HUMINGA AKO NG MALALIM BAGO IPINARADA ANG SASAKYAN. Nilingon ko pa ang asawa ko na ngayon ay natutulog. Kanina pa siya tulog sa biyahe pero hinayaan ko na lang. Alam ko kasi na nitong mga nakaraang araw lang siya nagbabawi talaga sa pahinga. Atsaka isa pa, hindi naman ako nainip sa mahabang biyahe dahil kasama rin namin sina Joy at Lando. “Parang ang bilis lang ng biyahe ngayon, Kuya?” tanong ni Lando kaya napangiti ako. “Hindi kasi traffic, Lando,” sagot ko naman. Binuksan na nila ang pinto ng sasakyan at sabay silang lumabas doon ni Joy. Nakita ko naman mula sa loob ng sasakyan na lumabas sina Nanang at Tatang mula sa bahay nila para masalubong kami. Muli kong tinignan ang asawa ko tapos ay marahan kong hinaplos ang pisngi niya, bahagya naman siyang gumalaw dahil sa ginawa ko at nag

