“GALING dito ang ex mo?” mulagat ang mga mata at muntik pang masamid na bulalas ni Facundo sa kaniya. Kababalik lang nito mula sa ballroom kung saan kasalukuyang ginaganap ang wedding reception ng bagong kasal. Nakatikwas ang mga daliri na tangan nito ang kopita ng champagne na hindi nainom kanina ng bride na si Charity. Tumango siya at saka kinuha ang huling batch ng mga pinag-inuman na kopita ng bridesmaids nang bumalik ang mga ito kanina at ng groom nang sunduin na nito ang bride. Nag-alis ito ng bikig sa lalamunan bago nag-umpisang magligpit ng mga ginamit sa pagme-makeup kanina. “Isn’t he too old for your, darling? I mean, I’m not judging you or what, pero—” “Ay, teka… teka lang, Mamita,” maagap na pigil naman niya sa machong HMUA. “Hindi ‘yong groom, ‘no!” agad na pagtatama niya

