KANINA pa siya palakad-lakad sa loob ng kuwartong ibinigay ni Magus sa kanya. Gagawin siya nitong katulong sa loob ng tatlong buwan. Pasalamat na nga lang siya at magara ang kuwartong ibinigay nito sa kanya. Hindi na siya nito pinalipat sa maid’s quarter at hinayaan nalang sa silid na nasilayan niya ng unang araw palang siya roon.
Malayong-malayo sa hinagap na naisip niyang sisingilin siya nito sa ginawa nitong pagtulong sa kanya. Alam niyang masungit ito subalit ang maningil ng utang na loob ay hindi yata nito magagawa.
Pero hello? Heto at nagawa na ng binata. At may kontrata pa! Parang ang bilis ng mga pangyayari. Nasa Maynila lang siya nang mga nagdaang araw. Nasuong siya sa isang kapahamakang muntikan niyang ikamatay. At ngayon ay heto, magiging katulong siya ng taong nagligtas sa kanya. All of a sudden ay biglang nagbago ang lahat. Hindi niya pinangarap na maging isang katulong. Ang pangarap niya ay maging isang guro. Hindi sa minamaliit niya ang pagiging isang katulong pero may pinag-aralan naman siya kahit papaano. Marangal na trabaho rin naman ang pagiging kasambahay at malaking tulong para mapanatili ang kaayusan sa isang tahanan. Pero hindi niya iyon naisip kahit kailan. Kaya nga kahit mahirap ay nagpursige siyang magkapagtapos ng pag-aaral.
At papaano ang magiging sahod niya? Ang tanong, sasahuran ba siya nito? Malamang hindi. Dahil nagbabayad nga lang naman siya ng utang na loob diba?
Sa kabilang banda, napag-isip-isip din niyang kung matatapos niya ang kasunduan nila ay wala na siyang utang na loob dito. Hindi na siya nito magagawang singilin o masabihan na may utang na loob siya. Siguro nga ay dapat pa siyang magpasalamat dahil kung ibang tao ang tumulong sa kanya ay mas malala pa ang gawing paniningil sa kanya.
Pero, hello ulit?! Ngayon lang yata siya nakatagpo ng taong naniningil ng utang na loob. Sa mga teleserye lang niya nakikita o napapanood ang mga ganoon. Ni hindi niya akalaing mangyayari sa kanya ang bagay na iyon. May ganoon pala sa totoong buhay. Ramdam niya na gusto niyang magwala at sumigaw. Sunod-sunod na kamalasan yata ang nangyayari sa kanya simula ng makinig siya kay Attorney Mendoza.
Saka lang niya ulit naisip ang abogado. Totoo kayang kasabwat ito sa tangkang pagpatay sa kanya? Gusto niyang tawagan si Attorney Mendoza. Pero dapat na siyang mag-ingat ngayon. Hindi siya basta-basta magtitiwala sa mga taong bago lang niyang kakilala. Baka sa susunod ay matuluyan na siya.
Sumagi rin sa isip niyang may kainaman na narito rin siya sa villa ni Magus Ang Hari ng mga Bato. Walang mag-iisip na naroroon siya lalo na ng grupo ni Beverly. Tutal ay hindi pa naman niya alam ang gagawin pagbalik niya sa Maynila. Hindi rin siya maaaring manatili kay Iza dahil baka ito naman ang mapahamak kapag sa kaibigan siya sumiksik. Wala siyang lugar na masisiksikan. Iyon nalang ang iisipin niya, doon muna siya magtatago sa villa ni Magus habang nagpapalamig sa mga taong naghahanap sa kanya.
Naputol ang pagmumuni-muni niya ng marinig niya ang sunod-sunod na katok sa labas ng pinto ng kuwarto. Nilingon niya iyon at malakas na nagsalita. “Bukas iyan.”
Bumukas iyon at iniluwa si Aling Conching. “Juliet, nalaman ko ang naging usapan ninyo ni Magus. Totoo ba?” may bahid ng pag-aalala sa tinig at itsura nito. Mabilis itong lumapit sa kanya at humawak sa isang siko niya. Kahit ngayon palang niya nakilala ang matanda ay magaan na kaagad ang loob niya rito.
Nakagat niya ang labi. Para pa siyang maiiyak dahil napapangiwi siya. “Oho Aling Conching. Hindi ko nga ho maintindihan ang amo niyong iyon eh. Hindi ko akalain na maniningil siya sa ginawa niyang pagtulong sa akin.”
Malungkot na nagpakawala ng hangin ang matanda. “Pasensiya ka na sa kanya hija. Masasanay ka din sa kanya.”
Mapakla siyang tumawa. “Hindi ko ho alam. Yelo yata ang puso ng Magus na iyon eh. Kung may pera lang ako binayaran ko nalang siya.” Naiinis niyang komento.
Tinapik ng matanda ang balikat niya. “Maiintindihan mo rin isang araw. Sa ngayon ay intindihin nalang natin siya. Mahirap mawalan ng mahal sa buhay.”
Napatingin siya sa matanda. “Ano hong ibig niyong sabihin?”
Naupo ito sa kama. “Hindi ko alam kung dapat kong ikuwento ang mga ito sa iyo pero sa tingin ko kailangan mo ng paliwanag. Isa pa, magaan ang loob ko sa iyo kahit na nito lang tayo nagkakilala.”
Tumabi siya rito. “Salamat ho Aling Conching.” Medyo gumaan ang pakiramdam niya dahil natanto niyang may kakampi siya sa lugar na iyon.
Nagsimula itong magkuwento. “Tatlong taon na ang nakakalipas simula ng ikasal sila ni Ma’am Victoria. Mahal na mahal nila ang isa’t-isa. Mabait si Ma’am Victoria. Wala kaming masabi sa kabaitan niya. Minsang magpunta sila sa Maynila para mamili ng mga gagamitin ng sanggol na dinadala ni Ma’am…” sandali itong natigil dahil pinunasan ang mata. Nangilid ang luha ng matanda.
“Okay lang ho kung hindi niyo pa kayang ikuwento.” Aniya ritong nakakaunawa.
Umiling ito pero nagpatuloy. “Masyadong matulungin ang mag-asawa noon. Lalo na si Ma’am Victoria. Halos lahat ng makita niyang pulubi na namamalimos sa kanya ay tinutulungan niya. Hanggang sa isang araw, may nakita si Ma’am na isang babae na may kasamang bata. Awang-awa siya dito kaya bumaba siya ng kotse upang tumawid sa kabilang kalsada. Pero isang pagkakamali pala iyon dahil may nakaabang palang mga rugby boy. Kinuha nila ang bag ni Ma’am. Sa kabiglaan ni Ma’am ay hinabol niya ang dalawang bata. Pero nahagip siya ng isang truck na papadaan.”
Nabigla siya sa nalaman.
“Kitang-kita ni Magus ang lahat ng iyon. Wala siyang nagawa para tulungan ang kanyang mag-ina. Simula ng mamatay ang kanyang asawa ay naging masungit na siya. Naging mainitin ang ulo at bihirang-bihirang ngumiti. Bihira na rin siyang tumulong sa mga tao. Lalo na sa mga namamalimos. O kung tutulong man siya ay palaging may kapalit. Naging yelo ang puso niya at kahit kailan ay hindi na namin nakitang ngumiti siya.”
Kaya pala… aniya sa sarili. kahit papaano ay naiintindihan niya ito. Nawalan din naman siya ng mahal sa buhay. Pero sa tingin niya ay hindi iyon sapat na rason para pati lahat ng tao sa mundo ay idamay nito. Iyon naman ay para lang sa kanya. Na kanyang isinatinig.
“Pero hindi naman ho yata tama na isingil niya sa mga tao ang nangyari sa pamilya niya.” komento niya. Sa totoo lang ay nagulat siya ng malamang biyudo na pala ito. Ang akala niya ay binata pa ito. Pero sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakadama siya ng awa para sa binata.
“Alam namin iyon. Pero ano ba ang magagawa namin. Ng mga tiga rito. Oo malamig siyang makitungo pero patas siya sa lahat. Ayaw niyang may nalalamagan o nagpapalamang. Isa pa, mabait naman siyang amo. Kaya lang minsan, kapag mainit ang ulo niya, hindi nalang kami masyadong kumikibo. Umiiwas nalang kaming lahat – o sila pala dahil kapag ganon ay ako lang ang nakakakausap sa kanya ng maayos. Siguro kapag naalala niya ang nangyari sa kanyang asawa at anak.” Mahabang wika ni Aling Conching.
Hindi niya akalaing may trahedya din palang nangyari sa binata. Hindi niya ito masisisi. Siguro ay makikisama nalang muna siya rito. Pagkatapos ng tatlong buwan ay malaya na siya. Iiwas nalang din siya rito.
“Kawawa naman ho pala siya. Pero hindi ba kayo nagsasawa sa ugali niya?”
Umiling ang matanda habang nagpupunas ng luha. “Matagal na ako sa pamilya ng mga Romano. Halos nasubaybayan ko na ang paglaki niya. Alam kong isang araw ay magbabalik ang dating ugali niya. Sa ngayon ay iniintindi ko nalang muna siya. Naming lahat dito sa hasyenda. Mabait naman siya. Huwag lang iiral ang topak niya.” bahagyang natawa ang matanda.
Malungkot siya ngumiti. “Hayaan niyo ho, pakikisamahan ko nalang din siya. At walang makakaalam na sinabi niyo sa akin kung ano ang nangyari sa buhay niya.” ngayon ay naiintindihan na niya.
Naalala niya ang bilin ni Magus – huwag niyang pakialaman ang mga naririnig sa pamamahay na iyon. E di iyon ang gagawin niya. Magiging tikom ang kanyang bibig. Kahit pa mapanis ang laway niya.