Chapter 3

1422 Words
"Bakit hindi ka pa rin puwedeng pumunta dito, 'Nay? Hindi pa ba magaling si Manang Dolor?" tanong niya sa ina sa telepono. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang isama siya ni Don Hernani sa Amerika. Sa awa naman ng Diyos ay malakas pa rin ito at hindi na kumalat ang kanser. Salamat sa makabagong teknolohiya at mga mabisang gamot dito. Pero ang pangako ng mga Fajardo na susunod ang Inay niya sa San Francisco ay hindi natupad. Mabuti na lang at naging moderno na rin ang komunikasyon ngayon, palagi silang nagkakausap ng Inay niya sa internet. "Matanda na si Dolor at hiniling na ng mga anak niya na umuwi na sa Cebu para doon magretiro. Bakasyon niyo na ba sa eskwela? Ano ngayon ang pinagkakaabalahan mo?" pag-iiba ng ina sa usapan. Alam nitong naiinis siya dahil may kataasan na ang boses niya habang nakikipag-usap. Excited na kasi siyang makasama ito at nangako ulit si Don Hernani na ibibili na ng ticket ang Inay niya kapag nakabalik na si Manang Dolor sa mansyon. Pangako na napako na naman dahil hindi na pala ito babalik. "Oho, bakasyon na namin. Kumusta naman ho ba d'yan sa atin sa hacienda?" "Mabuti naman. Alam mo bang tinuturuan na si Brenda na mamahala dito sa mga tauhan? Malapit na kasi siyang mag-bente anyos. Kaya lalong hindi ako makaalis dito sa mansyon kasi palaging nasa labas ang mag-asawang Gaspar at Loreta para samahan si Brenda sa paglilibot sa hacienda." Gusto niyang umiyak sa inis. Sa mga sinasabi ng Inay niya, ibig sabihin ay wala talaga sa plano na papuntahin siya dito. Kung puwede lang siyang umuwi at iwanan na lang ang matanda dito sa San Francisco ay ginawa niya na. Pero nakulong na lang silang mag-ina sa sitwasyon kaya't naging sunod-sunuran na lang sila sa kung ano ang itinatakda ng mga Fajardo. "Malungkot ka na naman," wika ni Don Hernani na nakalapit sa kanya nang hindi niya namamalayan. "Si Trining ba ang kausap mo?" Hindi niya maitanggi ang lungkot dahil paiyak na nga siya. Kinuha ni Don Hernani ang telepono saka ito ang nakipag-usap sa Inay niya. Kinumusta nito ang hacienda at mga tauhan. Mahaba-haba rin ang pag-uusap ng dalawa at nanatili siyang nakaupo sa sofa para makinig. Hanggang ibaba ng matanda ang telepono ay hindi pa rin siya nagsasalita. "Nami-miss mo na ba ang Inay mo?" tanong nito na umupo sa tabi niya. Tinawag nito ang nurse at may ipinakuhang folder sa silid nito. "Ano ho ito?" "Buksan mo. Siguradong matutuwa ka." Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. Kung sa kabaitan ay wala siyang masasabi kay Don Hernani. Sa loob ng tatlong taong pag-aaral niya dito sa Amerika, lahat ay ito ang gumastos. May allowance din siyang natatanggap na nakaimpok lang sa banko niya dahil hindi naman siya maluho. Bukod sa pera, puno na rin ang drawer niya ng alahas tulad ng kwintas, singsing at relo. At kapag malungkot siya ay alam na rin nito kung ano ang makapagpapasaya sa kanya. Ang pagbabasa ng libro. Gayunman ay hindi naman talaga naiibsan ang lungkot niya. Pilit lang niyang itinatago sa matanda dahil nahihiya rin siyang hindi na nito alam ang gagawin para mapasaya siya. Ayaw niyang makadagdag pa sa alalahanin nito imbes na isipin lang ang pagpapagamot. "Buksan mo na," nakangiting wika ng matanda. Napilitan tuloy siyang buksan ang folder. Bumungad sa kanya ang plane ticket pauwi ng Pilipinas. Pigil niya ang hininga kasunod ay pagsilay ng totoong ngiti. "Uuwi ho tayo sa Pilipinas?" "Pasensya ka na dahil natagalan. Mahina kasi ang ani noong nakaraang taon kaya hindi tayo nakauwi. Pero tuloy na tuloy na ngayon dahil nariyan na ang ticket natin. Si Brenda pa ang nagpa-book niyan kaya't bilhan natin siya ng pasalubong pag-uwi natin." "Thank you ho, Lo." Yumakap siya nang mahigpit sa matanda dahil sa labis na kasiyahan. Magkikita na sila ulit ng Inay niya pagkatapos ng tatlong taon. Makakalibot siya ulit sa buong hacienda. At magkikita na ulit sila ni Adriel na palagi niyang kausap sa messenger niya. Kailangan pa rin naman nilang bumalik dito sa San Francisco dahil dito na siya nag-aaral. Tuloy-tuloy pa rin naman ang pagpapagamot ni Don Hernani bagama't puwede na itong umuwi sa Pilipinas pansamantala. Kung makukumbinsi niya ito, baka p'wedeng huwag na silang bumalik sa San Francisco. Halos hindi siya nakatulog sa magdamag dahil sa excitement. Maaga ang flight nila pabalik sa Maynila dahil mula sa Maynila ay sasakay ulit sila ng eroplano patungo naman sa Camiguin Island. Hindi niya maiwasang maalala ang lalaking nakatagpo niya sa eroplano noong patungo pa lang sila sa San Francisco. Sa dami ng pasahero noon ay nawala na ito sa paningin niya hanggang hindi niya na ito nakita. Hindi niya na rin ito pinag-aksayahan ng panahon pa dahil hindi naman na sila magkikitang muli. Si Adriel pa rin ang laman ng puso niya na lumalim pa ngayon dahil nangako itong hihintayin siyang makabalik sa Pilipinas. Hindi niya magawang hubarin ang bracelet na ibinigay nito kahit pa naninilaw na sa katagalan. ""Ladies and gentlemen, welcome aboard Albano Air Flight 108 to Manila. This is Capt. Rosales. Please ensure your seat belts are fastened, trays are upright, and your phones are in airplane mode. We will provide a safety briefing shortly." Tila naulit ang pangyayari sa buhay niya tatlong taon na ang nakararaan. Ang kaibahan lang ngayon, excited siyang umuwi at hindi mapalis ang ngiti niya. Hindi niya sinabihan si Adriel na uuwi siya. Ibinilin din niya kay Brenda na huwag ipagsabi na ngayon ang flight niya. Gusto niyang sorpresahin ang boyfriend niya. Yes, Adriel is her boyfriend for a year now. Sinagot niya na ito sa telepono noong isang taon bilang regalo sa birthday nito. "Natutuwa ako na makitang nakangiti pati ang mga mata mo sa unang pagkakataon, apo. Hayaan mo, kapag maganda ulit ang kita ng hacienda ay uuwi tayo nang mas madalas." "Talaga ho bang dalawang buwan tayo doon? Huwag na ho kaya tayong bumalik sa San Francisco? Mukhang okay naman na ho kayo eh. Mas mabuti pa rin ho ang sariwang hangin ng Camiguin sa inyo." "May isang taon ka pa para tapusin ang high school," sagot naman nito. "Huwag kang mag-alala. Kapag idineklara na ng doktor na clear na ako sa kanser, babalik ulit tayo sa Pilipinas nang mas matagal. Mas makabubuti pa rin kasi sa 'yo na sa Amerika magtapos dahil mas maganda ang mga eskwelahan doon kung gusto mong maging doktor." Hindi na siya sumalungat. Masyado siyang masaya ngayon para mag-isip ng negatibong bagay. Mula sa bintana ng eroplano, lumipat ang atensyon niya sa screen. Iba na ang commercial doon. Pero hindi niya alam kung bakit malinaw pa rin sa balintataw niya ang guwapong mukha ni Drake. Napangiti pa siya nang maalala ang ibinulong nito sa kanya. Hindi pa rin naman siya puwedeng magpahalik dahil kinse anyos pa lang siya. Pero kahit pa siguro dise otso na siya ngayon, hindi niya ito hahanapin dahil si Adriel na ang may hawak ng puso niya ngayon. Mas guwapo nga siguro si Drake kay Adriel, pero sa astang iyon ni Drake, hindi malabo na kung sino-sinong babae na ang hinalikan nito. Sa Amerika ay ganoon naman ang mga lalaki sa university na pinapasukan niya. Naiinis nga ang mga kaklase niya dahil ni hindi raw siya mayaya kahit lumabas man lang. Karamihan na sa kaklase niyang babae ay umiinom na ng alak at nakikipaghalikan na kung kani-kanino. Sa kabila ng paninirahan niya sa Amerika ay nananatili siyang konserbatibo pagdating sa ganoong bagay. Ang nagbago lang ay ang pananamit niya. Mahilig siyang magsuot ng mini skirt lalo na kapag mainit ang panahon. Marami siyang bagong damit dahil pinaghandaan niya ang pagkikita nilang muli ni Adriel sa personal. "Lolo!" Malakas ang sigaw ni Brenda nang makita si Don Hernani. Yumakap ito nang mahigpit at halata ang kasiyahan na nakabalik sila ulit sa Pilipinas. Kahit si Gaspar at Loreta ay kaagad yumakap sa matanda. Hinanap niya ang ina na hindi niya natatanaw mula sa mansyon. Kaagad siyang pumasok sa kabahayan. Mula sa kusina ay nakita niyang abalang-abala ito sa paghahanda sa hapagkainan. "Nay!" "Crislina? Ay, Diyos ko! Ikaw nga ba 'yan?" Kaagad itong naghanap ng pamunas ng kamay at sinalubong siyang halos paiyak na. Hindi niya napigil ang pag-iyak nang tuluyan niya itong nayakap. "Miss na miss kita, 'Nay..." "Miss na miss din kita, anak. Naku, Diyos ko. Hindi ako makapaniwala na umuwi ka na." Hindi niya alam kung gaano sila katagal magkayakap. Ayaw niyang bumitiw. Gusto niyang namnamin ang init ng katawan nito, ang bawiin ang ilang panahong nawala sa kanilang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD