Ika-Sampung Kabanata - Pakiusap/Pabor

1877 Words
Katulad ng sinabi ni Selena sa sarili kanina, pagkauwi niya galing eskwelahan ay pinuntahan niya nga si Kiel sa kuwarto nito. Sarado ang pinto sa kuwarto kaya nilakasan niya ang loob na kumatok. Susuko na sana siya sa pagkatok dahil medyo matagal na rin siya roon nang biglang bumukas ang pinto. "What is it?" bungad ni Kiel na nakakunot ang noo. Tila nagsisisi tuloy siya na kinatok niya pa ito. Naisip niyang sana pala ay pinalipas niya muna ang buong araw na iyon. "Come in," sunod ng sabi ni Kiel at hindi na siya hinintay pang makapagsalita. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago sumunod sa kuwarto ni Kiel. Kailangan niyang panindigan ang ginawa niyang iyon. Wala ng urungan. "Now what?" humalukipkip si Kiel mula sa pagkakaupo. Minsan na ring napaisip si Selena kung marunong bang mag tagalog si Kiel dahil hindi niya pa ito naririnig. "Ah... Tungkol sana sa mga duties ko sa inyo, señorito..." umpisa ni Selena. "B-baka puwedeng tuwing Biyernes ko na lang kayo ipag-plantsa... Paplantsahin ko na iyong pang isang linggo mong uniform... T-tapos iyong para dapat sa araw na ito ay paplantsahin ko na lang mamayang gabi pagkatapos pong kumain..." nakikiusap ang boses na saad niya. Wala namang kaemo-emosyon ang mukha ni Kiel habang titig na titig lang sa kaniya. "Pasensiya na, señorito... Pero baka puwede mo akong mapagbigyan para hindi po ako mag-alanganin sa oras ko sa pagpasok tuwing umaga..." pagsasalita ulit ni Selena. "Why Friday? Not weekends or, other days? Why Friday?" seryosong tanong ni Kiel sa kaniya. "Magsisimula na kasi ang pagdalaw ko sa probinsiya ngayong darating na weekends, señorito... Bale iyon po ang ipinangako nina señor at señora sa akin. Babalik po ako ng Linggo nang hapon..." paliwanag ni Selena. "Just don't think that I agreed to this just because my dad got pissed," tumayo si Kiel at nagpunta sa pinto. Gumalaw ang bibig ni Selena ngunit wala namang lumabas na salita. Base sa pagkakaintindi niya, pumapayag si Kiel sa ipinakiusap niya. "What are you waiting for?" iritableng saad ni Kiel. Natatarantang mabilis na napalabas si Selena. "Thank—" magpapasalamat pa muna sana siya nang makalagpas na siya pintuan ngunit isinarado naman na iyon ni Kiel. Nagkibit balikat na lang siya at masayang bumaba ng hagdanan. At least ay napapayag niya si Kiel kaya naman tila nabunutan siya ng tinik. Sa kuwarto naman ni Kiel ay napangiti ito. Napangiti siya dahil sa ipinakiusap ni Selena sa kaniya. Balak niya na kasi kaninang puntahan din si Selena para sabihin ditong hindi na sa umaga paplantsahin ang school uniform niya. Mabuti na lamang at nauna siyang pinuntahan ni Selena. Lalabas na hindi niya iyon ideya at ayos iyon sa kaniya. Ibig kasing sabihin ay hindi niya kailangang ipakita na nagbago ang isip niya. Nagawan siya ng pabor ni Selena and he's happy about it. Kailangan na lang malaman ng parents niya na nabago ang oras ng mga gawain ni Selena dahil ipinakiusap iyon ng huli. Na wala siyang kinalaman doon kahit na iyon na rin sana ang balak niyang gawin kanina kung hindi lang siya naunahan ni Selena. Kinagabihan ay muling nagpunta si Selena sa kuwarto ni Kiel upang tawagin na itong kumain. Sasamantalahin na rin niya iyon upang plantsahin ang uniform ng lalaki para sa pagpasok nito kinabukasan. "Señorito, naihanda ko na po ang dinner ninyo," bungad ni Selena sa pintuan. Hindi kasi nakasara ang pinto ni Kiel ng mga oras na iyon. Si Kiel naman ay medyo pawisan ng mga sandaling iyon dahil kasalukuyan siyang nag-e-exercise. Ibinaba muna nito ang gamit na dumbbell bago tumingin kay Selena. "I'm not hungry. I'm just waiting for you," cool lang na sagot ni Kiel. Parang bigla namang kumabog ang dibdib ni Selena sa narinig. Hindi niya naman kasi iyon inaasahan. Mas lalong wala siyang kaide-ideya kung bakit siya nito hinihintay daw. "About my uniform, young lady," maagap naman at nairitang saad ni Kiel. Napansin niya kasi na tila natakot o kinabahan si Selena sa sinabi niya. Napaiwas naman ng tingin si Selena dahil tila napahiya siya. Pero wala naman siyang iniisip na hindi maganda kaya nagtataka siyang ganoon ang reaksiyon ni Kiel sa kaniya. "Get inside and do it now. I want to sleep early after this," saad muli ni Kiel bago muling pinulot ang dumbbell at ipinagpatuloy ang ginagawa habang nakaupo sa kama. Walang imik na pumasok si Selena. Inilibot nito ang paningin sa kuwarto at nagbabakasakaling makita kung nasaan nakalagay ang uniform ni Kiel. "Open the cabinet. It's in there," wika ni Kiel ng hindi tumitingin kay Selena. Mabilis namang sumunod si Selena. Nagpapasalamat siyang malaki ang kuwarto ni Kiel kaya naman medyo malayo na ngayon ang distansiya niya sa lalaki. Matapos makuha ang uniform ni Kiel ay nagmamadali na siyang naglakad upang makalabas na rin kaagad doon. "Hurry and bring them back here before I sleep," katulad ng dati ay hindi nagbabago ang may pagkasupladong boses ni Kiel kay Selena. "Opo, señorito," magalang namang sagot ni Selena. Nang makarating na si Selena sa kuwarto nila ay wala roon si Manang Aida dahil tiyak na nasa komedor pa ang mga ito. Dapat sana ay doon muna siya dederetso para kumain ngunit dahil hindi naman kakain si Kiel, napagpasyahan niyang unahin na lang muna ang uniporme ng lalaki. Mamaya na lang siya kakain. Kaagad niya ng iniayos ang plantsahan at inilatag na roon ang pang-itaas na uniform ni Kiel. Medyo natataranta pa siya dahil nga sa sinabi ni Kiel na bilisan niya bago ito makatulog. "Selena... Kalma..." pumikit siya at makailang ulit na nag-inhale exhale upang kalmahin ang sarili. Kung itutuloy niya kasi ang gagawin ng hindi relax, malamang sa malamang ay masunog pa ang uniform ni Kiel. Dadagdagan niya lang na naman ang kaniyang problema kapag nagkataon. Matapos niyang makalma ang sarili ay sinubukan niya namang ngumiti bago in-on ang plantsa. Noong una ay relax na relax pa siya sa paghagod ng plantsa sa uniform ni Kiel ngunit may nahagip ang kaniyang mga mata. Literal na nanlaki ang mga mata niya dahil doon. Napatutop siya sa bibig. Hindi niya alam kung gaano siya katagal sa posisyon. Basta't may usok na lang siyang nakita na siyang nagpabalik sa kaniyang huwisyo. "Hala! Ano ng gagawin ko?" halos malukot ang buong mukha niya dahil nasunog ang isang parte ng uniform ni Kiel. Malapit iyon sa kinalalagyan ng school logo patch. Ang dahilan kung bakit siya natulala at nabigla kanina. Nabasa niya kasi sa patch na nakalagay sa uniform ni Kiel ang pangalan ng eskwelahan nito. At gulat na gulat talaga siya na mabasa ang pangalan ng eskwelahan na pinapasukan niya. Ngayon ay naiintindihan niya na kung bakit nakita niya si Kiel sa eskwelahan nila noong isang araw. Dahil doon pala ito nag-enroll. "Selena?" Nataranta lalo si Selena nang marinig ang boses ni Kiel sa labas. Mabilis siyang lumabas sa kuwarto. Hindi niya alam kung anong sasabihin tungkol sa nasunog nitong uniform. "Is it done? Because I'm really sleepy and I don't want to leave my door open," suplado pa ring saad ni Kiel. "A-ah... K-kasi... S-señorito k-kasi n-nas—" bigla siyang natigilan. Naalala niya ang sinabi ni Kiel na nag-iisang pares pa lang ang uniform nitong nakuha dahil naubusan ng stock. Ibig sabihin, walang magagamit si Kiel sa pagpasok at alam niya ang patakaran sa eskwelahan na bawal ang hindi naka uniporme. Public school lang iyon ngunit mahigpit naman na akala mo ay private school din. "What? Nas? What nas?" napakunot noong tanong ni Kiel. "N-nas... Nas... Nasa kuwarto pa po, señorito, eh... P-pero patapos na po ako. Isusunod ko na po kaagad doon," napapalunok na paliwanag niya kay Kiel. "Don't make me go down here again," turan ni Kiel at umakyat na itong muli. Mabilis na pumasok muli si Selena sa kuwarto at ni-lock niya ang pinto. May pumasok kasing ideya sa isip niya kaya hindi niya na itinuloy sabihin kay Kiel ang tunay na nangyari sa uniform nito. Mabilis siyang bumalik sa ginagawa at tinapos ng plantsahin ang itim na slacks ni Kiel. Pagkatapos ay nagpunta siya sa sariling cabinet at inilabas niya ang kaniyang uniform. Iyon ang solusyong naisip niya... Ang uniform niyang pang-itaas ang dadalhin niya kay Kiel. At alam niya na rin ang sasabihin dito... Mahihinang katok lang ang ginawa niya nang magpunta na kay Kiel. Sarado ang pinto sa pagkakataong iyon at dalangin niyang gising pa ang lalaki. Makailang ulit din muna siyang humugot ng malalalim na hininga bago siya kumatok doon. Tantiya niyang naghintay pa siya ng ilang minuto bago tuluyang bumukas ang pinto. Siguro dahil sa walang tigil niyang pagkatok. Bumukas lang ang pinto ngunit hindi niya naman nakita si Kiel. Dahan-dahan niya itinulak ang pinto upang mas bumukas iyon. Nang pumasok siya ay nakahiga na nga ng padapa si Kiel at ang ulo nito ay nasa kabilang direksiyon. Tingin niya ay binuksan lang ni Kiel ang pinto at saka ito bumalik sa pagkakahiga. Kung wala lang sana siyang kailangang sabihin dito ay madali lang na ilagay na lang sa cabinet nito ang naka-hanger ng mga uniporme. Ngunit kailangan niyang magsalita. "Señorito..." mahina niyang pagtawag dito. Gumalaw ang isang kamay ni Kiel. "Just put it back there." "Señorito... K-kasi po..." palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi niya alam kung magagawa pa ba niyang sabihin ang balak niyang sabihin. "What?" inis na napabangon si Kiel. "T-tungkol po sa u-uniform ninyo, señorito..." napalunok siya. Kung tutuusin ay halos sanay na siya sa supladong boses at supladong mukha ni Kiel. Ang kaso ay iba ng mga sandaling iyon. "What is it?" tuluyan ng napatayo si Kiel sa inis nito. "M-mukha po kasing may problema rito sa uniform ninyo..." nilakasan na ni Selena ang loob niya at saka iniabot kay Kiel ang kulay kremang polo na pang-itaas na uniporme. Nakakunot pa rin ang noo ni Kiel nang abutin niya ang naka hanger nitong uniform. "W-what? What's this?" nagtatakang sinipat ni Kiel ang kabuuan ng unipormeng hawak. Alam niyang iba ang tabas ng uniform. Ang tabas nito ay para sa blouse o uniform ng isang babae. Mahaba iyon tiyak kumpara sa tangkad niya ngunit halata namang masikip kaya malabong magkasya sa kaniya. "B-baka po mali kayo ng naisulat sa form nang kunin niyo iyan, señorito. K-kaya pambabae po ang nakuha ninyo..." saad ni Selena. Hindi niya gusto ang ginagawa ng mga sandaling iyon ngunit anong magagawa niya... Napakasuplado ni Kiel at ayaw niyang malaman nito na nasunog niya ang uniporme nito. "It can't be..." mahinang anas ni Kiel. "P-puwede niyo na lang po iyang bitbitin bukas sa pagpasok... Kahit naka-civilian na lang muna kayo. Ipapakita mo lang na mali ang naibigay sa 'yo at nag-iisa lang din kaya hindi po kayo naka uniporme..." pagtuturo niya kay Kiel. "Of course... What else can I do," dismayadong ani Kiel at ibinalik na ang uniform kay Selena. "Just put them back there. And you can go now. Turn off the lights and lock the door before you leave." Mabilis na sumunod si Selena. Matapos maibalik sa cabinet ang uniform ay umalis na siya. Nasa pinto ang switch kaya madali na lang sa kaniyang patayin iyon. Pinindot niya lang din ang seradura sa loob bago niya iyon hinila. Nanlulumo siyang bumalik sa kuwarto nila ni Manang Aida. Hindi niya matanggap na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsinungaling siya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD