Ang buong akala ni Prinsesa Adena ay mapapaalis na niya ang kaluluwang sumapi sa katawan ni Prinsipe Adonis kapag ipinakita niya ang sariling mukha sa kaniya, subalit laking gulat na lamang niya nang sungaban siya nito ng mahigpit na sakal mula sa kaniyang leeg.
Nabitawan niya si Prinsesa Haiji at Prinsesa Aurora, ngunit nabaling naman ang atensyon nito kay prinsesa Adena na kasalukuyang nagpupumiglas sa mga kamay ng prinsipe.
"A-anong nangyayari?" usisa ng reyna nang marinig nito ang malakas na pagkalabog mula sa pader, kung saan napasandal si Adena habang umaatras siya kay Adonis.
Gustuhin man nilang buksan ang kanilang mga mata upang makita ang mga nangyayari roon sa loob, ngunit hindi pa maaari hangga't hindi pa naibabalik ni Adena ang maskara sa kaniyang mukha.
Bakit hindi tumatalab sa kaniya ang itim na mahika? ang usisa ni Adena mula sa kaniyang isipan habang nakatitig siya sa mga mata ni Adonis.
"Prinsesa Adena!" rinig niyang sigaw mula sa likuran ng prinsipe. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata sa sobrang gulat nang makita si Hyrim na tumatakbo patungo sa kinaroroonan nila.
"Hindi!" sigaw ng prinsesa kay Hyrim nang makita ang maliit na patalim, na may taglay namang mahika mula sa mga lawin.
Nakapikit lang ang mga mata ni Hyrim, subalit bilang isang lawin ay may kakayahan pa rin siyang makakita kahit hindi niya imulat ang sarili niyang mga mata. Kulay pula ang nakikita niya sa bawat kapaligiran nila at kapag pula ang nakikita niya ibig sabihin may kampon ng kadiliman na nakapasok sa loob ng palasyo.
Walang pag-aalinlanganan niyang ibinaon ang patalim na hawak niya sa bandang likuran ng prinsipe na ikinabigla naman nito at bigla na lamang niyang nabitawan si Prinsipe Adena, mula sa pagkakasakal sa kaniyang leeg.
Mabilis na tumulo ang dugo ng prinsipe sa kaniyang likuran pababa sa sahig. Natigilan naman si Hyrim nang lumingon ito sa kaniya at binalingan siya ng atensyon.
Napaupo naman si Prinsesa Adena sa sahig habang hinihingal siya sa kaniyang paghinga at hinahawakan ang kaniyang leeg.
"Alam kong nandiyan ka, prinsipe Adonis. Kailangan mong malabanan ang kaluluwang nasa loob ng iyong katawan, kung hindi ay baka sakupin na nila ng tuluyan ang sarili mong buhay." Nanginginig na saad ni Hyrim sa binata habang inaatrasan niya ito.
Ngumisi lang sa labi ang prinsipe at patuloy lamang sa kaniyang paghakbang patungo kay Hyrim.
Dalawang hakbang na lamang ang pagitan nila sa isa't-isa nang bigla itong natigilan at nahinto sa paglalakad. Nagsuka ito ng itim na dugo mula sa kaniyang bibig at bigla na lamang sumisigaw ng malakas sa iba't-ibang boses.
Nagmistula namang nanigas na yelo si Hyrim mula sa kinatatayuan niya habang pinapanuod niya ang nangyayari sa prinsipe.
Una, tinakpan niya ang sariling mukha gamit ang dalawa niyang mga kamay at tsaka niya muling binalingan ng atensyon si Adena, kung saan direkta lamang siyang nakatitig sa mukha ng prinsesa.
Nagkasalubong ang mga mata nila sa isa't-isa at kaagad din namang bumangon ang prinsesa upang kunin yung maskara niya at takpan muli ang kaniyang mukha. Batid niya na umepekto na ang sumpang dulot ng kaniyang kagandahan, kaya siya muling binalingan ng atensyon nito at parang isang baliw na wala sa tamang katinuan kung makatingin ito sa kaniya.
"Akin siya, hindi sa akin siya!" nagtatalong magkakaibang boses mula sa loob ng katawan ng prinsipe habang pinupuntahan niya ang prinsesa.
"Akin siya!" sigaw pa niya at hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa dalaga ay bigla na lamang itong napaluhod sa sahig nang muli siyang saksakin ng matalim ni Hyrim mula sa likuran niya.
Napadaing ito ng malakas dahil sa mahikang pumapasok sa loob ng kaniyang katawan, kung saan nilalaban nito ang mga kaluluwang pumasok sa kaniyang katawan.
Nang makita ni Hyrim ang mga ugat nitong bumabakat mula sa kaniyang leeg paakyat sa kaniyang noo ay tsaka naman niya hinugot ang mahiwagang balaraw na hawak niya ng dalawang kamay.
Sa pagkakataong iyon ay malakas na pagsigaw ang binitawan ng prinsipe, na nagdulot ng malakas na hangin at pagguho ng lupa.
Tumilapon naman si Hyrim mula sa malakas na hanging bumangga sa kaniya at maging ang mga kamahalang kasama nila sa loob ng silid ay tumilapon sa kung saan o 'di kaya naman ay tumalsik sa labas ng silid.
Nagtamo ng pagkawarak at pagkasira sa iba't-ibang bahagi ng palasyo at naantala rin ang ilang mga imortal na nasa loob o maging ang mga nasa labas ng palasyo.
Pagkatapos ng malakas na sigaw na dumagundong sa buong kaharian ng Drima ay bigla na lamang bumagsak sa sahig si prinsipe Adonis at nawalan ng malay.
Tuluyan nang nakaalis ang mga itim na espiritung sumapi sa loob ng kaniyang katawan, ngunit imbis na makalabas sila ng may malaypa ay nasunog naman ang mga ito sa loob ng katawan ni prinsipe Adonis. Kaya tuluyan itong naglaho na walang bakas na kahit ano mang presensiya nila.
Nagtamo ng ilang galos o sugat sa katawan ang dalawang kamahalan at maging sina Aurora, Glius at Haiji ay nagtamo rin ng ilang sugat mula sa iba't-ibang bahagi ng kanilang katawan, maliban na lamang kay prinsesa Adena na biglang tumayo at sinuot ang kaniyang maskara na para bang walang nangyari.
"Prinsipe, prinsipe Adonis!" ang unang salitang bumigkas sa bibig ng reyna nang matapos ang malakas na pagdagundong sa buong kaharian.
Bumangon ito kaagad at tumakbo patungo sa kinaroroonan ng prinsipe.
"Adonis, anak ko." Saad ng reyna na may pagtulo ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Lumapit din naman ang mahal na hari sa kanila at bakas sa mukha nito ang lubos na pag-aalala sa sinapit ng kaniyang anak.
Nakatayo naman sina prinsesa Aurora, Glius at Haiji sa likuran ng dalawang kamahalan habang pinagmamasdan nila ang nakahandusay na katawan ni prinsipe Adonis.
"Patay na ba siya?" ang unang katanungang sinambit ni prinsesa Aurora sa kaniyang bibig na ikinalingon naman nilang lahat sa kaniya.
"Ano ang iyong ibig sabihin?" ani ng hari sa dalaga na may guhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Pinapanalanginan mo ba na sana ay patay na siya?" mariin na iginiit ni prinsesa Glius kay Aurora.
"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin. Gusto ko lamang malaman kung ano ang lagay ng katawan niya ngayon. Alam naman nating lahat na may ginawa ang magiting niyang alalay sa kaniya at kung hindi ako nagkakamali ay sinaksak niya ng patalim ang prinsipe kanina." Mariin niyang sambit habang matalim niyang tinititigan sa mata si Hyrim, na nakatingin din naman sa kaniya.
"Hindi kailanman nakakamatay ang mahiwagang balaraw na ginamit ko sa kaniya kanina, kamahalan." Ang tinuran naman ni Hyrim sa prinsesa, habang pilit na binabangon ang kaniyang sarili. Nauna kasing bumagsak ang tagiliran niya kaya may nararamdaman siyang matinding kirot mula roon.
"Tama siya." Tugon ng reyna nang makita ang naghihilom na sugat ni Adonis mula sa kaniyang likuran.
"Ngunit hindi ibig sabihin non ay wala itong kayayahang pumatay. Tangging may mga maiitim na budhi o may masasamang hangarin lamang ang pinapatay ng balaraw kong ito, hindi ang may malilinis na puso. Nakikita niyong naghihilom ang mga sugat na natamo niya sa kaniyang katawan, ito ay dahil sa kapangyarihan ng balaraw. Natutukoy nito ang tunay na anyo ng isang imortal at alam din nito kung sino ang kailangan niyang kitilan ng buhay." Pagpapaliwanag ni Hyrim sa kanila na ikinamangha naman ni Prinsesa Adena sa kaniya.
"Kung gano'n may kakayahan ang balaraw na 'yan na husgahin kung sino ang may maitim na binabalak?" ang nagsalita naman ay si prinsesa Glius na naging interesado sa balaraw na hawak ng binata.
Tumango na lamang sa ulo si Hyrim, bilang pagtugon at pang-sang ayon sa sinabi ng prinsesa sa kaniya.
"Hindi na pala natin kailangang hanapin ang traydor na nakapasok sa ating palasyo. Dahil gamit ang balaraw na iyan ay matutukoy natin kaagad kung sino ang totoo at kung sino ang nagpapanggap lamang, hindi ba't tama ako?" ang dinugtong pa ni prinsesa Glius na ipinagtaka ng lahat.
Wala pang dalawang segundo nang makalapit si prinsesa Glius kay Hyrim at inagaw sa kamay nito ang hawak niyang mahiwagang balaraw.
Laking gulat na lamang ni Hyrim nang mapagtantong wala na sa kamay niya ang mahiwagang sandata.
"Prinsesa Glius," mahina at mariin na sambit ng hari, matapos nitong hiwaan sa kamay si prinsesa Aurora na siya namang napaatras dahil sa ginawa ng agresibong prinsesa.
Lahat sila ay hindi makapaniwala sa ginawa ni Prinsesa Glius kay Aurora.
"Nahihibang ka na!" mariin na iginiit ni Prinsesa Aurora kay Glius.
"At ano naman ang mangyayari sa kaniya kung sakaling may maitim nga siyang budhi?" ang itinanong ni Glius sa binata, sabay nilingon ito sa kaniyang kinaroroonan.
Medyo natagalan sa pagtugon si Hyrim, lalo na nang masilayan niya ang pagtulo ng dugo mula sa kamay ni Prinsesa Aurora.
"Hindi ito maghihilom. Uubusin nito ang buong dugo ng iyong katawan hanggang sa ikaw ay mamatay." Mahinang itinugon ng binata sa prinsesa habang nakatingin pa rin siya sa sugat na natamo ni Prinsesa Aurora.
"Hindi niyo alam ang inyong ginagawa at sinasabi. Isa akong makapangyarihang prinsesa at tapat na anak ng hari. Hinding-hindi ko kailanman magagawang labagin ang mga kautusan ng kamahalan. Malaking pagkakamali itong panghuhusga ninyo sa akin at papatunayan ko sa inyong lahat kung sino ang tunay na traydor." Pagkatapos sabihin iyon ni Prinsesa Aurora ay nilisan na niya ang silid habang nakasunod ng tingin ang lahat sa kaniya.
"Hindi mo dapat ginawa iyon kay Prinsesa Aurora. Siya ang nakakatanda ninyong kapatid kaya respetuhin niyo pa rin siya kahit minsan hindi maganda ang pag-uugaling ipinapakita niya." Sermon ng hari kay Prinsesa Glius at sa iba pang Prinsesa na naroroon sa loob ng silid.
"Nakakapanghinala ang bawat mga galaw at kilos niya. Hindi niyo maalis sa akin ang hindi siya pagsuspetsahan. Nakalimutan niyo na ba? minsan na niyang pinagtangkahang itulak nuon sa malalim na bangin ang Prinsipe Adonis, malay natin kung magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang unang Prinsesa." Malumanay na saad ni Prinsesa Glius habang nakatingin siya sa balaraw na hawak niya sa sariling kamay na bakas ng dugo ni Aurora.
"Nais ko lamang linawin sa iyo, mahal na Prinsesa Glius. Hindi niya pinagtangkahang patayin ang Prinsipe Adonis nuon. Aksidente lamang ang lahat at kung tutuusin ay sinagip pa nga niya ang buhay ng Prinsipe sa binggit ng kamatayan. Kaya huwag na huwag kang magsasalita ng patapos." Ang nagsalita naman ay si Prinsesa Adena na animoy hindi nagustuhan ang pagbibintang na binibitawan ng dalaga kay Aurora.
"Gaano ka nakakasiguro na hindi nga niya iyon sinasadya? bakit, nandoon ka rin ba ng araw na iyon?" usisa ni Prinsesa Glius kay Adena na ikinagalit nito sa kaniya.