•Eychan•
Wala akong pakialam sa mga matang nakatingin sa amin habang hawak-hawak ko ang kamay ni Thunder. Kailangan kong iwasan ang mga taong naroroon kung kinakailangan.
"Eychan, alam kong may gusto ka sa akin pero maaga pa naman at may pasok pa tayong dalawa," bigkas ni Thunder na nakasunod sa aking likuran. "Gusto ko rin namang makasama ka pero ang—"
Pareho kaming napatigil ni Thunder nang bigla akong mabangga sa babaeng nasa harapan namin ngayon. Tinaas ko ang aking paningin para humingi sana ng tawad ngunit natigilan ako ng makita ang mukha niya.
Nanlalaki ang aking mga mata habang nakatitig sa kanyang mukha. Kung hindi ko lang kilala ang sarili ko ay tiyak kong mapagkakamalan ko na ako ay siya.
Ganoon na gano'n ang itsura ko dati noong hindi pa ako nagtatago sa itsurang ito. Pati ang pananamit ko dati ay kagaya rin ng sa kanya.
"Ouch!" maarte nitong saad habang hinahawakan ang kanyang binti. Hindi ko alam kung saan ko ito nabangga dahil nakatungo ako kanina. "Tumingin ka nga sa dinadaanan mo hindi mo ba kilala kung sino ako?"
Natataranta akong umiling dahil baka magalit ito sa akin. Hindi naman sa takot ako rito pero kung kilalang tao ito rito sa school ay tiyak kong magiging magulo ang buhay ko kapag kinalaban ko siya.
Kapag nangyari iyon hindi lang ang buhay ko ang mahahalungkat pati na rin ang buhay ni Kyser at ang mga nangyari noong araw ng kompetisyon. Ang araw na kung kailan siya binawi sa akin ng Panginoon.
"I'm Chiannie Kim. Hindi mo ba kilala iyong figure skater na tinatawag nilang ice queen dahil palaging nananalo?" taas-kilay niyang saad. Nakagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang aking tawa. Hindi ko alam kung saan ito kumuha ng lakas ng loob para magsinungaling.
Dalawang taon pa lang akong nawawala sa larangang iyon pero may pumalit na sa akin. Atsaka paano naging Chiannie ang pangalan ko? Ang layo naman no'n sa Eychan na palaging tinatawag sa akin sa tuwing nagpe-perform ako.
"May naniniwala ba sa'yo—"
"Anong sinasabi mo r'yan?" asar niyang tanong. Sinamaan pa ako ng tingin kaya
kaagad na akong tumahimik. Wala akong balak na makipaglaban sa taong fake naman ang dinadalang identity, balang araw ay malalaman din naman iyon ng lahat. "Tinatanong kita!"
"Pasensya na po kayo napaisip lang po ako. Hindi po ba at Eychan ang pangalan noong figure skater? Kapangalan ko po kasi iyon kaya natandaan ko," pagsisinungaling ko rito. Ayaw ko rin naman na marumihan ang pangalan ko sa pagiging figure skater, lalo na at inalaagan ko iyon ng maraming taon. "Kung 'wag niyo po sanang mamasamain ang tanong ko—"
Napatigil ako sa pagsasalita nang malakas itong tumawa at tinuro pa ako. "Dahil kapangalan mo ako dati akala mo naman na ikaw talaga iyon? Hindi mo ba alam na nagpa-palit ako ng pangalan noong mamatay ang lalaking mahal ko. Ayaw ko kasi na sa tuwing tinatawag ako sa pangalan ko na 'yun ay maiisip—"
"Shut up!" mariin kong wika. Gamitin na niya ang pangalan at pagkatao ko basta 'wag niya lang idamay si Kyser dahil hindi ko siya hahayaan.
"Alam mo huwag mo akong kausapin dahil naiinis ako sa pagmumukha—"
Humakbang ako papalapit dito habang nakatitig sa kanyang mga mata. Masama akong magalit lalo at kung si Kyser ang dahilan.
Nakita ko ang kanyang paglunok at dahan-dahang pag-atras para hindi ko siya maabot. Ngunit hinila ko naman kaagad ang kanyang damit at pinalapit siya sa akin.
"Eychan!" Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Thunder ngunit hindi ko siya pinansin. Nanatili ang mga mata ko sa mukha ng babaeng nasa harapan ko ngayon.
Inilapit ko ang aking bibig sa kanyang tenga para hindi marinig ng iba ang sasabihin ko rito. Siya lang ang gusto kong makaalam sa mga salitang nais kong sabihin sa kanya. "Hindi ko alam kung paano ka nagkaroon ng lakas ng loob at tapang para gamitin ang pagkatao ng iba, Ms. Chiannie. Pero isa lang ang masasabi ko bilang babala sa'yo. You can imitate her but you can't be her, hun, balang-araw malalaman din nila ang katotohanan," mariin kong saad.
Lumayo na ako sa kanya at iniwan na siya roon na hindi nakaimik, nakakilos at nanatiling nakatingin sa kawalan. Halata ang pagliliwaliw ng kanyang isipan sa bagay at ideyang siya lang ang tanging nakakaalam.
"Eychan! Anong sinabi mo sa kanya? Bakit parang na-trauma ang mukha no'n pagkatapos mong bulungan?" Nilingon ko si Thunder at nagkibit-balikat bilang sagot sa tanong niya. Kumunot ang aking noo nang bigla nitong inilahad sa akin ang kanyang kamay.
"Anong gagawin ko r'yan?" naguguluhang tanong ko sa kanya. Siya naman ngayon ang nagkamot ng batok na hindi ko naman maintindihan kong bakit niya ginawa.
"Akala ko kanina ay dadalhin mo ako sa lugar na tayo lang ang nakakaalam?" Nanlalaki ang mga mata kong tumingin at kaagad na pinitik ang kanyang noo. "Aray naman!"
"Mabuti nga iyan lang ang ginawa ko sa'yo ang bastos ng utak at bunganga mo!" inis kong wika. Tumingin naman siya sa akin nang nakataas ang isang kilay. "Anong tinitingin mo r'yan?"
"Sinabi ko lang naman na baka dalhin mo ako sa lugar na tayo lang ang nakakaalam. Paano naman naging bastos 'yun?" Napangiwi ako sa sinabi niya. Matalino rin ang unggoy na'to, napailing ako at tinalikuran na lang siya ang hirap magsayang ng laway sa mga taong katulad niya. "Eychan Kim!"
"Ano ba Thunder tigilan mo na nga kakatawag sa pangalan ko!" sigaw ko sa kanya. Nakangiti naman itong pumunta sa aking harapan. Hindi yata nito naiitindihan ang aking sinabi sa kanya o wala lang talaga itong pakialam? "Ano na naman ba?"
"Alam mo nahahabaan na rin ako sa pangalan mo pwede na ba kitang tawaging ALI?" Nagkamot ako sa aking noo dahil hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin no'n, ang layo rin naman kasi ng pangalan ko sa itatawag niya sa akin. "Kasi Akin Lang Ikaw—"
Tinampal ko ang kanyang mukha gamit ang kaliwa kong kamay at iniwan na siya roon na nagmamaktol. Kung ano ang sinasabi ng lalaking iyon, ang pinagtataka ko rin ay kung bakit tumitibok ang puso ko sa mga walang-kwentang salitang iyon.
Pumunta na ako sa next class ko dahil tinatamad na akong gumala. Gusto ko rin naman magtapos lalo na at iyon ang ipinangako ko kay Kyser na balang araw ay maibibigay ko rin ang medalya ko sa kanya.
"Miss Kim, nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko? " Napatingin ako sa professor na nasa harapan at tumango sa kanya. Nakita ko ang pagbuntong-hininga nito sabay balik ng kanyang pokus sa board na may mga formula.
Noong elementary, highschool, senior high, hanggang dito sa college ay mayroon pa rin talagang Math at sa tingin ko ay hindi na talaga iyon maiiwasan.
—
Natapos ang klase na medyo lutang ako dahil kahit saan ako magpunta ay naririnig ko ang tungkol sa figure skating at sa figure skater na nagnga-ngalang Chiannie Kim.
Hindi ko maiwasang magtaka kung mga tagahanga ko ba talaga ang mga taong lumalapit kay Chiannie at nagpapa-pirma rito o nagpapakuha ng litrato. Kahit naman gayang-gaya nito ang aking mukha ay makikita mo pa rin naman ang kaibahan naming dalawa.
"Sa tingin mo ay magpapakita bukas ang figure skating queen?" Napangiwi ako sa sinabi ng babae at inayos ang bangs ko at ang aking eyeglasses. Pati ba naman dito sa labas ng paaralan ay maririnig ko pa rin ito. "Alam mo naaawa talaga ako sa kanya."
"Ako rin ang tagal din niyang nawala hindi ba? Kailangan pa talaga nitong palitan ang pangalan niya dahil sa lalaking—aray ko!" Masama kong tiningnan ang babaeng binangga ko. Binalikan din naman niya ako ng masamang tingin pero wala naman akong pakialam doon. "Ano ba ang problema mo, miss?" inis nitong sigaw.
"Ang ingay niyo atsaka hindi niyo ba alam na masama na pag-usapan ang ibang tao?" taas-kilay kong tanong sa kanila. Malakas naman silang tumawa at sinuri ang buo kong katawan nang nanghahamak na tingin.
"Hindi mo ba kilala ang pinag-uusapan namin? Normal lang na pag-usapan ang mga taong sikat dahil parte rin ng trabaho nila iyon." Wala naman akong pakialam sa mga salitang iyan dati. Alam ko naman talaga na parte iyan ng pagiging sikat na figure skater, pero ngayon ay naiinis na ako sa lahat lalo na at sinasama pa si Kyser. "Sa ayos mo pa lang na 'yan ay sa tingin ko di mo nga siya kilala. Well kung gusto mo siyang makilala ay pumunta ka bukas sa sports gym dahil ipakilala siya bukas ng mga coach."
Hindi ko pa sila natatanong kung ano ang ibig nilang sabihin ay naglakad na sila palayo sa akin. Sa tingin ko ay kilala ko rin ang figure skater na sinasabi nila. Hindi ko alam kung magagalit ba ako o magpapasalamat dito.
Magagalit dahil ginamit niya ang pagkataong iniwan ko o magpapasalamat dahil alam kong hindi na ako guguluhin ng ibang tao dahil may pumalit na sa akin.
Napabuntong-hininga ako at nagpunta na sa hintayan ng sasakyan. Siguro ay titingnan ko lang bukas kung paano mag-perform ang babaeng iyon. Kung ginagamit niya ang pangalan ko para sumikat sa tingin ko naman ay nagpra-practice rin ito na gayahin ang moves ko kapag nakikipag-compete.
Napangisi ako sa aking naisip, magiging exciting yata ang mga mangyayari bukas. Sana lang magampanan niya nang maayos ang buhay ng pagkataong ninakaw niya.
Pumara na ako ng masasakyan para makauwi na kaagad. Parang na natuyo lahat ng energy ko sa katawan at wala ng ganang mag-isip, magsalita at gumawa ng ano mang bagay na mas lalong ikakatuyo ng natitira kong energiya kung meron pa man.