Chapter 2

1776 Words
“Hoy, malandi ka. Sinasabi ko na nga ba at hindi mo pa rin matitiis ang nanay mong pinaglihi sa bu-to eh. Kung aalis ka ng bahay niyo, panindigan mo. Bakit kailangan mo pang magbigay ng pera sa kanya? Seriously, isang patak lang ng luha okay ka na?” Taas ang kilay at nanlilisik ang mga mata ni Marge kay Ali. Nasa bahay sila ng babae kung saan nanuluyan si Ali matapos niyang umalis sa kanilang bahay isang linggo na ang nakakalipas. “Hindi ko naman din kasi matiis. Anong magagawa ko kung naaawa ako sa kanya? Isa pa, alam mo naman na nangako ako kay Tatay na hindi ko pababayaan si Nanay,” mahinang sabi ni Ali. Nanunulis pa ang nguso nitong tila nagsusumbong. Umiling na lang si Marge dahil wala na siyang masasabi pa sa kaibigan. Ilang beses ng nangyari ang paglalayas nito na nauuwi rin sa pagbalik sa kanila dahil sa awa sa ina. “Hay, dapat yata ay hindi na ako talaga nag-iinarte ng ganito. Paano ba naman, pati ang raket ko ay naaabala. Imbis na kumikita ako sa paninda kong merienda ay hindi nangyayari,” reklamo pa ng dalaga. “Kung gusto mong magtinda ay gumora ka na! Tigil tigilan mo ang kakaproblema sa nanay mong wala naman din ambag sayo. Kung tutuusin, dapat ay nakatapos ka ng kolehiyo dahil nag-iisa ka lang anak. Pero mas inuna pa ni Aling Nieves na mapunan ang pangangailangan ng p***y niya kaysa ang magpakaina sayo.” “Marge naman, nanay ko pa rin yon. Filter-an mo naman yang bibig mo…” Hindi naman sa nagtatampo si Ali dahil sa tinuran ng kaibigan, pero parang ganon na nga. Nasasaktan din kasi siya kahit papaano sa tuwing nakakarinig siya ng hindi maganda tungkol sa ina. “Eh kailangan din naman kasing sabihin sa kanya ang totoo. Hindi niya malalaman kung walang magsasabi,” tugon ni Marge sabay irap. Magkaibigan ang dalawa mula pa pagkabata. Parehong nag-iisang anak ngunit tamad mag-aral si Marge kaya huminto na lang at nagtrabaho bilang stripper sa isang club sa may Recto. Si Ali ay may utak, masipag at mapamaraan. Yun nga lang, simula ng namatay ang kanyang ama anim na taon na ang nakakaraan ay siya na ang nag-alaga sa kanyang ina kahit na malakas ito at disiotso naman siya. Mabuti na lang at natapos pa niya ang senior high kahit papaano. Huminto siya sa pag-aaral at naghanap ng trabaho. Ngunit dahil nakulangan siya sa kita tapos pagod pa ang katawan ay nagdesisyon siyang magtinda na lang ng meryenda na sinasabayan pa niya ng iba pang raket. Sa buong Dagupan St. ay kilala si Ali. At sa Divisoria, siya ang hinahanap ng mga tindero at tindera tuwing meryenda time. “Sige na, magluto ka na dyan para kumita ka at ng may maibigay sa nanay mo na magagastos niya sa lintang Delfin na yon pati na sa dalawa niyang batugan at maarteng mga anak.” Pagkasabi non ay tinalikuran na ni Marge si Ali na nagsimula na nga ring kumilos. Sa isip niya ay kailangan niyang kumita hindi lamang para sa sarili, kung hindi para na rin sa nanay niya. Namili at nagluto ng meryendang paninda. Nakigamit muna siya ng mga kasangkapan nila Marge at naisipan niyang magbigay sa mga ito ng pera kahit konti. Nang makatapos ay dumiretso na siya sa Divisoria, sa iba’t-ibang mall kung saan naroon ang mga suki niya. Madali lang siyang maubusan ng paninda dahil talagang masarap siyang magluto. Pangarap sana niya ang maging sikat na chef, yun tipong may sarili siyang cooking show. Naeengganyo din siya sa pagbe-bake pero alam niya na mahal ang mga gamit para doon at mas lalo na ang mga ingredients. Saktong kakatapos lang maubos ng kanyang paninda ng bigla siyang tinawag ni Maricar, ang anak na babae ni Mang Delfin. “Pera na naman sigurado,” bulong ng tinderang suki niya. Alam ng dalaga ‘yon kaya naman agad niyang naiikot ang mga mata bago nagtanong lalo at nakalapit na sa kanya ang babae. “Anong kailangan mo?” “Bukod sa pera, may silbi ka pa ba?” Nakangisi pa ang stepsister niya, kaya ngani-ngani niyang sabunutan ang babae dahil sa sagot nito, pero nagtimpi siya. “Eh ikaw, kailan ka magkakasilbi? Wala ka na ngang silbi, wala ka pang ganda? Pinagsakluban ng langit ang lupa lang ang peg mo?” tugon ni Ali. Sinisikap niyang hindi manakit pero ang makipagpalitan ng salita sa babae ay hinding hindi niya pipigilan ang sarili. “Oo nga, Maricar. Ang hina na ng ng ulo mo, wala ka pang ganda, wala ka pang pera!” susog naman ng suki ni Ali. “Hoy, wag kang makisali sa usapan namin.” Nanlalaki ang mga mata ng dalaga dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi ng babae. “Magtinda ka na lang dyan para magkasilbi ka rin.” “Maricar, matagal na akong may silbi. Sa totoo lang, lahat ng tao may silbi. Ang hindi ko lang alam bakit kayong mag-aama, wala.” Hindi rin nagpatalo ang suki ni Ali na hindi na napigilan ang matawa. Napansin iyon ng stepsister niya kaya siya na ang hinarap nito. “Pengeng pera, may bibilhin ako.” “Wala na akong pera, binigay ko na kay Nanay kanina.” “Hindi pwedeng wala kang pera!” bulalas ni Maricar, bagay na hindi nagustuhan ni Ali kaya mabilis na dumapo ang kamay niya sa pisngi ng babae. “Wala kang karapatang manghingi sa akin ng kahit na ano. Sa susunod na lumapit ka sa akin, hindi lang sampal ang ibibigay ko sayo, naintindihan mo!” Nanlilisik na ang mga mata ni Ali habang mukhang natatakot naman si Maricar na sapo ang pisnging nasaktan. “Humanda ka, isusumbong kita sa nanay mo. Tignan ko lang kung hindi ka managot.” “Tama, magsumbong ka para mapuno na rin ako sa nanay ko at tuluyan ko na siyang iwan. Wala na akong pagkukulang sa kanya dahil marami na akong sinakripisyo.” Galit at nagdadabog na umalis si Maricar matapos sabihin ni Ali ‘yon. “Okay ka lang? Naku, sigurado akong lagot ka na naman kay Aling Nieves niyan mamaya.” Tinignan ni Ali ang tindera at mapaklang nginitian ito dahil sa katotohanan ng kanyang sinabi. Alam ni Ali na sa tuwing nagsusumbong si Maricar sa kanyang ina ay ang babae ang kinakampihan nito. Masakit man, pero iyon ang katotohanan. Huminga ng malalim ang dalaga at tsaka ngumiti sa kanyang suki. “Okay lang yan, at maraming salamat sa pagiging suki ko at pagtatanggol sa akin kanina.” “Naku, may mga mata naman kasi akong nakakakita at hindi ko nagugustuhan ang ginagawa ng bruhang Maricar na yon pati na ang kapatid niyang si Manuel, isama mo pa ang tatay nila. Ewan ko lang kung bakit parang bulag ang nanay mo at baliw na baliw pa rin kay Mang Delfin.” Hindi na tinugon pa ni Ali ang suki at nagpaalam na rito na uuwi. Naubos ang kanyang paninda, para sa kanya, iyon lang ang mahalaga. Sa totoo lang ay hindi naman totally walang pera si Ali. Marunong siyang magtabi at mas lalong marunong siyang magtipid. Alam niya na hindi siya habang buhay malakas at higit sa lahat, alam din niya na kailangan din niyang i-improve ang kanyang pamumuhay. Hindi niya gustong mamatay na mahirap kaya balak pa rin niyang makapag-aral sa kolehiyo at makatapos. Pinangako niya sa sarili na kahit na anong mangyari ay gagawin niya ‘yon. Dumaan muna siya sa bahay nila Marge at nag-abot ng maliit na halaga sa nanay ng kaibigan. “Naku Ali, hindi na…” “Aling Alma, nakituloy po ako dito sa inyo at nakigamit ng kalan at mga kasangkapan para sa paninda ko.” “Oo nga, pero kaibigan ka ng aking anak kaya hindi mo kailangang magbayad. Isa pa, hindi ka na rin iba sa amin.” “Kung ganon ay mas lalo niyo pong dapat na tanggapin ang binibigay ko,” nakangiting tugon ni Ali sabay lagay na ng pera sa bulsa ng daster ng ginang na wala na rin nagawa pa. Tapos ay umalis na siya para umuwi ng kanilang bahay. Nadatnan ni Ali ang kanyang ina na kausap si Maricar at nanlilisik ang mga mata na tumingin sa kanya ng batiin niya. “Anong maganda sa hapon? Madamot ka sa kapatid mo!” sigaw ni Aling Nieves sabay tayo sa ratan na upuan. Mabilis na lumipad ang kamay ng matanda sa pisngi ni Ali. “Hindi ko kapatid ang lintang yan, kung gusto niyo siyang bigyan ng pera ay bigyan niyo, wag niyo na akong idamay pa.” “Aba at talagang napakabastos mo!” Pumaling na naman ang pisngi ni Ali dahil sa pagsampal ulit sa kanya ni Aling Nieves. Kahit na masakit na ang pisngi ay hindi nakaligtas sa kanya ang ngisi ni Maricar na nagpakulo ng kanyang dugo. “Talaga namang hindi ko yan kapatid! Isipin niyo matanda pa sa akin pero ako ang bumubuhay! Walang trabaho, walang alam sa bahay, walang silbi tapos manghihingi pa ng pera! Lintang-linta na nga ang ama niya, dadagdag pa siya!” “Ano ba!” Nagbaling sila ng tingin sa pagsigaw ni Mang Delfin na kalalabas lang sa maliit na silid, halatang kagigising lang. “Ang iingay niyo, alam ng may natutulog!” “Paano naman, Papa. Itong si Ali napakadamot. Para konting pera eh ayaw magbigay, tapos sinampal pa ako sa harap ng ibang tao!” sumbong agad ni Maricar na lalo pang kinagalit ng matanda. Walang sabi-sabi ay sinampal niya si Ali. Nagulat si Aling Nieves dahil unang beses iyon na nanakit sa kanyang anak ang kinakasama. “Delfin!” bulalas ni Aling Nieves. “Wala kang karapatang saktan ang anak ko!” Hindi makapaniwala si Ali na gagawin iyon ng kanyang ina, ang ipagtanggol siya sa kinakasama. Pinunasan niya ang gilid ng kanyang labi na nagdugo dulot ng sampal ng amain. “Aba at sinisigawan mo ako?” baling ni Mang Delfin kay Aling Nieves. Sinabunutan niya ang matanda bago pinagsasampal. Nagpuyos sa galit si Ali kaya mabilis niyang sinugod ang amain na siyang pinagsimula ng mas matinding gulo. Dahil lalaki si Mang Delfin at malaking tao din ay hindi kinaya ni Ali ang matanda. Idagdag pa na hinaharangan din niya ang ina sa pananakit ng amain habang sinasabunutan din siya ni Maricar. Walang kalaban-laban sa dalawang sampid sa kanilang bahay. Nakayungyong na si Ali at ang kanyang ina sa sahig ng biglang bumukas ang pintuan ng bahay nila at nagsipasukan ang ilang kapitbahay. Nilayo nila si Ali at hindi naman pumayag si Aling Nieves na umalis ng kanilang bahay kaya naiwan ang ginang doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD