.
"Hinahanap ka niya, kanina pa. Andyan lang yan sa gilid gilid," biglang sambit ni Lola habang nakangiti.
Ha?