DUMATING ang araw na pinakahihintay ni Claire. Nakapasa siya sa entrance examination sa kursong kanyang kinuha.
"Bachelor of Science in Business Management. Maganda ang napili mo, Iha. Binabati kita dahil qualified ka nang makapasok sa susunod na school year. Huwag kang mahihiya sa akin, ako ang bahala sa pag-aaral mo. Alam ko namang hindi mo ako bibiguin. Alam kong matalino ka." Mahabang lantiya ni Mrs. Vergara.
"Asahan niyo pong pagbubutihin ko, ma'am."
"Masyadong formal ang pagtawag mo sa akin ng 'ma'am', just call me Tita Samantha, okey ba 'yon?"
"Opo, ma'am! Este, Tita Samantha. Maraming salamat po sa kabutihan ng inyong puso. Salamat po sa pagkakataong ibinigay niyo sa akin para makapag-aral muli."
"Ikaw talaga, iha, mabubusog na ako sa pasasalamat mo. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa'yo." natutuwang saad ni Mrs. Vergara.
Inabala ni Claire ang sarili sa pag-aaral. May apat nataon siya upang tapusin ang kursong napili. Kahit na hindi na siya pinapasok alsa grocery na dati niyang pinagta-trabahuan ay suma-sideline pa rin siya upang pandagdag sa kanilang ipon.
Naging mataas ang grado ni Claire sa kanyang unang taon sa kolehiyo. Labis na natuwa sa kanya si Mrs. Vergara kaya naman ay inalok niya ang dalaga kung gusto nitong tumira sa isang bahay na pag-aari ng pamilya ng Vergara. Dahil walang ibang nakatira roon, pumayag na silang magkapatid. Naiwan si Ivy sa kaniyang apartment dahil nahihiya ito kay Mrs. Vergara.
Nakapasa rin si Mico para sa scholarship program ng eskwelahan. Civil Engineering ang kinuha niyang kurso. Labis ang tuwa nilang magkapatid dahil tila panaginip lang ang lahat. Parang kailan lang ay panay pasakit ang kanilang natamo mula sa ina, ngunit ngayon malaking ginhawa na ang kanilang nararnasan at unti-unti na ring natutupad ang kanilang mga pangarap.
"Wala ka pa bang balak na pumasok sa relasyon, Claire?" usisa ni Mrs. Vergara nang kasalukuyan silang nagkakape sa terrace.
"Wala pa po sa isip ko 'yan, Tita Samantha."
"Bakit, wala bang nanliligaw sa iyo? Alam mo, sa edad mong iyan, dapat nakikipagrasyon ka na, enjoy yourlife! "
"Mayroon pong nanligaw noon, pero hindi na yata sila nakapaghintay kaya nakahanap na sila sa iba."
"Nakakalungkot naman pala kung gano'n. Malay mo, magustuhan ka ng isa sa pamangkin ko. Tamang-tama, darating sila sa aking kaarawan. Huwag kang mawawala, ha. Ipapakilala kita sa kanila."
"Naku, focus po ako sa pag-aaral, tita, ayoko pong pagsabayin ang pag-aaral at ang pakikipagrelasyon."
"Sabagay, pero malay natin. Maganda at matalino ka, kaya hindi malayong magustuhan ka ni Daniel. Siguro naman sa sandaling makita ka niya ay magbago na ang kanyang isip tungkol sa pag-aasawa. Hindi nalalayo ang inyong edad, kaya bagay na bagay kayo." Humagikgik ang ginang na tila kinikilig.
Tila si Claire ang nahihiya sa sinabi ni Mrs. Vergara.
Isang simpleng salu-salo sa Mansyon ng Vergara ang naganap nang dumating ang kaarawan ng ginang. Mga pamilya at ilang malalapit nabkaibigan ang kanyang mga naging panauhin.
"DUMATING din sa wakas ang isa sa mga paborito kong pamangkin, Claire! Hayan na siya, ang guwapo niya hindi ba?"
"Happy birthday, Tita Samantha!" bati ni Daniel kay Mrs. Vergara, humalik ito sa pisngi ng ginang pagkatapos ay ibinigay niya rito ang dalang regalo.
Natulos sa kinatatayuan si Claire. Tama nga si Mrs. Vergara, may itsura ang pamangkin nito. Dahil nasa lahi na yata nila ang pagiging maputi, matangkad, at matatangos na ilong. Matikas din ang tindig ni Daniel.
"Tititigan mo na lang ba ang pamangkin ko, Claire?" untag ni Mrs. Samantha sa dalagang tila lumilipad ang isip habang nakatingin kay Daniel.
"Nice to meet you, Claire. Ikaw pala ang palaging ikinukwento ni Tita Samatha sa akin." inilahad ni Daniel ang kamay.
"Nice to meet you din, Daniel." Tinanggap ni Claire ang nakalahad na kamay ni Daniel. Napatitig siya sa mga mata nito, may kung anong kaba ang kanyang naramdaman sakanyang puso. Tila pamilyar iyon sa kanya. Para bang nakita na niya ito noon o baka kapareho lang. Kaagad siyang bumitaw sa mga kamay ni Daniel.
"Alam niyo, ganyan din noong kabataan namin ng inyong Tito Leandro, sa una nagkakahiyaan, pero tignan niyo naman, inabot pa namin ang limang dekada."
"Masanay ka na kay Tita, Claire, ganyan lang talaga siya."
"Daniel, Claire, maiwan ko muna kayong dalawa upang makilala niyo pa ang isa't-isa. Aasikasuhin ko lang ang iba kong mga bisita." Paalam ni Mrs. Vergara. Kumindat pa ito kay Daniel bago umalis sa kanilang harapan.
Twenty nine ang edad ni Daniel at kasalukuyan itong nagtatrabaho sa isang car company na pag-aari ng kanilang pamilya.
Nanliit sa sarili si Claire dahil kung ikukumpara ang kanyang buhay sa mga Vergara ay napakalayo ng agwat. Halatang mayayaman ang mga panauhin ng ginang.
Gayunpaman, madaling pakisamahan ang mga Vergara, hindi katulad ng ibang mga mayayaman.
"Mas maganda ka pala sa personal, kaysa sa picture. Kaya pala palagi kang ikinukwento ni Tita Samantha sa akin."
"Salamat, pero anu-anong sinasabi ni Tita Samantha sa akin?"
"Ang lahat ng tungkol sa'yo."
"Nakakahiya naman pala kung gano'n."
"Be proud sa sarili mo. Hindi lahat ng babae ay kagaya mo."
Kiming ngumiti si Claire.
"Matanong ko lang, may boyfriend ka na ba? Or manliligaw?"
"Wala pa, hindi kasi iyan ang priority ko sa ngayon. Ayokong mabigo si Tita Samantha sa akin."
"I see. So, wala palang magagalit kung ihatid kita mamaya sa pag-uwi mo?"
"Ha? Eh, hindi na kailangan, Daniel."
"Hindi ka naman makakatanggi kapag si Tita Samantha ang nagsabi, tama? Tara, ipakilala kita sa iba naming kamag-anak at kaibigan ng aming pamilya."
Sumunod si Claire kay Daniel na nakihalubilo sa mga ibang bisita. Marami ang nagandahan kay Claire at nagtataka kung bakit sila magkasama ni Daniel.
"Siya na ba ang nakabihag sa puso mong pihikan, Cousin?" usisa ni Amira kay Daniel.
"No, we're just friends,bba new friend of mine."
"Akala ko ay kasintahan mo na si Claire," wika naman ni Thomas, ang ama ni Amira.
"Hindi pa po, Tito."
"Dad, hindi pa daw, so it is possible 'di ba?"
"Not bad, kaysa ibang babae diyan."
Namumula si Claire dahil sa pinag-uusapan tungkol sa kanya. Nakilala na niya noon ang ibang mga kamag-anak ni Samantha pero wala sa isip niya na irereto siya sa kanilang kamag-anak rin.
Gabi na nang matapos ang selebrasyon sa kaarawan ni Mrs. Vergara. Hindi na tinanggihan ni Claire ang alok ni Daniel na paghatid.
Kasama niyang pumunta roon si Ivy at Mico. Ngunit nauna nang umuwi si Ivy at nagpaiwan naman si Mico.
Pasakay na si Claire sa sasakyan ni Daniel nang may mahagip ang kanyang mga mata ma pumasok sa mansion. Pamilyar ang tindig nito ngunit hindi niya nakita ang mukha.
"Let's go," ani Daniel. Saka pa lang itinuon ni Claire ang paningin sa harap ng sasakyan.
Naging tahimik lang ang dalaga sa biyahe. Bumabalik sa kanyang ala-ala ang nakita niya lamang kanina.
"Impossible namang si Franco 'yon." wika ka niya sa sarili.
Hindi namalayan ni Claire na nakarating na sila sa kanilang tinutuluyan dahil malapit lang ito sa mansion.
"Mukhang malalim ang iniisip mo, ah."
"Pagod lang ako, kuya Daniel."
"Kuya na naman. Apat na taon lang ang pagitan natin, Daniel na lang." Ngumiti si Daniel.
"Sige, Daniel. Salamat pala sa paghatid."