SINO NGA BA AKO?

1308 Words
CHAPTER 1 HAZEL'S POV Maaga akong nagising para maghanda ng almusal. Si Tatay Benidect ay nagtatrabaho sa bukid at maaga siyang umaalis, kaya kailangan niyang makakain muna bago siya pumasok sa trabaho. Alam kong mabigat ang trabaho niya kaya gusto ko ring makatulong kahit sa simpleng paraan. Habang abala ako sa paghihiwa ng mga gulay, isang tinig ang pumunit sa katahimikan ng kusina. “Oh, Hazel. Maaga ka ata ngayong bumangon?” tanong ni Nanay Selena, may halong pagtataka ang boses niya habang papalapit sa lamesa. Napalingon ako at bahagyang ngumiti. Si Nanay at Tatay ang tawag ko sa kanila. Sila ang kumupkop sa akin nang matagpuan nila akong walang malay sa gilid ng kalsada limang buwan na ang nakalilipas. Sabi nila, simula nang dumating ako sa buhay nila, pakiramdam nila ay nagkaroon sila ng anak na matagal na nilang hinihintay. Kaya mas pinili nilang tawagin ko silang Nanay at Tatay. “Maaga po akong nagising, Nay. Alam ko pong pagod kayo, magtitinda pa po kayo mamaya sa palengke. Si Tatay naman, magtatrabaho na naman sa bukid. Kaya dapat kahit papaano, makapagpahinga muna kayo bago kayo lumarga,” sabi ko habang patuloy sa paglalagay ng itlog sa kawali. Sandali siyang natahimik bago muling nagsalita. “Nanaginip ka nanaman ba?” tanong niya, kaya napahinto ako at napatingin sa kanya. Tahimik lamang siyang nakatitig sa akin, parang binabasa ang laman ng isip ko. Pakiramdam ko, alam niya. Alam niyang muli na namang bumalik ang bangungot na matagal ko nang gustong kalimutan. “Limang buwan ka na dito, Hazel. Alam kong gabi-gabi mo nang napapanaginipan 'yan,” aniya, mahina ngunit puno ng pag-aalala ang tinig. Bumuntong-hininga ako at lumapit sa kanya. Hindi ko na kayang itago. “Hindi ko po maintindihan, Nay. Paulit-ulit lang... Parang wala nang katapusan. Lagi akong hinahabol, hinahampas ng tubo... At dalawang pangalan ang paulit-ulit na naririnig ko sa panaginip — Gergelyn at X. Hindi ko alam kung sino sila... pero parang kilala ko sila.” Nagkunwaring natawa si Nanay, pilit na pinapagaan ang bigat ng usapan. “Baka naman bago ka mawalan ng alaala, paborito mong panoorin 'yang mga Koreanovela na puro habulan at drama. Kaya kahit wala kang maalala, 'yan ang paulit-ulit sa isip mo,” aniya sabay hipo sa ulo ko. Ngunit kahit pilit kong ngumiti, hindi pa rin mapawi ang pangamba ko. “Pero Nay... bakit wala talaga akong maalala? Wala akong bakas ng nakaraan. Ni pangalan ko nga, hindi ko sigurado kung Hazel talaga. Hindi ko alam kung dati ba akong guro sa Maynila o kung may pamilya akong nag-aalala sa’kin.” “Eh, gano’n talaga siguro kapag may amnesia. Huwag mo nang pilitin. Baka mahilo ka lang o sumakit na naman ang ulo mo,” sabi niya habang lumalapit sa kalan para tumulong. Hindi na ako sumagot. Tahimik kong tinapos ang niluluto. Ngunit sa kabila ng katahimikan ng bahay, ang isip ko ay gulo-gulo. Bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang may mali. Parang may mga bagay silang pilit na itinatago. Lalo na kapag tinatanong ko tungkol sa dati kong buhay, laging iisa lang ang sagot — "huwag mo nang alalahanin." “Nay… pwede po ba akong sumama sa inyo sa palengke mamaya? Para naman malibang ako,” tanong ko habang nagsasalin ng pagkain sa pinggan. Tumingin siya sa akin, kita ko ang sandaling pag-aalinlangan sa kanyang mata, pero agad din siyang umiling. “Wag na. Kaya ko na ‘yun. May mga kasamahan naman akong tutulong sa akin doon. Dito ka na lang muna sa bahay. Magpahinga ka, maglinis kung gusto mo. Sabi ng doktor, bawal ka pang mapagod, ‘di ba?” aniya at nagsimulang kumain. Hindi ako nakaimik. Para akong muling kinulong sa apat na sulok ng bahay. Paulit-ulit. Gising, gawaing-bahay, kain, tulog — ulit-ulit lang. At laging may rason para hindi ako makalabas. Para hindi ako makalapit sa tunay kong pagkatao. Maya-maya, lumabas si Tatay Benidect mula sa kwarto nila, nakasuot na ng pangbukid. Tahimik siyang umupo at nakisalo sa amin ni Nanay. Ilang saglit pa, masaya na silang nagkukuwentuhan habang kumakain. Ako, tahimik lang. Nakikinig. Nagtatanong sa loob-loob ko kung gaano karaming parte ng kwento ang hindi nila sinasabi. Nang matapos sila, sabay na silang umalis. Naiwan akong mag-isa sa bahay. Tahimik. Walang ingay kundi ang tilaok ng manok sa labas at ang banayad na hangin na humahampas sa bintana. Tumayo ako at lumapit sa bintana. Mula roon, tanaw ko ang kalsada. Sa kabila nito ay kagubatan. Sa likod ng tanawin, may gumugulo sa akin. Parang may bahagi ng sarili kong gustong kumawala, gustong makaalala. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan ako mananatili sa bahay na ito, sa katauhang hindi ko sigurado kung akin ba talaga? Parang kulungan ang mundong ginagalawan ko. At ang susi sa kalayaan ko… ay isang lihim na pilit nilang ikinukubli. Nang makaalis na sina Nanay Selena at Tatay Benidect, agad akong nagligpit ng lamesa. Tahimik ang buong bahay. Tanging kaluskos ng mga pinggan at lagaslas ng tubig sa gripo ang naririnig habang hinuhugasan ko ang mga pinagkainan. Ngunit kahit gaano ako kaabala, hindi ko mapigilan ang mga tanong na paulit-ulit na bumabalik sa isipan ko. Paano kung… Napahinto ako sa ginagawa at napatitig sa bintana. Doon sa labas, tanaw ko ang malayo—ang kalsadang palaging nilalakaran nina Nanay tuwing papunta sa palengke. Paano kung pumunta ako ng Maynila? Hindi ko alam kung saan galing ang biglang lakas ng loob na iyon, pero naramdaman ko na lang ang pagpitik ng puso ko. Baka... baka kapag nandoon ako, masagot lahat ng tanong ko. Baka makita ko kung saan talaga ako galing. Kung anong klaseng buhay ba ang naiwan ko bago ako dinala rito. Minsan ba akong naging masaya? May pamilya ba akong naghanap sa akin? O ako lang ba talaga mag-isa sa mundong ‘to? Napatingin ako sa mga kamay kong basa pa sa sabon, nanginginig. Hindi ko alam kung dahil sa lamig o dahil sa takot. Pero higit sa lahat, ang nangingibabaw ay pagkagusto. Gusto kong malaman. Gusto kong matuklasan ang buong katotohanan—kahit masakit. Ngunit bago pa man ako makagalaw, nanatili akong nakatayo sa harap ng lababo, ang mga kamay ko'y mahigpit na nakakapit sa gilid nito. Tama ba ‘to? Baka kapag umalis ako, magalit sila Nanay at Tatay… baka sabihin nilang wala akong utang na loob. Tinanggap nila ako, inalagaan, binigyan ng tahanan sa panahong wala akong maalala—tapos ngayon, aalis na lang ako nang hindi nagpapaalam? Humigpit lalo ang pagkakakapit ko sa lababo. Sa kabila ng takot at pagdadalawang-isip, may parte sa puso kong sumisigaw — karapatan ko ito. Karapatan kong malaman kung sino ako bago nila ako nakita sa kalagayang wala akong alaala. Karapatan kong hanapin kung saan ako nanggaling, at kung bakit hanggang ngayon, may mga panaginip akong paulit-ulit—mga panaginip na puno ng sigaw, sakit, at pangalang hindi ko alam kung kaaway o kaibigan. Paano kung totoo ang kutob ko na may tinatago sila? Na kaya nila ako pinipigilang umalis ay dahil ayaw nilang mabuksan ang sugat ng katotohanan? Napaupo ako sa upuan sa tabi ng lamesa. Niyakap ko ang sarili kong tila giniginaw, kahit hindi naman malamig. Paano kung masaktan lang ako sa matutuklasan ko? Paano kung mas pipiliin ko na lang pala ang hindi malaman, kaysa makitang wala na akong babalikan? Napaluha ako. Hindi ko na napigilan. Unti-unting naglaglagan ang luha sa pisngi ko. Hindi ko alam kung dahil sa takot, sa pagkalito, o sa matinding pangungulila sa isang bagay na hindi ko maipaliwanag. Gusto ko lang malaman kung sino ako... gusto ko lang makita kung may naghanap sa akin… kung may pamilya pa akong iniwang nagdurusa hanggang ngayon. Sa isang iglap, bumalik sa alaala ko ang boses ni Nanay Selena. “Wag kang mapapagod. Bawal kang ma-stress. Baka sumakit ulit ulo mo.” Paulit-ulit nilang sinasabi ‘yon. Paulit-ulit din nilang iniiwasan ang usapang tungkol sa dati kong buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD