INTO THE WHIPPING POST

1813 Words
"Anong nangyari dito?!" Nginig ang mga labi na hinay hinay akong tumayo, upang harapin ang gwardiya na ngayon ay mabilis na narito sa aking likuran. Sa aking pagharap, unang tumambad sa akin ang nanlilisik na mga mata nito na lalo lang na nagpapasidhi sa takot na aking nararamdaman. Sa kasuotan pa lang niyang gawa sa bakal, nagsusumigaw ang kaniyang mabangis na katauhan. Tila isa siyang liyon na handang lumapa sa akin. Hangal ako kung isipin pa na subukang ipagtanggol ang aking sarili dahil alam ko namang wala ring saysay ang lahat. "A-aksidente akong natisod at na-naitapon ko ang mga binhi..." nangangatal na pahayag ko, ulo ay nakayuko habang ang mga kamay ay nakapwesto sa aking likuran. Sa sinabi kong iyon, mas lalo ko lang na ipinapahamak ang aking sarili. Ngunit, ano pang magagawa ko, kung basag na ang banga na bitbit at ang lahat ng mga binhi ay nakalatag na sa daan? "Natisod?!" pagku-kumpirma ng gwardiya, saka pagalit na sumilay ang nakakakilabot na ngisi sa kaniyang labi. Mas lalong nanlumo ang aking mga tuhod. "Bakit? Wala ka bang mga mata upang tingnan ang dinaraanan mo?!" muling pag-uusisa nito sa akin, saka muling nagtanong. "Nagmamadali ka, tama ba ako?" Wala akong ibang nagawa kundi ang tumango sa katotohanang iyon. "Magpaliwanag ka!" singhal na utos ng kaharap. Nanginginig na napasagap ako ng hangin. Ang pagtambol ng aking dibdib ay nagpalala pa sa takot na aking nararamdaman. Umiigsi ang aking paghinga. "Hi-hindi ko sinadiyang makatulog saglit sa loob ng kamalig," makatotohanang pag-amin ko. "Kaya ako tumatakbo dahil sa takot na baka mahuli ako ng dating upang ihatid sa mga manggagawa ang mga binhi. Natisod ako at nabitawan ang banga." "Alam mo naman siguro kung ano ang kaparusahan sa mga aliping tatanga-tanga hindi ba?" kalmadong pahayag ng gwardiya, ngunit hindi maikakaila ang galit nito sa kung paano magliyab ang mga tinging ipinupukol niya sa akin. "Tipunin ang lahat ng mga manggagawa!" pautos na sigaw niya sa mga gwardiyang kasamahan na nagmamasid mula saan saan mang parte ng sakahan. "Sa araw na ito ay magbibigay tayo ng leksyon para sa lahat!" saka muling nagbalik ang mabagsik nitong mga tingin sa akin. Isang ngisi ang pinakawalan nito bago muling nagwika, "Itali ang aliping ito sa poste!" matigas na utos niya sa dalawang gwardiya na nakamasid sa amin na naroon sa malapitan. Ilang saglit pa ay hawak hawak na ako ng dalawang gwardiya, habang pakaladkad nila akong hinila patungo sa whipping post na naroon sa pinakasentro ng sakahan. Wala na akong nagawa pa kundi ang sumunod na lang. Mayamaya pa, isang marahas na pagtulak sa likuran ang aking natamo, dahilan para mapaluhod ako sa lupa. Sa labis na pagkatakot hindi ko namalayan na napaharap na ako sa bakal na poste kung saan nila ako dinala. Dito, itinatali ng mga gwardiya ang aking dalawang mga kamay. Lutang ang aking isipan ngunit patuloy ang pagnanais makawala ng aking puso sa ilalim ng aking dibdib. Naglalaro sa aking utak kung paano nagdusa noon ang mga aliping naparusahan sa mismong poste kung saan ako nakatali. Hindi ko inaasahan na darating ang sandali na ako naman ang mailagay sa sitwasyon na ito. Isa-isang pumasok sa aking alaala ang mga hiyaw at pagdadalamhati ng mga aliping walang awang sinaktan ng mga gwardiya. Hindi ko alam kung kakayanin ang pasakit na kakaharapin gayong karamihan sa mga aliping pinaparusahan, hindi na nagawang hugutin pa muli ang kanilang hininga upang mabuhay. Isang hindi inaasahang paghikbi ang kumawala sa aking labi. Ang matinding panlalamig ng paligid ay hindi ko na pinansin pa. Dumilim ang kapaligiran dahil sa dami ng mga aliping unti- unting pumapalibot sa akin. Pakapal nang pakapal rin ang mga ulap sa kalangitan, wari bang dumungaw upang saksihan ang aking kaparusahan. Sa mundo na ito kung saan ang mga bulaklak ay damo, ang mga hinahabing pangarap kailan man ay hindi matutupad, ang awa kailan man ay hindi dadamay sa mga basahang aliping tulad ko. Isa... Dalawa... Tatlong paglatigo ang sunod sunod na inihataw ng gwardiya patungo sa aking likuran. Kusang lumabas sa aking bibig ang nakakabing sigaw. Bakas sa matining na tinig na iyon ang matinding sakit na yumayapos sa akin. Magkahalo ang tunog ng latigo at ang aking paghiyaw na pumailanlang sa gitna ng katahimikang pumupuno sa paligid. Ang sigaw na iyon ay dinala ng hangin patungo sa mga kagubatan na nagpayanig sa mga ibon dahilan para magsiliparan ang mga ito saan saan man. Bagamat makapal ang suot na damit, subalit bawat pagdampi ng latigo sa aking likuran, naiiwan rin ang malaking latay sa aking balat, dahilan upang mapilitan akong iliyad ang aking katawan dahil sa nakakamatay na hapding nararamdaman. Walang kapagurang sinundan pa muli ng gwardiya ang paghataw niya sa akin. Wari bang musika sa kaniyang pandinig ang bawat hiyaw na lumalabas sa aking bibig na ngayon ay nanaghoy ng lubos. Tila bagyong paulit-ulit na pumapaligo sa aking katawan ang latigo. Tuwing lalapat ang bagay na iyon sa aking balat, mistula ring hinihiwa ako ng kutsilyo dahilan para manginig ang aking mga labi habang pinipilit na ininda ang walang humpay na paghapdi mula sa mga latay kong unti-unti ng nababahiran ng malapot na dugo. Wala akong ibang nagawa kundi ang kumapit nang mahigpit sa malamig na poste. Dito ako humihigit ng lakas. Nanginginig ng marahas ang aking mga kamay. Ang aking mga ngipin ay mahigpit na kumakapit sa isat isa, ngunit sadiyang hindi ko mapigilan ang pagpunit ng mga panaghoy sa aking bibig. Nag-umpisang lumalabo ang aking paningin at ang sakit ay hindi ko na kaya pang tiisin. Gayon pa man, sa sandaling ito puno ng katatagang iniangat ko ang aking ulo upang tingnan ang mga taong nakapalibot sa akin. Pagkahabag, pagkaawa, at simpatiya. Tatlong magkahalong emosyon ang naroon sa mga mukha ng mga manggagawang sumaksi sa aking kaparusahan. Ngunit hindi iyon ang kailangan ko. May hinahanap ako. Paniguradong nandito siya. Hinahanap ko ang aking ama. Bakit? Bakit ko hahanapin si papa na noon pa tumalikod sa akin? Bakit nais kong makita ang lalaking dapat sana narito upang iligtas ako sa sakit na pumapaligo sa akin sa sandaling ito? Sa kabila ng lahat, nawala man ang pagmamahal ni papa sa akin nang mamatay ang aking ina, ngunit kailan man ay hindi nabago ang paraan ng pagmamahal ko para sa kaniya. Tinatangi ko siya ng lubos. Bagamat narito ang pagtatampo sa aking puso ngunit walang mga gabing hindi ko hinihiling na sana kahit minsan lang, manumbalik ang dating pagmamahal ni papa sa akin. Bilang isang anak na noon pa pinagkaitan niya ng pagmamahal, nais kong makita ang aking ama, dahil umaasa ako na baka sakali... Baka sakaling may makita akong lungkot at hinagpis mula sa mga mata niya kahit kaunti lang. Gusto kong makita kung lumuluha rin ba ang kaniyang mga mata nang sa gayon ay hindi ko maramdamang mag-isa lang ako sa mapait na kinasasadlakan kong ito. Ngunit sadiyang mapait ang buhay para sa akin. Nakita ko si papa na naroon sa gitna ng mga taong nakapalibot sa akin. Nagtagpo ang aming mga tingin. Ang kulay abo na mga mata niyang iyon ay nakatutok sa aking paghihirap. Ngunit bakit ganoon? Nang magisnan ko ang kaniyang tingin, wari bang dumidilim pa ng husto ang paligid? "P-pa-pa!"garalgal kong sambit, umaasa na sa kabila ng kahinaan ng aking tinig maririnig niya iyon. Nais kong ipadama sa kaniya ang ang sakit. Nais kong maramdaman niya ang aking pagod. Nais kong iparamdam sa ama ko na kailangan ko siya sa sandaling ito. Ngunit blangkong tingin lang na walang halong emosyon ang tanging isinusukli niya sa akin. Hanggang kailan ba magiging bato ang puso niya sa isang anak na naghahangad na mayapos ng isang ama? Ngunit ayaw kong sumuko. Sa kabila ng kagustuhan kong ipikit na lang ang aking mga mata, ngunit hindi ko iyon ginawa. Naghintay ako! Hinihintay ko ang sandali na makita ang awa mula sa madilim na mga mata ng aking ama na noon pa tumalikod sa akin. Ngunit... Bigo ako. Sa tagal ng aking paghihintay, ni kahit isang emosyon man lang mula sa kaniya ay wala akong nakita. Ni pagkahabag at pait ay wala! Tila mistulang manika lang na nakatitig ang malamig niyang mga tingin sa akin. "Pa-papa!" panaghoy ko sa ikalawang pagkakataon. Puno ng pagsamo ang aking tinig. Ang aking mga mata ay nakikiusap. Sa halip ay nagbawi siya ng tingin saka tumalikod at iniwan ako rito nang nag-iisa. Sa bawat paghakbang niya palayo, sunod sunod rin sa pagpatak ang aking mga luha. Ang panginginig ng aking labi ay hindi na dahil sa labis na panlalamig ng kapaligiran kundi dahil sa pagkadurog ng aking puso. Ang kirot na aking nararamdaman ay hindi na mula sa latigong inihataw ng gwardiya sa akin kundi dahil sa katotohanang wala na nga talaga siyang pakialam at pagmamahal pa sa akin. Nang tuluyang mawala sa aking paningin si papa, puno ng panghihina at panlulumong naibagsak ko ang aking katawan sa ibabaw ng poste. Pakiramdam ko ay nakadagan ang buong kalawakan sa aking katawan. Wala na akong pakialam pa kung patuloy pa rin na umuulan ang latigo sa aking katawan. Dahil sa sakit, wari bang tuluyan na ring namanhid ang aking kalamnan, ngunit patuloy na dumudugo ang sugatan kong puso. Hindi ko naman hinihingi na saluhin niya ang pasakit na kumukumot sa akin sa sandaling ito. Kailangan ko lang ng isang taong masandigan. Kailangan ko ng isang pagmamahal na aking maging sandata upang lumaban. Ngunit sa panahon kung kailan kailangan na kailangan ko siya, saka naman niya ako iniwang lumuluha. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang mahabang sandali na ito. Hindi ko rin alam kung mabubuhay pa ako pagkatapos nito. At kung sakali mang ito na ang hangganan ng lahat, ipagpapasalamat ko ito ng lubos. Wala na rin naman akong dahilan pa para mabuhay. Ang mundo na aking ginagalawan ay puno ng pait. Tinalikuran na ako ng aking ama. Kung ang kamatayan ang siyang tanging daan nang sa gayon ay hindi ko na maramdaman pa ang sugatan kong puso, nang sa gayon ay hindi ko na mararanasan pa ang matinding pagod at kailan man ay wala ng luha pa na aagos sa aking mga mata, handa kong yakapin ang kamatayan kung sakali mang dito na magtatapos ang habang buhay na kasakitan na ito. Nauubusan na ako ng lakas upang huminga. Napaliyad ako sa huling pagkakataon nang tamaan ng latigo ang malaki at nakanganga kong sugat na ngayon ay dumudugo pa ng labis. Ang aking ulo ay nakatingala sa kalangitan. Patuloy na dinadamayan ang aking panaghoy ng mga niyebeng pumapatak sa aking mukha. Isang mahabang sigaw ang kumawala sa aking labi bago ko maramdamang tumigil na ang gwardiya sa paglatigo sa akin. At sa poste na ito kung saan ako nakalupaypay, ang buong katawan ay kinukumutan ng magkahalong putik at dugo, unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata. Ang aking ulirat ay unti- unting tumatakas sa aking katauhan. Pakupas nang pakupas rin ang sakit na aking nararamdaman nang balutin ako ng matinding kadiliman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD