•Eychan•
Pabagsak akong nahiga sa kama sa sobrang pagod. Hinayaan ko muna saglit ang sarili ko na makapagpahinga bago ipaghanda ang sarili ko ng makakain.
Hinila ko ang aking bag papalapit sa akin at kinuha ang cellphone sa loob no'n. Kumunot ang aking noo nang mabasa ko ang pangalan ng dati kong coach sa screen ng cellphone ko. Ilang missed call din ang ginawa nito ngunit nang hindi ko masagot ay nagpadala naman ito ng mensahe.
Simula nang umalis ang sa Elenore ay hindi na ito tumatawag o nagte-text sa akin, kaya hindi ako makapaniwala na kinontak ako nito.
"Nabalitaan ko ay babalik ka na raw sa figure skating at ipapakilala ka ng SIS bilang new team member?" Iyon ang laman ng mensahe nito na nagpatawa sa akin.
Hindi ko iyon sinagot. Ayaw ko naman na masayang ang pagsisinungaling ng babaeng iyon. Tumayo na ako sa kama at pumunta sa kusina, nagugutom na rin ako at ayaw ko rin na masyadong magpagabi ng kain dahil nakakasama 'yun sa katawan.
Kumuha ako ng isang plastic ng vegetable lumpia at inilagay iyon sa mesa. Ipinatong ko na rin sa tabi nito ang aking cellphone dahil magpapa-init pa ako ng kawali at mantika. Hindi ko pa nalalagay sa stove ang kawali ay tumunog na ang cellphone ko. Inilagay ko muna saglit iyon sa may lababo bago binalikan ang cellphone kong walang tigil sa pag-tunog.
Walang-emosyon kong tiningnan ang pangalan ni Ianne sa screen ng cellphone. Hindi ko alam kung bakit tumatawag ang babaeng 'to na wala naman kaming koneksyong dalawa.
"Bakit ka sumali ulit wala ka ba talagang hiya—"
"Hindi kita maintindihan kaya ayusin mo iyang pananalita mo," mariin kong putol sa kanyang sinasabi. "Bakit ka ba tumatawag sa akin, Ianne? Sa pagkakaalam ko ay wala tayong pakialam sa isa't-isa."
She cleared her throat kaya sa tingin ko ay naghahanap pa ito ng kanyang sasabihin. Napangisi ako at muling binalikan ang kawali ko at inilagay sa stove.
"Wala akong pakialam sa'yo pero sa mga magulang ni Kyser meron! Hindi mo ba alam na masasaktan sila kapag bumalik ka sa pagiging skater dahil maaalala nila ang pagkamatay ng anak nila?" Kinagat ko ang ibaba ng aking labi at pinaglaruan ang mantika sa loob ng kawali. "Maawa ka naman sa pamilya ni Kyser, Eychan, matapos mong patayin ang anak nila ay babalik ka—"
"Pwede ba, Ianne, tigilan mo na ako?! Wala kang pakialam kong ano ang gagawin ko! Atsaka hindi ba at pinagtatabuyan niyo na ako? Bakit ka tumatawag sa akin na para bang malapit tayo sa isa't-isa?" Huminto ako sa pagsasalita para hintayin itong sumagot ngunit wala naman na akong narinig sa kabilang linya. "Huwag ka na muling manggulo, Ianne. I'm warning you masama akong kalaban."
Hindi ko na siya at pinatay na ang tawag. Bumalik ako sa mesa at ipinatong doon ang cellphone at kinuha ang lumpia para makapagluto na.
—
Matapos kong kumain ay bumalik na rin ako sa kwarto. Mabuti na lang at hindi ako inistorbo ni Thunder ngayon at baka tuluyan na akong magwala. Pagkatapos ng tawag kanina na Ianne ayaw ko nang maghanap pa ng isang magpapainis sa akin.
"Manunuod ka ba bukas?" Iyon ang nabasa ko sa text pagkabukas na pagkabukas ko ng aking cellphone. Bago kasi ako kumain ay inilagay ko muna iyon sa kwarto dahil ayaw ko ng istorbo.
Pati ba naman si Thunder ay gusto rin makita ang Chiannie na iyon? Hindi niya ba alam na peke ang katauhan ng taong iyon? Siguro ay makapangyarihan ang ama nito na kayang gawin ang lahat kahit na makaapak na ito ng ibang tao.
Matagal man akong mawala sa larangang iyon ay ako pa rin naman ang taong iyon. Babalik man ako o hindi sa akin pa rin dapat ang pangalang iyon dahil pinaghirapan ko ang posisyon na iyon.
"Of course. Gusto kong makita kong paano sumayaw sa loob ng rink ang isang kampyon na figure skater." Inilagay ko na sa side table ang cellphone ko at ipinikit ang aking mga mata. Maaga pa ako bukas dahil ayaw kong mahuli sa pagbati sa taong iyon.
—
Nagising nga ako nang maaga at hindi pa nakakarating ang maliit na kamay ng relo sa numero sais ay naroon na ako at naghihintay kay Chiannie.
"Ali, ang aga mo naman yata? Idolo mo ba siya?" Napailing ako sa tanong ni Thunder at muling dumungaw sa bintana. Hindi ko alam kung bakit maagad din na dumating ang lalaking 'to.
"Bakit nandito ka na agad?" Malapad siyang ngumiti at kinindatan ako. "Gusto mong pitikin ko iyang mata mo? Flirt!" naiinis kong saad sa kanya.
Kaagad naman itong umatras para mapalayo sa akin ng ilang metro. "Kindat lang naman, eh. Atsaka gusto nga kitang makita nang maaga para mas matagal," tugon niya.
Napailing ako at lumabas na ng classroom na iyon nang makita si Chiannie na paparating. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatitig sa akin, halata ang kaba at takot sa mga mata niya ngunit hindi ko mawari kung bakit puno pa rin ng kahambugan ang katawan nito.
"Manggugulo ka na naman ba? Pwede ba tigilan mo ako? Dahil ang isang katulad ko ay maraming ginagawa. Hindi kagaya mo, nerd." Maglalakad na sana ito palayo sa akin nang hinawakan ko ang kanyang kamay. "Ano ba! Kadiri ka naman—"
"Ipinahiram lang sa'yo ang pangalan na iyan kaya huwag mong dungisan, Miss Chiannie," mariin kong saad at binitawan na siya. Kinakabahan itong tumawa ngunit nginisihan ko lang siya at umalis na.
—
Napatingin ako sa babaeng nasa tabi ng figure skating coach ng SIS. "Ang ganda talaga ni Miss Chiannie, pero tingin ko talaga may nagbago sa mukha niya."
"Tama ka! Hindi natin alam baka nagpabago siya ng ibang parte ng kanyang mukha." Naiiling ako sa pinag-usapan nilang dalawa. Actually kung kilala mo talaga ako o fan talaga kita simula ng sumali ako sa figure skating ay mahahalata mo talaga ang kaibahan ng mukha ni Chiannie.
Mas malaki ang kanyang mga mata kaysa sa akin at dahil ginaya lang ang hulma ng aking mukha ay hindi rin naging perpekto iyon. Pero lahat-lahat ay magkamukha pa rin naman kami. Kahit hubarin ko ang suot ko na wig at eyeglasses at itabi ako sa kanya ngayon ay natitiyak aakalain ng iba na magkamukha kami.
Hindi ko nga alam kay Thunder kung ano ang nasa isip niya nang makita si Chiannie. Nakita na naman nito ang tunay kong mukha noong nilabas ko silang dalawa ng girlfriend niya. Hinihintay ko itong mag-react ngunit hanggang ngayon ay wala naman itong sinabi.
"I'm sorry, guys, hindi makapag-perform ngayon si Miss Chiannie dahil sumasakit ang paa niya nang mabangga kahapon ng isang student." Napabuntong-hininga ako sa sinabi ng coach. What a lame excuse. Hindi niya ba alam na ang isang Eychan Kim ay hindi magbibigay ng ganyang klaseng rason?
"Sino ba ang babaeng iyon? Kainis naman siya! Alam naman niyang figure skater iyong tao tas binangga niya pa?" naiinis na saad ng babaeng katabi ko. Natahimik ako nang maalala ko ang nangyari kahapon. Baka naman sinadya niya talaga iyon kahapon, lalo na at sa tingin ko ay hindi naman paa ang nabangga ko sa kanya. "Kapag nakita ko talaga ang bruhildang iyon sigurado akong masasampal ko siya!"
Nanlalaki ang mga mata ko na nilingon ito. Ngayon ko lang nalaman na may ganitong klaseng fan pala ako.
"Baka hindi naman sinasadya iyon—"
"Nasaan na iyong tapang mo Miss Eychan Kim? Nagbago lang ang pangalan mo, nawala ka lang saglit ay hindi ka na agad makapag-perform?" taas-kilay na tanong ni Monique. Nakagat ko ang aking labi para pigilan ang aking ngiti. Mabuti na lang pala at may karibal ako sa larangang ito na nakakilala sa ugali ko.
"Miss Monique?" namamanghang saad ni Chiannie. Muntikan na akong matawa sa reaksyong binigay nito. Kumunot naman ang noo ni Monique habang pinasadahan ng tingin ang kaharap. "I mean, alam mo naman na masakit kapag naapakan iyong paa—"
Muling nagtaas ng kilay si Monique sa kanya at tiningnan ang buong gymnasium. "Hindi ka ba nahihiya sa mga tagahanga mo? I remember that day noong pinatid kita sa sobrang inis ko sa'yo at nalaglag ka sa hagdan na-sprain iyong ankle mo pero nag-perform ka pa rin kasi sabi mo maraming taong naghihintay sa'yo."
Malapad ang ngisi ang sumilay sa aking labi lalo na at namumutla na si Chiannie. Hindi mo talaga mape-peke ang lahat ng bagay. Kung hangad man nito ay ang kasikatan sa pangalan ko ay dapat na gawin niya ang lahat para magampanan iyon.
Kinuha nito sa kanyang coach ang skating shoes at isinuot iyon. Naghiyawan naman ang mga tao habang hinihintay siya na pumunta sa gitna ng rink. Good. Mabuti na lang at mae-entertain pala ako ngayong araw.