Isang oras ang naging byahe nila Jeremy bago sila nakarating sa isang resort. Nasa isang SUV van silang lahat maliban sa mag-asawang amo nila. Nasa sarili itong sasakyan. Nang makababa ay hindi niya maiwasan na mamangha sa resort. Napakaganda nito at masarap sa pakiramdam dahil sa mga halaman at puno sa paligid.
Bigla tuloy siyang nangarap na sana madala niya ang pamilya niya sa ganitong kagandang resort. Sigurado siyang matutuwa ang mga kapatid niya at makakapag-relax ang nanay at tatay niya.
“Welcome po,” bati sa kanila ng mga iilang staff sa resort at saka binigyan sila ng kwentas na gawa sa bulaklak.
Paliramdam tuloy niya ay nasa Hawaii sila ngayon dahil sa trato nito sa kanila. Agad silang in-assist ng mga staff, tinulungan ng mga ito ang mga babae sa mga gamit nito saka sila hinatid sa mga kanya-kanya nilang kwarto. Magkasama ang mga babae sa isang kwarto habang kasama naman ni Jeremy ang mga lalaki.
“Okay. Magpahinga na muna kayo ay mamaya lang ay kakain na tayo. Alam kong nagutom kayo sa byahe,” sabi ni Mr. Cruz, ang amo nilang lalaki.
“Eat all you can ba dito, Sir?” biro ni Carlo.
“Oo. Kumain lang kayo kung ano man ang gusto niyo dahil sagot ko.”
“Yun! Maraming salamat, Sir. Ang bait niyo talaga.”
Napailing na lang ito. “Oh, siya sige. Magpahinga na kayo at tatawagin ko na lang kayo mamaya.”
Nagsipasukan na sila sa mga kwarto nila. Magkakatabi lang naman ang mga kwarto nila. Nang makapasok ay napamangha sila sa ganda ng kwarto. Mayroon itong tatlong kama, sariling banyo, sofa, katamtamang espasyo ng sala, at malaking flat screen TV. Naka-aircon din ang kwarto dahilan para mas pakaramdam sila na masarap manatili sa resort na ito.
Hindi na siya magtataka kung bakit maraming guest ang resort. Maliban sa mababait ang mga staff, magandang tanawin, ay may kwarto pa na komportable.
“Ang ganda,” komento ni Bert na patalon na humiga sa kama. “Ang lambot ng kama. Ang sarap matulog kapag ganito ka lambot ang kama.”
“Sus! Kung may pera lang ako, magpapagawa ako ng ganitong kwarto,” sabi naman Carlo na binuksan ang TV saka naupo sa malambot na sofa. Ipinatong nito ang mga paa sa lamesita.
“Hoy! Ibaba mo nga ‘yang paa mo, Carlo,” suway niya dito. Kung makaasta kasi ito ay parang nasa bahay lang nito.
Nakanguso nitong ibinaba ang mga paa. “Ito naman si Jeremy, ang kj.”
“Baka kasi magasgasan mo ‘yan, makakabayad pa tayo.”
“Oo nga naman, Carlo. Baka maiwan ka dito dahil wala kang pambayad.” Agad itong napaiwas ng itapon ni Carlo dito ang unan na nasa sofa.
“Gago!”
Napailing na lang siya sa dalawa. Umupo siya sa kama kung saan ang pwesto niya at agad na inayos niya ang kanyang mga gamit. Mabilis naman na umupo si Carlo sa tabi niya.
“Sigurado akong maraming babae dito na maganda, at sexy. Bakit hindi tayo maghanap?” May ngiti itong pilyo sa labi.
Tumalong din si Bert sa kama niya saka lumapit din sa kanya. “Oo nga, Je. Mang-hunting tayo ng mga babae.”
Napailing na lang siya. “Tigil-tigilan niyo na nga ‘yang pangha-hunting niyo ng mga babae.”
“Bakit? Single naman tayo kaya okay lang na maghanap tayo ng maganda. Isa pa, nasa bakasyon tayo ngayon, Je. Enjoy-in na lang natin ang dalawang araw natin dito. Minsan lang ito mangyari,” nae-excite na sabi ni Carlo.
May pagkababaero talaga itong si Carlo habang nakikisabay naman si Bert dito. Siya naman ay wala siyang hilig sa mga ganyan.
“Ano?” tanong nito habang sinisiko siya. “Mang-hunting na tayo.” Tinaas-baba pa nito ang mga kilay habang nakangiti sa kanya.
“Kayo na lang. Wala akong hilig sa mga ganyan.”
“Umamin ka nga sa amin, Je. Total magkakaibigan naman tayo.” Napatingin siya kay Bert na seryosong nakatingin sa kanya. “Bakla ka ba? —Aray, Jeremy. Hindi ako makahinga,” sabi nito habang pilit na kinukuha ang unan na tinakip niya sa mukha nito. Habol-habol nito ang hininga ng tanggalin ni Jeremy ang unan sa mukha nito. “Grabe, Pre, papatayin mo ba ako?”
“Magtanong ka kasi ng maayos. Huwag kang magtatanong ng nakakapatay kung ayaw mong mamatay ng maaga.”
Napanguso ito. “Para nagtatanong lang, eh.”
Tumatawa naman si Carlo. “Gago ka kasi. Sa gwapong ‘yan ni Jeremy, sigurado akong maraming babae ang iiyak kapag nagkataon na bakla nga siya. Anyway, Je, napapansin ko lang ha. Sa gwapo mong ‘yan, bakit hindi ka pa nagkaka-girlfriend?”
“Wala akong oras sa ga ganyan. Kailangan kong kumayod para sa mga kapatid ko.”
Kahit kailan ay hindi talaga pumasok sa isip niya ang magkaroon ng nobya. Sa trabaho pa lang at sa pamilya niya ay ubos na ang oras niya. Ayaw niya din naman kasi magkanobya dahil may mga pangarap pa siya para sa pamilya niya.
“Pero pwede ka din naman na kumayod habang may girlfriend ka.”
”Pwede nga. Pero isipin mo, syempre kapag may girlfriend ka makakapaglabas ka talaga ng pera. Paano na lang kapag nag-date kayo?”
“Sa gwapo mong ‘yan, Je, pwede kang makahanap ng mayaman na babae. Yung kaya kang buhayin.”
Natawa siya. “Ayokong ako mismo ang buhayin ng babae. Mas nakakabakla ang gano’n.”
“Sabagay. Pero pwede din namang—”
Umiling-iling siya. “Basta! Ayaw ko na munang magka-girlfriend. Ang gusto ko ay makapagtapos ang mga kapatid ko at mabigyan ng magandang buhay ang mga magulang ko.”
“Baka naman tumandang binata ka na niyan, Je. Sayang din ang maganda mong lahi kung hindi mo maishi-share sa iba,” tumatawa nitong sabi.
Nagkibit-balikat siya. “Ayos lang. Basta ang importante sa akin ngayon ay ang pamilya ko, wala ng iba pa.”
Mayamaya lang ay may kumatok na sa pinto nila. Siya na mismo ang nagbukas ng pinto dahil ang dalawang kasama niya ay nanonood ng TV. Nakita niya sina Sandra, Allie, at Sabell nang mabuksan niya ang pinto.
“Kumain na daw tayo sabi ni Sir,” sabi ni Sandra.
Agad na tumayo ang dalawa ng marinig ang sinabi ni Sandra. “Ayos! Gutom na din ako.” Nauna ng lumabas si Carlo.
“Ako din. Ano kayang masarap na pagkain doon? Naku! Kakain talaga ako ng marami.” Sumunod naman si Bert kasama sina Allie, at Sabell.
Napailing na lang sila ni Sandra. Kahit kailan napakamatakaw talaga ng mga kaibigan nila. Nasa likod sila ng mga ito ni Sandra.
“Ayos ka lang, Je?” tanong nito ng mapansin nito na para siyang hindi mapakali.
“Kinakabahan kasi ako, eh.” Simula ng dumating sila sa resort ay kinakabahan na talaga siya. Pakiramdam niya talaga ay may masamang mangyayari sa bakasyon na ito.
“Bakit naman?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko din alam, eh.”
Tinapik nito ang balikat niya. “Relax ka lang. I-enjoy na lang natin ang bakasyon natin.” Ngumiti na lang siya dito. Ayaw niya din na mag-alala ito sa kanya.
Nang makapasok sa sila sa restaurant ay pumili na sila ng mga pagkain saka naupo sa isang mahabang mesa. Nasa gitna siya nina Bert at Carlo habang kaharap naman nila ang tatlong babae.
Masaya silang kumakain at medyo nawawala na din ang kaba kanina ni Jeremy dahil nag-e-enjoy siyang kausap ang mga kasama niya, not until dumating ang amo nilang babae.
“Mrs. Cruz,” bati ni Sandra saka tumayo. “Nasaan po si Sir?” tanong nito ng mapansin na nag-iisa lang ito.
“May kausap lang sa phone, pero susunod din ‘yun.” Tumingin ito sa kanya, pero yumuko lang siya. “Can I join you, guys?”
Napatingin naman sandali sa kanya si Sandra, pero dahil sa nakayuko siya ay hindi niya nakita. Pilit na ngumiti ito sa amo. “Oo naman po, Ma’am. Maupo na po kayo.”
Umupo ito saka inilagay ang bitbit nitong plato na may lamang pagkain. “Mukhang nag-e-enjoy kayo, ah.”
“Opo, Ma’am,” sagot ni Sabell. “Salamat nga po pala, Ma’am.”
“Ano ba kayo. Wala ‘yun, you deserve this vacation. Especially, Jeremy.”
Napatiim-bagang siya sa sinabi nito. Gusto ba talaga ng matandang ito na malaman ng mga kasama niya ang gusto nitong mangyari sa kanila. Ang gusto nitong iparating. Napipikon na talaga siya dito. Hindi na lang siya umimik saka nagpatuloy sa pagkain.
“Ay naku! Oo talaga, Ma’am.” Napabaling naman ito kay Allie nang magsalita. “Deserve talaga ni Jeremy ang bakasyon kasi napakasipag sa trabaho.”
“I know. Lahat naman kayo masipag, eh.”
Bigla siyang kinilabutan at napatayo ng maramdaman niya na may paa ang gumapang sa hita niya. Kahit hindi niya nakita kung kaninong paa iyon ay alam na alam niya kung kanino naman ito.
Masama na tiningnan niya si Mrs. Cruz na nginitian siya ng malandi at kinindatan pa. Agad siyang napaiwas ng tingin dito para hindi makita ng mga kasama ang inis niya dito.
“Bakit, Je?” nagtatakang tanong ni Carlo. Nagtatakang nakatingin ang mga ito sa kanya, maliban sa matandang babae. Nagtataka sa biglang pagtayo niya.
“Gusto ko lang magpahangin. Sige. Mauna na ako.” Umalis na siya sa upuan niya.
Agad na tumayo si Sandra. “Sasama ako sa ‘yo, Je.”
Ngumiti siya dito. “Sige. Tara.”
Umalis ang dalawa at naiwan ang mga kasama nilang nagtataka, pero bumalik din sa pagkain. Habang masama naman ang tingin ni Mrs. Cruz sa dalawa. Hindi siya papayag na hindi niya makuha si Jeremy. Sa kanya lang ang binata, at hindi siya papayag na may umagaw dito sa kanya.
Sa lahat ng binata na nakita niya ay kay Jeremy lang siya mas na-attract. Nang makita niya ang gwapo nitong mukha ay nasabi niya sa sarili niya na gusto niya itong makuha. Masyado siyang na-attract sa gwapo nitong mukha, at sa matipuno nitong katawan. Kaya naman lahat gagawin niya makuha lang ito at walang makakapigil sa kanya.