PROLOGUE
SIMULA
Humahangos ako sa gitna ng dilim, habang bawat hakbang ay parang tinutusok ng matutulis na bato ang mga talampakan ko. Dama ko ang pawis na dumadaloy sa aking likod, pilit pinapawi ang ginaw at takot na bumabalot sa katawan ko. Hindi ko alam kung saan ako tumatakbo. Hindi ko rin alam kung sino—o ano—ang humahabol sa akin.
“Mabuti pang mawala ka na sa mundong 'to, Georgelyn!” sigaw ng isang tinig ng babae, galit na galit.
Napalingon ako, pero wala akong maaninag sa dilim. Ang boses niya'y hindi pamilyar, at hindi ko matukoy kung kanino. Sino siya? Bakit ganoon na lang ang galit niya sa akin?
“Ano bang kasalanan ko sa’yo?” tanong ko, habang pilit inaalala kung may nagawa akong masama sa kahit na sino.
“Nagtatanong ka pa?! Inagaw mo ang lahat sa akin!” ang tinig ay parang halimaw sa galit. “Si X—inaagaw mo siya sa akin! Kaya ngayon, kailangan mong mawala para tuluyan na siyang mapasakin!”
Napahinto ako. Sino si X?
“Hindi ko kilala ang sinasabi mong X! Wala akong inaagaw sa’yo!” sagot ko, takot na takot.
“Kunwari ka pa! Ilang beses ka nang muntik mamatay—nung car accident na ‘yon, dapat namatay ka na! Baka dito, sigurado na!” Sigaw niya, sabay tadyak sa tiyan ko.
“Aray!” Napaluhod ako sa sakit. Ang sapatos niya'y mabigat, parang may bakal. Namilipit ako sa lupa.
“Mamatay ka na lang, Georgelyn!” galit na galit niyang sigaw. Sa isang iglap, itinaas niya ang hawak niyang tubo at ibinagsak iyon sa likod ko.
“Aaahhh!” Napasigaw ako. Parang mabibiyak ang mga buto ko. Walang makakarinig. Wala ring tutulong.
“Parang awa mo na... hindi ko alam ang mga sinasabi mo. Please, tigilan mo na ako!” pagmamakaawa ko, habang halos di na ako makagalaw.
“Tigilan? Hah! Titigilan lang kita kapag patay ka na at nakalibing na sa ilalim ng lupa!” Isa pang hampas. Mas malakas. Mas mabigat.
“Bakit kasi pinakasalan mo siya?! Ako dapat ang pakakasalan niya! Pero epal ka! Sira ka! Kaya ngayon, mamamatay ka nang wala siyang kaalam-alam!”
Isa pang hampas. Unti-unti akong nawalan ng lakas. Bumagsak ang katawan ko sa lupa, malamig, madumi, parang niyayakap ako ng kamatayan. Nakatingin ako sa madilim na langit, nagdarasal sa katahimikan na sana… sana totoo ngang isang bangungot lang ito.
At kung panaginip nga ito… sana, magising na ako.
“Sana magising na ako…” huling sigaw ng isip ko habang ang katawan ko’y tuluyan nang bumigay sa sakit at takot.
At bigla—isang malalim na hinga. Nagmulat ako ng mata.
“Haah! Haah! Haah!” Humahangos ako habang pawis na pawis, kahit malamig ang paligid. Nanginig ang kamay ko habang pilit kong kinapa ang paligid ko. Malambot ang kutson. May ilaw mula sa isang maliit na lampshade. Tahimik ang buong silid.
Isa na namang bangungot.
Isa na namang gabi ng takot.
Napakapit ako sa dibdib ko, dama ko pa rin ang sakit sa likod at tadyak sa tiyan, kahit alam kong wala naman talagang sugat. Kusa akong napahawak sa gilid ng kama, pilit binabalikan ang mga eksenang napanaginipan ko.
Babaeng galit na galit. Tubo. Tadyak. Pangalan ni X. Laging ganoon. Paulit-ulit. Gabi-gabi. Para bang may gustong sabihin ang panaginip na 'yon.
Pero... hindi ko alam kung totoo ba ang mga iyon.
Dahan-dahan akong tumayo at lumapit sa bintana. Inangat ko ang kurtina at pinanood ang tahimik na gabi sa labas. Ilang buwan na rin ako rito sa bahay na ito, sa pangangalaga ng mga taong sinasabi nilang kamag-anak ko raw. Pero kahit anong pilit nila, kahit anong pagpapakilala nila ng sarili nila… wala akong maalala.
Hindi ko maalala kung sino ako… kung sino si Georgelyn.
Hindi ko maalala kung sino si X.
Hindi ko rin alam kung totoo ba ang babaeng iyon sa panaginip ko, o bunga lang ng isang basag na alaala.
Amnesia. 'Yun daw ang sabi ng doktor. Dahil sa matinding trauma—physical man o emotional—pinoprotektahan daw ng utak ko ang sarili ko sa pamamagitan ng paglimot. Pero paano kung ang mga panaginip kong iyon ay totoong alaala?
Paano kung totoo ang lahat ng ‘yon… at ako ang susunod na babalikan ng nakaraan?
Napatingin ako sa salamin. Tila ibang tao ang nakikita ko. Nakangiting larawan ng isang babae sa dingding—ako raw ‘yon, sabi nila. Pero hindi ko maramdaman. Hindi ko siya kilala.
Napapikit ako. Isang patak ng luha ang dumaan sa pisngi ko.
"Sino ba talaga ako?" bulong ko sa sarili. “At sino ang gustong pumatay sa’kin… at bakit?”
Sa katahimikan ng gabi, isang malamig na hangin ang dumaan sa kwarto. Saglit akong kinilabutan. Tila may matang nakamasid mula sa dilim, naghihintay. Tahimik, ngunit hindi nawala ang pakiramdam na hindi ako nag-iisa.
At sa muling pagtitig ko sa salamin…
Parang may aninong dumaan sa likuran ko.
Napatigil ako sa pagtitig sa salamin. Hindi ako gumagalaw, pero sigurado ako—may dumaan sa likuran ko.
“Sino ’yon?” mahinang usal ko, habang dahan-dahan akong lumingon.
Wala.
Tahimik ang buong kwarto. Ang mga kurtina ay bahagyang gumagalaw dahil sa hangin mula sa nakabukas na bintana. Pero walang ibang tao. Wala dapat.
Pinikit ko ang aking mga mata, pinilit kumbinsihin ang sarili ko na guni-guni lang lahat ng ito. Pero hindi ko maalis ang pakiramdam na may kulang. Parang may nakakubli sa bawat sulok ng alaala ko, pilit humuhulagpos pero hindi ko mahawakan.
Muli akong naupo sa gilid ng kama, tinakpan ng kumot ang katawan kong nanginginig. Humugot ako ng malalim na hininga.
Sabi nila, ako raw si Hazel Ramirez. Dalawampu’t limang taong gulang. Isang guro sa isang private school sa Maynila. Sabi rin nila, aksidente raw ang dahilan ng pagkawala ng alaala ko. Pero wala sa mga iyon ang nararamdaman kong totoo.
Bawat gabi, laging pareho ang panaginip. Laging may boses ng isang babae. Laging may galit, tubo, dugo, at isang pangalang paulit-ulit niyang sinisigaw: “Si X!”
Pero walang X sa buhay ko. Kahit pangalan ng estudyante, kaibigan, o kamag-anak—wala akong matandaan.
Tumayo ako at muling lumapit sa salamin. Hinawakan ko ang malamig na ibabaw nito, tila umaasang baka sa isang saglit ay may maalala ako—kahit isang sulyap man lang ng nakaraan.
Ngunit wala. Puro tanong. Puro takot.