"Bakit? nandoon ka rin ba ng araw na iyon?" mariin na itinanong ni Prinsesa Glius kay Adena na ikinatahimik nitong ilang minuto habang nakatingin lang sa kaniyang mga mata.
"Oo. Tama ka. Naroroon nga ako nung araw na may nangyaring insidente sa prinsipe." Ang tinugon ni Prinsesa Adena sa malalim na boses at pagkatapos non ay tinalikuran na niya ang pilyang prinsesa, subalit kaagad din siyang nahinto at natigilan sa paghakbang nang muli itong magsalita.
"Kung ganoon pala ay dapat lang na pagsuspetsahan din kita." Nakangiwing turan ni Prinsesa Glius na ikinalingon ni Adena sa kaniya.
"Prinsesa Glius, tumigil ka na. Hindi na ako natutuwa sa mga lumalabas diyan sa iyong bibig." Ani ng hari na magkasalubong ang dalawa niyang kilay.
"Ipagumanhin niyo po, kamahalan. Ngunit hindi matatahimik ang aking isipan hangga't hindi ko nalalaman kung alin at ano ang totoo." Pagmamatigas ng dalaga sa kaniyang amang hari at tsaka ito nagsimulang humakbang patungo sa kinatatayuan ni Prinsesa Adena habang mahigpit na hinahawakan ang mahiwagang balaraw na hawak niya sa kaniyang kamay.
Nanlaki naman ang mga mata ni Adena sa agresibong ikinikilos ni Prinsesa Glius, lalo pa nung mapatingin siya sa balaraw na dala-dala nito.
"Ipagpatawad mo, mahal na prinsesa." Ang sinambit pa ni prinsesa Glius sa kaniyang bibig bago niya saksakin ng balaraw si prinsesa Adena.
Subalit nabigo lamang siyang saksakin si Adena dahil mabilis itong hinarangan ni Hyrim at sinalo ang balaraw na hawak niya gamit ang sarili niyang mga kamay.
Nanlaki naman ang mga mata ni Prinsesa Adena sa ginawang pagsagip sa kaniya ng binata, lalo pa nung nakita niya ang mabilis na pagdaloy ng dugo sa palad ni Hyrim.
"Hyrim!" sigaw ni Adena sa pangalan ng binatang lawin. Natigilan naman si Prinsesa Glius nang magkasalubong ang mga mata nilang dalawa ni Hyrim at nakita ang mahigpit na paghawak nito sa patalim na hawak niya ngayon.
"Prinsesa Glius!" saway ng hari sa dalaga na bigla na lang natulala at napabitaw sa mahiwagang balaraw.
"Hyrim." Ani pa ni Prinsesa Adena na may bakas ng pag-aalala sa kaniyang mga mata.
"Huwag ho kayong mag-alala, ayos lang naman po ako." Nakayukong batid ni Hyrim at pagkatapos non ay nilisan na rin niya ang silid na dala-dala ang mahiwaga niyang balaraw.
"Magmula sa araw na ito hindi ka na muna maaaring makapasok sa loob ng palasyo ko hangga't hindi mo naiwawasto sa tama ang iyong pag-uugali, Prinsesa Glius." Ang binitawang kaparusahan ng bathalang hari sa sarili niyang anak na ikinagulat at ikinalingon sa kaniya ng prinsesa.
"Ama ko? tama ba ang aking pagkakarinig? pinapalayas mo ako sa sarili kong tahanan? ano bang pagkakamali ang nagawa ko sa inyong lahat? hindi ba't tinutulungan ko lang naman kayo na hanapin ang traydor na nasa likod nitong lahat?" sumbat ng dalaga sa kaniyang paligid na may pamumuo ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata.
"Sapat na ang mga nakita ko at narinig. Napatunayan mo sa akin na hindi pa isang ganap na prinsesa ang iyong pag-iisip. Kung ano ang inutos ko 'yon lamang ang masusunod." Pagkatapos sabihin iyon ng hari sa kaniya ay lumabas na rin ito ng silid at nagkataon namang nakasalubong niya ang tatlong kambal na prinsesa na sina Ceel, Ceer at Cei. Habang nakasunod din sa bandang likuran nila ang dalawa pang prinsesa na sina Lorde at Dima na siya namang tutulong sa paggaling ng Prinsipe Adonis.
"Ama." Ani nila nang makasalubong ang hari at saglit na niyuko ang kanilang mga ulo upang magbigay galang sa hari, ngunit nilagpasan lamang sila nito at hindi sinulyapan ng kahit isang segundo lamang.
"Naiisip niyo ba kung ano ang nasa isip ko?" pabulong na saad ni Cei sa dalawa, sina Ceel at Ceer.
"Ano?" usisa naman ni Ceer sa kaniya.
"Mukhang may hindi magandang nangyari sa loob ng silid ni Prinsipe Adonis." Mahinang tugon ni Ceel sa seryosong mukha.
"Nakuha mo! teka, bakit palagi mo na lang nahuhulaan kung ano ang nasa isipan ko? siguro palagi mong binabasa kung ano ang nasa isipan ko no?" ani ni Cei kay Ceel na napailing na lang sa ulo at tsaka tumuloy sa loob ng silid.
"Prinsipe Adonis!" halos nanlaki ang mga mata nila sa sobang gulat nang madatnan ang binatang nakahiga sa kaniyang kama at namumutla ang buong mukha.
Mabilis siyang nilapitan ng tatlong kambal at ng dalawang prinsesa na sina Lorde at Dima.
Inihanda at pinuwesto na nila ang kanilang mga kamay sa tapat ng dibdib nito upang bigyan siya ng enerhiya at lakas sa kaniyang katawan. Halos nanghina naman ang mga tuhod ni Lorde nang maibigay niya ang kalahating porsiyento ng kaniyang lakas sa prinsipe, kamuntik-muntikan pa itong matumba ngunit naisalo rin naman siya kaagad ni Prinsesa Ceer na nakatayo sa kanilang likuran.
"Tama na 'yan, Prinsesa Dima. Sapat na siguro ang enerhiya na ibinigay ninyo para sa prinsipe." Malumanay na saad ng inang reyna sa kaniya.
Natigilan din naman kaagad si Prinsesa Dima at tila hinihingal siya sa paghinga matapos niyang ibigay ang kalahating enerhiya niya sa prinsipe.
"Ayos ka lang ba, Prinsipe Lorde?" nag-aalalang tanong ni Prinsesa Haiji sa kaniyang kapatid habang inaalalayan ito ni Ceer sa kaniyang braso.
"Oo," mahina at matamlay niyang tugon sa dalaga.
"Ang prinsipe lamang pinagaling ninyo ngunit parang nauubusan na kayo kaagad ng lakas. Ano ba talaga ang nangyayari sa inyo? ang buong akala ko ba'y handa na kayo at nasanay niyo na ng husto ang inyong mga kapangyarihan? ngunit bakit parang sa nakikita ko ngayon ay hindi pa rin sapat ang inyong kakayahan at hindi pa kayo handa para sa isang malaking digmaan?" usisa ng reyna habang isa-isa niyang tinitignan sa mukha ang mga prinsesang nasa paligid niya.
"Ikaw, Prinsesa Haiji." Sabay tinuonan niya ng pansin ang kanina pang tahimik na prinsesa.
"Po?" gulat namang sambit ng dalaga.
"Isa ka sa may pinakamalakas na kapangyarihan, ngunit paano ka napasakamay ng prinsipe kanina at bakit hindi mo magawang makawala sa kaniya gayung alam mo naman ang iyong dapat na gawin." Mariin na saad ng reyna kay Haiji na ikinayuko naman nito.
"Dahil hindi ko po nanaisin na saktan ang prinsipe." Mahinang tugon niya na may bakas ng pag-aalala sa kaniyang mga mata.
"Mali ka. Ang nilalang na nanakit sa iyo kanina ay hindi si prinsipe Adonis, kun'di mga kampon ng kadiliman." Ani ng reyna sa dalaga.
"Ito ang palagi ninyong tatandaan, alam ko kung gaano ninyong pinapahalagaan at minamahal ang isa't-isa. Ngunit hindi ibig sabihin non ay hahayaan niyo na lamang na saktan kayo ng isa. Kung napapansin ninyo na kailangan niyo siyang parusahan para sa kamaliang nagawa niya ay huwag na huwag kayong magdadalawang isip na saktan siya, kung para sa ikabubuti naman ang inyong intesyon." Ang dinugtong pa ng reyna sa mga prinsesa. Pagkatapos niyang magsalita ay lumakad na ito palabas ng silid habang nakayuko ang mga ulo nila.
"Magiging maayos lang ang prinsipe, hindi ba?" mahinang tanong ni prinsesa Ceel habang pinagmamasdan niya ang mahimbing na tulog ng prinsipe.
"Oo naman. Nakalimutan mo na ba? nakasaad sa propesiya niya na siya ang magliligtas sa ating lahat at siya ang ipapalit na tagapamahala ng ating kaharin." Ang tinugon naman ni Cei sa kaniya habang nakatingin din siya kay Adonis.
Sa kabilang banda naman kung saan tahimik na nakamasid si Prinsesa Glius kay Adena ay nagkataon namang napalingon din ito sa kaniya.
"Anong problema? bakit ganiyan ka na lamang makatingin kay Prinsesa Adena?" usisa ni Prinsesa Dima kay Glius, matapos niyang mapansin na kanina pa itong nakatingin kay Adena.
Nang dahil sa sinabi ni Dima ay napunta ang atensyon nilang lahat kay Glius na animoy nagulat pa ng tanungin siya ng dalaga.
Hindi na lamang siya nagsalita bagkus ay tumalikod na lang ito at lumakad palabas ng kuwarto. Sinundan naman nila ito ng tingin hanggang sa makalabas siya ng pinto na may bakas ng pagtataka sa kanilang mga mata.
"Huwag mo na lang siya gaanong tuonan ng pansin, Prinsesa Adena." Ani ni Prinsesa Dima sa dalaga na ikinatango na lamang niya ng ulo.
Pagkatapos non ay lumabas na rin ng silid si Prinsesa Adena at nagtungo sa kaniyang silid, kung saan naabutan niya si Prinsesa Glius na nakatayo sa tapat ng silid niya.
Anong ginagawa niya? hinihintay ba niya ako? bulong ni Adena sa kaniyang isipan habang nakatingin siya sa kinatatayuan ni Glius.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakad patungo roon at sa bawat paghakbang niyang iyon ay tila ba'y paunti-unti ring nag-iiba ang mga titig niya sa kaniyang mga mata.
"May mahalaga tayong dapat na pag-usapan." Ani ni Glius sa malalim na boses at seryosong mukha. Hindi naman natakot si Adena sa kaniya, bagkus ay ngumiti pa ito sa kaniyang labi at hinikayat itong pumasok sa loob ng kuwarto niya.
"Ganoon ba?" aniya na may guhit pa rin ng ngiti sa kaniyang labi. Saglit niyang binaba ng tingin ang dalaga at tsaka ito pinagbuksan ng pinto.
"Halika na muna sa loob at doon na lang natin pag-usapan ang lahat." Ang dinugtong pa niya na may pagpapalit ng kulay pula sa kaniyang mga mata.
Hindi ito napansin o nakita nii Glius dahil nakatuon lang ang atensyon nito sa loob ng kuwarto ng dalaga, kung saan nahikayat siyang pumasok sa loob.
Lumingon-lingon muna si Adena sa bawat kapaligiran niya bago siya pumasok sa loob ng silid at isara ang pinto.