Chapter 11

1103 Words
PAGBALIK ni Juliet sa opisina ni Magus ay agad niyang idinulot dito ang kape nito. Tila kuntento naman na ito dahil wala na itong nasabi pa ng humigop ito ng kape. Saka lang siya nakahinga ng maluwag. Pero nanatili siyang nakatayo sa gilid ng mesa nito. Hindi niya alam kung may nais pa itong ipagawa. Ayaw naman niyang magtanong. Ayaw niya itong kausapin sa totoo lang. Tumigil sa ginagawa si Magus at hinimas ang sentido. Saka lang yata nito napansin na naroon pa siya. “Ano pang tinutunganga mo diyan?” matalim ang naging tingin nito sa kanya. Hindi ba puwedeng magsalita ka kahit pabulong lang? Tsaka ‘yang mga mata mo, palagi nalang papatay kung tumingin. Ang ganda-ganda pa nama… Totoo iyon. Maganda ang mga mata nito kahit ilong at mata nalang nito ang nakikita niya sa mukha nito. Ngayon lang niya lalong napagmamasdan. Mahahaba at makapal ang pilik-mata ng kanyang amo at natural ang pagkaka-kurba niyon. Dinaig pa nga yata siya sa ganda ng pilik-mata nito. Mapungay at nangungusap rin ang mga mata nito at malalaman mo kaagad kung galit ito o hindi, kung masaya o malungkot. “Masakit po ba ang ulo niyo Sir?” sa halip ay tanong niya dito. Kinunutan siya nito ng noo. “Napansin ko po kasing hinihilot niyo ang sentido niyo. Baka kako masakit ang ulo niyo.” ewan niya kung anong nakain niya at kinakausap niya ng ganoon ang masungit niyang amo. Dapat ay kanina pa siya umalis doon. ‘Yan kasing mga matang ‘yan eh. Masyado siyang nadadala. Lalong nagsalubong ang kilay nito. “Anong pakialam mo?” Muntik niyang naitirik ang mga mata kundi lang niya napigilan ang sarilin. “G-gusto niyo ho bang ikuha ko kayo ng gamot?” “Sinabi ko bang ikuha mo ako ng gamot? Wala kang pakialam kung masakit ang ulo ko. Hindi mo trabaho ang alamin kung masakit ang ulo ko. Bumalik ka na sa trabaho mo.” taboy nito. “Pero Sir, diba ang trabaho ko dito ay alamin kung ano ang kailangan niyo. In short, personal assistant mo ako.” pagdadahilan niya. Lumakas yata ang loob niya dahil palaging nakasagot siya dito. Sa isang banda ay may parte niya na nagsasabing parang masarap itong inisin. Tila nauubusan ng pasensiyang sumandal ito sa sandalan ng swivel chair nito. Napigil niya ang paghinga ng tingnan siya nito ng matalim. Noon lang niya natitigan ang mga mata nito. At gusto niyang mahinoptismo sa mga sandaling iyon dahil para siyang hinihila ng kung anuman habang nakatingin sa mga mata ni Magus. Saka lang din niya natitigan ang mukha nito. Oo at balbas sarado ito, pero nagtatago sa malalagong bigote at balbas nito ang isa mala-adonis na mukha. Bigla yata siyang nagkacrush sa nanghihinoptismo nitong mga mata. Nagulat nalang siya nang padarag itong tumayo. Malalaki ang mga hakbang na tinungo nito ang isang cabinet sa loob ng opisina nito. Pagtingin niya roon ay alak pala ang laman ng cabinet. Nagsalin ito ng alak sa brandy glass na naroon. “Sir, bawal hong pagsabayin ang kape at alak.” Wala sa loob na paalala niya dito. Gaya kanina ay pinaningkitan nanaman siya ng mga mata. “Alalay kita hindi ba? Hindi kita consultant o doctor o nurse. Lumabas ka na dito. Ipapatawag nalang kita kapag may ipag-uutos ako sa iyo --- wait!” biglang pigil nito ng akmang tatalikod na siya. “Sumama ka nalang sa manggahan. Tulungan mong maglagay ng pataba ang mga tao doon. Tutal wala ka namang magawa dito.” Utos nito. Napamaang siya. Seryoso ba ito? Maglalagay siya ng pataba? Papaano iyon? “Ano pang tinutunganga mo diyan? Hindi lalapit ang manggahan dito. Magtrabaho ka na!” singhal nito sa kanya ng hindi pa rin siya kumilos. Pinigil niya ang pagkuyom ng kamao. Tumalikod na siya at laglag ang mga balikat na lumabas ng opisina nito. Gusto niyang ibalibag ang pinto pero wala iyong kasalanan sa kanya. NAGNGINGITNGIT siya pagpasok na pagpasok niya sa loob ng kanyang kuwarto. Gusto na niyang sumigaw at magwala. Gusto na niyang bulyawan si Magus sa mga ipinag-uutos nito. Umagang-umaga kanina pero nabulyawan kaagad siya. Nang wala itong maipagawa sa kanya ay ipinadala siya nito sa manggahan. Pinatulong siya nitong magspray sa mga puno. Anong alam niya sa ganoong bagay? Wala pang isang oras ng muli siya nitong ipatawag. Pinagtitimpla ulit siya nito ng kape. Diyos ko! kape lang pala ang gusto nito pero pinauwi pa siya! Bakit hindi nalang nito ipinagawa sa mga kasambahay na naroroon? Pagkatapos niyon ay pinabalik nanaman siya nito sa manggahan. Talagang maloloka siya. Bago mananghalian ay muli siya nitong ipinatawag. Ipinadala nito ang tanghalian nito sa kanya sa opisina nito. Nagkukutkot ang kalooban niya kanina habang dala-dala niya ang tray ng pagkain. Hindi ba nito puwedeng ipadala sa ibang katulong na naroon at kailangan pa siyang ipatawag? Alam naman nitong nasa manggahan siya. Hindi ba nito naisip na maarin din siyang mapagod? Pero PA nga siya nito diba? Ano ba ang trabaho ng PA. E di gawin lahat ang ipag-utos ng master niya. Pagkatapos nitong mananghalian ay muli itong nagpatimpla ng kape. Gusto sana niyang sabihan na ito dahil alam niyang bawal ang maraming kape sa katawan pero sigurado niyang mabubulyawan nanaman siya kaya nanahimik nalang siya. Isa pa, ano bang pakialam niya rito. Kung mamatay ito sa kakalaklak ng kape ay bahala ito sa buhay nito. Lihim lang siyang nagpasalamat ng hindi na siya nito ipadala sa manggahan pagkatapos ng tanghalian. Pero naman! Ang akala niya ay makakapaghinga siya sandali. Pero hindi pala! Dahil pinagdamo siya nito kasama ang hardinero ng hasyenda. Kahit masama ang loob ay tumalima siya. Iyon lang ang magagawa niya. Ngayon ay makakapagpahinga na siya. Hinayaan niyang bumagsak ang kanyang katawan sa malambot na kama. Gusto nang pumikit ng kanyang mga mata. Gusto na niyang matulog at magpahinga. Ayaw na niyang kumain at dumiretso nalang sa pagtulog. Pero napaunat ang likod niya ng marinig ang sunod-sunod na katok sa labas ng pinto ng kuwarto. Hindi na siya sumagot. Kusa na iyong bumukas at iniluwa niyon si Aling Conching. “Ipinapatawag ka ni Magus sa opisina niya.” anitong kalmante ang tinig. Para siyang nawalan ng buhay. “Nanaman?” nakangangang nalaglag ang kanyang balikat. “Bilisan mo Juliet at mukhang mainit nanaman ang ulo niya.” anang matanda at nagpatiuna na itong lumabas. Nagdadabog na tumayo siya sa pagkakahiga at lumabas ng kuwartong iyon. Wala siyang pakialam kahit gusot gusot na ang kanyang damit at buhok pag nakaharap niya ang binata. Kundi lang malaki ang utang na loob niya dito ay talagang sasalubungin niya ang init ng ulo nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD