UNANG araw ni Juliet sa paninilbihan sa Hasyenda Victoria. Magkahalong kaba at pagkalito ang nararamdaman niya habang pababa siya sa hagdan ng malaking bahay. Hinanap ng kanyang mga mata si Aling Conching upang tanungin kung ano ang maari niyang gawin. Marunong siya sa gawaing bahay pero hanggat maari ay ayaw niyang pakialaman ang mga gamit sa bahay na iyon hanggat walang abiso ni Magus o ni Aling Conching na siyang mayordoma sa bahay na iyon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga siya makapaniwala na nasuong siya sa ganoong sitwasyon. Pero naroon na siya. Ano pa ba ang magagawa niya? Magpapatianod nalang muna siya sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Baka may rason ang lahat ng iyon, hindi magtatagal ay malalaman din niya. Iisipin nalang niyang nagtatago siya sa mga taong gustong pumatay sa kanya.
Nakita niya ang matanda sa sala habang inuutusan nito ang isang katulong. “Aling Conching!” tawag niya sa atensiyon nito.
Mula sa ginagawa ay lumingon ito sa kanya. Lumapit siya rito at sinalubong naman siya nito. “O Juliet, ang aga mo yatang gumising.” Pansin nito. Pasado alas sais palang iyon ng umaga.
Napakamot siya sa batok. “E ngayon ho ang unang araw ko bilang katulong dito. Kailangan ko hong gumising ng maaga dahil baka masermonan ako ng Sir niyo.” Sagot niya.
“Naku Juliet, huwag mong masyadong dibdibin ang sinabi niya. Marami ng katulong dito.” pakumpas nitong sabi.
Umiling siya. “Ayaw ko hong mapagalitan. Para pa namang mananakal ng tao ‘yun kapag nagalit. Susunod nalang ho ako. Isa pa, may utang na loob ako sa kanya.” mabigat ang pakriamdam na wika niya.
Napapailing na nagsalita ang matanda. Mukhang naintindihan ang hinaing niya. “O siya, sige. Ikaw ang bahala. Sa iyo ko nalang ihahabilin si Sir Magus. Ikaw ang bahala sa mga kailangan niya.”
“Ho?!” namilog ang mga mata niya. “Naku Aling Conching, sa kusina niyo nalang ako dalhin. O kahit maghapon nalang ho akong magkuskos ng inodoro sa CR. Pero huwag niyo ho akong gawing personal alalay niya. Baka hindi ako ho makatiis ay masapok ko ang balbas-saradong amo niyong iyon.” Nakasimangot na pagtanggi niya. Ayaw niyang mapalapit sa lalaki. Isinaksak niya sa utak na habang naroon siya ay iiwasan niya ang batong iyon. Kahit naawa siya dito ay naiinis pa rin siya sa walang pakundangang paniningil nito. Hindi rin siya natatakot na magsabi kay Aling Conching. Feeling niya ay kakampi niya ito.
Halos sabay silang napatingin ni Aling Conching ng marinig nila ang malakas na pagtikhim sa bungad ng sala. At halos mawalan siya ng dugo at panawan ng ulirat ng makita doon si Magus. Halos magsalubong ang dalawa nitong kilay habang naniningkit ang mga matang nakatingin sa kanya. Madilim na madilim ang mukha nito. Diretso rin ang tayo nito pero nasa itsura na anumang sandali ay bubuga ng apoy.
Oh good Lord, help me. Ang daming oras na biglang susulpot ang lalaking ito pero ngayon pa talaga. Tuloy ay gusto niyang bumuka ang lupa at magpalamon doon. Ang lakas ng loob mong magsalita kanina pero ngayon ay para kang basang sisiw na biglang tumiklop. Kantiyaw ng isang bahagi niya. Lihim siyang napasimangot.
“Sa lahat ng ayaw ko dito sa loob ng pamamahay ko ay iyong pinag-uusapan ako.” dumagundong sa buong sala ang matigas nitong tinig.
Napaiktad pa siya dahil para iyong kulog na umalingawngaw sa buong sala. Napalunok siya. Umagang-umaga pero parang may bagyo na sa bahay na iyon. Ang mga kasambahay na naroon ay biglang napatigil sa ginagawa. Parang biglang may dumaang anghel sa loob ng ilang segundo pagkatapos ay tila iisang taong biglang nagpulasan ang mga ito. Napasunod ang tingin niya sa mga ito pagkatapos ay lihim niyang naiikot ang mga mata.
OA naman. Sinabi ko lang naman na magkukuskos nalang ako ng inodor keysa maging alalay niya tapos bagyo na agad? Duh!
Si Aling Conching ang unang nakabawi. Mukhang sanay na talaga ito kay Magus. Kalmante itong nagsalita at tila ito lang ang hindi naapektuhan sa ‘bagyo’. “Magus, sinasabi ko lang kay Juliet kung ano ang magiging trabaho niya dito. Ang sabi ko ay ikaw ang tutukan niya. Lahat ng kailangan mo ay maaring mong sabihin sa kanya.”
Personal alalay nga ang labas niya.
Nagsimulang humakbang ang lalake palapit sa kanila. Napaurong siya ng isang hakbang. “Dalhan mo ako ng kape sa opisina ko.” Malamig nitong utos sa kanya pagdaan nito sa tapat nila.
Ni hindi niya nagawang kumilos. Nakatanga lang siya rito. Hindi kaagad niya nakuha ang sinabi nito. Siya ba ang sinasabihan nito?
Huminto ang binata sa paghakbang at lumingon sa kanya. “Bakit hindi ka pa kumikilos diyan?! Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?!” masama ang tingin nito sa kanya.
Siniko siya ni Aling Conching. Napaiktad naman siya. Siya nga ang sinasabihan nito.
“N-narinig ko S-sir…” mahinang usal niya. Hindi niya alam kung dapat ba niya itong tawaging sir. Gusto niya itong sigawan. Sabihin na magsabi naman ito ng ‘please’. Pero sinarili nalang niya iyon.
“Bilisan mo! Hindi ako makakapagtrabaho ng maayos kung wala ang kape ko.” Iyon lang at iniwan na sila nito.
Kagat ang labi niyang nagkatinginan sila ni Aling Conching.
“Aling Conching, sa inodoro nalang ho ako.” Naiiyak na sabi niya rito.
Tumawa ang matanda. “Sige na. Gawan mo na siya ng kape.” Tinapik siya nito sa balikat.
Wala na siyang nagawa kundi ang kumilos.
NAPAURONG siya ng kumawala ang malakas na mura mula sa bibig ni Magus. Bago iyon ay naibuga nito ang kape mula sa bibig nito. Napangiwi si Juliet. Inaasahan na niyang lalala pa ang ‘bagyo’ sa araw na iyon.
“s**t! Ano bang klaseng kape ito? Inubos mo na ba ang lahat ng asukal sa buong hasyenda?! Ang tamis-tamis ng kape mo! Palitan mo ito!” singhal sa kanya ni Magus matapos mahigop ang kapeng itinimpla niya para rito.
Mas lalo siyang napangiwi. Para sa kanya ay OA ito na sobrang tamis ng ginawa niyang kape. Oo matamis siyang magtimpla ng kapeng madalas niyang iniinom. Mga dalawang kutsara lang naman ng asukal. “E s-sir….”
“Ano?!” tila ito isang mabangis na tigreng naningkit ang mga matang tumingin sa kanya.
Muli siyang napaurong sabay tutop ng dibdib. Mapapaaga yata ang pagkamatay niya sa ginagawa ng lalaking ito sa kanya. Hindi siya mamamatay sa kamay ni Beverly pero si Magus ang papatay sa kanya! “H-hindi ko naman ho alam kung papaano ang gusto niyong timpla ng kape.” Sana sinabi mo bago ka nag-utos ng nag-utos. Ermitanyo ka! Kung gusto mong magkape, e di ikaw ang magtimpla! Ibuhos ko sa’yo ‘yan eh! Grrrr! Gusto sana niyang idagdag habang pinipigilan ang paninimangot.
Lalo yatang nanlisik ang mga mata nito. “Hindi mo pala alam, bakit hindi ka nagtanong?! Tanungin mo si Aling Conching kung anong gusto kong timpla ng kape!”
Kasalanan ko pa ngayon. Oa ka lang naman kasi. Gusto niyang gantihan ang pambubulyaw nito pero pinigilan niya ang sarili. Baka magilitan siya ng leeg ng wala sa oras. Sa totoo lang ay ayaw niyang magpasindak dito kahit pa ilang beses siyang napapaurong kapag sumisigaw ito. Ayaw niyang padaig sa galit nito. Pero hindi siya naging aware na inikutan niya ito ng mata.
“Iniikutan mo ba ako ng mata?” may banta sa tinig nito.
Lihim niyang nakagat ang ibabang-labi. Sunod-sunod siyang umiling. “Naku h-hindi ho Sir Magus The Great ---.”
“The Great?”
Gusto na niyang tampalin ang sariling dila. Bakit ba hindi ito nagpapapigil sa mga sinasabi niya. “Ah… h-hindi ho. May sinabi ba akong The Great? Wala naman ah. Hindi ko ho kayo iniikutan ng mata, mahal naming kamahalan este Sir Magus.”
Kung nakamamatay lang ang tingin ay bumulagta na siya.
Nagpatuloy siya. “Umalis po kasi si Aling Conching, nagpunta sa bayan at namili ng mga kailangan dito sa bahay niyo.” muli siyang nag-rason. Sa pagkakataong iyon ay inihanda na niya ang sarili sa susunod nitong pagsigaw.
Pero hindi siya nakarinig ng isang salita mula rito. Sa halip ay may pinindot itong button. Walang pang ilang sandali ay may pumasok na isang katulong. Natatarantang lumapit ito kay Magus.
“Ituro mo sa babaeng ito kung papaano magtimpla ng kape ko. Ituro niyo sa kanya ang lahat kung ano ang dapat niyang matutunan dito!” pagalit nitong wika sa bagong dating na katulong.
Nanginginig na tumango-tango ang babae. “H-halika Juliet. Tuturuan kitang gumawa ng kape ni Sir.” Hinila na nito ang kamay niya.
Nagpatianod nalang siya kay Clara na isang katulong doon. Napatingin siya sa babae. “Clara, hindi ba puwedeng siya ang magsabi kung papaano timplahin ang kape niya at kailangan ka pang ipatawag? Arte-arte. Kala mo naman kung sinong guwapo. Mukha namang ermitanyo.”
“Ano ka ba Juliet? Mamaya marinig ka niya. Siguradong malalagot ka.” Natatakot at sita ni Clara sa kanya.
Umismid lang siya. “Hmp! Kung wala lang akong utang na loob sa yelong-bato na iyon ay talagang sasagot-sagutin ko siya.”
Hindi maipinta ang mukha ni Clara ng tumingin sa kanya. Nagkibit-balikat lang ito bilang sagot sa tanong niya.