Nang magsara na ang cafe ay hindi muna sila pinauwi ng kanilang amo. Nakatayo si Jeremy at ang mga kasama niya habang kaharap ang amo nilang lalaki at babae. Napaiwas siya ng tingin sa amo niyang babae ng makita niyang malagkit ang mga tingin nito sa kanya.
Hindi naman siya pikonin, pero napipikon talaga siya kapag nakikita ang matanda. Napakalagkit kasi talaga ng tingin nito sa kanya. Tila ba sa isip nito ay hinuhubaran na siya. Ayaw niya ng gano’ng tingin.
Napaikot siya ng mata. Hindi ba ito natatakot na mahuli ng mga tao na nandito sa loob ng cafe, o kaya naman baka mahuli ito ng mismong asawa. Mabuti na lang at hindi ito napapansin ng mga kasama niya. Napailing na lang siya. Mukhang wala na talaga itong hiya.
“Total, linggo naman bukas. Napag-isip-isip namin ng asawa ko na bigyan kayo ng break bukas,” sabi ng amo nilang lalaki. Nagbulong-bulungan naman ang mga kasama niya. “Bukas dapat maaga kayo dito. Six am sharp, dapat nandito na kayo.”
“Ho? Akala ko po ba bibigyan niyo kami ng break,” sabi ni Bert. “Eh, bakit kailangan maaga kami bukas, Sir?”
“Oo nga, Sir,” sang-ayon ng mga kasama niya habang siya naman ay tahimik lang.
Ayaw niyang magsalita, lalo na’t kakaiba ang tingin sa kanya ng matanda. Hindi talaga nito inaalis ang tingin sa kanya. Kung isa lang siyang yelo ay kanina pa siya natunaw sa mga maiinit nitong tingin sa kanya.
“Kanina pa tingin ng tingin sa ‘yo si matanda, Je,” bulong sa kanya ni Sandra.
Maliban kay Sandra ay wala ng ibang nakakaalam sa inalok ng matanda sa kaniya. Kaya naman balewala lang sa mga kasama nila ang tingin nito sa kanya.
“Oo nga, eh. Nakakainis na.”
Bahagyang tinapik ni Sandra ang balikat niya. “Relax lang.”
Hindi na lang siya kumibo. Hindi niya napansin na ang sama na pala ng tingin nito sa kamay ni Sandra na nakapatong sa balikat niya.
“Ang ibig ko kasing sabihin na bibigyan ko kayo ng break ay ililibre namin kayo ng asawa ko ng bakasyon sa isang resort.”
Biglang natuwa ang mga kasama niya. “Talaga, Sir?”
“Yes. You all deserve it. Dahil sa kasipagan niyo ay mas naging mabuti ang negosyo natin dito.”
“Totoo ba ‘yan, Sir? Baka mamaya ini-echos niyo lang kami,” sabi ni Carlo na ikinatawa ng amo nilang lalaki.
“Oo nga. Hindi ko kayo binibiro. Kaya sinasabi ko sa inyo, maaga kayong pumunta dito dahil maaga tayong aalis. Okay?”
“Yes, Sir!” sabay-sabay na sagot ng mga kasama ni Jeremy, maliban sa kanya.
“Maiiwan ang late,” biro pa nito na ikinatawa ng mga kasama niya. “Yes, Jeremy?” tanong nito ng itaas niya ang kanyang kanang kamay.
“Pwede bang hindi na po ako sumama, Sir? Aalagaan ko na lang po ang tatay ko bukas,” pagdadahilan niya.
Ang totoo ay ayaw talaga niyang sumama. Masama ang kutob niya sa bakasyon na ito.
“Bakit naman?”
“Oo nga naman, Jeremy. Bakit?” tanong ng amo nilang babae. Binigyan niya ito ng isang walang ganang tingin. “Nakakalungkot naman kung hindi ka sasama. At saka, ‘di ba, Hon, hindi pwde na hindi siya sumama kasi siya pa naman ang best employee natin. Nakakalungkot na hindi sasama ang best employee natin sa bakasyon.”
“Oo nga naman, Jeremy. Huwag ka ngang kj,” sabi ni Sabell at bahagya pa siyang pinalo sa balikat.
“Oo nga. Feeling ko, kaya tayo binigyan ng bakasyon nina Ma’am, dahil sa kasipagan mo,” sabi naman ni Allie.
Kahit alam niya na wala namang ibang ibig sabihin si Allie sa sinabi nito, pero pakiramdam niya pa rin ay may iba pa rin itong ibig sabihin. Napailing na lang siya sa naisip.
“That’s right, Jeremy. You deserve this vacation. Isa ka pa naman sa pinakamasipag kong employee. Baka mamaya magkasakit ka sa sobrang sipag mo niyan. Kasalanan ko pa,” biro ng amo niyang lalaki.
Napakamot siya sa batok. “Hindi naman po, Sir. Isa pa po, inaalagaan ko naman ang sarili ko.”
“I know, pero tatanggihan mo ba ako? Magtatampo ako niyan sa ‘yo kapag hindi ka sumama.”
Bigla ay napatitig siya dito. Ayaw talaga niyang sumama dahil masama ang kutob niya sa bakasyon na ito. Pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari. Pero hindi din naman niya matatanggihan ang amo niyang lalaki dahil napakabait nito sa kanya. Sa tuwing kukuha siya ng pera kahit hindi pa nila sweldo ay hindi ito nagdadalawang-isip na bigyan siya.
Napabuntong-hininga na lang siya. “Sige na nga ho, Sir.”
“Yes!” Sumigaw ang mga kasama niya ng sumang-ayon na siya.
Mukhang wala na talaga siyang choice. Ang tanging magagawa na lang niya ay ang mag-ingat sa pwedeng gawin ng matandang babaeng ‘yun.
“KAILAN KA naman uuwi, Kuya?” tanong ng kapatid ni Jeremy na si Joshua. Ito ang sumunod sa kanya.
“Dalawang araw lang kami doon, kaya uuwi din ako agad.” Inilagay na niya ang ilang damit niya sa kanyang bag.
“Hindi ba kami pwedeng sumama sa ‘yo, Kuya?” nakangusong tanong ni Marie, ang pangatlo niyang kapatid. Sumang-ayon naman ang tatlo pa nitong mga kapatid.
“Hindi kayo pwedeng sumama sa kuya niyo. Para lang ‘yun sa kanila at sa mga kasama niya sa trabaho. Bawal ang mga bata doon.” Biglang nalungkot ang mga ito sa sinabi ng nanay nila.
Hindi niya maiwasan na malungkot ng makita ang mga kapatid niya na malungkot. Wala ng ibang importante kay Jeremy kung hindi ang makitang masaya ang kanyang pamilya, lalo na ang mga kapatid niya.
Pumantay siya sa taas ng kapatid niyang si Marie saka hinawakan ang pisngi nito. “Huwag kayong mag-alala. Mag-iipon si kuya, at kapag nakaipon na ako ay magbabakasyon din tayo.” Bigla ay lumiwanag ang mga mukha nito. “Saan niyo ba gustong pumunta kapag nagkapera na si kuya?”
“Sa dagat, Kuya. Gusto naming maligo sa dagat,” sagot ni Danny, ang ikaapat nilang kapatid.
“Oo nga. Mag-swimming tayo sa dagat. Masaya daw do’n sabi ni Rebecca,” sagot naman ng bunso nilang si Maribeth. Ang Rebecca na tinutukoy nito ay ang anim na taon nilang kapitbahay.
“Sige. Dadalhin kayo ni kuya sa dagat. Hindi man ngayon, pero balang-araw. Mag-iipon muna si kuya ng pera, okay?”
“Okay, Kuya.” Napangiti siya ng yakapin siya ng mga ito.
Ito ang dahilan niya kaya siya nagsusumikap magtrabaho. Ang makitang masaya ang mga kapatid niya. Ayos lang na magkandakuba siya sa pagtatrabaho basta maibigay niya lang ang ikakasaya ng mga kapatid niya.
Lumabas muna ang mga kapatid niya para makipaglaro sa mga kapitbahay nilang mga bata. Lumapit ang ina niya saka binigay sa kanya ang ilang tinuping mga damit nito na dadalhin niya sa bakasyon.
“Salamat, ‘Nay.” Kinuha niya ito saka inilagay sa kanyang bag saka ito sinara.
“Hindi ka na sana nangako sa mga kapatid mo, Je.” Napatingin siya sa kanyang ina.
“Bakit naman, ‘Nay?”
Napabuntong-hininga ito. “Alam kong pagod ka na sa pagtatrabaho para sa amin, lalo na’t nag-iipon ka para sa pag-aaral nila. Ngayon kailangan mo na naman ng pera para mailabas mo sila at madala sa dagat.”
“Ayos lang ‘yun, ‘Nay. Gagawan ko ng paraan at saka minsan lang naman ako mangako sa kanila.” Inakbayan niya ito saka nginitian. “Gusto ko din naman na maging masaya sila at para naman makapagpahinga naman kayo kahit isang araw lang. Alam ko na pagod na din po kayo sa paglalabada.”
“Ayos lang naman ako. Responsibilidad namin ng tatay mo ang buhayin kayo.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “Pasensya ka na, anak, ha? Kung hindi namin natupad ang responsibilidad ng tatay mo sa ‘yo. Imbes na nag-aaral ka, nagtatrabaho ka na tuloy para lang buhayin kami.”
“Ano ka ba naman, ‘Nay! Wala ‘yun.” Binigyan niya ito ng malaking ngiti. “Maswerte na ako na binuhay niyo ako. Oras ko naman para bayaran kayo sa mga nagawa niyo para sa akin. Isa pa, hindi naman ako nagrereklamo sa buhay natin ngayon. Basta masaya kayo ay masaya na din ako. Huwag kayong mag-alala, ‘Nay. Kapag talaga ako na-promote, hindi niyo na kailangan pa na tumanggap ng labahin. Hindi na ako papayag na mapagod kayo.”
“Napakaswerte talaga namin ng tatay mo sa ‘yo. Napakabait mong bata.”
“Syempre naman, ‘Nay. Sa inyo kaya ako nagmana ni tatay.”
Niyakap niya ito ng mahigpit. Mas lalo pa siyang magsusumikap para matupad niya ang mga pangako niya sa mga kapatid niya na mapag-aaral niya ito at ang pangako niya sa kanyang ina na hindi na ito magtatrabaho.