Simula
WARNING: This story contains mature theme and strong language that are not suitable for young readers. Read at your own risk.
THISA'S POV
"Isda! Isda kayo d’yan! Preskong isda, bili na kayo!" sigaw ko habang marahang hinahampas ang mga isdang nakahilera sa lamesa gamit ang panghampas kong gawa sa pinagtagpi-tagping pulang cellophane.
May sipa ng hangin mula sa dagat, pero hindi sapat para mapawi ang lagkit ng pawis sa batok ko.
At dahil sanay na, tinitiis na lang para makabenta. Hindi ako uusad kung tatambay lang ako sa bahay. Kailangan kong magsipag para sa pambili ng gamot kay nanay.
Nakabaluktot ang likod ko sa kahihilot ng mga galunggong at tambakol. Tumutulo ang tubig mula sa yelong natutunaw, sabay lagapak sa semento ng palengke. Mabaho para sa iba, pero para sa akin, amoy ito ng kabuhayan.
“Aling Precy! Heto na po ‘yung huling hiling niyo, sariwa pa sa dagat!” sabay abot ko ng plastik at malapad na ngumiti. Tiningnan niya, kinilatis ang mata ng isda, tapos ngumiti rin pabalik.
Kampante ako na lahat ng benebenta kong isda ay presko kaya maraming bumibili.
“Talaga ngang ikaw ang pinagpala sa palengke, Thisa,” wika niya. “Ganda mo na nga, marunong ka pa sa isda.”
“Naku si Aling Precy naman, nambola pa. May discount na po next time!” sabi ko sabay kindat kaya hindi maiwasan ang tawanan.
Habang nagbibilang ako ng sukli, napalingon ako nang may kumalabog sa gilid ng lamesa ko. Isang lalaking may dalang banyera tapos nilapag 'yon na parang may kasamang sama ng loob dahil sa paraan ng pagkakalapag.
Maayos ang tindig niya, parang hindi sanay sa amoy ng palengke kasi mukhang taga Maynila? Moreno pero ang kinis.
Napataas ang kilay ko nang mapansin kong deretso siyang nakatingin sa akin.
"Oh, tingin-tingin mo? May problema ka?"
Matangkad. Nakasuot ng itim na sando at mukhang kababalik lang mula sa gym o modeling shoot. Hindi ko kilala. At sa palengke na ‘to, halos lahat ng mukha ay kabisado ko na.
“Isang kilong galunggong nga,” aniya, sabay irap at ngumisi pagkatapos. “’Yung mas maganda pa sa tindera.”
Napakurap ako. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis. Baliw ba 'to?
“Kung bibili ka, bumili ka. Hindi ko kailangan ng pang-uto lalo na kung galing sa mga kagaya mong halatang first time dito,” sagot ko.
Nilagay ko ang galunggong sa timbangan. Salubong ang kilay ko habang tinitimbang 'yon. At gaya ko, magkasalubong din ang kilay niya habang pinagmamasdan ako.
Pagkababa ko ng plastik, iniabot ko sa kanya. “Eksaktong kilo. ₱180.”
Tiningnan niya. Inikot ang supot. At saka biglang sumimangot.
Problema nito?
“Sigurado ka bang isang kilo ‘to?” tanong niya, sabay tayo ng diretso kaya mas nadepina ang katawan sa sando. “Parang kulang eh. Baka nine hundred grams lang ‘yan. O baka may bawas dahil maganda ka?”
Ginagagô yata ako ng isang 'to. Akala ko nagbibiro lang kanina, ngayon mukhang nananadyang mang-asar.
"Pinagloloko mo ba ako, mister?” mataray kong tanong. “Para sa kaalaman mo, hindi ako nagpapabawas ng timbang para ganda at pa-cute lang.”
May ilang tinderang nakaupo sa kabilang pwesto ang nagsimulang makinig... at nagparinig na nga. “O, may umaaligid kay Thisa!” sigaw ng isa, si Manang Ebe.
“Ganda kasi ng tindera natin eh,” dagdag pa ni Mang Teryo, porter sa gilid. “Kahit isda niya, parang may blush on!”
Napapikit ako ng mariin at huminga nang malalim. Ayoko ng eksena. Pero si lalaking bagong salta, nakakabwesit!
“Seryoso, gusto mo i-double check natin?” tanong niya. “Baka nagloloko lang timbangan mo.”
Itinaas ko ang digital scale ko at itinapat sa mukha niya. “O, ayan. One-point-zero-zero. Kung may duda ka pa, baka ang problema hindi sa isda, baka sa paningin mo.”
Ngumiti siya. Nakakainis yung ngiti niya, hindi bastos, pero nakakaloko. Parang alam niyang kahit ilang sigaw pa ang gawin ko, matatawa pa rin siya.
Iyong ganitong mga lalaki, ang siyang nakakainis talaga! Sarap hampasin.
“Palaban ka,” rinig kong sabi niya. “Nakakatuwa ka.”
“Hindi ako aliwan dito, mister. Kung gusto mong matawa, pumunta ka sa comedy bar. Dito, isda ang tinda ko, hindi punchline.”
“Rozen,” aniya, sabay lahad ng kamay. “Baka bukas, bumalik ako. Baka sakaling tumama na ‘yung timbang.” Sabay ngisi niya. "Sungit."
Hindi ko tinanggap ang kamay niya. Sa halip, umiling ako. “Baka bukas, ibang pwesto na lang ang balikan mo.”
Umatras siyang paalis, dala ang supot ng galunggong, pero hindi na siya nagsalita. Nakangiti pa rin. Parang wala siyang balak magpaapekto kahit kaunti.
"Oh, bayad ko nga pala." Mabilis niyang pinahawak sa akin ang pera at talagang humabol pa ng kindat. Matindi.
Pagkaalis niya, saka pa lang ako nakahinga nang maluwag.
“Uy, Thisa,” bungad ni Aling Precy nang bumalik siya sa tabi ko. “Mukhang may bagong manliligaw ka. Pogi, ha.”
“Hindi ako interesado sa pogi na marunong lang mambola at manggulo ng timbang,” sagot ko. Pero sa loob-loob ko… may kakaiba.
Ewan ko ba. Winaglit ko na lang sa isip ko. Gwapo naman ang lalaki, 'di ko lang type.
Ilang segundo pa lang ‘yun, pero ramdam ko pa rin na may nakatingin sa akin at hindi ako nagkamali siya nga, si Rozen na nakasandal sa malaking truck habang nakahalukipkip na nakatingin sa akin.
Hindi siya tulad ng ibang lalaki na dumadaan lang para humanga. Pero siya? Iyong tinginan, parang may laman na hindi ko lang alam kung ano.
Bumalik ako sa pagsigaw. “Preskong isda! Bili na kayo! Walang bawas, walang daya!”
Pero sa isip ko, hindi ko maiwasang mapatanong. Bakit siya narito? Bakit parang hindi bagay ang lakad niya sa porter? Parang professional kung maglakad, eh. Hirap din siyang magbuhat ng banyera kanina. May kakaiba talaga sa lalaking 'yon.
"Pero hindi ba parang pamilyar 'yong lalaki? Bago lang siyang kargador 'di ba?" si Mang Teryo.
Kahit ako, napansin din 'yon. Sino ba ang lalaking 'yon?