“MAGANDANG umaga ho Aling Conching.” Magalang niyang bati sa matanda ng makasalubong niya ito sa magarang sala ng villa. Nang umagang iyon ng magising siya ay magaan na ang kanyang pakiramdam.
Iyon din ang unang pagkakataon na makalabas siya ng silid at makabangon ng maayos. Ilang araw din siyang nagkasakit at nagpalakas ng katawan. Mababakas pa rin ang mga sugat at gurlis niya sa balat pero wala ng bakas ng mga dugo at hindi na rin sariwa. Si Aling Conching ang tumulong sa kanyang magamot ang mga sugat at maglinis ng kanyang katawan.
Ngayon niya namasdan ng mabuti ang itsura ng villa. Maganda iyon bagamat medyo may kalumaan ang istilo. Pero ang mga gamit ay magagara at parang bagong tingnan. Masarap sa mata at parang napaka-homey ng dating.
“O Juliet. Bumangon ka na? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?” gulat na tanong nito ng makita siya.
Ngumiti siya. “Oho Aling Conching. Salamat ho sa pag-aalaga ninyo.”
Pero tila hindi ito kumbinsido. Lumapit ito at sinalat ang kanyang noo pagkuwan ay ang kanyang leeg. “Wala ka na ngang lagnat. Mabuti naman at magaling ka na. Pero sigurado ka bang kaya mo ng tumayo?” paninigurado nito.
“Kaya ko na ho.” Aniyang tumatawa. “Siyanga ho pala, puwede ko ho bang makausap si Sir Magus niyo. Gusto ko lang hong magpasalamat sa kanya sa lahat ng ginawa niya sa akin.” Magalang niyang sabi.
“Naku! Eh wala siya ngayon dito sa villa. Nandoon siya ngayon sa palaisdaan. Mamayang hapon na ang balik niyon.”
“Ganoon ho ba? Sige ho, mamayang hapon ko nalang ho siya kakausapin.” Dismayadong wika niya. Gusto niyang makita ang amo nito na sigurado naman niya na siyang tumulong sa kanya. Gusto niyang magpasalamat dito.
“O kumain ka na muna ng agahan. Aba’y ilang araw ding walang masyadong laman ang tiyan mo.” anito. “Sumunod ka na sa akin sa komedor.”
“Sige ho.” Iyon lang at tumalima na siya.
HININTAY niya ang pagdating ng hapon upang makausap ang nagngangalang Magus. Ayaw niyang umalis sa bahay nito ng hindi personal na nagpapaalam dito. Marami itong nagawa para sa kanya. Ang pagtanggap lang nito sa kanya sa sarili nitong bahay ay malaking tulong na iyon para sa kanya. Gusto niyang magpasalamat dito ng personal bago man lang siya bumalik sa Maynila.
Iyon ang plano niya. Hindi naman siya maaaring manatili roon kaya babalik siya sa Maynila. Hindi lang niya alam kung ano ang gagawin pagbalik. May takot na sa kanyang puso dahil baka nakaabang na sa kanya ang grupo ni Beverly. Hindi rin niya alam kung ano ang nangyari kay Attorney Mendoza. Kung hinahanap na ba siya nito o ano. Pero sana ay hinahanap siya nito. Sa kabilang banda ay natatakot na siyang magtiwala ng basta-basta. Ni hindi niya alam kung dapat ba siyang umuwi sa tirahan niya. Baka dumiretso nalang siya kay Iza saka niya iisipin ang dapat gawin.
Nagmumuni-muni siya sa loob ng kuwarto ng katukin siya ni Aling Conching bandang alas siyete ng gabi. Pinagbuksan niya ito ng pinto. Sinabi nitong ipinapatawag daw siya ni Magus sa opisina nito. Tumalima siya at sumunod sa matanda.
Nakarating sila sa unang palapag ng bahay at tinungo ang isang silid sa bandang kaliwa. Ayon sa matanda ay iyon daw ang opisina ni Magus na parte ng isang maliit na library. Kumatok ang matanda ng tatlong beses. Narinig nila ang isang baritonong boses mula sa loob. Pumasok na daw siya. Matapos magpasalamat kay Aling Conching ay tumalikod na ito. Siya naman ay hinawakan ang door knob at pinihit iyon. Bumukas ang pinto at tuloy-tuloy siyang pumasok.
Nakayukong lalaki habang nakaupo sa isang swivel chair ang nabungaran niya sa pinaka-gitna ng opisina. Sa harap nito ay may pahabang mesa. May binabasa itong mga papeles. Pamilyar sa kanya ang anggulo ng mukha nito. Kahit nasa kalagitnaan siya ng kapahamakan noon ay alam niyang iisa ang lalaking tumulong sa kanya sa gitna ng kamatayan at ang lalaking nasa kanyang harapan ngayon. Balbas sarado pa rin ito. Mahaba pa rin ang buhok nito na hindi man lang inabalang itali.
Hindi niya alam kung tutuloy pa ba siya dahil tingin niya ay abala ito sa ginagawa. Ni hindi niya nagawang ihakbang ang kanyang mga paa palapit sa mesa nito.
“Have a seat.” Napapitlag pa siya ng marinig ang malamig nitong tinig. Ilang beses na ba niyang narinig ang malamig nitong tinig. Mukha naman itong hindi galit ngayon pero wala man lang kasigla-sigla ang boses nito.
Tumalima siya. Umupo siya sa isang silyang nasa harap ng mesa nito. Pakiramdam niya ay tila siya estatwang gumagalaw ng mga sandaling iyon. Kanina ay gustong-gusto na niya itong makita at kausapin. Pero ngayong kaharap na niya ito ay biglang umurong ang kanyang dila. Wala siyang masabi. Masyadong matigas at malamig ang aura nito. Napaka-dominante at maawtoridad. Parang nakakatakot pang kausapin.
“Good evening Juliet.” Seryoso ang mukhang bati nito sa kanya ng mag-angat ito ng mukha.
“G-good evening M-Mr. Magus.” Nauutal na bati din niya.
“Alam mo na pala ang pangalan ko.” hindi iyon tanong pero sumagot pa rin siya.
“Ah… sinabi sa akin ni Aling Conching.” Lihim siyang napangiwi. Ngayong nakatingin ito sa kanya ay hindi niya magawang salubungin ang mga mata nito. Pakiramdam niya ay magiging yelo siya dahil sa lamig ng tingin nito. Kulang ang salitang cold sa deskripsiyon ng nakikita niya rito. Kahit balbas sarado ito ay mahahalatang magandang lalaki ito. Nasabi niya iyon sa features ng mukha nito. Higit doon ay kapansin-pansin ang maganda at prominteng tangos ng ilong nito na tila pati iyon ay nagmamalaki. Makakapal ang mga kilay nitong maganda ang pagkakakorte. Hindi lang niya masyadong matitigan ang mga mata nito. Pero kahit gaano ito kaguwapo ay natatabunan iyon ng kaseryosohan ng mukha nito.
“Kung anuman ang naririnig mo sa bahay na ito, gusto kong sarilinin mo nalang.” Kumulimlim ang mukhang wika nito.
Lihim siyang napakunot-noo. Ano bang problema mo? Nalaman ko lang naman ang pangalan mo. Masama ba iyon?
Umayos ito ng upo at tiningnan siyang mabuti. “Mabuti naman at magaling ka na. Maari na tayong mag-usap tungkol sa magiging kasunduan natin.”
“A-anong kasunduan?” nagtatakang tanong niya. Napatingin siya sa isang folder na ipinatong nito sa harap niya. “A-ano ito?”
“Basahin mo.” Pautos nitong sabi.
Nagtatakang kinuha niya ang folder at binasa ang mga nakasulat sa loob. Napanganga siya ng mapagtanto kung ano ang nilalaman ng kasulatan. “Ano ito?” napapantastikuhang tanong niya.
“Nabasa mo naman hindi ba? Bakit nagtatanong ka pa? Huwag mong sabihing hindi ka marunong makaintindi. Tagalo na iyan para mas maintindihan mo.” Sarkastikong sabi nito.
“Ano?!” Nalaglag ang panga niya. Kailan pa binayaran ang utang na loob? Utang na loob! Kailangan kong bayaran? Ate teka, bakit ba ganito ito makipag-usap sa kanya? Nakaramdam siya ng inis dito. Nakaka-degrade ha! “P-pero --- teka lang. Ang ibig mong sabihin na maniningil ka sa naging pagtulong mo sa akin? Ang lahat – lahat ng ginawa mo sa akin simula sa tubuhan ay gusto mong bayaran ko?” halos lumuwa ang mata niya habang nagsasalita.
“Iyon ang nakasulat sa papel. Huwag kang mag-aalala. Hindi naman ako naniningil ng pera. Marami ako niyan. Ang gusto ko, maninilbihan ka dito sa bahay ko ng tatlong buwan. Sapat na iyon para mabayaran mo ang utang na loob mo sa akin.” Blangko ang ekspresyon ng mukha nito.
“Wow!” ang tanging nasabi nalang niya. Pakiramdam niya ay daig pa niya ang sinabugan ng bomba sa teynga. Gusto niya itong pasabugan din ng masasakit na salita pero sa tingin niya ay wala siya sa posisyon. After all, siya ang may utang na loob dito.
Ang akala niyang mabuting tao na tumulong sa kanya ay isang sadista pala. Walang puso at walang malasakit sa kapwa. Ang akala pa naman niya ay superhero niya ito. Nanggigigil na naikuyom niya ang mga kamay.
Sumandal ito at pinagdikit ang mga palad sa tapat ng dibdib. “Puwede ka nang magsimula bukas. Magpahinga ka muna ngayon dahil baka kasalanan ko pa kapag nabinat ka. Pumirma ka na sa kontrata natin.” Ibinigay nito sa kanya ang mamahalin nitong ballpen.
Napahumindig diya. “Teka! Hindi pa ako pumapayag diba?” angal niya. Parang hindi niya matanggap ang gusto nito. “Sigurado ka bang ganito ang gusto mo? May buhay ako sa Maynila. Isa pa, may mga kailangan pa akong gawin ----.”
“Wala ka ng buhay ngayon doon kung hindi dahil sa akin.” Putol nito saka inilapit ang mukha sa kanya.
Napipilan siya. Totoo ang sinabi nito. Marahil kundi sa ginawa nitong pagtatakip ay siguradong pinaglalamayan na siya ngayon nga mga insekto sa tubuhan. “Tama ka, pero ….”
“Look, let’s have a deal okay. Maninilbihan ka dito sa bahay ko or sisingilin kita in cash.”
Napalunok siya. “Wala akong pera.”
“It settled then. Wala nang dapat pang pag-usapan. You’re going to stay in my house for three months.” Pinal na wika nito.
Nagmamarakulyo at mabigat sa loob na pumirma siya sa kasunduan. Pagkatapos at nakasimangot na nag-walk out siya.