•Eychan•
Pagkalabas ko ng bahay ay tiningnan ko saglit ang kwarto ni Thunder. Nakaginhawa ako nang maluwag nang sa tingin ko ay nauna nang na itong umalis kaysa sa akin. Ayaw ko rin na harapin ito dahil baka tanungin na naman niya ako sa nabungaran niya kanina.
Ayaw kong pakialam nito ang aking buhay. Bukod sa hindi ko naman siya talaga kilala ay hindi rin ako mahilig na sabihin sa iba ang kwento ng buhay ko. Ayaw kong hawakan sa leeg ng mga taong nakakaalam no'n.
_
Napatingin ako kay Thalia nang lumapit ito sa aking kinauupuan at may malapad na ngiti sa kanyang labi, tila ba may maganda itong balita na dala. Kahit wala naman akong pakialam sa tsismis na dala nito ay tiningnan ko pa rin siya bilang pag-acknowledge sa presensya nito.
"Eychan, may bago raw na trainer sa figure skating at gwapo raw ito!" Nagtitili pa siya habang sinasabi iyon. Napangiti na lamang ako sa kanya at inayos ang aking bag. Kung gaano ka kulit si Thalia ay ganoon naman ako katahimik. Malaki ang pinagkaiba naming dalawa kaya nahihirapan akong pakisamahan ito. "Wala lang gusto ko lang sabihin sa iyo baka interesado ka rin sa mga pogi. Sayang din kapag nahuli ka sa balita," humahagikhik niyang saad.
"Hindi ako mahilig d'yan, Thalia," mahina kong saad sa kanya. Tumango naman siya at kumuha ng lollipop sa kanyang bag at ibinigay sa akin ang isa. Nagdadalawang-isip ako kung kukunin ko ba iyon o kung hindi sa dami na ng naibigay niya sa akin ay naipon ko na yata iyon sa bag ko at pwede ng ibenta sa sobrang dami. "I'm sorry, Thalia, sumasakit ang ngipin ko ngayon," alibi ko para hindi ko na tanggapin ang binibigay nito sa akin.
Nanlalaki ang mga mata niyang tumingin sa akin at binuka ang aking bibig. Sinuri nito ang loob no'n na para bang isa itong dentista bago ito lumayo sa akin.
Nagtataka ang itsura nito habang tinuturo ang bibig ko. Kinunotan ko siya ng noo dahil hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. "Sa gan'yan kagandang ngipin sumasakit pa rin?" Kinagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang aking tawa ngunit nang inilapit ni Thalia ang kanyang mukha sa akin ay hindi ko na mapigilan iyon.
"Oh my gosh! You laugh!" masaya niyang wika habang pumapalakpak. Natigilan ako sa sinabi sabay atras at pinigilan ang aking tawa. "Wow! Nakita ko ring tumawa ka sa wakas! Akala ko mamamatay na lang ako ay hindi pa kita makikitang tumawa."
"I'm sorry," mahina kong saad. Kumunot naman ang kanyang noo habang nakatingin sa akin. Sinalat pa nito iyon at tiningnan ako ng puno nang pagtataka.
"Bakit ka humihingi ng pasensya, Eychan? Wala ka namang ginawang masama, ah?" Napailing ako at binigyan siya ng pilit na ngiti.
Hindi naman ako sa kanya humihingi ng sorry kundi kay Kyser. Hinayaan ko ang sarili ko na tumawa dahil lang sa simpleng bagay na iyon, hindi ko naisip kung masaya ba si Kyser na tumatawa ako ngayon kahit hindi siya ang dahilan.
"Thalia, kailangan ko nang umalis." Hindi ko na siya hinayaang makasagot pa at tumakbo na papalayo sa kanya.
Sa halip na dumeretso ako sa next class ko ay dinala ako ng aking mga paa sa sports gym. Pumasok ako sa may skating rink at umupo sa gitna no'n.
Simula nang mawala sa akin si Kyser akala ng iba ay natatakot na akong umapak sa loob ng rink pero hindi iyon ang totoo. Gusto kong palaging pumupunta sa rink dahil pinapakalma ako nito, pero hindi ko na kayang isuot ang sapatos ko at gumawa ng mga stunts na kinahiligan ko dati.
Simula nang araw na iyon hindi ko na nakikita ang sarili ko na sumasayaw pa sa loob ng rink. Kung dati ay ito ang laging laman ng aking isipan ito naman ang pinakaayaw kong mapanaginipan o maalala man lang. Sa isang iglap tila ba naglaho na lahat ng mga pangarap ko.
"Why did you need to leave me, Kyser? Bakit kung saan malapit ko nang makamit ang lahat para matanggap ako ng pamilya mo," madamdamin kong saad. Nakahiga na ako ngayon sa loob ng rink at nakatingala sa ceiling, mabuti na lang at walang tao ngayon dito. Hindi ko nanaisin na makita ako ng iba na mahina at iyakin. "Malapit ko na sanang maabot ang pangarap ko. Kunti na lang sana at..."
Napailing ako sabay hawak sa gilid ng aking mga mata nang pumatak doon ang luha. Noong una akong umiyak dahil sa kanya ay palaging namamaga ang mga mata ko kaya ramdam na ramdam ko iyong sakit, ngayon ay para bang nasanay na ito at kahit ilang beses ako sa isang araw umiyak ay hindi ko na madama ang sakit na dulot no'n. "Huwag kang mag-alala, Kyser, hindi na ako papasok ulit sa larangan na'to. Wala na ring makakilala sa akin sa tagal na panahon na iyon. Sa tingin ko tanging ang mga taong malapit na lamang sa akin ang makakaalala sa pagmumukha ko na iyon."
Sa tuwing tinatanong ako ng mga schoolmates ko kung ako ba ang Eychan Kim na palaging champion sa figure skating ay kaagad ko iyong idine-deny. Palipat-lipat ako nang paaralan noon ilang linggo pa lang kapag may nakakaalam sa identity ko ay kaagad akong maglilipat ng paaralan.
Dito nga ako dinala ng mga paa ko sa SIS at sinubukan ko na ring magsuot ng wig at magmake-up na malayo sa itsura ko dati na naging epektibo naman.
Ayaw kong magulo ulit ang buhay ko dahil sa bagay na iyon. "Coach, hindi ko alam pero hindi ko po talaga mahanap iyong babae na tinutukoy mo. Pinagtanong ko na po sa Northern Elenore kung may kilala ba silang Eychan Kim ang sabi lang ng mga senior roon ay matagal na raw umalis ito sa paaralang iyon."
Saglit akong natigilan at inayos ang aking bag bago tumayo. Kalmado akong naglakad papunta sa exit ng rink, ngunit hindi pa ako tuluyang makalabas ng may tumawag sa akin.
"Miss, bakit ka nandito? Balak mo bang sumali sa team?" Nilingon ko ang lalaking nagsalita at inilingan ito. Kung dati ako pa ang lalapit sa mga coach para sumali ngunit ngayon ay wala na akong pakialam doon. "Kung magbabago man ang isip mo at gusto mong mag-audition ay pumunta ka lang dito bukas."
"Pasensya na po kayo pero wala po akong balak na sumali atsaka hindi din po ako marunong. Nakatulog lang po talaga ako rito," mahinahon kung saad. Tumango siya at sinuri ako, saglit na huminto ang kanyang tingin sa aking mukha at sinuri iyon. "Kung wala na po kayong sasabihin ay aalis na po ako. Salamat."
"Sige na makakaalis ka na," sagot naman ng kasama nito kaya kaagad na akong umalis. Ayaw ko nang magtagal doon at baka malaman nila ang sekreto ko.
Tiningnan ko ang aking relo nang makaramdam ako nang gutom. Bumuntong-hininga ako at dumeretso na sa cafeteria dahil hindi ko naman kayang pigilan ang gutom na'to dahil wala rin akong maayos na kain ilang buwan na ang nakalipas.
Pagkarating ko sa cafeteria ay kaagad akong nag-order ng makakakain at naghanap ng lugar na pwedeng upuan. Pumunta ako sa may pinakasulok at doon na pumwesto. Mas mabuti rito at walang makakakita sa akin.
Hindi ko kailangang makipag-usap sa ibang tao at sagutin ang mga tanong nito na hindi ko alam kung kaya ko bang sagutin o hindi dahil marami akong sekretong itinatago.
"Hi, Eychan!" Nanlalaki ang mata ko sa gulat nang makita ang makulit na si Thunder sa aking harapan. "Bakit nandito ka sa pinakasulok dapat ang ganda mo ay palaging nasa unahan—"
Kaagad akong tumayo sa aking kinauupuan at hinila ang kwelyo niya. "Tatahimik ka at uupo sa tabi ko ng walang ingay ko ipapakain ko itong tray ng pagkain ko sa'yo," pananakot ko sa kanya.
Nanlalaki naman ang mata niya na tumingin sabay upo na sa harapan ko. Napangisi ako at bumalik sa aking kinauupuan kanina. Wala rin akong balak na makipag-argumento sa kanya nang matagal at baka mapansin pa kami ng mga estudyante.
"Bakit mo ba ako ginugulo, Thunder?" inis kong tanong sa kanya. Kaagad naman siyang nagkibit-balikat at nagsimula nang kumain.
Sarap tusukin ng tinidor ang pagmumukha nito. Hindi man lang niya ako pinansin at kumain lang bigla, wala ngang maski isang salitang binitawan para sagutin ang tanong ko. Anong makukuha ko sa kibit-balikat niyang iyon?
"Huy! Iyong ice queen ng skating rink ay nag-aaral daw rito!" Nabuga ko sa mukha ni Thunder ang aking kinakain. Sinamaan naman niya ako ng tingin kaya kaagad kong kinuha ang panyo ko at pinahiran ang marumi niyang mukha. L*ntik na tsismosa kasi ito at pabigla-bigla. Kailangan ba talagang ipagsigawan niya iyon?
Tiningnan ko ang babaeng nagbigay ng balita at napailing nang makita ko itong nakangisi. Uminom na ako ng tubig dahil sa tingin ko ay tatahimik na naman ito. "At nakita ko na siya!"
Muli kong naibuga sa mukha ni Thunder ang laman ng aking bibig. "Magdahan-dahan ka naman, Eychan! Hindi porke't crush kita—"
Tinakpan ko ang kanyang bibig at tumayo na sa mesa namin at hinila siya palayo roon. Kapag nalaman nila kung sino ako ay baka magulo na naman ang buhay ko. Natatakot akong baka hindi ko matupad ang pangako ko kay Kyser.