Habang naglalakad ako sa hallway papasok ng aming classroom ngayong umaga, bigla 'kong nakasalubong sa nadaanang library ang naka-cross arms na si Naomi. Siya lang mag-isa ngayon, at napakatulis ng mga titig niya sa 'kin.
Ang aga-aga naman niyang manggugulo. Iyong totoo, hindi kaya siya napapagod na mang-away at gumawa ng gulo?
"Ano na namang kailangan mo?"
"Hindi na 'ko magpapaligoy-ligoy pa, Brianna..." aniya tsaka may iniabot sa 'king cheke. "Sapat na ba ang P500,000 para maglaho ka nang parang bula sa buhay namin ni Axel?"
Napatawa naman ako sa sinabi niya, "Kung sa buhay mo lang ako maglalaho, sobra pa ang P500,000 mo. Pero kung kasama si Axel, gusto ko ng isang milyong ginto. Ngayon, kung hindi mo 'yon maibibigay sa 'kin e, pasensyahan tayo. " Nakangisi kong tugon.
Ang tapang ko habang nagsasalita, pero sa loob-loob ko, e kabado ako sa bawat salitang lumalabas sa bibig ko. Hindi ako sanay sa ganitong set-up pero kailangan kong panindigan ito. Kung kailangan kong magtapang-tapangan para lang hindi ako masaktan at abusuhin ni Naomi ay handa 'kong gawin.
"Napakalakas ng loob mo---"
"Sa totoo lang, hindi ko naman kailangan ng pera mo. Oo, mahirap lang ako at masasabi kong sobrang laking tulong ng ino-offer mo sa 'kin para sa pamilya ko. Pero ang point ko lang, hindi mo 'ko mabibili. Ipinanganak ako para maging masaya at malayang gawin ang gusto ko, hindi para ibenta ang sarili ko para sundin lang ang gusto mo.
Wala kang magagawa para layuan ko si Axel, kasi ngayon pa lang, sinasabi ko na sa 'yo na hindi ko 'yon gagawin. Wala kang karapatan na sabihin iyon dahil una sa lahat, wala ka nang karapatan kay Axel. At iyon ang dapat mong itatak sa kukote mo, Naomi."
Nagulat naman ako nang sugurin niya 'ko at malakas akong itinulak dahilan para mauntog ang likod ko sa pader. Medyo nasaktan ako dahil doon pero hindi ko ipinahalatang nasaktan ako.
"Ang lakas ng loob mo na magsalita nang ganyan! Ang kapal-kapal ng mukha mo, Brianna! Hinding-hindi ko mapapalampas ang ginawa mo na 'to at tinitiyak ko na pagsisisihan mo na kinalaban mo 'ko. Kung ayaw mong layuan si Axel, ako ang gagawa ng paraan para mapaghiwalay ko kayo! Hindi kita hahayaang maging masaya, dahil sa huli, sa akin pa rin mapupunta si Axel habang ikaw ay maiiwan na namang luhaan." Pambabanta niya.
Aminado akong naapektuhan sa sinabi niya pero pinili kong itago ito sa kaniya at siguraduhing hindi niya makita na lumalambot na naman ako. Posibleng tama nga siya, posibleng mangyari na naman ang nangyari no'ng nakaraan, pero nandito na 'ko, e kaya hindi ko na 'to tatalikuran.
Alam kong nangako ako sa sarili ko na hindi ko na hahayaan pang mangyari ulit ang nangyari no'ng nakaraan, pero kung ito ang nakatadhanang mangyari ay handa 'kong harapin. But this time, haharapin ko ito nang may tapang at paninindigan.
"Wala ka kasing kadala-dala, Brianna. Pakitatak na lang diyan sa kukote mo na hinding-hindi ka mananalo sa 'kin. Nakakasiguro akong, ako ang pipiliin ni Axel kaya ihanda mo na ang sarili mo na masaktan, okay?" aniya at akmang aalis na nang magsalita ako.
Napangisi ako, "Sana hindi mo kainin iyang mga sinabi mo. Sige, tingnan natin kung sino ang iiyak sa dulo. Bilog ang mundo, Naomi. Baka magulat ka na lang na ikaw na mismo ang makaranas ng dinanas ko noon. Well, magiging masaya talaga 'ko kung gano'n." At nauna na 'kong umalis sa kaniya.
Hindi ko alam kung saan ko nakuha 'yong mga sinabi kong iyon pero sana nakatulong iyon kay Naomi para maunawaan na niya ang mga bagay-bagay. Matagal nang tinapos ni Axel ang relasyon nila, kaya dapat mag-move-on na si Naomi. Mas lalo lang siyang masasaktan kung patuloy niyang ikukulong ang sarili niya sa nakaraan.
Alam kong mahirap mag-move-on dahil naranasan ko 'yan. Hindi naging madali para sa 'kin na mag-move-on sa nangyari sa 'kin, a years ago. Pero pilit kong itinatak sa isip ko na kailangan kong gawin kasi kung hindi ko 'yon gagawin, to-torture-in ko lang ang sarili ko, e. Pipigilan ko lang ang sarili ko na maging masaya kung patuloy akong magpapakabilanggo sa nakaraan.
Ngayon naman na naka-recover na 'ko mula sa pagkaka-broken-hearted, e may isang lalaki ang dumating sa buhay ko. Sa ngayon ay hindi ko pa sigurado kung ano nga ba siya para sa 'kin, pero ipinapanalangin ko na sana, this time, hindi na 'ko masaktan pa.
Sana sa susunod na pagkakataon na buksan kong muli ang puso ko para sa isang lalaki, ay hindi ko na pagsisihan sa huli.
Nasa kalagitnaan ako ng pagdadrama nang makarating ako sa classroom namin at naabutan kong sarado ang pintuan nito. Nakakapagtaka na sarado ang pinto no'n, e hindi ko naman ito naaabutang sarado dati, e.
May kababalaghan kayang ginagawa ang mga kaklase ko sa loob?
"Hello? May tao ba diyan?" tanong ko habang kinakatok ang pintuan.
Nakakailang katok na 'ko nang bigla itong bumukas kusa. Patay ang ilaw sa loob, pero dahil umaga naman ay kita ko pa rin naman ang nasa loob.
Nakita ko roon ang mga kaklase ko na nakaupo sa kani-kanilang upuan at abala sila sa pagsusulat. Inisip kong mabuti kung mayroon ba kaming assignment or activity na kailangang ipasa ngayong araw pero wala naman akong naaalala. Tyaka isa pa, ano namang isinusulat nitong mga kaklase ko, e wala namang nakasulat na lecture sa white board. Wala pa nga kaming Prof kasi 30 minutes pa bago mag-time.
Ano bang nangyayari? Bakit nawi-weird-uhan ako sa kanila?
"Guys, anong mayroon? May quiz ba? Or exam?" tanong ko sa kanila.
Sabay-sabay silang napatingin sa 'kin at ngumiti. Ewan ko pero ang gara ng ngiti nila, parang nang-aasar at parang may binabalak silang hindi maganda.
At iyon na nga, isa-isa silang lumapit sa harap ko at may inabot sa 'king mga papel. Tiningnan ko naman kung anong nakasulat doon, pero drawing na heart lang ang nakita 'ko.
"Para saan ito?" tanong ko.
Hindi naman sila sumagot, at patuloy sila sa pagbibigay sa 'kin ng papel na 'yon. Tanggap naman ako nang tanggap kahit hindi ko alam kung para saan ba ang mga ito.
Nakita ko naman si Mia na kakapasok lang din ng classroom, at maski siya ay nagulat sa naabutang eksena sa loob.
"Anong mayroon?" tanong ni Mia.
Napa kibit-balikat ako, "Ang weird nila. Hindi man lang nila 'ko sinasagot kung para saan ba itong papel na ibinibigay nila." Sagot ko at ipinakita kay Mia ang mga papel na may drawing na heart.
"Anong kalokohan ito?" tanong ni Mia.
Nasagot ang tanong namin nang may umagaw sa atensyon naming dalawa. Nakita namin na pumasok sa may back door si Axel habang tangan ang isang gitara. Ang gwapo-gwapo niya ngayon, lalo na't musician ang datingan niya.
"Naks, may pasabog si Kuya mong Axel." Kinikilig na sambit ni Mia.
Kaya ayon, siniko ko siya kasi mas kinikilig pa siya kaysa sa 'kin, e.
Can't explain all the feelings that you're making me feel
My heart's in overdrive, and you're behind the steering wheel
Nagsimula na nga siyang kumanta, at siya'y dahan-dahan ding naglalakad papalapit sa kinatatayuan ko.
Touching you, touching me
Touching you, God, you're touching me
I believe in a thing called love
Just listen to the rhythm of my heart
There's a chance we could make it now
We'll be rocking 'til the sun goes down
I believe in a thing called love
Saktong natapos niyang kantahin ang huling liriko ng kanta ay nakarating siya sa harap ko. Nakatingin ang mga mata niya sa 'kin, na pakiramdam ko ay tutunaw sa buo kong pagkatao.
"These are my hearts," aniya na ang tinutukoy ay ang mga papel na hawak ko kung saan mayroong naka-drawing doon na heart. "It all belongs to you, so you have to keep them."
"Huh?"
Natawa siya, "I order you to keep all of that. I'm going to deposit these hearts to you, and I will withdraw it at the right time, alright?"
Hindi man sigurado ay um-oo na lang ako sa sinabi niya. Tiniklop ko ang mga papel na hawak ko at ilalagay na sana 'yon sa loob ng bag ko nang biglang mayroon na namang um-eksena.
"Anong kaguluhan ito, BSA? Bakit gulo-gulo ang upuan niyo? Wala tayong klase?" pilosopong tanong ni Ma'm Janet.
At dumating na nga ang Prof namin kaya nagmamadali kaming umupo sa upuan namin at inayos ang mga ito. Ang aga-aga naman kasing paandar ito, feeling ko tuloy ang special ko.
Rebisco ka, girl?
---
5 P.M. lang ay nagpalabas na ang Prof, ibig sabihin ay pwede na kaming umuwi. Good news din iyon kasi kailangan ko nang makapagsimula na magsulat ng mga notes para handa 'ko sa exam namin na mangyayari next week, e.
"Mia, tara na---"
"Halika na nga, Brianna!"
Namilog ang mata 'ko nang magkasama 'kong hinihintay ni Mia at ni Axel.
"Sasabay ka ba sa 'ming umuwi, Axel?" tanong ko rito.
"Mia told me that she's going to introduced me to your family---"
"Ano? Hala, hindi totoo 'yon---"
"Sshh, nasabi ko na, 'di ba? Tiyaka pumayag na si Axel kaya hindi ka na makaangal pa. Noon pa nga gustong makilala ni Tita 'tong si Axel e, kaya pagbigyan mo na ang Nanay mo, ha?"
"Mia---"
"Tara na, ang dami mong satsat!" aniya at hinatak na 'ko palabas ng classroom.
Sana man lang sinabihan niya 'ko tungkol sa balak niyang ito para sana nakapag-ready ako kahit papaano. Hindi pa naman kami nakakapaglinis ng bahay, nakakahiya rito kay Axel kung maabutan niyang makalat ang bahay namin.
Ito naman kasing si Mia, gagawa-gawa ng desisyon pero hindi man lang ako sinasabihan. Gusto niya palagi, e nasusurpresa ko. Akala niya siguro ay natutuwa pa 'ko sa ginagawa niyang iyon.
Hay nako!
Ilang minutong lakaran ang nakalipas bago kami nakarating sa bahay namin. Pagpasok namin dito, nagtaka pa 'ko na malinis ang bahay namin at maayos.
Napaisip ako bigla, mukhang ako lang ata ang hindi sinabihan ni Mia, pero sina Nanay at Alena ay alam ang tungkol sa plano ni Mia.
Pinagkaisahan na naman nila 'kong tatlo. Grabe, ha?
"Siya ba 'yon, anak?" natutuwang salubong ni Nanay habang nakaturo dito sa katabi kong si Axel.
"Siya nga po, Tita." Sagot ni Mia.
Habang si Axel naman ay nagmano sa Nanay ko, at kumaway naman siya sa kapatid ko. Natawa pa 'ko sa reaksyon ni Alena nang kawayan siya ni Axel, parang kinilig siya na ewan.
"Siya 'yong lalaki na nakita ko noon, Nay! Iyong kasama ni Ate sa may labasan." Pagsumbong ni Alena.
"Tamo, nahuli na pala kayo ni Alena na patagong nagde-date, ha?!"
Agad ko namang siniko si Mia. "Itikom mo na lang iyang bibig mo, kahit isang oras lang."
"Ikaw, kanina mo pa 'ko sinisiko, ah! Kaunting-kaunti na lang talaga, bi-bingo ka na sa 'kin!"
"Nako, ngayon pa talaga kayo nag-away. Nakakahiya naman sa boyfriend ni Brianna---"
"Nay, hindi ko siya boyfriend!" medyo naiinis na sabi ko.
"Hindi pa sila, Tita. Ikaw naman Tita oh, obvious na obvious na gusto mo na pong magka-apo."
Jusko po, mas lalong sumasakit ang ulo ko. Mukhang hindi ata magandang ideya na sumama pa si Mia rito. Sangkatutak na kahihiyan na ang inabot ko. Hiyang-hiya na 'ko kay Axel, hindi ko na alam kung paano ko pa siya haharapin.
"Pwede rin naman, para d-um-oble ang saya sa bahay namin." Natatawang sabi ni Nanay. "O siya, tuloy kayo. Kumain muna tayo nang hapunan bago kayo umuwi, ha? Kahit kaunti lang para hindi sayang itong inihanda namin ni Alena."
"Oo nga, umutang pa si Nanay sa kapitbahay para lang makabili ng masarap na ulam na ihahain ngayon kasi---"
Naputol sa sasabihin si Alena nang mapansin niya siguro ang senyas ni Nanay sa kaniya na napansin ko rin.
"Hindi naman po ako maarte sa pagkain kaya hindi niyo na po kailangang maghain ng masarap na putahe. Nakakahiya po," dinig kong sabi ni Axel.
"Ayoko lang kasing mapahiya ang anak kong si Brianna sa lalaking dadalhin niya rito sa bahay. Gusto ko kahit papaano ay isipin ng bisita niya na kaya rin naming makapaghain ng masarap na pagkain dahil minsan lang naman iyan magdala ng bisita rito kaya itinodo na namin." Paliwanag ni Nanay.
Nanatili lang akong walang-imik. Sa totoo lang, gusto kong magalit kay Nanay dahil sa ginawa niya pero hindi ko naman iyon magawa dahil nandito si Axel.
"Nay tanggapin niyo 'to," at may inabot na P3,000 si Axel sa kamay ni Nanay. "Alam kong maliit lang ang halaga na 'yan pero sana ay makatulong."
"Salamat---"
"Huwag na, Axel. Hindi kami tumatanggap ng tulong sa iba. Hayaan mo na, kalimutan mo na lang iyon. Kaya naman namin, e."
"Nagpapasalamat na sa 'kin iyong Nanay mo, pero ayaw mo pa ring tanggapin? Walang masamang tumanggap ng tulong sa iba, lalo't kung nangangailangan ka. Pride pa rin ba ang paiiralin mo, imbes na tumanggap ng tulong ng iba?"
"Bri, tama si Axel. Hindi ikakababa ng pagkatao mo kung tatanggapin mo 'yong tulong niya." Sabi naman ni Mia.
Hindi na 'ko kumibo at hinayaan na sila roon. Nagpaalam lang ako sa kanila na lalabas muna 'ko ng bahay para makapagpahangin at mapag-isa.
"Brianna?"
Hindi ko na pinagkaabalahan pang lingunin si Axel. Sana hindi na lang niya 'ko sinundan dito sa labas. Gusto ko nga munang mapag-isa kaya 'ko lumabas, e.
"Kung na-offend ka man sa sinabi ko, I'm sorry. I did not meant to offend you---"
"Huwag mo nang isipin pa 'yon, Axel. Wala lang iyon. At huwag mo ring isipin na galit ako sa 'yo kasi bakit naman ako magagalit sa 'yo, e wala ka namang ginagawang mali, 'di ba?" sabi ko at tiningnan siya. "Sa katunayan nga, gusto kong magpasalamat sa 'yo. Maraming salamat sa tulong mo, at sorry na rin kung naging gano'n ang asta ko kanina.
Hindi kasi ako sanay na tumatanggap ng tulong mula sa iba, lalo na kung pinansiyal. Gusto ko kasing pagsumikapan ang pera na gagastusin namin sa araw-araw, kaya lang sa estado ko ngayon, e hindi ko pa 'yon magagawa hangga't hindi pa 'ko nakaka-graduate."
"Ngayon mo pinatunayan sa 'kin na worth it ang naging tulong ko sa inyo, kahit na maliit na halaga lang iyon. Thank you for accepting that, Brianna."
"Ano ba 'yan, ang drama naman natin." Natatawang sabi ko.
"Ikaw kasi ang nauna, e. Kakapanood mo siguro 'yan ng Korean Novela kaya ka lumaking ma-drama." Pang-aasar niya.
"Hindi na nga ko nakakapanood kasi una sa lahat, wala 'kong load para makapanood no'n." Nakasimangot kong sagot.
"Gusto mo magka-load?"
"Paano?" tanong ko.
"Punta ka sa tindahan na naglo-load tapos ibigay mo ang number mo---"
"Lakas nitong mang-asar. Kapag ako napikon, kakalimutan ko talagang may utang na loob ako sa 'yo." Nakasimangot kong sabi.
Pero ang totoo niyan, hindi naman talaga 'ko galit. Natutuwa pa nga 'ko kasi dahil sa simpleng asaran namin, e napakagaan nito ang kaninang mabigat na pakiramdam ko.
---
Tenth Sign: Nag-aasaran kayo dahil alam niyo sa isa't isa na 'yong simpleng asaran niyo ay nagiging lambingan niyo na, at nakakapagpagaan ito ng mood ng isa't isa.