MABIGAT ang pakiramdam ng magmulat siya ng mga mata. Masakit ang kanyang katawan at mabigat ang kanyang ulo. Naramdaman niya ang panginginig ng katawan. Sa nanlalabong paningin ay bumungad kay Juliet ang mataas na kisame. Nagtaka siya dahil alam niyang hindi niya iyon kuwarto. Hindi pamilyar sa kanya ang itsura niton. Lalong nagkaroon ng guhit ang kanyang noo ng maigala niya ang paningin sa paligid at hindi pamilyar sa kanya ang kulay ng dingding maging ang kasangkapang naroon. Mukang malaki rin ang kamang kinahihigaan niya. Kahit mabigat ang pakiramdam ay napabalikwas siya ng bangon. Subalit mabilis din siyang bumalik sa pagkakahiga ng maramdaman niyang tila biniyak ang kanyang ulo.
“Agh!” ungol niya saka natutop ang suntido.
Noon bumukas ang pinto ng silid. Napatingin siya roon. Iniluwa niyon ang isang matandang babae na tantiya niya ay edad singkwenta pataas. May dala itong tray na puno ng pagkain sa ibabaw. Maaliwalas ang mukha nito at mukhang mabait. “O gising ka na pala. Huwag ka munang bumangon dahil hindi mo pa kaya.” Anang matanda habang naglalakad papalapit sa kanya.
Nagtaka siya dahil hindi niya ito kilala. “S-sino ho kayo? At n-nasaan ho ako?’ magkasunod na tanong niya rito.
Inilapag ng matanda ang tray sa katabing mesita ng kamang kinahihigaan niya. Pagkuwan ay nakangiting humarap ito sa kanya. “Tawagin mo nalang akong Aling Conching. Nandito ka sa villa ni Magus. Dito ka niya dinala kagabi.”
“Ho?” tanging nanulas sa kanyang bibig. Sino si Magus? Sandali niyang binalikan sa isip kung papaano siya napunta roon at muli siyang napabalikwas ng bangon ng maalala ang kinasuungang kapahamakan kahapon. Subalit muli niyang naramdaman ang p*******t ng kanyang katawan at ulo. Muli siyang napahiga.
“Argh! Ang sakit ng ulo ko!” nasapo nanaman niya ang ulo. Nalukot ang mukha niya.
“Sinabi nang huwag ka munang masyadong gumalaw. Hindi ka pa magaling. Mataas pa rin ang lagnat mo. Mabuti pa ay kumain ka na muna para makainom ka na ng gamot. Heto.” Iniabot nito sa kanya ang tray.
Inalalayan siya nitong bumangon ng dahan-dahan at sumandal siya sa headboard ng kama.
Kahit masama ang pakiramdam ay naramdaman niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Natakam siya sa mga pagkaing nakahain sa kanyang harapan. Sa pagkakatanda niya ay kahapon pa siya hindi kumakain. “Salamat ho.” Nahihiyang wika niya sa nagpakilalang si Aling Conching.
“Walang anuman. Kumain ka na.” malumanay nitong tugon.
Nagsimula siyang kumain. Kahit walang masyadong panlasa ay pinilit niyang ubusin ang pagkaing nakahain sa kanya. Masarap ang sabaw na hinihigop niya. Nagdadala iyon kahit papaano ng kaginhawan sa kanyang pakiramdamn. Marahil ay ganoon na siya kagutom kaya naubos niya ang pagkain. Nang makakain ay isinunod niyang ininom ang gamot na ibinigay nito. Kinuha nito ang tray mula sa kanya.
“Magpahinga ka na muna --- teka, hindi pa namin alam ang pangalan mo.” natigilang wika nito.
“Juliet ho.” Aniya dito.
“Juliet.” Ngumiti ang matanda. “Sige. Magpahinga ka na ulit. Kung may kailangan ka ay pindutin mo lang ang button na ito.” itinuro nito ang isang press button na malapit sa telepono.
“Ahm… sandali lang ho Aling Conching. S-sino ho ba ang nagdala sa akin dito?” tanong niya dito.
Humarap ito sa kanya. “Si Magus ang nagdala sa iyo dito kahapon. Ang totoo ay sobra kaming nag-aalala ng makita ka naming buhat niya. Marami kang sugat hija. Ano ba ang nangyari sa iyo?” puno ng kuryosidad na tanong nito.
Nakagat niya ang labi. Maging siya ay nahihirapang ipaliwanag kung ano ang talagang nangyari sa kanya. Pinagmasdan niya ang mga sugat at galos na natamo niya buhat sa pagtakbo niya sa kasukalan ng tubuhan. Kung siya ang masusunod ay ayaw na niyang alalahanin pa ang trahedyang nangyari sa kanya. Saka lang din niya napansin na iba na ang kanyang kasuotan. Hindi kaagad siya nakasagot at mariin niyang naipikit ang mga mata.
Muli niyang naramdaman ang matinding p*******t ng kanyang ulo. Napansin naman iyon ni Aling Conching. “Sige hija, kung hindi mo pa kaya ay magpahinga ka na muna.” Anitong nakakaunawa.
Nagmulat siya. “Salamat ho. Pakisabi naman ho sa Sir Magus ninyo na nagpapasalamat ako sa lahat nang naitulong niya sa akin.”
Tumango ang matanda pagkatapos ay iniwan na siya nitong mag-isa sa kwarto. Naalala niya ang itsura ng lalaking may-ari ng sasakyan at tumulong sa kanya. Hindi niya masabi kung ano ang eksaktong itsura nito. Papaano ay mukha itong ermitanyo dahil sandamakmak ang buhok nito sa mukha. Pero sigurado siyang tao ito. At mataas na lalaki. Ang itsura nito ang nasa isip niya ng muli siyang mawalan ng kamalayan.
NAKAMASID si Magus sa babae na ang pangalan ang Juliet. Nalaman na niya ang pangalan ng babaeng dinala niya sa kanyang bahay ng nagdaang araw kanina lang. Alam niyang mataas ang lagnat nito. Pero wala sa plano niya ang bisitahin ito ngayon. Hanggang sa mamalayan nalang niya ang sariling dinadala ng mga sariling paa sa kuwartong kinaroroonan nito. Pasado alas diyes na ng gabi at patungo na siya sa sariling silid. Madadaanan niya ang kuwartong ibinigay niya rito kahapon.
Nanatili siyang nakatayo sa may paanan ng kama at nakatingin lang sa babaeng mahimbing na natutulog. Dapat ay kanina pa siya umalis. Pero tila inugatan ang kanyang mga paa sa kinatatayuan. Ayaw kumilos ng kanyang katawan. Tila may magnetong nag-uugnay sa kanila at sinasabing doon muna siya. Napakunot ang kanyang noo ng makita ang pagkunot ng noo nito kahit bahagyang madilim. May liwanag mula sa labas ang tumatama sa bandang mukha nito. Sumunod niyon ay gumalaw ang katawan nito kasabay ng pag-ungol.
Tatalikod na sana siya dahil akala niya ay gigising ito nang marinig niyang lumakas ang ungol nito. Hanggang sa ang ungol ay mauwi sa paghikbi. Paghikbi na nauwi sa mahinang pag-iyak. Muli siyang pumihit paharap dito at dala ng kyoryosidad ay lumapit siya sa kama. Alam niyang nananaginip lang ito pero tila naawa siya ng marinig ang pag-iyak nito. Wala sa loob na naupo siya sa tabi nito.
“Hush now, don’t cry. I’m here.” Hindi niya alam kung saan nagmula ang mga katagang binitiwan niya. Kahit siya ay nagulat sa sinabi.
Pero patuloy lang ito sa pag-iyak. Ang pag-iyak nito ay may bahid ng takot at pagod. Hindi na siya mapakali. Kinuha niya ang kamay nitong nanginginig at inalapit ang mukha sa mukha nito. Hinaplos niya ang mukha nito at saka niya nalamang pinagpapawisan na pala ito. Pinahid niya sa pamamagitan ng kanyang palad ang pawis nito sa mukha habang hawak niya ang isa nitong kamay.
Maya-maya’y naringgan niya ng salita ang babae. Takot na takot ito habang nanginginig ang katawan.
“Huwag! Maawa kayo! Huwag niyo akong papatayin. Wala akong ginagawang masama sa inyo. Bakit niyo ginagawa sa akin ang ganito? Pakiusap…” naramdaman niya ang pagdaloy ng luha mula sa mata nito.
Napakislot siya. “Juliet… huwag ka nang umiyak. I’m here. Walang makakalapit sa iyo. I promise you, walang makakapanakit sa iyo.” Aniya rito kahit alam niyang hindi siya nito naririnig.
Subalit patuloy lang ito sa pag-iyak. Marahil ay napapanaginipan nito ang mga pinagdaanan nito ng nagdaang araw. Dahil doon ay naawa siya rito. Sa bugso ng damdamin ay humiga siya at niyakap ito habang patuloy pa rin ito sa pag-iyak. “I’m here. No one will hurt you. I promise.” Anas niya sa punong teynga nito habang gagap ang kamay nito.
Nanginig ang katawan nito at napakainit niyon. Patuloy pa rin ang pagpapawis ng katawan nito. “N-nilalamig a-ako.” anito.
Bahagya lang siyang nagulat ng bigla itong magsalita ito ng ganoon. Maaring nagdedeliryo na ito. Makapal na ang kumot na nakapatong sa katawan nito subalit hindi iyon sapat. Iisa lang ang nasa utak niya upang pawiin ang panginginig nito. Walang pag-aalinlangang iniyakap niya ang mga braso niya sa nanginginig na katawan ng babae kasabay ng paghapit niya sa katawan nito palapit sa katawan niya.
Alam niyang effective ang body cloth. Kaya iyon ang ginawa niya. Hindi nagtagal ay unti-unting nawala ang panginginig ng katawan nito. Hanggang sa tuluyan itong kumalma habang nakakulong sa bisig niya. Mariin siyang napapikit kasabay ng pagbuga ng hangin.