Chapter 1
Chapter 1
“Wow, Megan, 99% ang entrance exam mo. Almost perfect. Mahirap na malampasan ‘yan, kahit nga pantayan. Legend ka na sa school.”
Ito ang maririnig na papuri kay Megan sa buong campus. Siya kasi ang may hawak ng pinakamataas na score sa entrance exam sa kasaysayan ng Pedestal College— isang simpleng kolehiyo na hindi man prestihiyoso, pero may sapat na kalidad at kayang-kayang makipag-sabayan sa mga sikat na unibersidad. At dahil unang araw ng school year, isa sa inaabangan kung mabi-break ba ang record ni Megan.
Maingay ang silid nang bumukas ang pinto at agad tumahimik ang kani-kanina lang na samu’t saring ingay ang maririnig. Pumasok ang dean. Attentive ang lahat, sa iisang direksyon lang nakatingin— sa harap, kung saan nakatayo ang adviser, dean, at ang bagong estudyante.
Napatuwid ng upo si Megan sa kinauupuan nang makita na may kasama ang dean sa tabi nito.
“I’d like you to meet your new classmate,” kalmadong sabi ng dean.
“Adrian Corpus.”
Nanlamig ang mga daliri ni Megan bago niya namalayang napahawak na siya sa braso ng katabi niyang si Marky na kababata niya at kaklase simula kinder.
“Marky…” bulong niya.
“Siya ba ‘yung nakita mo kanina sa bookstore?” tanong nito.
Nagtagpo ang tingin nina Megan at Adrian. At sa isang iglap, bumalik sa alaala ni Megan ang eksena sa bookstore.
FLASHBACK
“Yes! May isa pang copy!” bulalas ni Megan nang makita niya ang nag-iisang natitirang kopya ng paborito niyang anime manga.
Tumingkayad siya nang todo para maabot ito sa pinakamataas na istante ng shelf. Halos naabot na niya nang biglang may ibang kamay na naunang sumungkit at kinuha ang libro.
Napatingin siya rito at nawalan pa siya ng balanse dahil hindi niya naayos ang pagkakatapak sa pagkakatingkayad. Magagalit na sana si Megan dahil inagaw sa kanya ang matagal niyang pinag-ipunan na manga, pero bigla siyang nauntog sa matigas na dibdib ng taong iyon.
Napatingala siya sa lalaki. Napatunghay siya sa mukha nito— napaka gwapo!
Sandaling natulala si Megan na tila nakakita ng anghel sa lupa. Sa isang saglit, lahat ng matatalim na salitang gustong ipaulan ni Megan sa lalaki ay biglang naglaho. Hindi maipaliwanag ni Megan ang nangyari, parang naumid bigla ang kanyang dila.
Nagtagpo ang kanilang mga tingin.
Kahit naka suot ng salamin ang lalaki ay kitang-kita pa rin ni Megan ang kislap, o marahil kalungkutan na bumabalot sa kanyang mga balintataw. Ito pala ang ibig sabihin ng “his eyes pierced through her soul.”
Ngunit ang lahat ng kanyang pantasya sa mga sandaling iyon ay napalitan ng inis. Ang mga mata kasi ng lalaki ay biglang naging manhid, na tila ba tahimik na sinasabing—
“It’s mine. Finder’s keepers.”
Ngunit, mali na naman ang iniisip ni Megan dahil marahang inabot ng lalaki ang libro sa kanya.
“Here,” sabi nito nang mahina, boses na kalmado at walang emosyon na parang wala lang talaga sa kanya ang bagay na ‘yon. Pareho silang naka-uniporme. Same school, so they're schoolmates.
Ganun pa man, kahit binigay nito agad ang libro, kahit wala ng iba pa itong sinabi… naiinis pa rin si Megan.
Nayayabangan siya sa tindig nito, sa paraan ng pagtayo, sa pag pilig ng ulo habang inaabot ang manga at nakasuksok ang isang kamay sa bulsa na parang sinasabing “I could’ve kept this if I wanted to, pero sayo na”.
Tingin niya ay sobrang yabang nito. Cool sa paningin ng iba siguro, pero sa kanya? It’s plain arrogance o sadyang judgemental lang siya. Hindi naman kasi ganito si Marky, ang kababata niya. Palangiti si Marky habang ito naman ay kabaliktaran— mukhang suplado.
Kinuha niya ang libro nang medyo madiin, halos pahablot. “Salamat. Ako naman talaga unang nakakita nito. Naunahan mo lang ako kasi matangkad ka,” sabi niya na may kasama pang irap.
Tumingin lang ito sa kanya sandali. Ang mga mata ay ganun pa rin— walang emosyon. Pagkatapos ay bahagyang tumango, walang ngiti, walang kahit anong salita.
“Meg, nakita mo na?”
Tinig iyon ni Marky, ang kababata niyang masiyahin, puno ng ngiti ang labi at pati mga mata nito ay ngumingiti rin.
Nagkataon lang na iniwan niya saglit si Megan kanina para tumingin sa manga section sa kabilang aisle, at ngayon bumalik na siya dala ang dalawang anime manga.
Napatingin si Marky sa estrangherong papalayo na. “Sino ‘yun? May problema ba?”
“Wala,” mabilis na sagot ni Megan, pero kitang-kita ang iritasyon sa mukha niya. “Inagaw lang saglit ‘to tapos binigay din agad. Pero… ang yabang talaga ng dating eh.”
Tumingin si Marky sa direksyon ng lalaki, medyo nagsalubong ang kilay. “You know what, Megan? Parang pamilyar siya.”
Oo nga, parang pamilyar. Bakit parang lalong lumakas ang pagkabog sa dibdib ni Megan habang pinagmamasdan ang lalaki na papalayo?
“Come on, Meg. We’re getting late sa next subject,” sabi ni Marky at napagtanto ni Megan na matatapos na ang lunch break at kailangan nilang bumalik sa classroom.
END OF FLASHBACK…
Napatakip ng bibig Si Megan nang makita ang lalaking nakausap niya kanina sa bookstore, ang lalaking kinaiinisan niya dahil ang yabang ng dating.Tahimik itong naglakad papunta sa bakanteng upuan… doon sa sulok, sa tabi ng bintana, sa tabi niya mismo.
Napatingin silang tatlo sa isa’t isa sa loob ng ilang segundo. Si Marky ay hindi mawari ang reaksyon habang si Megan ay biglang natigilan, hawak-hawak ang braso ni Marky.
Classmates pala silang tatlo. Sa iisang klase. Buong taon.
“And one more thing,” dagdag ng dean nang nakaupo na si Adrian, bahagyang ngumiti.
Doon na nagsimulang magbulungan ang klase.
“He took a special entrance exam upon transfer.”
Napahigpit ang kapit ni Megan kay Marky.
“Sir, mataas po ba?” may nagtanong doon sa bandang unahan.
Bahagyang tumango ang dean.
“He got a perfect score.”
Tahimik. Hindi pa nag-sink in sa buong klase ang sinabi ng dean.
Pagkatapos ay sumabog ang masigabong palakpakan. Pati ang adviser nila ay nagulat sa binalita ng dean.
“O wow, may naka-break na ng record ni Megan na 99%,” sabi ng isang estudyante at hindi na mapigilan ang ingay habang ang tatlong estudyante na nasa likod ay tahimik lang… si Marky, si Megan, at ang bagong record holder— si Adrian.
Pagkatapos ng klase ay agad na hinawakan ni Marky ang kamay ni Megan. Gaya ng palagi, sabay silang uuwi.
Buong klase ay tahimik lang si Megan. Malayong-malayo sa pagiging active nito. Hindi mawala sa isip niya ang bagong estudyanteng naungusan ang kanyang record. Hindi niya mawari kung ano ang nararamdaman niya, kung ito ba ay banta sa pagiging top student o isang paghanga na hindi niya kayang aminin.
Sina Marky, Megan, at Adrian na lang ang naiwan sa classroom. Hinigpitan ni Marky ang pagkaka hawak sa kamay ni Megan at bago pa maisukbit ng dalaga ang kanyang bag sa balikat niya…
“Bye, Megan. See you around,” sambit ni Adrian na halos pabulong.
Natulala si Megan… bakit tila kilala siya ng misteryosong kaklase?
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…