HINDI na nag-atubili pang lumuhod sa harapan ng security guard si Miracle para lang makiusap at mapayagan sila nito na makapasok sa loob ng ward na kinaroroonan ng tatay niya. Kahit pa nga pinigilan na siya ng kapatid na si Aaron at sinabi nitong dalawang bantay lang ang allowed na magbantay sa tatay nila ay nagbakasakali pa rin siya. “Titingnan ko lang po ang daddy ko, sir. Please. Kahit limang minuto lang po. Nakikiusap po ako sa inyo,” umiiyak na samo niya sa matandang security guard. “Eh, ineng, bawal na ngang magpapasok kapag lampas na ng alas-onse ng gabi. Mapapahamak naman ako sa ginagawa mo, ineng, eh,” ulit na paliwanag ng matandang lalaki bagama't nasa hitsura nito ang pagkaawa sa kaniya ay wala rin naman itong magawa kundi pigilan siya sa pagpasok dahil iyon ang trabaho nito.

