LAST NIGHT was my longest night, ever.
Kahit na napapagal na ang isip at katawan ko sa mga nangyari kahapon, ni hindi man lang ako dinalaw ng antok. Magdamag lang akong nakatulala sa kawalan habang nag-iisip ng mga scenarios na pwedeng mangyari.
I'm trying to figure out something that might change the situation. Ang dami kong what ifs.
What if hindi na ako nag-volunteer na ihatid si Sky? What if hinayaan ko na lang siya?
No. Hindi naman kakayanin ng konsensya ko na iwanan siya sa party nang mag-isa.
Or what if hindi ko na lang siya iniwanang mag-isa? What if nag-stay na lang ako sa tabi niya?
No. I can't do that neither. Naiwanan sa sasakyan sila Coco at Mia kagabi kaya hindi rin talaga ako pwedeng magtagal.
Oh! What if inuwi ko na lang siya sa bahay?
No. I can't do that too. Mapapagalitan ako ni Lola. Not to mention the media. Sa oras na gawin ko 'yon, puputaktihin kami ng tsismis.
But come to think of it, mas gugustuhin kong magkaroon ng issue na may kinalaman sa pakikipag-date kaysa naman maging prime suspect sa isang krimen.
Okay! Let's pretend that I stayed, would that change anything? May magbabago ba? May mamamatay pa rin ba? Maiipit pa din ba ako sa gulong 'to?
Paulit-ulit na nagpa-flash sa utak ko ang mga nangyari mula nang iwanan ko si Sky. Umaasa ako na baka sakaling may importanteng bagay akong nakalimutan o hindi napansin. Nakalimutan ko ba'ng i-lock ang pinto? May kahina-hinala bang tao sa paligid? Pero kahit anong gawin kong piga, wala talaga akong makuha.
Kung pwede ko lang hilahin pabalik ang oras, ginawa ko na. Gusto ko nang bumalik sa dati. Sa panahon na busy lang ako sa trabaho at walang kinakaharap na kaso. Mga panahon na hindi pa magulo.
-
Isang banayad na haplos sa balikat at gumising sa akin nang sumunod na umaga. Hindi ako sigurado kung may naitulog ba ako o nanatili lang na lumilipad ang isip ko sa kung saan kaya hindi ko namalayan ang oras.
Nang lumingon ako upang tingnan kung sino itong nangangalabit, nakangiting mukha ni Nanay Miling ang bumungad sa akin.
“N-nay,” bulong ko at nagmamadaling naupo sa tabi niya. “A-anong oras na po ba?”
“Maaga pa, 'nak. Pero may pa-excercise sa main hall. Gusto mo ba'ng sumama?” tanong niya habang titig na titig sa akin. “Nakatulog ka ba o hindi?” tanong pa niya kaya matipid na lang akong ngumiti.
“Oy Lychee girl, tara lets na!” Masiglang pag-aaya sa akin ni Lemon habang nag-iinat. “Mag-zumba na tayo sa main hall! Ipagpag na natin iyang eyebags mo,” aniya kaya medyo na conscious ako. Naipikit ko tuloy nang ilang ulit ang mga mata ko.
“Hindi ka ba nakatulog?” tanong ni Apple habang tinutusok-tusok ng kanyang daliri ang ilalim ng kaliwang mata ko. “Siguro hindi ka sanay sa hindi komportable.”
“Ang tigas at lamig sa sahig, no?” segunda ni Peachy habang nagtitiklop ng pinaghigaan namin. “Kami kasi sanay na, e.”
Matipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya at tinulungan pa siya na isalansan nang maayos ang mga unan na ginamit namin.
Sa totoo lang, hindi naman na bago sa akin ang matulog sa sahig dahil noong nag-uumpisa pa lang ako sa showbiz at puro extra pa lang ang role ko, ganito din naman ang tinutulugan ko sa set.
Hindi sa nanininago ako, sadyang lumilipad lang kung saan ang isip ko kaya hindi ako nakatulog nang maayos.
“Kahapon mo pa suot 'yang damit mo. Magpalit ka na muna kaya?” tanong ni Nanay Miling kaya napa-amoy ako sa sarili ko. Naglinis ako ng katawan kagabi pero hindi ko na nagawang magpalit ng damit. Hindi naman ako mabaho pero tama si Nanay Miling, kahapon ko pa 'to suot.
“Mamaya na pagbalik natin! Magpapa-pawis tayo sa labas, edi doble doble bihis pa si Lychee! Hindi madaling maglaba, ha! Saka mahal ang sabon!” sabat ni Lemon kaya medyo napaatras ako. Pakiramdam ko kasi any moment ay susunggaban niya ako. Ang lakas ng boses niya at tila nagagalit pa. “Mamaya na Lychee, ha? Medyo basa pa din naman yung mga damit, e.” aniya at ngumiti pa sa akin.
“S-sige. O-okay lang,” sagot ko at ngumiti din kahit nag-aalangan pa din ako. Hindi ko kasi masiguro kung galit ba siya o hindi. “S-salamat.”
“Sus! Para ka namang aders!” aniya at hinampas pa ang balikat ko nang malakas. Napa-aray na lang ako sa isip dahil ayoko naman na ma-offend ko siya. “Lets go, s**o! Oy Officer! Sasali kami sa Zumba!” sigaw niya kaya lumapit sa selda namin ang unipormadong babae at binuksan ang pintuan.
“Ang aga-aga pa, napaka-ingay mo na!” reklamo nung pulis pero inirapan lang siya ni Lemon.
“Ganoon talaga! Sabi nga nila, de erli berd katyes da… da…” Kunot-noo siyang nahinto at nag-isip. Gusto ko sanang sabihin na worm yung kasunod na word nung kasabihan pero napagdesisyunan ko na manahimik na lang. Baka sabihin niya, nagmamagaling ako, e. “…potek na yan! Bulate na nga lang!” sagot pa niya kaya napangiwi ako.
“English ka pa kasi nang english, di naman mapanindigan!” si Peachy na hindi pa nasayahan sa pagtawa niya, talagang hinampas-hampas pa niya ang braso ko. “Itong si Lemon masyadong feelingera! Sosyal ka girl? Speaking in dollars?”
“Tse!” singhal na sagot nito bago kumunyabit sa braso ko. “Kami ni Lychee ang partner.”
“Ang daya!” sigaw ni Apple. “Kayo na lang ulit ni Peachy!” Parang bata pa siyang nagdabog pero inilingan lang siya ni Lemon at mas hinigpitan pa ang pagkakahawal sa braso ko.
“Nauna ako kaya wag kang magulo! Magbo-bonding kami ni Lychee dahil pareho kaming maganda! Diba partner?” baling niya sa akin at nag-beautiful eyes pa.
“Para saan yung pa pairing?” inosente kong tanong. I mean, wala talaga akong ideya at hindi ko din alam kung ano anh dapat na i-react kay Lemon.
“Dito kasi sa loob, pares nang pares kapag may gawain. Kapag may mga activity tayo yung partner mo yunh makakatulong mo. Kumabaga, hati kayo sa trabaho.” Paliwanag ni Ate Suzy.
“Ah… Oh? Paano po iyon? Lima lang kayo dati, sino nawawalan ng partner?” tanong ko ulit.
“Eh iyang si Apple. Mas gusto kasi niya na mag-isa sa gawain. Tapos ngayon, ikaw pala ang gustong partner!” ani Peachy at hinila pa ang buhok ni Apple.
“Ang daya kasi, e!” Pagmamaktol pa ni Apple bago nauna nang nagmartsa palayo sa amin. Natatawa naman siyang sinundan ni Peachy.
“Napikon na naman,” bulong ni Lemon na sinabayan pa niya ng mahinang paghagikgik. “Ang cute cute!”
“Hindi ba siya galit?” tanong ko.
“Nako, hindi! Gan'on lang 'yon.” Si nanay Miling na ang sumagot sa akin kaya tinanaw ko na lang ang binagtas na daan nila Apple at Peachy. “Oy ikaw, Lemon. Hayaan mo nang sila Apple at Eloisa ang mag-pares.”
“Nanay naman, e!” reklamo ni Lemon. Hindi naman ako magiging malaking tulong sa kanila bakit ba pinag-aagawan nila ako? “Di na siya si Eloisa! Lychee! Lychee na ang itawag mo sa kanya!”
Nasamid ako sa sinabi niya. Akala ko naman kasi, gusto niya talaga akong ka-partner, iyon pala yung sa pangalan na naman pala yung issue niya.
“Oh siya, Lychee na kung Lychee.” Pagpapa-ubaya ni Nanay Miling. “Tigilan mo na si Apple, ha? Wala ka na namang napapagtrip-an, e.”
“Oo na, 'nay. Gets na kita. Behave na ako pero bukas natin umpisahan, ha? Bukas sila na ni Apple ang partner. Pero sa akin na muna si Lychee ngayong araw, ha? Okay okay?” tanong niya habang naka-kunyabit pa din sa akin.
“Okay…” sagot ko at ngumiti pa sa kanya.
“O tara na talaga. Mag-uumpisa na yung pa-zumba ni mayor,” aniya at masigla pa akong hinila papalabas.
Nang tuluyan kaming nakalabas, kapansin-pansin ang biglang pagtahimik ng paligid habang nakatingin sa amin. Sandali lang iyon dahil bigla na lang napuno ng bulungan ang bawal madaanan namin.
Katulad kagabi, may mga napapatingin sa akin habang naglalakad kami sa corridor. Kanya-kanya sila nang bulungan habang nakamata sa akin kaya napayuko ako. Kung dati ay nakakagalak sa puso na pinagtitingian ako ng iba, parang hindi ko magawang maging masaya sa atensyon na tinatapon nila sa akin ngayon.
“Siya yung artista na killer, diba?”
“Bakit nandito pa 'yan? Baka tayo naman ang patayin dito!”
“Mukha lang pala siyang mabait pero nasa loob ang tinatagong sungay!”
“Kabataan nga naman. Nagsasayang ng buhay.”
Ilan lang iyan sa mga usapan na narinig ko kaya gustong-gusto ko nang umiyak pero mas yumuko na lang ako. Gusto ko nang bumuka ang lupa at sana lamunin na lang ako nito. Oo, alam ko sa sarili ko na inosente ako pero hindi iyon alam ng ibang tao. Paniniwalaan lang nila kung ano yung naririnig nila kahit pa one-sided lang iyon.
“Hay nako! Ang aga-aga ang daming tsismosa! Inaalmusal niyo ba yung tsismis??” Matapang na sita ni Lemon sa kanila kaya mabilis kong hinawakan ang braso niya para awatin siya. “Suntuka–”
“Lemon, hayaan mo na.” Mahina kong bulong pero inirapan niya lang ako.
Ayoko na sanang palakihin pa yung gulo pero mukha hindi iyon posible kapag si Lemon ang kasama ko.
“Nakakairita kasi, e!” singhal pa niya at akmang susugurin yung isang grupo ng mga nag-uusap kaya kaagad ko na siyang inilayo sa kanila at pinuntahan sila Apple. “Ano ba girl? Okay ka lang? Dapat 'don sa mga 'yon tinitiris para magtanda!”
“Lemon… ayos lang ako,” sagot ko. “Sanay ako sa mga bashers,” dagdag ko pa kahit hindi naman iyon totoo. Madalang naman kasi akong maka-encounter ng bashers noon. At kung mayroon man, Sky was always there to defend me.
“Anong bashers? Bakit? May nang-aaway ba sayo?” Kunot-noo na tanong ni Apple.
“Sino? Saan? Turo mo sa akin.” seryoso pang tanong ni Peachy habang nirorolyo ang magkabilang sleeves ng suot niyang t-shirt.
“Doon sa mga tsismosa! Bulungan nang bulungan, naririnig din naman!” Gigil na sagot ni Lemon.
“It's okay. Relax lang tayo,” awat ko sa kanya. Feeling ko kasi, any moment susugurin niya yung mga tsismosa. “Hinga nang malalim. Inhale… exhale…Wag na natin sila patulan, okay?”
“Kuh! Ewan ko sayo, Lychee girl.” Iritable niyang bulong at inirapan pa ako. “Ang akin lang, kapag hindi ka pumalag sa mga 'yan, mawiwili sila na pagtsismisan ka.”
Lumingon ako sa pinanggalingan namin kanina, nakatingin pa rin sila sa amin at panay ang bulungan kaya nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga. “Artista ako kaya hindi maiiwasan yung ganyan. Ang mahalaga, alam ko sa sarili ko kung ano ang totoo. Saka, baka lumaki lang yung gulo kapag pinatulan pa natin sila. Kaya wag ka nang magalit. Okay? You too, Peachy. Calm down.” Ngumiti pa ako sa kanila pero pinaikutan lang ako ng mata ni Lemon. Maarte pa silang nag-martsa ni Peachy papunta kila Nanay Miling at saka doon nagsumbong.
“Hayaan mo na si Lemon,” biglang sabi ni Apple at tinapik-tapik pa ang balikat ko.
“Nagalit yata sila sa akin, e.” Kabado kong tanong.
“Nako, hindi yan. Ganyan lang talaga siya. Tingnan mo mamaya, okay na ulit siya.” Ngumiti pa siya sa akin bago senyasan na pumila na ako sa tabi ni Lemon dahil mag-uumpisa na daw yung zumba.
-
NANG MATAPOS ang morning Zumba sa Main Hall, nauna na kaming bumalik nila Lemon, Nanay Miling at ate Suzy dahil may dadaanan pa daw sila Peachy at Apple. Pare-pareho kaming init na init at nanlalagkit sa pawis kaya hindi kami magkamayaw sa pagpapaypay. Hindi naman ako masyadong naggagalaw kanina pero sadyang mainit lang at masikip sa pwesto namin kaya tagaktak talaga ang pawis ko.
“Lychee girl! Mauna ka na sa banyo,” ani Lemon. Mukhang tama si Apple, hindi naman pala siya galit sa akin. Ito nga at kanina pa siya kwento nang kwento tungkol sa mga pasikot-sikot dito sa loob. “Ito muna ang isuot mo,” aniya at inabutan pa ako ng isang maiksing short at spaghetti sando na kulay pink. “Sexy na sexy ka d'yan!”
Gusto ko sanang tanungin kung wala bang ibang damit kaya lang nakakahiya na masyado. Ito nga lang panghihiram ng damit, malaking abala na. Magpapaka-choosy pa ba ako? Nakangiti ko na lang iyong tinanggap at nagpasalamat pa bago pumunta sa maliit na CR.
Halos hindi ko malaman kung paano kikilos dahil sobrang sikip sa loob ng banyo.
Nasa kalagitnaan ako ng paliligo nang may kumatok kaya tumigil muna ako para alamin kung sino iyon.
“Oh, alam ko na wala kang gagamitin.” ani Apple at inabutan pa ako ng iaang red plastic bag. “Don't worry, bago ang mga 'yan,” dagdag pa niya kaya napangiti ako kahit hindi ko alam kung ano ang laman nitong plastic pero mukhang may idea naman na ako.
“T-thank you,” sagot ko pa. Tumango lang siya bago umalis sa pinto kaya isinara ko na iyon at pinagpatuloy na ang paliligo ko.
‘Mamaya ko na lang titingnan,’ saad ko.
Pagkatapos ko, saka ko na-realized na wala pala akong ibang isusuot bukod sa in-offer ni Lemon. As in iyon lang. I have no undergarment except for the pair that I was wearing.
‘Please. Please. Sana tama ang assumption ko na undergarments to,’ isip isip ko habang tinunuksan ang plastic na inabot ni Apple. Mabuti na lang at tama naman ako. At least hindi ko na po-problemahin ang isusuot ko.
Nakangiti na akong nagbihis dahil medyo nagtatagal na ako dito sa loob. Panigurado na gusto na rin nilang maligo.
“Oh, diba? Sexy!” sigaw ni Lemon nang tuluyan akong nakalabas ng banyo. Pinituhan pa niya ako kaya bigla akong nakaramdam ng pag-init ng aking pisngi. Sanay akong makatanggap ng compliments pero ngayon lang yata ako nasabihan nang sexy.
Paano ba naman kasi, hindi mo naman ako mapagsusuot ng ganito ka-iksing shorts. Ikaw ba naman ang lumaki sa pangangalaga ng lola ko na taong simbahan at may pagka-old fashioned. “Ang ganda-ganda ng legs mo, Lychee! Ang puti!” dagdag pa ni Lemon at pasimpleng pinalo ang legs ko.
“Lemon, kumalma ka nga d'yan,” mahinahon na awat sa kanya ni Apple bago ako balingan. “Komportable ka ba? Bakit ba kasi iyan ang ipinasuot sayo?” tanong niya kaya napakamot na lang ako sa batok ko at pasimple pang tiningnan ang suot ko. “Wala ba'ng iba?”
“Ay bawal ang maarte! Bagay naman kay Lychee, e.” sabat ni Lemon na sinang-ayunan naman ni Peachy.
“Oo nga. Bagay naman, e. Saka girl, mainit dito sa loob. Syempre, dapat presko na yung isuot niya.” Paliwanag pa niya. “Wag ka nang mailang. Puro naman tayo mga babae dito. Yung mga bantay naman natin dito, babae din.”
“Pero ang totoo talaga niyan, wala kaming ibang damit kundi puro ganyan. May t-shirt kami pero hindi pa nalalabhan,” natatawa ulit na sabat ni Lemon bago kalampagin yung pinto ng cr. “Ate Suzy! Bilisan mo naman! Wag kang pakitang-tao. Di ka naman talaga matagal maligo!”
“Napaka-gaga mo, Lemon!” sagot ni Ate Suzy tapos after mga two minutes, lumabas na din siya. “Oh, ikaw. Pustahan, five minutes ka lang sa loob.”
“Duh! Gaya mo ako sayo,” umiirap naman niyang sagot bago maarteng pumasok na sa banyo.
Nagtawanan sila sa sagutan nung dalawa kaya ngumiti na ako. Mukhang wala naman akong dapat na ikatakot dahil sadyang ganoon silang magbiruan dito. Mukha lang silang nag-aaway pero hindi naman talaga.
Nagpapatuyo na ako ng buhok nang lumapit sa akin si Apple at inabutan ako ng hair brush. “T-thank you,” bulong ko.
Kahit na nasa ganito akong sitwasyon, ang dami ko pa ding dapat ipagpasalamat. Mabuti na lang at sila ang natapat na makakasa ko. Yung small gestures nila sobrang nakaka-taba ng puso.
“Serdantes, may bisita ka sa labas.” Agaw ni Officer Salas sa atensyon ko habang binubuksan ang pintuan.
Mabilis akong lumapit sa kanya at hindi na pinansin ang pag-irap niya sa akin.
“M-may update na ba sa kaso ni Sky?” pag-uumpisa ko ng usapan. Napahinto siya at taas-kilay na humarap sa akin.
“Malamang wala pa. Tagal mo umamin, e.” aniya at tiningnan pa ako ng masama. “Kung gusto mo talagang umusad ang kaso, sabihin mo na sa amin ang totoo. Wag mo kaming pahirapan at wag ka nang mandamay ng iba.” Dagdag pa niya bago magpatuloy sa paglalakad.
Sandali akong natigilan sa sinabi niya kaya naiwanan akong nakatanaw sa likuran niya.
‘Ang lakas ng tama ng babaeng 'to.’
Niyugyog ko ang ulo ko para kalimutan na lang na nakapag-usap kami. Dapat talaga, hindi ko na siya kinakausap. Bakit ba kasi nakalimutan ko na may tinatago yata siyang galit laban sa akin.
Nagmamadali akong tumakbo para makahabol sa kanya. Si Lola Lorna at ang pagkikita namin na lang ang iisipin ko.
Excited na akong makita siya. Si Lola lang naman ang inaasahan ko na dadalaw sa akin. Hindi na ako aasa na bibisitahin pa ako nila Coco at Mia, lalo na ng mga tao mula sa Agency ko.
Habang papalapit kami sa visiting room, palakas nang palakas ang pagkabog ng dibdib ko. Maka-ilang ulit na din akong nag-practice ng kung ano ang dapat kong sabihin kay lola. Kung anong pagpapaliwanag ang pwede kong gawin para hindi na siya mag-alala sa akin. Alam ko naman kasi na nabigla siya sa mga nangyari.
“Pasok na sa loob,” tamad na tamad na utos ni Officer Salas kaya iyon na ang ginawa ko.
Masaya akong pumasok pero kaagad din yung nawala nang hindi si Lola ang maabutan ko sa loob.
‘Anong ginagawa niya dito?'
Prente siyang naka-upo doon at nakahalukipkip pa. Sa simpleng pagtingin niya sa akin, ramdam na ramdam ko na ang umaagos na kayabangan na nilalanas ng aura niya.
He even smiled at me. Pero yung ngiti niya, imbis na makagaan ng loob, ang lakas makasira ng araw. He was just sitting there, smiling at me as if it was his own way of annoying people. Parang iyon yung talent niya sa buhay. l
Makita ko pa lang ang mukha niya, alam ko na kaagad na may hindi magandang mangyayari.
‘Ano ba kasi talagang ginagawa niya dito?’
-