Chapter 9

2636 Words
Mag-a-alas-otso na rin nang makauwi ako sa bahay namin. Medyo nahaba-haba ang pag-uusap namin ni Axel kaya ngayon lang ako nakauwi. Aaminin ko, nag-enjoy ako na makasama siya at makausap. Naging masaya ko sa araw na ito, at si Axel ang naging dahilan no’n. Siguro paunti-unti ay matututunan ko ring maging komportable ako na kasama at kausap siya--- Kaya lang mukhang mali yata na mag-isip ako nang ganitong bagay. Ang kasunduan namin ni Naomi ay lalayuan ko na si Axel pero bakit nga ba hinahayaan ko siyang makapasok sa buhay ko? Gusto ko naman na talagang lumayo kay Axel, pero ang hirap kalabanin ng puso. Ngayon pang naging importante na siya sa buhay ko, malamang ay mas magiging mahirap para sa ‘kin na lumayo sa kaniya. Bakit ba naman kasi sa lahat ng lalaki, kay Axel ko pa mararamdaman ito? Hindi pa naman ako sigurado sa nararamdaman ko, kaya lang nakakatiyak ako na habang tumatagal na magkakasama kami ni Axel ay mas magiging mahirap sa ‘kin na lumayo sa kaniya. Ngayon pa nga lang ay hindi ko magawa, paano pa kaya kapag naging importante na siya sa buhay ko? Ano nang gagawin ko? Hindi ko alam kung anong gagawin, kung anong tama at mas dapat gawin? Natatakot ako na gumawa ng aksiyon, kasi baka mamaya ay magkamali ako. Baka kasi mamaya, e pagsisihan ko na naman ang gagawin ko. Ayoko nang dumating sa punto na may isang bagay na naman akong pagsisisihan nang hindi ko man lang pinag-iisipan nang maigi na gawin ang gano’ng bagay. Ayoko nang umabot sa gano’ng punto, pero ano naman kasing gagawin ko, ‘di ba? Gulong-gulo na ‘ko sa buhay ko. “Nak, anong problema?” dinig kong tanong ni Nanay. Hindi ko napansin na pumasok pala siya rito sa kwarto ko. Sana naman ay hindi niya nahalatang may malalim akong iniiisip. “Pagod lang ako, Nay.” Sagot ko. “Hindi naman masamang mag-share ng problema, Brianna. Nanay mo ‘ko, kaya huwag kang mahiya na sabihin sa ‘kin iyan. Tandaan mo, lagi lang akong nandito para pakinggan ka, okay?” Napayuko ako, “Hindi ko na po kasi talaga alam ang gagawin ko. Alam mo ‘yon, Nay? Gusto mong mapalapit sa isang tao, pero hindi pwede kasi may isang tao na nakabantay sa ‘yo para sirain iyong pangarap mo. Sa bawat tamang desisyon na ginagawa ko, may mali pa rin, e. May nagbabadyang kapahamakan, kapalit ng saya na natanggap ko.” “Sa buhay natin, ang bawat saya ay laging may kapalit na lungkot. Ang bawat tagumpay ay laging may kapalit na trahedya. Kaya dapat, masanay ka na sa mga gantong sitwasyon, kung saan kailangan mo nang asahan na ang bawat magandang mangyayari sa buhay mo ay may kapalit na lungkot. Matuto kang harapin ang mga ‘yon at sikaping maging matatag.” Paano ‘ko magiging matatag? Parang isang saling lang sa ‘kin, tutumba na ‘ko agad, e. “Tulog na po ako,” ang tanging nasabi ko. Tinanguan naman ako ni Nanay bago siya lumabas ng kwarto ko. Pagod na ‘kong mag-isip, bukas naman. Tsaka isa pa, wala naman akong mapapala kung patuloy kong iisipin ang problema ko. Gusto ko na lang kalimutan lahat nang iyon at mag-focus na lang sa sarili at sa pangarap ko. Gusto kong bumalik sa panahon na hindi ko pa nakikilala si Ivan, at hindi ko pa nakilala si Axel. Gusto kong bumalik sa panahon na tahimik lang ang buhay ko, at malaya ‘kong gawin ang gusto ko. Kung sana mayroon lang akong kakayahan na makabalik sa nakaraan, baka matagal ko na ‘yong ginawa. --- “Uy, Brianna! Kayo na ba ni Axel? “Bri, anong mayroon sa inyo ni Axel? Bakit kayo magkasama kahapon?" “Brianna, kayo na ni Axel? Ang swerte mo naman!” Iyan agad ang sumalubong sa ‘kin pagkapasok ko ng classroom. Grabe mga kaklase ko, umagang-umaga, chismis agad ang bungad. At tsaka saan naman nila nakuha ang balitang iyon? Bilib na talaga ‘ko sa university na ‘to, laging updated sa lahat ng chismis. “Wala, walang kami.” Sagot ko at iniwasan sila. Dumiretsyo ako sa upuan ko pero nakasunod pa rin sila at patuloy akong ginigisa sa mga tanong nila. “Brianna, magsalita ka naman. Para namang hindi tayo pamilya rito!” “Oo nga naman, Brianna! Wala namang masama kung magsasabi ka nang totoo, e. Support naman kami sa inyo ni Axel.” “True! Bagay nga kayo, e. Magiging masaya pa kami kung magiging kayo man!” Sana si Naomi rin, maging masaya kung sakali man na mangyari ‘yon. “Hoy, hoy! Kayo talaga, napakachichismosa niyo, ‘no? Kailangan ba talaga na lahat ng chismis ay dapat alam niyo, ha?” pagsaway sa kanila ni Mia. “Natural. Tinawag mo pa kaming chismosa kung hindi naman lahat ng chismis ay alam namin!” “Wala ‘kong pakialam, Angela! Itikom mo ‘yang bibig mo kundi ipapalunok ko sa ‘yo ‘tong marker na hawak ko, ano!” “Ang gara niyo naman, kayo lang ang nakakaalam. Hindi naman namin ipagkakalat---“ “Ikaw pa isa, Adrian! Kalalaki mong tao, napaka-chismoso mo! Hindi ba’t gumagawa kayo ng assignment kanina? Kung ako sa inyo, e tapusin niyo na ‘yong assignment na kinokopya niyo kay Samantha, o isusumbong ko na nangopya lang kayo sa kaniya. Sige, mamili kayo!” dahil sa sinabi ni Mia ay nagsibalikan na sa kani-kanilang upuan ang mga kaklase namin. “Mga bundol na ‘to, takot palang masumbong na nangongopya sila.” Aniya pa. “Paano ba kasi nila nalaman na magkasama kami ni Axel kahapon?” tanong ko kay Mia. “Umalis kayo nang magkasama kahapon at galing kayo rito, ‘di ba? Malamang lang na may mga estudyanteng chismosa ang nakakita sa inyo kaya ayan, ginawan tuloy kayo ng issue.” “Kalahi mo pala sila---“ “Manahimik ka!” pagpigil niya sa ‘kin. “Relax ka lang at nararamdaman kong may susugod sa ‘yo rito mamaya.” Seryosong sabi ni Mia. Napalunok ako, “Marami na bang nakakaalam?” “Actually, naka-post sa page natin. May nakapag-picture sa inyo na magkasama kayo ni Axel habang nakaangkas ka sa bisikleta niya. At nakakatiyak din ako na nakarating na rin ito sa ex niyang aso.” Dahil nga sa sinabi ni Mia ay mas lalo akong kinabahan. Ako ‘tong umaayaw sa gulo pero ako rin naman itong gumagawa ng dahilan para gumawa ng gulo si Naomi sa pagitan naming dalawa. Kung bakit ba naman kasi hindi ko pinagana ang utak ko, e. Kung bakit ba naman kasi inuna ko ang kalandian ko, kaysa ang isipin na pwedeng maging malaking away ito kung sakaling makarating ito kay Naomi. Ang tanga-tanga ko, hays. Parang kahapon, sobrang saya ko na nakasama ko si Axel pero ang bilis dumating ng kapalit. Tama si Nanay, lahat ng nangyayaring maganda sa buhay ng tao ay may kapalit. At ito na siguro ang kapalit ng saya na naramdaman ko kahapon; takot. Takot sa pwedeng gawin sa ‘kin ni Naomi sa pagkakataon na makaharap ko siya ngayong araw. Ngayon pa lang ay kinakabahan na ‘ko sa posibleng mangyari. “Alam ko ‘yang tinatakbo ng isip mo ngayon. Relax ka lang, Bri. Akong bahala sa ‘yo. Hangga’t nasa tabi mo ‘ko, hinding-hindi ka magagalaw ng babaeng iyon, okay?” Malungkot akong napatingin kay Mia, “Iyon na nga, e. Mapapanatag lang ba ‘ko sa tuwing kasama kita? Paano kung matapat na hindi kita kasama tapos gumawa na naman ng gulo ang babaeng iyon? Paano ko sila haharapin kung nasanay na ‘ko na naka-depende sa ‘yo?” “Ano ka ba? Huwag mong isipin na mawawala ko sa tabi mo---“ “Intindihin mo kasi ‘ko. Hindi imposible ang sinasabi ko. May pagkakataon talaga na pwede nilang ma-timing-an na hindi kita kasama, tyaka nila ko guguluhin. At iyon ang ikinakatakot ko, kasi nasanay ako na nakaasa sa ‘yo kaya kapag dumating ang ganoong sitwasyon, ako pa rin ang magiging kawawa.” “Bri,” “Kung bakit ba naman kasi napakahina kong babae. Kung bakit ba naman kasi pinagkaitan ako ng Diyos ng kakayahan na lumaban at ipagtanggol ang sarili ko. Hindi ko na alam, hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang gusto ko na lang magbalat ng patatas.” Nakatanggap naman ako ng kotong mula kay Mia, “Ang nega mo! Isa lang naman ang solusyon diyan sa problema mo, e.” “Ano naman?” “Kung hindi ka marunong lumaban, edi pag-aralan mo. Pag-aralan mong ipagtanggol ang sarili mo, para naman mawala ‘yong takot mo sa Naomi na ‘yon. Kailangan mo lang maging matapang, Brianna. Kailangan mo matutong manindigan at lakasan ang loob mo na tanggapin ang magiging consequences ng gagawin mo. Alam kong kaya ka natatakot na labanan si Naomi ay dahil may isang bagay ka na pinoprotektahan. Pero isipin mo, wala namang masama kung ipagtatanggol mo ang sarili mo sa kaniya, e. Kaya nga nagbuwis ng buhay ang mga bayani para sa Pilipinas, para magkaroon tayo ng kalayaan na gawin ang gusto natin at ipaglaban ang sa tingin natin ay tama.” Siguro nga ay tama si Mia, kailangan ko lang tatagan ang loob ko dahil at the end of the day, ako rin ang makikinabang nito. Hindi ko matataguan si Naomi habambuhay, at hindi ako sasaya kung palagi kong tataguan na lang ang mga problema ko. Kailangan kong sumugal, kailangan kong lumaban. Sasabak na lang din ako sa gyera na ‘to, kailangan kumpleto ang armas ko. Hinding-hindi ko na hahayaan pa na pairalin ang katangahan ko, this time. Ayokong abusuhin nila ang kahinaan ko. Hindi porke mahirap ako, e wala na ‘kong karapatan na lumaban sa mga mayayaman na kagaya ni Naomi. Nakasugal man ang scholarship ko rito, pero handa ‘kong isugal iyon maipaglaban ko lang ang sarili ko. Sumosobra na ang Naomi na ‘yon, sagad na sa buto ang pang-aapi niya sa ‘kin at pang-aapak sa pagkatao ko. This time, ako naman. Kailangang makita ni Naomi na hindi niya rin gugustuhin na makalaban ang isang Brianna Olivares. --- Tulad ng inaasahan, inabangan nga ‘ko ng grupo ni Naomi sa may tapat ng Drawing Room. Tahimik sa bahaging ito ngayon dahil kanina pang tanghali tapos ang klase ng mga Civil Engineering. “Isinama talaga si Mia, takot humarap nang mag-isa.” Nangingising sambit ni Naomi. “Una sa lahat, ako nga ‘yong babaeng kasama ni Axel kahapon. Ako ‘yong babae na kaangkas niya sa bisikleta. Nagpunta pa nga kaming ilog para mamingwit---“ “Sinabi ko bang magkwento ka?” pagputol sa ‘kin ni Naomi. “Inuunahan lang kita, dahil alam ko namang ipapakwento mo rin sa ‘kin ang nangyari. Knowing you, Naomi, ikaw pa ba?” “Excuse me, pero wala akong time para pakinggan iyang walang-kwenta mong kwento.” Umiirap niyang sabi. “Ang tigas talaga ng ulo mo, ‘no? Hanggang ngayon pa rin pala ay hindi ka pa rin lumalayo kay Axel. Anong ipinagmamalaki mo, ha? Akala mo ba ay may mapapala ka kay Axel? Akala mo siguro ay magugustuhan ka niya, kaya naman sarap na sarap ka na nilalapitan ka niya kasi nag-e-expect ka na magugustuhan ka niya. Sorry Brianna, pero madamot ako. Hindi ko ibibigay si Axel nang libre sa ‘yo.” “Kung makapagsalita naman itong gagang ito, akala mo talaga, e pagmamay-ari niya si Axel. Break na kayo, uy! Uso mag-move-on!” pagpaparinig nitong si Mia. “Huwag kang epal---“ “Excuse me rin, pero simula pa lang ay wala na ‘kong inaagaw sa ‘yo. First of all, hindi kayo ni Axel kaya anong karapatan mo na palayuin ako sa kaniya? Oo, ex ka niya. Ex ka lang---“ Akmang sasampalin na niya ko nang hulihin ko ang braso niya at hinawakan iyon nang mahigpit, tipong mapapaaray siya sa sakit. “Tama na ang laro, Naomi. Hindi mo na ‘ko pwedeng gawing laruan o punching bag. Hindi ko na hahayaan pang masaktan mo ‘ko, dahil lang sa akala mo, e hindi kita papatulan. Handa ‘kong harapin lahat ng consequences ng gagawin ko, kaya ngayon pa lang ay hihingi na ‘ko sa ‘yo ng paumanhin dahil hindi mo ‘ko mauutusang layuan si Axel. Kung bibigyan mo ‘ko ng isang milyong ginto, baka magbago pa ang isip ko.” Hindi ko na hinintay pang makasagot si Naomi dahil agad namin siyang tinalikuran ni Mia. Aaminin ko, magaan ngayon ang loob ko dahil sa wakas ay nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na ipagtanggol ang sarili ko. Nandito pa rin iyong kaba ko na baka mawalan ako ng scholarship, pero sana huwag naman iyon mangyari. Alam kong may paraan pa na maibalik iyon kung sakali mang gumawa ng aksyon si Naomi na tanggalin iyon sa ‘kin. “I’m so proud of you, Bri. Akalain mo, kanina lang tayo nagsimula mag-lesson pero nagawa mo agad nang maayos. Grabe, nakakatuwa kang estudyante. Hindi ka mahirap turuan.” Natatawang sabi pa ni Mia. Baliw talaga. “Nga pala, ‘di ba naki-log-in ka sa cellphone ko kanina?” tanong ni Mia. “Anong mayroon?” “Gusto ko lang itanong kung bakit nasa recent search mo ang pangalang, Axel Froilan Fontanilla? Kung gusto mo lang naman sagutin, ah? Walang pilitan.” Aniya na halatang nang-aasar talaga. “Hayaan na naman ang ngiti mo na halatang may namumuo na namang issue diyan sa utak mo!” inis kong sabi sa kaniya. “Ano naman kasing gusto mong isipin ko sa nakita ko, ‘di ba?” umiirap niyang sagot. “Naikwento niya kasi sa ‘kin kahapon iyong tungkol sa pamilya niya kaya bigla akong naging interesado sa kaniya. Ano kasi siya, broken family. Second family sila ng Papa niya at alam mo na, hindi sila pinili. Mas pinili siyempre ‘yong naunang family ng Papa niya. E nabanggit sa ‘kin ni Axel na gusto niya ulit makita ang Papa niya kaya naisip kong i-stalk ang f*******: account ni Axel para malaman ko kung anong f*******: account ng Mama niya. Kapag nahanap ko na, magiging madali na lang para sa ‘kin na hanapin ang Papa niya, ‘di ba?” “Ibig mong sabihin, ikaw ang gagawa ng paraan para magkita ulit sila ng Papa niya?” “Gusto ko lang naman na makatulong sa kaniya. Ramdam ko na gusto na rin siyang makita ng Papa niya kaya willing akong tumulong nang hindi niya nalalaman. Bilang wala rin akong kinagisnan na Tatay, alam ko ‘yong pakiramdam na ma-miss iyong Tatay mo, at sa pamamagitan ng pagtulong ko kay Axel na magkita ulit sila ng Papa niya, sapat na sa ‘kin iyon at magiging masaya ‘ko para sa kaniya.” “Medyo ang dramatic ng dating pero sige, palalampasin ko ito at hindi ko ipararating kay Axel ang tungkol dito. Hayaan na lang muna natin siya na mag-training doon at maging magaling na basketball player.” “Akalain mo nga naman, suki talaga ‘ko ng mga varsity player, ‘no?” “Wow, umamin na rin ang kaibigan ko na si Brianna na type niya nga si Axel---“ “Pakitikom ang ma-issue na bibig kung ayaw mong tahiin ko ‘yan!” pagputol ko sa sinasabi niya. Hays, baliw talaga. --- Ninth Sign: Hindi mo napapansin na nagiging interesado ka na sa taong iyon. At may mga pagkakataon na iniisip mo ang kapakanan niya, at handa mong gawin ang lahat ng bagay na makakapagpasaya sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD